Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 6/15 p. 26-29
  • ‘Si Miguel ang Dakilang Prinsipe’—Sino Siya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • ‘Si Miguel ang Dakilang Prinsipe’—Sino Siya?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Prinsipe ng Iyong Bayan”
  • Si Miguel ay ‘Tumatayo’
  • Ang Arkanghel
  • Digmaan sa Langit
  • Si Jesus ay Isang Anghel?
  • Sino si Miguel na Arkanghel?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Sino si Miguel na Arkanghel?
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Si Jesus ba ang Miguel na Arkanghel?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Miguel
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 6/15 p. 26-29

‘Si Miguel ang Dakilang Prinsipe’​—Sino Siya?

ANG espiritung nilikhang si Miguel ay hindi malimit binabanggit sa Bibliya, subalit pagka siya’y binanggit, sa tuwina’y madula ang konteksto. Sa Daniel makikita nating siya’y nakikipagbaka sa balakyot na mga anghel sa kapakanan ng bayan ng Diyos. Sa Judas siya ay nakikipagtalo kay Satanas tungkol sa bangkay ni Moises. At sa aklat ng Apocalipsis ibinubulusok niya sa lupa si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Maliwanag, si Miguel ay isang mahalagang persona sa langit. Samakatuwid, angkop naman na magtanong tayo, Sino ba si Miguel?

Sa loob ng maraming taon ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo na ang Miguel ay isang makalangit na pangalan ukol sa bugtong na Anak ng Diyos, na ang pangala’y Jesus nang narito siya sa lupa. Gayumpaman, karamihan ng mga ibang relihiyon ay naniniwala na si Miguel ay isa sa maraming arkanghel, na para bagang mahigit pa kaysa isa ang arkanghel. Dahilan dito, Ang turo ba ng mga Saksi ni Jehova ay tama? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Miguel?

“Ang Prinsipe ng Iyong Bayan”

Sa atin ay ipinakikilala ang isang nagngangalang Miguel sa aklat ng Daniel. Doon isang anghel ng Diyos ang tumutukoy sa kaniya ng ganito: “Subalit ang prinsipe ng kaharian ng Persiya ay nakatayo na salungat sa akin nang may dalawamput-isang araw, at, narito! si Miguel, isa sa mga pangunahing prinsipe ay dumating upang tulungan ako . . . At ngayon ako ay babalik upang makipagbaka sa prinsipe ng Persiya. Sa aking pagparoon, narito! ang prinsipe ng Gresya ay dumarating din. Gayumpaman, sasabihin ko sa iyo ang mga bagay na nakasulat sa aklat ng katotohanan, at walang umaalalay sa akin sa mga bagay na ito kundi si Miguel, ang prinsipe ng iyong bayan.”​—Daniel 10:13, 20, 21.

Dito nakikita natin ang nakabibighaning pangitain sa dako ng mga espiritu. Nakikita natin ang mga nilalang na espiritu​—mabuti at masama​—na lubhang kasangkot sa pamamalakad ng daigdig. Nariyan ang espiritung “prinsipe ng kaharian ng Persiya,” na sumasalansang sa mga aktibidades ng anghel ng Diyos. Pagkatapos ng Persiya magkakaroon ng “prinsipe ng Gresya,” na nagtataguyod ng mga intereses ng kapangyarihang pandaigdig na iyan. Kabilang sa mga espiritung nilalang na ito, si Miguel ay isa sa “mga pangunahing prinsipe.” Aling bansa ang kaniyang pinatnubayan at iniligtas? Maliwanag, iyon ay ang bayan ni Daniel, ang mga Judio.

Ang pangalang “Miguel” ay nangangahulugan ng “Sino ang Gaya ng Diyos?” na nagpapakita na ang punong prinsipeng ito ay nagtataguyod ng pagkasoberano ni Jehova. Yamang si Miguel ay kampeon din ng bayan ng Diyos, may dahilan tayo na kilalanin siya bilang ang di-pinanganlang anghel na sinugo ng Diyos upang magpauna sa mga Israelita daan-daang taon bago pa noon: “Narito aking sinusugo ang isang anghel sa unahan mo upang ingatan ka sa daan at upang dalhin ka sa dakong aking inihanda sa iyo. Mag-ingat kayo dahilan sa kaniya at dinggin ninyo ang kaniyang tinig. Huwag kayong maghimagsik laban sa kaniya, sapagkat hindi niya patatawarin ang iyong pagsalansang; sapagkat ang pangalan ko ay nasa kaniya.”​—Exodo 23:20, 21.

Makatuwiran na manghinuha na ito’y iyong anghel na nagdala ng napakaraming mahalagang pasabi sa bayan ng Diyos. (Gawa 7:30, 35; Hukom 2:1-3) Siya’y may ganap na kapamahalaan na galing sa Diyos upang kumilos ng dahil sa Kaniyang pangalan, gaya ng mga hari noong sinaunang panahon na nagkatiwala ng kanilang mga pantatak na singsing sa kanilang pinagtitiwalaang mga sakop, na nagbibigay kapangyarihan sa kanila na kumilos bilang kinatawan nila.​—Exodo 3:2, 3; 4:10.

Mayroon bang ano man dito upang papaniwalain tayo na si Miguel at si Jesu-Kristo ay iisa? Bueno, si Jesus ay tinatawag na ang “Salita.” (Juan 1:1) Siya ang tagapagsalita ng Diyos. Ang natatanging mensaherong anghel na ito ang maliwanag din na siyang punong tagapagsalita ng Diyos sa mga Israelita.

Si Miguel ay ‘Tumatayo’

Si Miguel “ang prinsipe ninyo.” Subalit siya’y tatanggap pa ng karagdagang kapangyarihan. Susunod nating makikita siya sa pangkatapusang kabanata ng aklat ng Daniel. “At sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na tumatayo sa ikabubuti ng mga anak ng bayan mo. Magkakaroon ng panahon ng kabagabagan na hindi nangyayari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon.”​—Daniel 12:1.

Sa Dan kabanata 11, ay inilarawan ni Daniel ang sunod-sunod na kapangyarihang pandaigdig noong panahon niya hanggang sa hinaharap. Kaniyang inilarawan ang pagbagsak ng Persiya at ang pagbangon ng Persiya. Pagkatapos ay sumunod ang paghahati-hati sa imperyo ng Persiya. Dalawa sa ibinungang kapangyarihan sa politika​—ang hari ng hilaga at ang hari ng timog​—ay magiging magkaribal sa kapangyarihan at manunupil sa bayan ng Diyos. Sa sukdulan ng pagkamagkaribal na yaon, si Miguel ay “tatayo.” Ano ang ibig sabihin nito?

Bueno sa mga ibang bahagi ng hula ring ito, ang terminong “tatayo” ay nangangahulugan na ang isa ay tumatanggap ng kapangyarihang magpuno bilang isang hari. (Daniel 11:3, 4, 7, 20, 21) Sa gayon, pagka si Miguel ay ‘tumayo’ siya man ay nagsisimula ng paghahari. Isaalang-alang ang mga ipinahiwatig nito.

Bago namatay si Daniel, ang huling Judiong hari, si Zedekias, ay ibinagsak. Hindi magkakaroon ng Judiong hari sa loob ng darating na daan-daang taon. Ipinakikita ng hula ni Daniel na balang araw ang bayan ng Diyos ay minsan pang magkakaroon ng isang hari​—si Miguel.

Si Ezekiel, ang kasabay na propeta ni Daniel, ang nanghula tungkol sa pagdating ng isa na “may legal na karapatan” na maghari uli sa bayan ng Diyos. (Ezekiel 21:25-27) Ang isang ito ay hindi yaong Levitang Maccabeo na humawak ng kapangyarihan sa loob ng maikling panahon ng pagsasarili. Yamang sila’y hindi mga inapo ni Haring David, sila’y walang “legal na karapatan” na maging hari. Bagkus, si Jesu-Kristo ang pinahiran ng Diyos upang magpuno bilang hari sa makalangit na kaharian. (Lucas 1:31-33; 22:29, 30; Awit 110:1) Siya ang tanging isa na pinahiran. Makatuwiran kung gayon na sabihin na si Jesus at si Miguel ay iisa.

Sa Daniel 7, may isa pang hula tungkol sa pagkasunod-sunod ng mga kapangyarihang pandaigdig na katulad ng sinasaysay sa Daniel 11. Sa huling bahagi ng hulang iyan ay mababasa natin na “ang isang gaya ng anak ng tao” ay “binigyan ng kapamahalaan at ng karangalan at ng kaharian.” (Daniel 7:13, 14) Ang isang “gaya ng anak ng tao,” ay kinikilala na si Jesus. (Mateo 10:23; 26:64; Apocalipsis 14:14) Sa gayon, sa katapusan ng isang hula, si Jesus ay nagiging isang hari. Doon sa isa pang hula sa Daniel, si Miguel ay nagiging isang hari. Yamang ang dalawang hulang iyon ay may kinalaman sa iisang panahon at iisang pangyayari, makatuwiran na sabihin na ang mga ito ay tungkol din sa iisang persona.

Ang Arkanghel

Ang susunod na mababasa natin tungkol kay Miguel ay sa Kasulatang Griegong Kristiyano. Ang aklat ng Judas ay nagsasabi sa atin: “Datapuwat nang ang arkanghel Miguel ay nakipaglaban sa Diyablo at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, siya ay hindi nangahas gumamit laban sa kaniya ng isang hatol na may pag-alipusta, kundi sinabi: ‘Sawayin ka nawa ni Jehova.’ ” (Judas 9) Ipinakikita ng pangyayaring ito ang kaugnayan ni Miguel sa sinaunang bayan ng Diyos. Samakatuwid, sinusuportahan nito ang argumento na siya ang anghel na nagpauna sa mga Israelita noon upang iligtas sila.

Napag-alaman natin buhat kay Judas na si Miguel ay isang arkanghel. Oo, siya ang arkanghel, yamang walang ibang arkanghel na binabanggit sa Bibliya, at ang Bibliya ay hindi tumutukoy sa “arkanghel” sa anyong pangmarami. Ang “Arkanghel” ay nangangahulugang “Puno ng mga anghel.” (Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament) Sa mga espiritung lingkod ng Diyos, dadalawang pangalan ang iniugnay sa kapamahalaan sa mga anghel: Miguel at Jesu-Kristo. (Mateo 16:27; 25:31; 2 Tesalonica 1:7) Ito man naman ay nangangatuwiran na si Jesus at si Miguel ay iisa.

Ang pangalan ni Jesus ay iniugnay sa salitang “arkanghel” sa isa sa mga liham ni Pablo. Ang apostol ay sumulat: “Ang Panginoon [si Jesus] mismo ang bababang mula sa langit na taglay ang pag-uutos, may tinig ng arkanghel at trumpeta ng Diyos.” (1 Tesalonica 4:16) Sang-ayon sa konteksto ang pangyayaring ito ay nagaganap sa panahon ng “pagkanaririto ng Panginoon,” sa pagpapasimula ni Jesus ng paghahari.​—1 Tesalonica 4:15; Mateo 24:3; Apocalipsis 11:15-18.

Kalooban ni Jehova at kaayusan din niya na buhayin ni Jesus ang mga patay. (Juan 6:38-40) Ang trumpeta ng Diyos ang tumutunog at nananawagan na manumbalik sa buhay ang mga patay, kung paano iniutos ng Diyos na gamitin ang mga trumpeta sa pagtitipon ng kaniyang bayan noon sinaunang panahon. (Bilang 10:1-10) Kay Jesus manggagaling ang “pag-uutos” na magbangon ang mga patay, gaya na rin ng ginawa niya noong siya’y narito sa lupa. (Juan 11:43) Subalit ngayon siya ay tumatawag, hindi sa pamamagitan ng tinig ng tao gaya ng ginawa niya noon, kundi taglay ang buong kapangyarihan ng tinig ng “arkanghel” (en pho·neʹ arkh·ag·geʹlou). Subalit, ang isang arkanghel lamang ang makapananawagan sa pamamagitan ng tinig ng arkanghel! At wala kundi si Jesus ang binigyan ng kapangyarihan na bumuhay ng mga patay. Sa gayon, ang hulang ito ay isa pang tumutulong upang makilala na si Jesus ang arkanghel, si Miguel.

Digmaan sa Langit

Ang pangkatapusang paglitaw sa Bibliya ng pangalang Miguel ay sa aklat ng Apocalipsis. Doo’y mababasa natin: “At sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka ngunit hindi sila nanganalo.” (Apocalipsis 12:7, 8) Dito’y makikita natin si Miguel na gumaganap ng tungkulin bilang arkanghel ng Diyos. Siya, kasama ang “kaniyang mga anghel,” ang tumatalo kay Satanas at ibinubulid siya dito sa lupa.

Ito ang pasimula ng “maikling yugto ng panahon” bago ang balakyot na sistema ni Satanas ay lubusang puksain. Pagkatapos ng pagkawasak ng Babilonyang Dakila sa kamay ng mga bansa, ang mga bansa naman ang pinupuksa ni Jesus at ng kaniyang hukbo ng mga anghel. (Apocalipsis 12:12; 17:16, 17; 19:11-16) Sa wakas, si Satanas ay kinukulong sa kalaliman sa loob ng isang libong taon, at pagkatapos ay lubusang pinupuksa sa “dagat-dagatang apoy.” (Apocalipsis 20:1, 2, 10) Ito​—ang matagal nang ipinangakong katapusang ‘pagdurog sa ulo ni Satanas’​—ay si Jesus din ang magsasagawa, kasabay ng pagbuhay mag-uli sa kaniyang espirituwal na mga kapatid.​—Genesis 3:15; Galacia 3:16; Roma 16:20.

Yamang si Jesus ang inihula na dudurog sa ulo ni Satanas, at yamang siya ang gumaganap ng lahat ng mga iba pang gawang paghuhukom na ito, makatuwiran lamang na manghinuha na siya ang mangunguna sa mga hukbo ng langit sa pagpapalayas kay Satanas sa langit. Sa gayon ang magtatagumpay na si Miguel na tinutukoy sa Apocalipsis 12 ay walang iba kundi si Jesus, na pinagsabihan ni Jehova na “humayo at manupil sa gitna ng [kaniyang] mga kaaway.”​—Awit 110:1, 2; Gawa 2:34, 35.

Ang paglitaw ng pangalang Miguel, imbes na Jesus, sa Apocalipsis 12 ay tumatawag ng ating pansin sa hula na tinalakay natin nang mas maaga sa Daniel kabanata 12. Sa Daniel mababasa natin ang pagtayo ni Miguel. (Daniel 12:1) Sa Apocalipsis kabanata 12, si Miguel ay kumikilos na gaya ng isang nagtatagumpay na hari na nagbubulid kay Satanas sa lupa. Ang resulta: “Sa aba ng lupa at ng dagat.”​—Apocalipsis 12:12.

Si Jesus ay Isang Anghel?

May mga tumututol at nagsasabing hindi raw si Jesus ang anghel ni Jehova na binanggit sa Kasulatang Hebreo. Para sa mga Trinitaryo, ang gayong pagkakilala ay naghaharap ng problema yamang ipinakikitang maliwanag na siya’y hindi kapantay ng Diyos na Jehova. Subalit kahit na ang iba na hindi naniniwala sa doktrina ng Trinidad ay naniniwala na ang pagsasabing isang anghel si Jesus ay nakakasira sa kaniyang karangalan.

Alalahanin na ang saligang kahulugan ng “anghel” (Hebreo, mal·’akhʹ; Griego, agʹge·los) ay “mensahero.” Bilang ang “Salita” (Griego, loʹgos), si Jesus ang mensahero ng Diyos na walang kaparis. Alalahanin din na bilang ang arkanghel, at “ang panganay sa lahat ng nilalang,” taglay ni Jesus ang pinakamataas na ranggo sa mga anghel kahit na bago siya naparito sa lupa.​—Colosas 1:15.

Totoo, sumulat si apostol Pablo sa mga Hebreo: “Siya [si Jesus] ay naging lalong mas magaling kaysa mga anghel sa dahilan na siya ay nagmana ng pangalan na lalong magaling kaysa kanila.” (Hebreo 1:4; Filipos 2:9, 10) Gayunman, nilalarawan nito ang kaniyang kalagayan pagkatapos na siya’y pumarito sa lupa. Siya pa rin ang arkanghel at ang “pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Apocalipsis 3:14) Ngunit siya’y naging lalong magaling kaysa mga anghel. Ang ‘lalong magaling na pangalan’ o posisyon ay hindi niya taglay bago siya naparito sa lupa. (Ang mga tekstong ito ay salungat sa turo ng mga Trinitaryo na ang Anak dati na at lagi na ay kapantay sa lahat ng paraan ng Ama.)

Samakatuwid, yamang si Miguel ang arkanghel, na puno ng mga anghel, dahilan sa siya’y tumatayo upang magpuno bilang Hari, at dahilan sa siya ang nangunguna sa pagbubulid kay Satanas dito sa lupa nang isilang ang Kaharian ng Diyos lahat na ito’y umaakay sa atin sa iisang konklusyon: ‘Si Miguel na dakilang prinsipe’ ay walang iba kundi si Jesu-Kristo mismo.​—Daniel 12:1.

[Mga blurb sa pahina 28, 29]

Si Miguel ang arkanghel na naging isang hari . . .

. . . Siya rin ang nanguna sa pagpapalayas kay Satanas sa langit

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share