Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Nagagalak ang Maraming Kapuluan
SINABI ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo’y magiging mga saksi ko . . . hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ang pagkasugong iyan ay itinakdang matupad sa malawak na Kanlurang Pasipiko, na kung saan ang gawaing pang-Kaharian sa buong Micronesia ay isinasagawa ngayon sa ilalim ng pamamanihala ng sangay sa Guam ng Watch Tower Bible and Tract Society. Marami sa mga tao sa magagandang kapuluang ito ang nangagagalak ngayon. Bakit? Ang Awit 97:1 ang nagbibigay ng dahilan: “Si Jehova mismo ay naging hari! Magalak ang lupa. Mangatuwa ang maraming kapuluan.”
Maraming mga wika ang ginagamit sa iba’t ibang kapuluan sa panig na ito ng daigdig, at ito ay isang pangunahing suliranin sa pangangaral ng mabuting balita na “si Jehova mismo ay naging hari.” Sa gayon, ang isang tampok sa taóng ito ng paglilingkod ay ang pagtanggap ng buwanang edisyon ng Ang Bantayan sa limang mga pangunahing wika, pati na rin Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at ang broshur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman sa mga ilang wika sa Micronesia. Ang pagkakaroon ng mga literatura sa lokal na mga wika ng nakabukod na mga taong ito ay tunay na isang pagpapala at nasasapatan ang isang malaking pangangailangan. Ang lokal na mga tagaroon ay tumutugon namang mainam, lalo na yamang ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hindi nag-aabala ng pagsasalin ng mga babasahín sa kanilang mga wika.
◻ Halimbawa, sa magandang isla ng Moen sa Truk ibinalita ng mga misyonero na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa wikang Trukese ay napatanyag na mainam nang tanggapin iyon ng mga maybahay at kanilang ipinakita iyon sa kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak. Ang mga misyonerong naglalakad sa mga kalye ay pinahinto ng mga tao na naghahanap ng mga aklat na iyon, at ang iba’y nagpunta pa sa mga tahanang misyonero bago mag-ika 6:30 n.u. na humihingi niyaon. Mayroon ding iba na nagpunta sa Department of Education upang kumuha ng mga kopya nito buhat sa mga Saksi ni Jehova na nagtatrabaho roon.
Isang edukador ang nagtanong kung papaano nga na ang mga Saksi ni Jehova ay nakapaglathala ng gayong aklat sa Trukese gayong ang mga Katoliko at mga Protestante ay matagal na matagal nang naroroon at wala silang naipapalabas na gayong aklat. Mayroon pang mga dating mananalansang na kumuha ng aklat.
◻ Isang karanasan buhat sa Marshall Islands ang nagpapakita kung paanong ang katotohanan ng Bibliya ay nakapagdadala ng pagkakaisa at kaligayahan sa tahanan. Ang asawang lalaki ay isang lansenggo at isang malakas manigarilyo, ngunit isang masugid na Katoliko. Dalawang kabataang Saksi ang dumalaw sa kaniya sa kaniyang tahanan at, bagamat tumututol ang kaniyang asawang babae, siya’y pumayag na aralan siya ng Bibliya. Ang asawang babae ay sumalungat sa kaniya sa loob ng sumunod na tatlong taon. Subalit nang makita nito kung paanong ang katotohanan ay nagpabago sa kaniya sapagkat siya’y huminto na ng paninigarilyo, pati ng paglalasing at nagpakatino na ng pakikisama sa kaniyang pamilya, ang babae ay nakinig sa mabuting balita at ibinahagi sa iba ang kaniyang natutuhan. Ang dalawang ito ay napakasal nang legal at ang kanilang pag-aalay kay Jehova ay sinagisagan nila ng bautismo. Ang lalaki ay naglilingkod ngayon bilang isang elder sa kongregasyon, samantalang ang kaniyang asawang babae ay umaasang makakapasok sa paglilingkurang payunir.
Kaligayahan at kapayapaan ang nananagana sa tahanang ito gaya rin ng sa maraming gayong tahanan sa mga kapuluan na sinabi ng salmista na magagalak dahilan sa si Jehova ay naging Hari.—Awit 144:15.
[Mga mapa sa pahina 11]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Belau
Yap
Rota
Guam
Saipan
Truk
Ponape
Kosrae
Nauru
Marshall Islands
Kiribati
Midway Islands
Pacific Ocean