Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 8/1 p. 4-7
  • Bakit Kailangan ang Digmaan ng Armagedon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Kailangan ang Digmaan ng Armagedon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Kapahayagan ng Pag-ibig ng Diyos
  • Ang Suliranin ng Pagkasoberano
  • Sasapatan ang mga Pangangailangan ng Tao
  • Armagedon—Isang Maligayang Pasimula
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Ano ang Digmaan ng Armagedon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Armagedon—Kailan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Pagkaraan ng Armahedon, Isang Paraisong Lupa
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 8/1 p. 4-7

Bakit Kailangan ang Digmaan ng Armagedon

“ANG DIYOS AY PAG-IBIG.” Hindi lamang nagpapakita ng pag-ibig ang Diyos, ang sabi ng apostol Juan, kundi siya ay pag-ibig​—ang mismong kabuuan ng pag-ibig.​—1 Juan 4:8.

Subalit, ang Diyos na ito ng pag-ibig ay malimit na inilalarawan na isang mapaghiganting diyos na nagpaparusa nang buong kalupitan sa mga taong hindi nakalulugod sa kaniya. Kaya nga, marami ang nawalan ng pananampalataya sa Diyos o kaya’y kanilang kinukutya ang Bibliya, at sinasabi nila na hindi maaaring nagmula ito sa ganiyang Diyos. At lalung-lalo na ang mga bahagi ng aklat ng Apocalipsis ang dinudusta dahilan sa dito inilalarawan ang mga kahatulan ng Diyos sa mga balakyot, na humahantong sa digmaan ng Armagedon.

Halimbawa, si Joseph Wheless ay sumulat sa kaniyang aklat Is It God’s Word?: “Tiyak na ang malumanay na mambabasa ay hindi makakaagwanta sa pangitain sa Apocalipsis na doon ang mga kaawa-awang makasalanan (sila’y nagkasala man ng orihinal o ng mortal na kasalanan), ay inilalarawan na ‘pinahihirapan sa apoy at asupre sa harap ng mga banal na anghel, at sa harap ng Kordero,’ na nagmamasid lamang samantalang ‘ang usok ng pagpapahirap sa kanila ay pumapailanglang na paitaas magpakailanman: at sila’y walang pahinga araw o gabi’ dahil sa kabagsikan ng galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat (Apoc. xiv, 10, 11). Ito ang kinasihang pagpapahayag ng Diyos ng pag-ibig.”

Gayundin pagkatapos na magbigay ng ganiyang kuru-kuro tungkol sa mga pangitain sa Apocalipsis, si Propesor Gerald A. Larue ng University of Southern California ay sumulat kamakailan sa magasing Free Inquiry: “Ang mga di-sumasampalataya ay ibinubulid sa kalaliman na doo’y dumaranas sila ng pahirap na hindi mo maubos-maisip. Ang parusa ay hindi lex talionis, ang katarungan na mata sa mata; at hindi rin ito gaya ng katarungang paghihigantihan ng isa’t-isa, na kung saan ang isang buong grupo ay maaaring malipol (Ihambing sa Gen. 4:23, [24]; Jos. 6; atbp). Dito ang pagpaparusa ay walang hanggan. Walang awa, hindi kailanman natatapos ang pagpaparusa. Walang pagpapatawad, kundi pagpaparusa lamang na panghabang panahon. Ito’y malayo sa paglalarawan kay Jesus bilang maamo at mahinahon.” Pagkatapos, kaniyang sinipi ang Apocalipsis 14:9-11, at ganito ang sabi: “Dito’y hindi iniutos ang paghaharap ng kabilang pisngi​—kundi isang buhong na kalupitan ang makikita na doo’y bale-wala ang ginawang kabuhungan ng mga Nazi kung ihahambing.”

Kaya naman, ang ganiyang paglalarawan ng kalupitan at pagpaparusa nang walang hanggan sa mga makasalanan ay maaaring magbangon ng pag-aalinlangan na kung mayroon nga bagang isang ‘Diyos ng pag-ibig.’ Ngunit ang ganiyang kuru-kuro ay nakasalig sa maling pagkaunawa sa Bibliya at sa mga simbolismo na ginagamit dito. Saanmang lugar ay walang itinuturo ang Bibliya na ang kaluluwa ay walang kamatayan. Bagkus, itinuturo ng Kasulatan na “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan”​—hindi walang hanggang parusa​—at sa kamatayan ang pakiramdam ng isang tao, pati na ang kakayahan niya na makaramdam ng kirot, ay nawawala na.​—Roma 6:23; Eclesiastes 9:5, 10.

Ang kaparusahan, hindi ang pagpaparusa, ang walang hanggan​—samantalang ang mga balakyot ay lubusang nalilipol sa “dagat-dagatang apoy,” isang simbolo o sagisag ng lubos na pagkapuksa. (Apocalipsis 20:14, 15; 21:8) Gayunman, ang digmaan ng Armagedon ay magdadala ng di-kawasang kahirapan at pagdurusa sa sangkatauhan at ito ang pinakamadugong digmaan na masasaksihan magpakailanman. (Mateo 24:21, 22; Apocalipsis 14:20; 19:17, 18) Ang digmaan bang ito’y buhat sa ‘Diyos ng pag-ibig?’ Talaga nga kayang pangyayarihin ng Diyos ang gayong digmaan?

Isang Kapahayagan ng Pag-ibig ng Diyos

Ang totoo, dahilan nga sa pag-ibig ng Diyos kung kaya magkakaroon ng labanan sa Armagedon. Ang layunin ng Diyos na Jehova para sa lupa ay isauli ito sa orihinal na kalagayang Paraiso at mamuhay dito ang sangkatauhan sa kapayapaan at kasakdalan “na walang tatakot sa kanila.” (Ezekiel 34:28; Mikas 4:3, 4; Apocalipsis 21:4) Ano ang gagawin sa mga taong, dahil sa kanilang krimen at karahasan, ay masisira ang katiwasayan ng isasauling Paraiso? Walang sistemang binuo ng tao ang nagtagumpay na sa ganiyang problema. Ang tanging paraan upang magkaroon ng ganap na kapayapaan ay alisin kahit na ang banta ng kabalakyutan. Oo, pupuksain ng Diyos ang pusakal na mga balakyot alang-alang sa mga taong ibig na gumawa ng matuwid. Nang dahil sa pag-ibig ay kikilos siya upang alisin sa lupang ito ang lahat ng nagpapahamak dito.​—Apocalipsis 11:18.

Subalit walang sinuman na kailangang mamatay. “Ang kalooban [ng Diyos] ay na lahat ng uri ng tao ay maligtas,” ang isinulat ni apostol Pablo. (1 Timoteo 2:4) At si Pedro, ay kinasihan din na sumulat: “Hindi niya ibig na ang sinuman ay mapuksa kundi ang nais niya’y lahat ay magsisi.” (2 Pedro 3:9) Isinaayos ng Diyos na ang “mabuting balita ng kaharian” ay maipangaral upang bawat tao ay magkaroon ng pagkakataon na magsikap tungo sa kaniyang sariling kaligtasan. (Mateo 24:14; Filipos 2:12; Galacia 6:5) Maaari kang mabuhay magpakailanman sa kasakdalan sa isang lupang paraiso. Ikaw ang maaaring magpasiya. (Roma 2:5-9; Ezekiel 18:23, 32) Hindi ba ito ang aasahan mo buhat sa isang Diyos ng pag-ibig?

Ang Suliranin ng Pagkasoberano

Upang magkaroon ng ganap na kapayapaan at katahimikan, magkakaroon ng isa lamang gobyerno sa buong lupa​—ang Kaharian ng Diyos. Hindi ba ang maraming gobyerno ng tao, na pawang nagtataguyod ng kanilang sariling makabansang mga kapakanan, ang sanhi ng ganiyang gulo at pagdanak ng dugo sa buong lupa? Ang mga pamahalaang ito ay kailangang alisin upang halinhan naman ng matuwid na pamamahala sa ilalim ni Kristo, ang Kaharian ng Diyos. (Daniel 2:44) Ang makalangit na pamahalaang iyon ang hinihiling mo na dumating na pagka inuulit-ulit mo ang huwarang panalangin na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:10.

Subalit alin bang pamahalaan ang alam mo na handang isuko ang kaniyang soberania at magpasakop na lubusan sa Kaharian ng Diyos? Hindi baga ang mga pamahalaan ay nanghahawakang mahigpit sa kanilang sariling mga kapangyarihan bilang mga bansa, at patuloy na nagsisikap na mapalawak ang kanilang teritoryong nasasakupan na ito’y paglaban sa tatag na Kaharian ng Diyos? (Awit 2:1-9) Mayroon bang anumang palatandaan na nagpapakitang ang mga bansa ay susuko sa Diyos at kay Kristo kung tungkol sa kanilang mga pamamahala? Ang kawalang-bisa ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa bilang isang kasangkapan para sa pagkatupad ng pandaigdig na kapayapaan ay nagpapatunay ng kaayawan ng mga bansa na sumuko para ipagparaya ang mga intereses ng kanilang mga bansa at pasakop sa isang nag-iisang awtoridad. Ang mga bansa ay disidido na pamahalaan ang lupa ayon sa kani-kanilang paraan. (Apocalipsis 17:13, 14; 19:19) Kaya’t ang digmaan ng Armagedon ay kailangang maganap upang malutas ang bagay na ito pati ang suliranin na kung sino ang may karapatan na maghari sa lupa.

Sasapatan ang mga Pangangailangan ng Tao

Ang gagawing pagkilos ni Jehova sa Armagedon ay ukol sa pinakamabuting kapakanan ng sangkatauhan. Mag-isip sandali. Ano ba ang pakiwari mo tungkol sa kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig? Gusto mo ba ng mga ito? Ikaw ba’y nakadarama ng katiwasayan samantalang nagbabanta ang digmaang nuklear? Ikaw ba ay nangingilabot pagka nasasaksihan mo ang patuloy na lumalagong karahasan, at hindi na rin ligtas na maglakad ka man lamang sa iyong sariling pamayanan? Ikaw ba’y nababahala tungkol sa iyong mga anak at sa kanilang kinabukasan? Anong lunas ang iyong natatanaw? Ang anuman bang pamahalaan ay nagpakita na yao’y makapagdadala ng kapayapaan at kaunlaran sa buong sangkatauhan? Mayroon bang anumang pamahalaan na nakapag-alis na ng sakit o kamatayan sa lupang ito? Sa halip, hindi ba ang mga kalagayan sa buong daigdig ay lalong sumamâ bagama’t sumulong ang kaalaman ng tao sa teknolohiya, at kadalasan ay dahilan ito sa ganiyang mga pagsulong? Tanging ang matuwid na Kaharian ng Diyos ang lubusang makasasapat sa pangangailangan ng tao. Sa pamamagitan lamang nito iiral ang tunay na kapayapaan sa buong lupa. Kaya kailangan ang digmaan ng Armagedon!

Subalit kumusta naman ang paghihirap at pagdurusa ng tao na magiging resulta nito pagka kumilos na ang Diyos para linisin ang lupa? Ang mga ito’y sa tuwina resulta ng digmaan. Ang mga ito’y mangyayari sa Armagedon dahil lamang sa ang mga bansa ay totoong salungat na salungat sa pamamahalang teokratiko. Sila’y disidido na lumaban. (Awit 2:2, 3) Hindi ito kasalanan ng Diyos upang siya ang sisihin. Siya’y nagbibigay sa kanila ng kaukulang babala: “At ngayon, Oh mga hari, makinig kayo; makinig kayo sa babala, kayong mga hari sa lupa. Maglingkod sa Panginoon nang may takot, at kagalakan sa harap niya; manginig kayo at magbigay kapurihan sa kaniya, sapagkat baka siya magalit at kayo’y mapahamak sa daan, pagka nagsiklab nang bigla ang kaniyang galit. Maligaya ang lahat ng nanganganlong sa kaniya!”​—Awit 2:10, 11, The New American Bible.

Ngayon ay mag-isip ka. Ano kaya ang magiging kalagayan ng sanlibutan kung hindi kikilos ang Diyos upang ituwid ang kalakaran ng sanlibutan? Hindi baga ang mga digmaan, ang karahasan, at ang mga pagkakapootan ay magpapatuloy nang walang patumangga gaya rin ng nangyari sa buong nalakarang ito ng pamamahala ng tao? Hindi baga patuloy na lumulubha ito hanggang sa ang sangkatauhan ngayon ay pinagbabantaan ng kakila-kilabot na digmaang nuklear at ng lason na idudulot nito? Ang totoo pa nga’y ang Armagedon ang pinakamagaling na bagay na maaaring mangyari sa ating mundong ito! Wawakasan nito ang ginagawa ngayon ng mga bansa na patungo sa pagpapatiwakal. Aalisin nito ang sistema na nagdadala ng miserableng kahirapan sa sangkatauhan at magbibigay-daan sa isang matuwid na bagong sistema ng mga bagay na doon ang lahat ng gawang-taong kalungkutan, sakit, at kamatayan ay maaalis na magpakailanman. At kung magkagayon ‘ang mga dating bagay ay mapaparam na,’ ayon sa ipinangako ng Diyos.​—Apocalipsis 21:4; 2 Pedro 3:13.

Tandaan natin na ang Diyos sa kaniyang karunungan ang nakakaalam kung ano ang pinakamagaling para sa tao at kung ano ang kinakailangan upang kamtin ito. Maging ang mga pamahalaan man ng tao ay nagmungkahi ng digmaan at nagdidigmaan upang ituwid ang waring mga pang-api o kanilang ipinaglalaban ang inaakala nilang isang marangal na layunin. Subalit ang Diyos lamang ang may karunungan na ipaglaban ang isang makatarungang digmaan. Siya lamang ang makapagsasagawa ng isang digmaan na kung saan ang matuwid na mga tao, saanman sila naroroon sa lupa, ay maliligtas. (Mateo 24:40, 41; Apocalipsis 7:9, 10, 13-17) At tanging ang Diyos lamang ang may karapatan na ipasunod ang kaniyang pagkasoberano sa buong lupa, sapagkat ito ay paglalang niya. Oo, upang maalis ang lahat ng bakas ng kabalakyutan magpakailanman, upang magwakas ang pang-aapi, ang huwad na pagsamba, at pati ang pinagmumulan ng kasalanan at lubusang pakabanalin ang banal na pangalan ng Diyos​—kailangang maganap ang Armagedon. At magaganap nga ito, sapagkat ang “Diyos ay pag-ibig!”

[Larawan sa pahina 6, 7]

ARMAGEDON . . . . . . nagbubukas ng daan sa kapayapaan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share