Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Mula sa Bibig ng mga Sanggol
SINABI ni Jesus na “mula sa bibig ng mga sanggol at mga sumususo ay nilubos mo ang papuri.” (Mateo 21:16) Ito’y napatunayang totoo sa isang tres-anyos na batang babae sa Guadeloupe na ang ina ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang batang ito ay malimit na naiiwanan kasama ng lola pagka ang ina ng bata ay nagtatrabaho, at ang bata ay nagpapatotoo sa kaniyang lola.
Sinabi ng ina: “Ang anak ko ay laging nagsasabi sa kaniyang lola na mag-aral ng aklat na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.” Karaniwan nang ang sagot ay: “Hindi puede, alam mong ako ay nagmamadali at wala akong panahon para diyan, sapagkat dapat kong gawin ang trabaho ng iyong nanay.” Ngunit isang araw ang tres-anyos na bata ay nagpumilit na isali ang lola sa pag-aaral, binuksan niya ang aklat at pinasimulang ipaliwanag ang mga larawan tungkol sa Bibliya sa kaniyang lola. Nagtaka ang lola sa kaalaman ng kaniyang apo, kaya kumuha ang lola ng aklat at sinimulang basahin iyon. Natalos niya pagkatapos na ang sinasabi ng bata ay tama. Napukaw ang kaniyang interes, at siya’y nagbasa ng higit at higit pa.
Minsan naman pagkatapos, sinabi ng lola sa ina ng bata: “Noong nakaraan, hindi ako gaanong nagbigay-pansin sa sinasabi mo tungkol sa Salita ng Diyos. Ngunit ngayon ay hindi ko na masasabi iyan, sapagkat binabasa ko na ngayon ang Banal na Kasulatan.”
Hinimok ng bata ang kaniyang lola na dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, ginawa iyon ng babae upang palugdan ang bata. Siya’y lubhang humanga sa kaniyang napakinggan. Sa ngayon, ang lolang ito ay isang nag-alay na bautismadong Saksi ni Jehova.
Oo, mula sa bibig ng mga sanggol ay nanggagaling ang papuri kay Jehova. Anong laking kagalakan na lahat ng tatlong ito ngayon ay naglilingkod na sama-sama kay Jehova!
◻ Isa pang karanasan ng isang bata ang nanggagaling sa Nigeria. Isang pag-aaral sa Bibliya ang dinaos sa isang pamilya na binubuo ng ama, ina at dalawang anak na batang babae. Ang ama ay namatay, at ang ina ay nawalan ng interes at bumalik sa kaniyang dating relihiyon. Kaniyang pinilit ang mga bata, edad 7 at 12 anyos, na sumama sa kaniya. Ang mga bata ay lumaban nang puspusan alang-alang sa kanilang pananampalataya, at nakipagtalo pa man din sa mga lider ng relihiyong ito, kasali na ang pastor. Palibhasa’y nagapi ang pastor na ito ng mga katotohanan ng Bibliya, huminto na siya ng pagdalaw sa kanilang tahanan. Dahil sa ang siete-anyos na bata ay ayaw sumama sa kaniyang ina sa kaniyang simbahan, siya’y hindi binigyan ng ina ng anumang pagkain.
Isang araw, ang bata ay naparoon sa Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses, ngunit walang isa man na naroroon sapagkat ang mga Saksi ay nagpunta sa kombensiyon. Gayumpaman, ang bata ay umawit, nanalangin at nag-aral na para bang siya’y nasa isang regular na pulong.
Sa tahanan nang gabing iyon, ang bata ay hindi naman nawalang-galang sa kaniyang ina. Humanga sa kaniyang iginawi ang kaniyang ina at nakatulong ito upang manumbalik ang kaniyang interes sa katotohanan. Kaniyang ipinagpatuloy ang pakikipag-aral sa Bibliya sa mga Saksi, siya’y dumalo sa mga pulong at nagpatuloy sa kaniyang pag-unlad sa kaalaman sa Bibliya. Sa ngayon ang ina ay isang nag-alay at bautismadong lingkod ni Jehova at ang pitong-taóng-gulang na bata ay masigasig sa katotohanan.
Tunay na pinagpala ni Jehova ang katapatan ng siete-anyos na ito. Anong laki ng kagalakan na makita niya ngayon na ang kaniyang ina ay isa nang bautismadong Saksi! At anong laki ng pasasalamat ng ina na ang kaniyang anak ay nanatiling tapat kay Jehova!