Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 7/15 p. 10-15
  • Ang mga Gawa ba ng Tao ang Makahahadlang sa Kapahamakan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Gawa ba ng Tao ang Makahahadlang sa Kapahamakan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahalagang mga Bagay na Hindi Nagagawa
  • Di Malunasan ang Karalitaan
  • Ang Epekto ng Teknolohiya sa Digmaan
  • Kung Bakit Bigo ang Pagsisikap ng Tao
  • Impluwensiya ni Satanas
  • Anong Pag-asa?
  • Ang Pananampalataya at ang Iyong Kinabukasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Malapit Nang Magwakas ang Pagpapahintulot ng Diyos sa Pagdurusa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay”
    “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay”
  • Lahat ng Pagdurusa Malapit Nang Magwakas!
    Lahat ng Pagdurusa Malapit Nang Magwakas!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 7/15 p. 10-15

Ang mga Gawa ba ng Tao ang Makahahadlang sa Kapahamakan?

“Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang mga hakbang.’’​—JEREMIAS 10:23.

1, 2. Ano ang ilan sa mga nagawa na ng tao sa ika-20 siglong ito?

SA ATING ika-20 siglo, ang tao ay nakagawa ng kamangha-manghang mga bagay. Malaki ang nagawa sa edukasyon, sa siyensiya, at sa teknolohiya. Sa ngayon marami ang umaani ng pakinabang dito sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Sa iba’t-ibang bansa ay mayroong modernong mga gamit tulad halimbawa ng ilaw na de-koryente, gripo, at mga aplayanses na nakatutulong nang malaki. Gayundin, malaki ang nagagawa ng medisina sa pagtulong na masupil ang mga ilang sakit, tulad halimbawa ng bulutong, na dati ay mga salot.

2 Ang komunikasyon at transportasyon ay malaki rin ang isinulong. Sa tulong ng telepono, mga auto, mga tren, at mga eroplano tayo ay maaari ring makipagtalastasan o pumaroon sa mga iba’t-ibang lugar sa paraan na mas mabilis kaysa nagawa ng ating mga ninuno. Sa ngayon, may mga pangyayari sa kabilang panig ng mundo na maaaring ihatid sa atin karakaraka ng mga space satellites.

Mahalagang mga Bagay na Hindi Nagagawa

3, 4. Anong mahalagang mga bagay ang hindi nagagawa ng tao, na inihula ng Bibliya?

3 Gayunman, nakaharap sa sangkatauhan ang banta ng digmaang nukleyar, at mayroong mahahalagang mga bagay na hindi nagagawa kailanman ang mga tao. Halimbawa, sumulong ang edukasyon ngunit sumulong ba rin ang pagtuturo sa mga tao upang sila’y maging higit na tapat sa kapuwa at magkaroon ng malinis na pamumuhay? Sa Estados Unidos, ang mga kalugihan sa buwis dahilan sa pagdaraya ng marami ay umabot sa mahigit na 100 bilyong dolyar sa taun-taon. Sa isang bansa naman, sa isang malaking siyudad lamang, ayon sa ulat ay 17,000 mga opisyales ng pulisya ang inalis sa serbisyo dahilan sa ginagawang kalikuan nang may pitong taon na. Ang ganiyang pandaraya ay nagpapaalaala sa atin ng hula ng Bibliya sa 2 Timoteo kabanata 3 na kung saan sinasabi na sa “mga huling araw’’ na ito ang mga tao ay magiging ‘maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, di-tapat, walang pag-ibig sa kabutihan.’

4 At nariyan din ang imoralidad sa sekso. Ang adulterya at pakikiapid ay palasak ngayon kung kayat sa maraming lugar bihira ang mga pamilyang namumuhay nang may kalinisang-asal, na mapapanood mo sa mga pelikula sa sine o sa telebisyon, sa mga dulaan, o mababasa mo sa mga nobela. At ang imoralidad ang sanhi kung bakit taun-taon, sa buong daigdig, mga 55 milyong babae ang nagpapalaglag ng anak! Ito’y pagkalipol ng populasyon na mas malaki pa kaysa populasyon ng Argentina, o Canada, o Pransiya, o Poland, o 145 iba pang mga bansa​—sa taun-taon! Kayat samantalang ang isang sangay ng medisina ay nagpaparangalan ng pagsulong na nagligtas sa buhay ng mga ilang bata, ang isa namang sangay ay pumapatay sa angaw-angaw na mga sanggol na di pa isinisilang. Tulad ng inihula ng Bibliya, sa “mga huling araw’’ na ito maraming tao ang “walang pagpipigil-sa-sarili’’ at “walang katutubong pagmamahal.’’​—2 Timoteo 3:3.

5. Ano ang ilang resulta sa kalusugan ng palasak na imoralidad sa ngayon?

5 Ang imoralidad sa sekso ang sanhi ng katakut-takot na sakit na napapasalin sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik. Maraming uri ng sakit na ito ang hindi na tinatablan ng gamot. Ang malaganap na sakit na tinatawag na genital herpes ay wala pang gamot na maaaring panlunas hanggang sa ngayon. At mabilis na dumarami ang mga sanggol na mayroon nito, na isinilang ng mga inang mayroon nito. Mga kalahati ng mga sanggol na ito ang namamatay, at para sa nalalabing bahagi, kalahati ang napinsala ang katawan o isip. At hindi pa rin nakakatuklas ng lunas magpahanggang ngayon sa AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome), ang sakit na nagiging isang hiwaga sa mga doktor. Ang AIDS ay matatagpuan sa di-kukulangin sa 33 bansa “at ngayon ay isang nagbabantang panganib sa kalusugan sa buong globo’’ ang sabi ng Associated Press. Ang lalong madaling tablan nito ay ang mga homoseksuwal, kayat naaalaala tuloy natin ang Roma 1:27.

6. Napigil ba ng siyensiya ng medisina ang daluyong ng mga sakit sa buong daigdig?

6 Hindi mapigil ng siyensiya ng medisina ang daluyong ng marami pang sakit ngayon. Sa Aprika lamang, angaw-angaw ang may sakit na malaria, sleeping sickness, ketong, at iba pa. Sa maunlad na mga bansa naman ang kanser, sakit sa puso, diabetes, cirrhosis, at ang sakit sa isip ay lumalago. Ang iba nito ay nilikha, o pinalubha, ng mga kabalisahan na dulot ng lipunan ng negosyo sa panahong ito. Ang iba ay resulta ng walang disiplinang pamumuhay.

7. Posible ba na dahil sa pagsulong sa medisina ay makapanatili tayong laging nasa mabuting kalusugan?

7 Kung maraming mga sakit ang nakukontrol, tayo kaya ay mapanatili ng siyensiya ng medisina sa mabuting kalusugan? Hindi, ang sabi ng maraming mga siyentipiko. Kanilang ipinakikita na bagamat ang haba ng buhay ay maaaring palawigin ng mga ilang taon pa, ang mga ibang sakit ay maaaring pumatay ng lalong marami. Isang siyentipiko ang nagsabi: “Mayroong bahagyang tsansa na mapahahaba natin nang malaki ang buhay o maipagpapaliban ang pagtanda sa malapit na hinaharap.’’ Tumpak na sinabi ng Bibliya ang katotohanan na nasa Awit 90:10: “Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitumpung taon, o kung dahil sa kalakasan ay umaabot ng walumpung taon; gayunma’y ang kanilang kapalaluan ay hirap at kapanglawan; sapagkat madaling napapawi, at kami ay nagsisilipad.’’

Di Malunasan ang Karalitaan

8. Paano inihula ng Bibliya na hindi malulunasan ng teknolohiya ang karalitaan?

8 Dahilan sa teknolohiya ay naging lalong kombinyente ang pamumuhay para sa mga ibang tao, totoo iyan. Subalit marami namang mga iba ang walang sapat na salapi upang mabili ang mga produkto ng teknolohiya. Ang publikasyon na World Military and Social Expenditures 1983 ay nag-ulat: “2,000,000,000 na mga tao ang namumuhay sa kitang mababa pa sa $500 [U.S.] sa bawat taon.’’ Ito’y nagpatuloy pa: “Di kukulangin sa isang tao sa lima ang pobreng-pobre, anupat para na ring pagpapatiwakal iyon.’’ Pagkatapos ay binanggit pa na sa taun-taon “11,000,000 na mga sanggol ang namamatay bago makakumpleto ng kanilang unang taon, dahil sa malnutrisyon o sakit.​—Apocalipsis 6:5-8.

9. Anong malungkot na kalagayan ang umiiral sa maraming bansa?

9 Sa mga ibang bansa naman, ang sabi ng The Detroit News, “maraming babae ang napakaraming anak at hindi nila kaya na buhayin ang mga ito. . . . Malimit, ang ginagawa ng gayong mga ina ay basta . . . iniiwan sa kalye ang anak. Mayroong angaw-angaw ng gayong mga bata. Sa mga ibang lugar, ang mga magulang ay abandonado. Isang peryodista sa Asia ang sumulat: “Libu-libong matatanda ang pinaaalis sa kanilang tahanan dahil sa hindi na kaya ng kanilang pamilya na pakainin sila. Walang mga ahensiya ng kawanggawa na maaaring magbigay ng tulong. Madalas na ang mga anak pa ng matatandang ito ang nagsasakay sa kanila sa isang tren at pagdating sa isang lugar ay ibababa sila roon o iiwanan na lamang sila roon sa istasyon ng tren.’’ Isinusog pa ng manunulat: “Nakapangingilabot ang ganiyang pagbabago sa isang kultura na may lubhang paggalang sa matatanda.’’ Sa panahon natin ay natutupad ang sinasabi ng Kawikaan 30:11, na: “May lahi na tumutungayaw sa kanilang ama, at hindi nila pinagpapala kahit ang kanilang ina.’’

10. Gaano bang katatag ang pananalapi ng daigdig, na nagpapaalaala ng anong hula ni Jesus?

10 Hindi malunasan ng mga gobyerno ng tao ang problema ng karalitaan sa buong mundo. Ang mga bansang maralita ay pinahihirapan ng lumalaking utang na hindi nila mabayad-bayaran. Kahit na ang mauunlad na mga bansa ay labis-labis ang mga pagkakautang. Kaya ang resulta nito ay ang pagbagsak ng maraming mga bangko sa Estados Unidos noong nakaraang taon. Nang isa sa pinakamalaking bangko ang nasa panganib, kaya lamang hindi bumagsak ito ay dahil sa itinulong ng gobyerno na bilyung-bilyon dolyar. Ipinangangamba noon na kung ang ganiyang malaking bangko ay babagsak, “maiimpluwensiyahan nito ang mga ibang bangko, kayat manganganib ang buong sistema ng pananalapi,’’ ang ulat ng The New York Times. Kung gayon, patuloy na nagiging mahirap na mapigil ang kapahamakan. Sa katunayan, sa bawat lumilipas na taon ay lalong nagiging totoo ang obserbasyon ng Guardian ng Inglatera: “Ang daigdig ay nasa bingit ng isang kapahamakan at ng pagguho ng sistema politikal . . . Buu-buong mga kontinente ang nakadarama ng pagkaunsyami ng kanilang pag-asa sa hinaharap.’’​—Lucas 21:25, 26.

Ang Epekto ng Teknolohiya sa Digmaan

11. Anong isa pang problema na hindi malutas ng mga pamahalaan ang lalong pinalubha ng teknolohiya?

11 Lalong pinalubha ng teknolohiya ang isang bagay na hindi mapigil ng mga gobyerno: ang digmaan. Ang teknolohiya ang dahilan kung bakit sa Pandaigdig na Digmaang I ay katakut-takot na mga tao ang nasawi dahilan sa ginamit doon ang mga machine gun, submarino, mga eroplanong panggiyera, tangke, at mga flamethrowers. Sinabi ng autor ng Britaniya na si Richard Rees: “Ang digmaan noong 1914-18 ang naghayag ng dalawang katotohanan: una, na ang pagsulong sa teknolohiya ay umabot sa punto na kung saan makapagpapatuloy ito na walang dulot na pinsala tangi lamang kung may isang nagkakaisang daigdig at, ikalawa, na ang umiiral na mga organisasyong politikal at sosyal sa daigdig ang nagpapaging-imposible sa pagkakaisang ito.’’ Pinatutunayan ito ng Digmaang Pandaigdig II, nang mga bagong armas ang ginamit at pumatay sa humigit-kumulang 55 milyong katao.

12. Anong mga panganib ang nakaharap sa sangkatauhan ngayon?

12 Sa ngayon ang mga armas sa digmaan ay lalong kakila-kilabot, at ang mga pamahalaan ay malayung-malayo sa pagkakaisa. Tungkol sa mga armas nukleyar, sinabi ng autor na si Herman Wouk: “Pinagbubuhusan ito ng kadalubhasaan ng isip, ng pagod, at ng kayamanan . . . kaya naman talagang isang malaking palaisipan ang kabaliwang ito. Kung sana’y hindi natutuhan ng mga bansa ang digmaan, lahat ay posibleng magawa ng tao.’’ Ganito naman ang sabi ng astronomong si Carl Sagan tungkol sa digmaang nukleyar: “Tiyak na ang ating sibilisasyong pangglobo ay malilipol.’’ At samantalang ang bantang ito ng pambuong-lupang kapahamakan ay nakabitin sa sangkatauhan, marami pang ibang mga pagbabaka-baka ang sumasawi sa maraming buhay. Ang Center for Defense Information sa Estados Unidos ay nag-ulat na noong 1984 mayroong 42 iba’t-ibang digmaan at rebelyon na naganap sabay-sabay! Hindi man lamang mapahinto ng mga gobyerno ang daluyong ng krimen at karahasan sa kanilang sariling mga bansa, di lalo nang hindi nila magagawa ang magtatag ng kapayapaan sa buong globo.

13. Ang karahasan ba sa buong mundo ngayon ay katuparan ng hula ng Bibliya?

13 Lahat na ito ay katuparan ng hula sa Apocalipsis 6:4 tungkol sa pangangabayo ng ‘apat na mangangabayo ng Apocalipsis’ sapol noong 1914: “At isa pa ang lumabas, isang kabayong mapula; at yaong nakasakay dito ay pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan sa lupa upang sila’y magpatay-patayan; at isang malaking tabak ang ibinigay sa kaniya.’’

Kung Bakit Bigo ang Pagsisikap ng Tao

14, 15. Ano ang isang pangunahing dahilan kung bakit hindi magtagumpay ang mga tao sa kanilang mga layunin ngayon?

14 Bakit may dahilang mangamba na ang mga nagawa ng tao ay hindi makahahadlang sa kapahamakan? Oo, bakit hindi maisagawa ng mga tao ang kanilang mga nilayon? Ipinakikita ng Bibliya ang isang pangunahing dahilan: “Sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoo’y lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.’’ (Roma 5:12) Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay nilikha na sakdal ang katawan at isip. Subalit ang kasakdalang iyon ay depende sa kanilang pagsunod sa mga batas ng Diyos. Sa loob ng nasasakupan ng mga batas na iyon ay binigyan sila ng malaking kalayaan na pumili. Subalit ang Genesis kabanatang 3 ay nagpapatunay na ang ating unang mga magulang ay lumabis sa kanilang kalayaan. Ibig nilang maging malasarili kung tungkol sa pagsunod sa Diyos at sa pagsunod sa kaniyang mga batas, ibig nilang magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang tama o mali, na isang karapatan na para sa Diyos lamang. Pagkatapos na gumawa sila ng gayong pagpili, sila ay sumunod na sa kanilang sarili. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Si Jehova ay sumasa-iyo habang pinatutunayan mo na ikaw naman ay sumasa-kaniya; . . . subalit kung hihiwalay ka sa kaniya siya’y hihiwalay sa iyo.’’ (2 Cronica 15:2) Ngayong sina Adan at Eva ay hiwalay na sa Diyos, sila’y unti-unting nalalaos. Ang sakit, dalamhati, at sa wakas kamatayan ang sumapit sa kanila.​—Genesis 2:16, 17.

15 Pagkatapos na maging di-sakdal ang ating mga unang magulang, ang batas ng genetics o pagmamana ang gumana kung kayat lahat ng kanilang mga supling ay nagmana ng di-kasakdalan. Inamin ng salmista: “Ako’y inanyuan sa kasamaan, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.’’ (Awit 51:5) Walang bahagya mang kakayahan ang siyensiya ng medisina na mapagtagumpayan ang ibinunga ng minanang di-kasakdalan. Ang pagsisikap ng mga ilang mediko na mapawi ang sakit at kamatayan ay pagsisikap sa isang bagay na hindi magagawa ng tao​—kailanman.

16. Paano apektado ng di-kasakdalan ang kaisipan ng tao?

16 Ang minanang di-kasakdalan ay may epekto rin sa kalagayan ng ating kaisipan. Lahat tayo ay ipinanganak na taglay ang hilig na gumawa ng masama. Bueno, hindi ibig sabihin na hindi maaaring masupil ng mga tao ang kanilang mga kilos. Maaari kung gagawa sila ng pagtutuwid. Ito’y ipinakikita ng Kawikaan 3:6 na nagsasabi: “Sa lahat ng iyong lakad ay magbigay-pansin ka sa kaniya [kay Jehova], at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.’’ Datapuwat, pagka ipinagwalang-bahala ng mga tao ang ganiyang pagtutuwid, sila ay napapasangkot sa malaking suliranin. At miyentras lumalayo ang mga tao at mga bansa sa mga batas ng Diyos, lalong sumásamâ ang kanilang ikinikilos, at ang likas na hilig nila ay sa kaimbutan. Sa bagay na ito isang editorial sa New York Times ang nagsabi ng ganito: “Biglang pagmasdan mo ang mga paulong-balita ngayon at iisipin mo kung saan nga patungo ang daigdig. . . . Tingnan mo ang nangyayari pagka isinauna ng mga tao, institusyon at mga bansa ang kanilang mapag-imbot na mga kapakanan. . . . Maliwanag na sa lahat ng bansa ang gumagana ay ang pumipinsalang kaimbutan.’’

Impluwensiya ni Satanas

17, 18. Ano pa ang isang pangunahing dahilan kung bakit hindi magtagumpay ang mga tao sa kanilang layunin?

17 Ang isa pang pangunahing dahilan na nagpapaliwanag kung bakit ang mga tao ay hindi magtagumpay sa kanilang layunin at mahadlangan ang kapahamakan ay yaong impluwensiya na binabanggit sa 2 Corinto 4:4, na tumutukoy sa “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.’’ Ang iba na walang kaalaman sa Bibliya ay nag-iisip marahil na ang diyos na tinutukoy dito ay ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Subalit ang talata ring iyan ang nagsasabi pa na ang diyos na ito ang “bumulag sa pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.’’ Tiyak, ang maibiging Maylikha ay hindi gagawa ng ganiyan. Ang diyos na tinutukoy dito ay siya ring diyos na binanggit sa 1 Juan 5:19, na nagsasabi: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot.’’

18 Ang diyos na sumusupil sa kasalukuyang sanlibutan ay ipinakikilala sa Apocalipsis 12:9 bilang “ang isa na tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumadaya sa buong tinatahanang lupa.’’ Ang pangalang Satanas ay nangangahulugang “Mananalansang’’ o “Kalaban.’’ Ang pangalang Diyablo ay nangangahulugang “Sinungaling na Tagapagparatang,’’ o “Maninirang-puri.’’ Angkop na angkop ang mga pananalitang ito, sapagkat ang rebelyon ni Adan at ni Eva ay ginawa nila sa sulsol ng rebeldeng ito sa dako ng mga espiritu. Siya ang nagsabi kay Eva, na ganito ang pinakadiwa: ‘Hindi mo na kailangan ang mga batas ng Diyos. Maaari kang magpasiya para sa iyong sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali.’ Subalit, sa gayong paghiwalay sa Diyos, ang kaisipan ni Satanas ay nagpakasama. Ito’y makikita sa kaniyang mga gawa, sapagkat masdan lamang ang daigdig na ito na nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan! Ang pangit at masamang kinalabasan ng sangkatauhan ay nagpapatunay na nasa likod nito ang isang pangit at masamang impluwensiya.

Anong Pag-asa?

19. Ano ang mungkahi ng mga ilang tagapagmasid tungkol sa lunas sa mga suliranin ng daigdig na ito?

19 Ang mga ilang tagapagmasid sa magulong daigdig na ito ay mayroong mga obserbasyon tungkol sa lunas para sa suliranin ng sangkatauhan. Sinabi ng The Gazette ng Montreal: “Mga 150 grupo ng mga politiko ng mga bansa ang may kani-kaniyang direksiyon na pinupuntahan, at ang planetang lupa ay dinadala nila sa masalimuot na kaguluhan. Gayunman karamihan ng mga pangunahing problema ng daigdig ay pangglobo sapagkat dahilan sa teknolohiya ng transportasyon at komunikasyon ang daigdig ay isa na lamang pangglobong komunidad o pamayanan.’’ Pagkatapos ay inirekomenda nito: “Kailangan ang isang pandaigdig na pamahalaan.’’ Sinabi ng sosyologong si Erich Fromm na ang mga problema ng daigdig na ito ay maaaring malunasan “tangi lamang kung ang buong [sosyal at politikal na] sistemang ito na umiral noong nakalipas na 6000 taon ng kasaysayan ay hahalinhan ng isang naiibang sistema.’’​—Amin ang italiko.

20. (a) Bakit ang minimithing mga tunguhin ay hindi makakamit sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao? (b) Kanino natin dapat ilagak ang ating tiwala para sa hinaharap?

20 Hindi natatalos ng ganiyang mga tagapagmasid ang katotohanang ito, na ang buong sistema ng lipunan at pamahalaan nito ay “hahalinhan ng isang naiibang sistema’’! Hindi na malalaunan at magkakaroon ng isa lamang pandaigdig na pamahalaan para sa buong sangkatauhan. Subalit hindi mga tao ang gagawa nito. Kung mga tao lamang ay wala silang kapangyarihan na hadlangan ang kapahamakan. Tunay na hindi nila mahahalinhan ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ng isang lalong mainam na sistema, gaya ng pinatunayan ng kasaysayan. Hindi nila maaaring maalis ang minanang di-kasakdalan, sakit, at kamatayan. At hindi maaaring maalis si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Sa halip, ang nakalipas na mga pangyayari sa sangkatauhan ay nagpatunay na totoo ang kinasihang salita: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang mga hakbang.’’ (Jeremias 10:23) Kayat ang payo ng Salita ng Diyos: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.’’ (Awit 146:3) Kung gayon, kanino tayo dapat magtiwala? Ang Kawikaan 3:5 ay nagpapayo: “Magtiwala ka kay Jehova ng iyong buong puso at huwag kang sumandig sa iyong sariling kaunawaan.’’ Bakit tayo dapat magkaroon ng gayong tiwala kay Jehova? Sapagkat magagawa niya ang hindi magagawa ng tao, gaya ng pinatutunayan ng sumusunod na artikulo.

Mga Tanong sa Repaso

◻ Anong mahalagang mga bagay ang hindi nagawa ng mga tao?

◻ Paano lalong pinalubha ng teknolohiya ang bunga ng digmaan?

◻ Bakit malimit na bigo ang pagsisikap ng tao?

◻ Dahil sa kabiguan ng tao, ano ang matalinong dapat gawin?

[Larawan sa pahina 11]

Hindi napigil ng siyensiya ng medisina ang salot ng sakit at kamatayan

[Larawan sa pahina 12]

Hindi maaalis ng mga pamahalaan ng tao ang karalitaan sa buong mundo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share