Pagkakita sa “Tanda” Taglay ang Unawa
“Samantalang siya’y nakaupo sa Bundok ng mga Olivo, ang mga disipulo ay nagsilapit sa kaniya nang bukod, na nagsabi: ‘Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?’”—MATEO 24:3.
1. Bakit ang mga kaligaligan sa daigdig sapol noong 1914 ay hindi nagkataon lamang, at ano ang itinanong kay Jesus ng mga alagad niya?
ANG mga kaligaligan sa daigdig sapol noong Digmaang Pandaigdig I ng 1914-18 ay hindi nagkataon lamang. Ang mga ito ay inihula ni Jesu-Kristo 19 na siglo na ngayon ang nakalipas. Sinabi niya sa kaniyang 12 alagad ang tungkol sa mga bagay na mangyayari, kaya’t kanilang tinanong siya: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—Mateo 24:3.
2. Bakit ibig ng mga apostol na higit pa ang maalaman kaysa mga pangyayari lamang bago mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E.?
2 Ibig ng mga apostol na iyon na malaman ang higit pa kaysa mangyayari lamang sa pagitan ng panahong iyon at nang pagkapuksa ng Jerusalem. Si Jesus ay hindi bumalik nang nakikita o di-nakikita nang maganap ang kapahamakang iyon. At ang sistema ng mga bagay na umiiral noon sapol nang Delubyo ay hindi naman nagwakas nang mapuksa ang Jerusalem noong 70 C.E. Sa katunayan, ang “tanda ng pagkanaririto [ni Jesus nang di-nakikita] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay” ay nakatakdang mangyari pagkaraan ng mahabang panahon pagkatapos na mangamatay sa lupa ang kaniyang mga apostol.
3. (a) Ano ang nagpapakita na “ang mabuting balitang ito ng kaharian” ay hindi ipinangaral ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan noong panahon ng apostasya nang patay na ang mga apostol? (b) Mabibigo ba ang Kaharian ng Diyos pagka nabigo ang Nagkakaisang mga Bansa?
3 Sa pamamagitan ng makahulang mga talinghaga tungkol sa Kaharian ng Diyos, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol ang tungkol sa relihiyosong paghihimagsik na magaganap pagkatapos na siya’y magbalik na sa langit at ng pagkamatay ng mga apostol na ito. Sa loob ng panahon ng buong apostasyang iyan, magkakaroon ba ng anumang pambuong daigdig na pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian”? (Mateo 24:14) Tunay na magaganap iyan hindi sa pamamagitan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, sapagkat magpahanggang noong Disyembre 1918 ang Federal Council of the Churches of Christ sa Amerika ay nagbunyi sa mungkahi noon na Liga ng mga Bansa bilang “ang makapulitikang kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa.” Sa kabila ng pagtangkilik na iyan ng mga relihiyoso, ang Liga ay nabigo nang magsiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939. Subalit sa pagkabigong iyon, nabigo ba rin ang tunay na Kaharian ng Diyos? Hindi! At hindi rin naman mabibigo ito pagka ang humalili sa Liga, ang Nagkakaisang mga Bansa, ay nabigo sa malapit na hinaharap. Bagkus, ang banal na Kahariang iyan ang pupuksa sa Nagkakaisang mga Bansa, gaano man karaming mga anghel sa langit ang kailanganin upang gawin ito!
4. Bakit ang pangangaral ng Kaharian ay magiging bahagi ng “tanda”?
4 Lahat ng nabanggit na iyan ay tumutulong upang higit pang ipaunawa ang mahalagang katotohanang ito: Dahilan sa kahilingan na bigyan sila ng isang “tanda” kung kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ito’y nangangahulugan na ang gayong pambuong-lupang pangangaral ng Kaharian ay isang bahagi ng “tanda” na binubuo ng maraming bahagi at pagkakakilanlan ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ito’y isa ring nakikitang ebidensiya ng di-nakikitang “pagkanaririto” ni Jesu-Kristo. Ang pagkahanay ni Jesus ng sunud-sunod na mga pangyayari bago binanggit sa kaniyang hula ang pangangaral ng Kaharian ay kapuna-puna. Ang isang bahagi ng sinabi niya:
5. Ano ang ilan sa mga bahagi ng “tanda” na binanggit ni Jesus bago banggitin ang pandaigdig na pangangaral ng Kaharian?
5 “Makakarinig kayo ng mga digmaan at mga balita ng digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan. Sapagkat kailangang mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi pa ang wakas. Sapagkat ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng kakapusan ng pagkain at lilindol sa iba’t ibang dako. . . . At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pag-ibig ng marami ay lalamig. Datapuwat ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.”—Mateo 24:6-13.
6. Bakit ang mga bahagi ng “tanda” ay hindi pagpapatuloy lamang ng mga pangyayari bilang dati nang kalakaran ng mga bagay?
6 Totoo, nagkaroon ng mga digmaan, mga kakapusan sa pagkain, mga lindol, at mga salot sa buong nalakarang mga siglo ng ating Karaniwang Panahon hanggang 1914. (Lucas 21:11) Gayumpaman, walang makakahalintulad ang mga nangyaring iyan sapol nang matapos noong mahalagang taóng iyan ang mga Panahong Gentil. Ang pandaigdig na pagbabaka-baka na kataka-taka ang pagsisimula noong tag-init ng 1914 ay lumaki hanggang sa maging isang malaking digmaan na doo’y 28 bansa lahat-lahat ang naglaban-laban. At kasabay ng digmaang iyan ay mga likas na lindol. Nagkaroon ng mga kakapusan ng pagkain, o mga taggutom, at sa huling taon ng digmaang pandaigdig ay nagkaroon ng salot na tinatawag na Spanish influenza na pumuti ng buhay ng mahigit na 20,000,000 katao. At lahat na ito ay hindi pagpapatuloy lamang ng mga pangyayari bilang dati nang kalakaran ng mga bagay. Ito’y bahagi ng sunud-sunod na mga pangyayari na bumubuo ng isang “tanda” na ang sistemang ito ng mga bagay ay nasa inihulang “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Ang huling aklat ng Bibliya—Ang Apocalipsis, o Pahayag—ang nagbibigay ng tiyakang patotoo tungkol dito.
7. Bakit isinulat ang aklat ng Apocalipsis, at mangangahulugan ng ano ang maraming bagay na “ipinaalam . . . bilang mga tanda”?
7 Ang apostol na si Juan, na tumanggap ng Apocalipsis, ay inutusan na isulat ito para sa isang pantanging layunin. Anong layunin? Ito: “Upang ipakita sa mga alipin [ng Diyos] ang mga bagay na mangyayari sa lalong pinakamadaling panahon.” At sa katapusan ng Apocalipsis ang Panginoong Jesu-Kristo ay nagsabi: “Oo; ako’y darating nang madali riyan.” At si Juan naman ay sumagot: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.” Maraming mga bagay sa gayon na “iniharap . . . bilang mga tanda, pagka nangyari na, ang mangangahulugan na tayo’y nabubuhay sa “panahon ng kawakasan” ng sistemang ito ng mga bagay. (Apocalipsis 1:1; 22:20) Oo, tutulong ito sa atin na makita nang may pagkaunawa ang maramihang-bahaging “tanda.”
8. Sino ang nakasakay sa “kabayong maputi,” at kailan siya binigyang-kapangyarihan ng Diyos na humayo upang makipagbaka sa kaniyang mga kaaway?
8 Sa Apocalipsis kabanata 6 ay isinasaysay ang tinatawag na pagsakay ng “apat na mangangabayo ng Apocalipsis.” Ang una ay ang nakasakay sa “maputing kabayo,” ang niluwalhating si Jesu-Kristo, na nakikipagbaka sa kaniyang mga kaaway. Ito’y binigyang-kapangyarihan siya ng Diyos na gawin nang matapos na ang mga Panahong Gentil, at dapat sanang noo’y napasakop sa kaniyang paghahari ang mga kaaway ni Jesus sa langit at sa lupa.—Awit 2:1-12.
9. Ano ang inilalarawan ng nakasakay sa (a) kabayong “mapula”? (b) “kabayong maitim”? (c) “kabayong maputla”?
9 Ang nakasakay sa ikalawang kabayong “mapula” ay lumalarawan sa digmaang pandaigdig, sapagkat isang armas, “isang malaking tabak,” ang ibinigay sa kaniya. Sa ikatlong kabayo, “isang kabayong maitim,” ay nakasakay ang isang lumalarawan sa taggutom. Paano natin nalalaan ito? Sapagkat siya’y may dalang timbangan na doo’y sinusukat niya ang pantustos-buhay na pagkain sa presyong pagkamahal-mahal. Ang ikaapat na mangangabayo, na nasa isang masasakiting “kabayong maputla,” ay sumasagisag sa salot, sapagkat sinasabi: “Ang isang nakaupo rito ay may pangalang Kamatayan. At ang Hades [ang libingan] ay kabuntot niya.” Totoo, ang ikaapat na mangangabayong ito ay binigyan ng kapangyarihan “na pumatay sa pamamagitan ng isang mahabang tabak” ng digmaan “at ng taggutom . . . at ng mababangis na hayop sa lupa.” Mapupuna rin na siya ay binigyang-kapangyarihan na kumuha ng mga biktima para sa libingan (Hades) sa pamamagitan ng “nakamamatay na salot.”—Apocalipsis 6:1-8.
10. Ano ang inihulang magaganap pagkatapos buksan ang ikalima at ikaanim na mga tatak, at ano ang mapipilitan ang mga tao sa lupa na aminin?
10 Pagkatapos na makita ni apostol Juan ang mga pangitaing iyon na ang mga bahagi ay palatandaan ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” nakita niya ang pagbubukas ng ikalima at ikaanim na mga tatak ng makahulang balumbon. Sa puntong iyan, nakakita siya ng pangitain na kakila-kilabot, pasimula sa “isang malakas na lindol.” Sa wakas, ang mga tao sa lupa ay napilitan na aminin: “Ang dakilang araw ng kanilang galit [ni Jehovang Diyos at ni Jesu-Kristo] ay dumating na.” Ang pagwawakas ng simbolikong araw na iyan ng galit ay mangangahulugan na dumating na rin ang wakas para sa mga tumatangkilik sa sanlibutang ito.—Apocalipsis 6:9-17.
Pagtitipon sa mga Taong Sinang-ayunan Ukol sa Kaligtasan
11. Anong ilustrasyon ang ginamit ni Jesus upang ipakita na tiyak na mangyayari ang kaniyang sinabi tungkol sa kaniyang “pagkanaririto” at sa “katapusan ng sistema ng mga bagay”?
11 Sa pagbibigay ng “tanda” ng kaniyang “pagkanaririto at ng kawakasan ng sistema ng mga bagay,” sinabi ni Jesus: “Ngayon sa puno ng igos nga ay pag-aralan ninyo bilang ilustrasyon ang puntong ito: Pagka nananariwa na ang mga sanga at sumusupling ang mga dahon, nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, pagka nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, talastasin ninyo na siya’y malapit na, nasa mga pintuan nga. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito. Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas sa anumang paraan.”—Mateo 24:32-35.
12, 13. (a) Ano ang hindi kahulugan ng pambansang kapahamakan na sumapit sa mga Judio noong 70 C.E.? (b) Isang makahulang tipo ng ano ang kapahamakang iyon? (c) Kaya, ano ang ipinagpatuloy ni Jesus na ihula tungkol sa kaniyang pagparito?
12 Nang puksain ng mga Romano ang Jerusalem at ang templo roon noong 70 C.E. gaya ng inihula ni Jesus, ang kasindak-sindak na kapighatiang ito na dumating sa mga Judio ay hindi nangangahulugan na siya’y dumating nang ikalawang pagkakataon at na ang kaniyang di-nakikitang pagkanaririto ay nagsimula na. (Mateo 24:15-21) Yamang ginagamit ng Bibliya ang sinaunang Jerusalem bilang isang tipo, ang nakagigitlang kapahamakang iyon noong 70 C.E. ay tunay na isang makahulang tipo. Inilarawan niyaon sa maliit na paraan ang mga pangyayari na pambuong-daigdig pagkatapos ng mga Panahong Gentil noong 1914 at samakatuwid pagkatapos na aktuwal na pasimulan ni Jesu-Kristo ang kaniyang di-nakikitang presensiya o pagkanaririto. Kaya naman sinabi rin ni Jesus:
13 “Kaagad pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay malalaglag mula sa langit, at yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit. At kung magkagayo’y ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayo’y lahat ng angkan sa lupa ay magsisitaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na pumaparitong nasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. At susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may kaylakas-lakas na tunog ng trumpeta, at kanilang titipunin ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.”—Mateo 24:29-31.
14. Anong tipan at hain ang tinutukoy sa Awit 50:5?
14 Iyang inihulang pagtitipong iyan sa mga “pinili” sa panahon ng katapusan ng sistema ng mga bagay ang katuparan ng utos ng Diyos: “Pisanin mo sa akin ang banal na mga tapat sa akin, yaong nakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain.” (Awit 50:5) Yamang ang tawag doon ni Jehova ay ‘pakikipagtipan sa akin,’ ito’y hindi tumutukoy sa pag-aalay ng isang tao sa Diyos sa kaniyang pagiging isang Kristiyano at na kaniyang bibigyang-bisa sa pamamagitan ng paghahain ng kaniyang sarili. Hindi, kundi ang tipang ito na binubuo sa pagitan ni Jehova at ng banal na “mga tapat” ay yaong ipinangakong “bagong tipan” ng Diyos na ginawa niya sa sambahayan ng espirituwal na Israel. Ang hain na pinagsasaligan ng bagong tipang iyon ay ang haing pantubos na inihandog ng “Anak ng tao,” si Jesu-Kristo.—Jeremias 31:31-34; Mateo 24:30.
15. Sino ang banal na “mga tapat,” at sila’y nagsisilbing ano ngayon sa sanlibutan?
15 Ang banal na “mga tapat” na kalakip sa bagong tipan ay binubuo ng espirituwal na mga Israelita. (Lucas 22:19, 20) Ang Diyos ay nananawagan na sila’y magtipun-tipon upang kaniyang masuri ang mga natipong iyan, kaniyang sang-ayunan ang mga tapat at tanggihan naman yaong mga hindi nakasusunod sa kanilang inaangkin na pagiging kasali sa kaniyang tipan, ang bagong tipan. (Awit 50:16) Sapol noong Digmaang Pandaigdig I, ang Sangkakristiyanuhan, na nag-aangkin na nasa bagong tipan, ay nagpapatunay na hindi nakalulugod sa Diyos na Jehova. Ibang-iba naman ang maliit na nalabi ng tunay na nag-alay at bautismadong mga alagad ng Tagapamagitan ng bagong tipan, si Jesu-Kristo. Sila’y nagpatunay na sila’y espirituwal na mga Israelita. Ang tapat na mga ito na kabilang sa bagong tipan ay yaong “mga pinili” na tinitipon ng Anak ng tao para sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang mga anghel. Kanilang ginaganap ang mga kahilingan ng bagong tipan, ang ‘aking tipan,’ gaya ng tawag diyan ng Diyos. Dahilan sa kanilang pagtangkilik sa Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo, sila’y nagiging isang ‘tanda’ sa buong sanlibutan.—Isaias 8:18; Hebreo 2:13, 14.
16. (a) Kailan nagkaroon ng espirituwal na pagkagising ang nalabi ng banal na “mga tapat”? (b) Sa talinghaga ng sampung dalaga, sino ang Nobyo, at sino naman ang kaniyang simbolikong nobya?
16 Para sa nalabi ng banal na “mga tapat” na iyan, nagkaroon ng espirituwal na pagkagising noong maagang bahagi ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ito ay isang litaw na bahagi ng “tanda” na inihula ni Jesus sa kaniyang dakilang hula. Para sa nalabi, ang panahon ng pagkagising na iyon ay may kasabay na malaking kagalakan, ang kagalakan na katulad niyaong sa limang matatalinong dalaga na ginising ng sigaw noong hatinggabi: “Narito na ang kasintahang lalaki! Humayo kayo at salubungin ninyo siya.” (Mateo 25:1-6) Ang masayang pagkagising na iyan ay naganap noong tagsibol ng 1919 nang ang pinahirang nalabi ay nagsimulang nakabangon buhat sa mga epekto ng pambuong daigdig na pag-uusig at pagkahinto ng gawain na pansamantalang naranasan nila noong mga araw ng kahirapan ng Pandaigdig na Digmaang I. Ang Nobyo sa talinghaga ng sampung dalaga ay, mangyari pa, si Jesu-Kristo, at ang kaniyang simbolikong nobya ay ang kaniyang tapat na kongregasyon ng 144,000 na mga miyembro na kasama niya sa makalangit na Kaharian. (Apocalipsis 14:1-4) Ang kronolohiya ng Bibliya at ang modernong mga pangyayaring katumbas ay nagpapakita na ang Nobyong Hari ay pumasok sa espirituwal na templo noong tagsibol ng 1918. At kaniyang pinasimulang buhayin buhat sa mga patay ang tapat na mga kaanib sa espirituwal na nobya at ang mga ito’y napalakip sa kaniya sa makalangit na Kaharian. Ang nalabi ng nobya, na inilarawan ng matatalinong dalaga, ay nagsasabi sa Apocalipsis 19:7: “Tayo’y mangagalak at mangagsayang mainam, at siya’y ating luwalhatiin, sapagkat dumating na ang pagkakasal sa Kordero at sa kaniyang asawa na handa na ang sarili.”
17. (a) Bakit nagalak ang uring ‘matatalinong dalaga’? (b) Ano ang dinala ng matatalinong dalaga, at sa gayo’y ano ang magagawa nila?
17 Oo, ang panahon ng espirituwal na pagkagising ng uring ‘matatalinong dalaga’ at ng pagkaunawa nila ng kahulugan ng “tanda” na nagsimulang nakita noong 1914 ay panahon ng malaking kagalakan. Noon ay kapit sa kanila ang mga salitang: “Maliligaya yaong mga inanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero.” (Apocalipsis 19:9) Sa talinghaga ni Jesus, ang limang matatalinong dalaga ay nagdala ng reserbang langis para masindihan uli ang kanilang ilawan at sa gayo’y kasa-kasama sila sa maligayang prusisyon ng kasalan na may mga sindidong ilawan. Nang dumating ang Nobyo, “ang mga dalaga na handa na ay kasama na niya sa piging ng kasalan; at ang pinto ay sinarhan na.”—Mateo 25:1-10.
18. (a) Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang pinahirang nalabi ay mayroong pang sapat na nagbibigay-liwanag na Salita ng Diyos at banal na espiritu niya sa loob nila upang gawin ang ano? (b) Ano ang inihayag sa kanilang unang kombensiyon pagkatapos ng digmaan?
18 Bilang katuparan ng talinghaga ng limang matatalinong dalaga, ang pinahirang nalabi ay sumalubong nang may kagalakan sa makalangit na Nobyo, na noon ay sumapit na ang panahon ng pagkakasal niya sa kaniyang nobyang kongregasyon. Pagkatapos ng kanilang mahirap na mga karanasan noong Digmaang Pandaigdig I, mayroon pa rin silang sapat na nagniningas na bahagi ng Salita ng Diyos at ng kaniyang banal na espiritu bilang “mga sisidlang lupa” upang muling pagningasin ang kanilang gawain na pagbibigay ng liwanag sa sangkatauhan tungkol sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Nobyong-Hari. (2 Corinto 4:7) Kaya naman, noong Setyembre 1-8, 1919, ang uring ‘matatalinong dalaga’ ay nagdaos ng kanilang unang pandaigdig na kombensiyon sa Cedar Point, Ohio. Doon ay inihayag ang paglalathala ng isang bagong magasin bukod sa The Watch Tower. Ang bagong magasing ito ay tatawagin na The Golden Age, na pangalang kumakatawan sa uri ng panahon na tatamasahin ng isinauli sa kasakdalan na sangkatauhan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ng Nobyong-Haring si Jesu-Kristo. Ang magasing ito ay inilalathala hanggang ngayon sa ilalim ng pangalang Awake! (o Gumising! sa Tagalog).
19. (a) Paanong ang uring ‘matatalinong dalaga’ ay naging isang mahalagang bahagi ng “tanda” ng “pagkanaririto” ni Jesus? (b) Sino ang mga taong maliligaya ngayon sa lupa?
19 Hindi nagtagal pagkatapos ng kombensiyong iyon, ang unang labas ng The Golden Age—noong Oktubre 1, 1919—ay inilathala. Sa tulong ng magasing iyan at iba pang mga publikasyon ng Watch Tower Bible and Tract Society, ang tapat na ‘uring dalaga’ ay humayo sa kanilang misyon na pagbibigay ng liwanag sa daigdig. Kanilang pinasimulan pagkatapos ng digmaang iyan ang gawain na ‘pangangaral ng mabuting balitang ito ng kaharian bilang patotoo sa lahat ng bansa’ bago dumating ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:14) Sa ganitong paraan ang pinahirang nalabi, ang uring ‘matatalinong dalaga’ ay naging isang mahalagang bahagi ng “tanda” ng di-nakikitang “pagkanaririto” ni Jesus bilang nagpupunong Hari at ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ang gawaing iyan ay isa pa ring mariing patotoo na “ang panahon ng kawakasan” ay nagsimula na at natapos na ang mga Panahong Gentil noong 1914. Maliligaya ang lahat ng nakakaunawa ng bahaging ito ng “tanda” at ng kahulugan nito!
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bahagi ng ano ang pangangaral ng Kaharian?
◻ Sino o ano ang inilalarawan ng nakasakay sa kabayong maputi; sa kabayong mapula; sa kabayong maitim; sa kabayong maputla?
◻ Ang pambansang kapahamakan na sumapit sa mga Judio noong 70 C.E. ay isang makahulang tipo ng ano?
◻ Sino ang bumubuo ng uring ‘matatalinong dalaga,’ at bakit sila nagagalak?
[Larawan sa pahina 14]
‘Sabihin mo sa amin, ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto?’