‘Pinabibilis Iyon’ ni Jehova
“Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.”—ISAIAS 60:22.
1. Paanong totoong magkaiba ang kalagayan ng bayan ni Jehova at ng sanlibutan ni Satanas, at bakit?
SA NGAYON, ang kagalakan at pagsasaya ay tanging masusumpungan sa makalangit na organisasyon ni Jehova at gayundin sa buong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova dito sa lupa. Ang ating kaligayahan ay kabaligtaran ng masasaksihang kalungkutan sa sanlibutan ni Satanas. (Awit 144:15) Tayo’y may espirituwal na pagkain at inumin na saganang-sagana, kung kaya’t tayo’y ‘nagsisiawit dahil sa kagalakan ng puso.’ (Isaias 65:13-19) Alam natin ang dahilan ng kasalukuyang krisis ng sanlibutan. Ang ating pag-asa para sa maagang katubusan sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos ay lalong tumitibay samantalang nakikita nating ang mga hula ng Bibliya ay natutupad sa patuloy na pagkaubos ng panahon at pagsapit ng Armagedon. Batid natin na ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” ay tiyak na sasapit sa “takdang panahon,” sapagkat ang pangitain ay “nagmamadali sa pagkatapos, at hindi magbubulaan.”—Apocalipsis 16:14, 16; Habacuc 2:3.
2. Anong mga kalagayan ang makikita sa organisasyon ni Jehova, na naghaharap ng anong tanong?
2 Kung paano sa langit, ganoon din sa lupa na para sa panghabang panahon ang teokratikong organisasyon ni Jehova. Isa pa, yamang si Jehova ang Bukal ng mabisang lakas, kaniyang ‘pinasasagana ang buong kalakasan sa mga umaasa sa kaniya.’ (Isaias 40:29-31) Ang kaniyang organisasyon ay buháy na buháy sa gawain at patuloy na kumikilos. (Ihambing ang Ezekiel 1:15-21.) Ang 47,869 na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa 203 mga lupain sa buong lupa ay organisadung-organisado upang masigasig na magpatuloy sa gawaing pang-Kaharian. (Mateo 24:14) Paano ba nagkaroon ng ganitong napakasiglang pangglobong organisasyon?
3. (a) Paano natupad sa modernong panahon ang Isaias 60:17? (b) Anong katulad na mga kaayusan ang nagdala ng kaunlaran noong sinaunang panahon sa Bibliya?
3 “Organization” (Organisasyon) ang titulo ng mga araling artikulo sa The Watchtower ng Hunyo 1 at 15, 1938. At tinalakay dito ang Isaias 60:17, na kung saan sinasabi ni Jehova sa kaniyang makalangit na organisasyon: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal; at ilalagay ko ang kapayapaan na maging iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran ang maging iyon mga tagapag-atas.” Mababanaag sa lalong mainam na kalagayang ito ang muling pagpapasigla sa organisasyon ni Jehova sa lupa. Kung paanong ang ginto ay lalong mahalaga kaysa tanso (at gayundin kung tungkol sa mga ibang materyales na binanggit dito), gayundin na ang kaayusang teokratiko na ipinaliwanag ng Watch Tower Society sa mga kongregasyon ng bayan ng Diyos noong 1938—at kanila namang buong-pusong tinanggap—ay lalong mas mainam kaysa dating mga paraang demokratiko. Ito ang maka-Kasulatan. Nakatutulong ito para sa pagkakaroon ng mabuting organisasyon na magsasagawa ng gawain ng Diyos, gaya ng kung paano ang nahahawig na mga kaayusan ay nagdala ng kaunlaran noong panahon ni Moises at gayundin noong mga sinaunang araw ng kongregasyon Kristiyano.—Exodo 18:25; Gawa 6:3-7; Tito 1:5; 1 Pedro 5:1-3.
4. (a) Paano pinatibay ang mga Saksi ni Jehova para sa mga pagsubok noong 1939-45? (b) Ano ang patotoo na pinagpala ni Jehova ang kaayusang teokratikong iyon?
4 Sa gayon, noong 1938, isang taon pa bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, ang “mga tagapangasiwa” at “mga tagapag-atas” sa lahat ng kongregasyon ay naging “kapayapaan” at “katuwiran.” Isang matibay at nagkakaisang mga kaayusang pang-organisasyon ang sumulong tungo sa mabungang paglago, kaya sa ganoo’y pinagpala ni Jehova ang kaniyang nagkakaisang mga saksi. Ang kanilang bilang ay halos nadoble, mula sa 71,509 ay naging 141,606 sa pagitan ng 1939 at 1945, sa kabila ng mga kagipitan at mga pag-uusig noong mga taóng iyon ng digmaan.
‘Wala Nang Karahasan’
5. Tungkol sa “kapayapaan,” paanong ang mga lingkod ni Jehova ay naiiba sa sanlibutan?
5 Datapuwat, kumusta naman ang panahon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II? Walang kapayapaan ang mga bansa sa lupa. Sa katunayan, iniuulat na mahigit na 30,000,000 katao ang namamatay sa “maliliit” na digmaan na nagaganap sapol nang 1945. Sindami ng 40 “pocket-size wars” ang nagaganap sa buong globo nang sabay-sabay. Anong ligaya nga natin at tayo’y naglilingkod kasama ng isang organisasyon na nagtakwil ng karahasan! (Isaias 2:4; Kawikaan 20:22) Bukod diyan, bilang isang pangglobong organisasyon, tayo’y may kapayapaan sa gitna natin. Sa pamamagitan ng paglakad na kasama ng “Diyos ng kapayapaan,” ating tinatamasa “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip.”—Filipos 4:7-9.
6, 7. (a) Bakit lubhang naiiba ang mga lingkod ng Diyos? (b) Paano natupad sa atin ang Isaias 60:18? (c) Sa anong mahalagang paraan naiiba tayo sa mga nasa huwad na relihiyon?
6 Yamang ang “kapayapaan” at “katuwiran” ay umiiral sa gitna ng bayan ni Jehova, tayo’y lubhang naiiba sa sanlibutan ni Satanas. Napapansin ito ng mga iba kung kaya’t ang sabi nila: ‘Hanga kami sa inyo, pero ayaw namin sa inyong relihiyon.’ Subalit, hindi baga ang ating relihiyon ang dahilan kung bakit tayo ganito? Hindi tayo interesado sa magkasalungat na mga ideolohiya at mga pagkakapootan na tagapagbaha-bahagi sa mga bansa. Bagkus, interesado tayo sa dalawang bagay na (1) turuan ang mga taong maaamo sa daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng Kaharian ni Kristo at (2) purihin si Jehova, na ipinakikilala ang kaniyang pangalan sa lahat ng mga tao bilang patotoo. Tayo’y “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:14, 16.
7 Sa gayon, tayo’y nakikibahagi sa katuparan ng pangako ni Jehova: “Karahasan ay hindi maririnig sa iyong lupain, ni ang kawasakan man o ang kagibaan man sa loob ng iyong mga hangganan. At ang iyong mga kuta ay tiyak na tatawagin mong Kaligtasan at ang iyong mga pintuang-bayan ay tatawagin mong Kapurihan.” (Isaias 60:18) Ang lahat ng kapurihan ay dapat na matungo sa ating Diyos na si Jehova! Ang mga pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan (at lahat ng kanilang apostatang mga alipores) ay dumudusta sa pangalang iyan, hanggang sa sukdulan na alisin nila ito sa mga salin ng Bibliya. “Subalit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid baga ay magpakailanman.”—Mikas 4:5.
8. (a) Anong pampatibay-loob ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang mga lingkod sa Isaias 60:19-21? (b) Anong “supling” ang lumuluwalhati kay Jehova, at paano?
8 Tayo’y pinalalakas-loob ni Jehova na lumakad sa kaniyang pangalan. Sa Isaias 60:19-21, ipinangako niya na siya’y magiging “walang hanggang liwanag” sa kaniyang makalangit na organisasyon, na mas maningning kaysa araw at buwan. Siya ang nagbigay dito ng espirituwal na kagandahan, at natutupad din ang kaniyang pangako sa kaniyang mga lingkod: “Lahat sila ay magiging matuwid; kanilang aariin magpakailanman ang lupain, na siyang supling na aking itinanim, ang gawa ng aking mga kamay, upang ako’y luwalhatiin.” Oo, pinaunlad ni Jehova “ang lupain,” o larangan ng gawain, ng kaniyang mga saksi. Patuloy na ito’y ‘nagsusupling’ at namumunga habang ang totoong napakaraming baguhan ay tinitipon sa panig ng Kaharian at tinutulungan na magbihis ng pagkataong Kristiyano. (Colosas 3:10, 12-14) Ito’y ‘lumuluwalhati’ kay Jehova, at nagdadala ng karangalan sa kaniyang mahal na pangalan.
9. (a) Paano pinagpapala ni Jehova ang kaniyang mga saksi sa Mexico, at bakit? (b) Ano ang sinabi ng isang pahayagan tungkol sa kanilang katapatan o integridad?
9 Ang isang halimbawa kamakailan ay ang Mexico. Noong nakalipas na dalawang taon, ang pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag sa bansang iyan ay sumulong mula sa 113,823 at naging 151,807—isang napakahusay na 33 porsiyento! (Ang kanilang 1984 selebrasyon ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus ay dinaluhan ng 695,369.) Ang ating mga kapatid sa Mexico ay napakamasigasig sa kanilang pangangaral sa larangan. Isang pahayagan sa Monterrey ang bumanggit din kamakailan ng kanilang katapatan at pananatiling neutral, at ganito pa ang sabi: “Anong laki ng ating paggalang sa kanila dahilan sa kanilang katatagan at tibay ng loob na manindigan sa kanilang paniniwala. Bagama’t ang kanilang mga anak ay pinaalis sa mga paaralan sila’y nananatiling tapat sa kanilang pananampalataya, sa kanilang paniniwala. Ano kaya kung lahat tayo na mga Kristiyano ay ganiyan, na hindi iba-ibang grupo at denominasyon? Ang Mexico ang magiging tanggapang sangay ng langit.”
10. (a) Ano ang nagpapakita na ang mga Saksi ni Jehova ay mabunga kahit na binabawalan sa kanilang gawain? (b) Anong tanong ang inihaharap nito?
10 Ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na nagbubunga sa pagpuring ito, maging sa mga lupain man na walang-lubay ang pag-uusig. Anong laking kagalakan na malaman ayon sa ulat para sa 1984 Taon ng Paglilingkuran na sa 28 bansa na kung saan sila’y binabawalan at hinihigpitan ng mga pamahalaan ang kabuuang bilang ng mga mamamahayag ay sumulong ng 3.1 porsiyento, na mahigit na isang kaapat na bahagi ng isang milyon, at ang mga payunir ay sumulong ng 23 porsiyento! Inyo bang maguguniguni kung paano ginaganap ang pagpapayunir sa ilalim ng gayong mga kalagayan? May katamtamang bilang na 6,905 ng ating mga kapatid sa mga lupaing ito ang nagpapayunir sa buwan-buwan! Kung ikaw ay mayroong kalayaan sa bansa na kinatitirhan mo, ikaw kaya ay magregular payunir, o dili kaya’y mag-auxiliary payunir?—Ihambing ang Lucas 17:5, 6.
“Magiging Isang Libo”
11, 12. (a) Ano ang unang bahagi ng pangako ngayon ni Jehova? (b) Ano ang mga ilang halimbawa na “ang munti ay magiging isang libo”? (c) Bakit may gayong napakabilis na pagsulong?
11 Salig sa kaniyang mahal na pangalan, si Jehova ngayon ay mayroong tatlong-bahaging pangako. (Isaias 60:22) Una ay sinasabi niya sa atin: “Ang munti ay magiging isang libo.” Sa pagbabasa mo ng Yearbook of Jehovah’s Witnesses, napansin mo ba na ang marami’y nagpasimula lamang sa iisang mamamahayag ng Kaharian, o di kaya’y sa mga ilan lamang, sa mga ibang lupain na ngayo’y mayroon na ngayong libu-libo? Halimbawa, ang kapatid na payunir na unang nagpatotoo sa Chile ay umupa ng isang apartment at kaniyang inanyayahan ang mga tao upang dumalo sa isang pulong kung Linggo. At sa wakas ay isang taong interesado ang dumalo. Ang taong ito ay nagtanong: ‘At ang mga iba naman, kailan sila dadalo?’ Sa kaniya’y tiniyak ng payunir: “Sila’y dadalo.” At sila nga ay dumalo. Pagkalipas ng mga 50 taon, ang munting iyon ay naging 23,985.
12 Sa Italya, ang mga Saksi ni Jehova ay mahigpit na pinag-uusig ng pamahalaang fascista ni Mussolini. Pagkatapos ng digmaan, ito’y noong 1946, mayroon lamang 120 sa kanila ang nag-uulat ng paglilingkod. Subalit tandaan na mayroon lamang 120 ang presente noong Pentecostes ng taóng 33 C.E. At isip-isipin lamang kung ano ang nagsimula noong panahong iyon! (Gawa 1:15; 2:1-4, 41) Ngayon, sa isa pang paraan, ang espiritu ni Jehova ay ibinuhos doon sa Italya. Sa loob ng 38 taon ang bilang ng mga mamamahayag ay umabot sa sukdulan na 119,408, ito’y noong nakaraang ulat, halos makalibong pagsulong. Tulad din sa maraming mga bansang Katoliko sa buong lupa, ang mga Saksi ni Jehova sa Italya ay nakakaranas ng pambihirang pagsulong.—Ihambing ang Awit 69:9; Isaias 63:14.
“Matibay na Bansa”
13, 14. (a) Paano natupad ang ikalawang bahagi ng pangako ni Jehova? (b) May kaugnayan dito, paano kumakapit ang 1 Pedro 2:9 at Isaias 59:21? (c) Ano ang lalong nagpasigla sa ating pangangaral?
13 Ang ikalawang bahagi ng pangako ni Jehova ay ito: “Ang munti ay [magiging] matibay na bansa.” Isang “munti,” isang nangalat na nalabi ng mga pinahiran, ang ibinalik sa “lupain” ni Jehova ng paglingap noong 1919. Subalit ito ay dumami, hanggang sa ang buong espirituwal na Israel ay matipon—ang buong bilang na 144,000 mga tagapagmana ng Kaharian. (Roma 11:25, 26) Oo, bilang bahagi ng “banal na bansa” ng Diyos, ang pinahirang nalabi sa lupa ay tinawag buhat sa kadiliman tungo sa kaniyang kahanga-hangang liwanag. Sila’y nagagalak na ipamalita ang kaningningan ng kanilang Diyos, si Jehova. (1 Pedro 2:9) Bagama’t sila’y kakaunti-kaunti lamang, sila’y pinatibay ng espiritu ng Diyos. “‘Sa ganang akin, ito ang aking tipan sa kanila,’ sabi ni Jehova. ‘Ang aking espiritu na nasa iyo at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig—ito’y hindi mahihiwalay sa iyong bibig o sa bibig man ng iyong supling o bibig man ng supling ng iyong supling,’ sabi ni Jehova, ‘mula ngayon at hanggang sa magpakailanman.’”—Isaias 59:21.
14 Sa pananalitang ito tayo’y binibigyang-katiyakan ni Jehova na ang ating pangangaral ng “mabuting balita ng mabubuting bagay” ay tiyak na magtatagumpay, at ating taimtim na ipinananalangin ito sa ‘araw ni Jehova’ na ito. Ang ating pangangaral ay lalong napasigla samantalang ang makasagisag na “supling” ng pinahirang nalabi, ang kanilang “supling” (mga baguhan na kanilang inakay tungo sa organisasyon ng Diyos) ay nangangaral na rin ng pabalitang ito ng kaligtasan, anupat sila’y nagpapahayag sa madla ng kanilang pananampalataya. Kaya naman, lahat ng kongregasyon ay patuloy na sumusulong sa espirituwalidad, at pati na sa bilang.—Roma 10:10, 15; Awit 118:24, 25; 1 Tesalonica 3:12.
15. Gaano na ang dami ng mga kabilang sa makasagisag na “bansa” ng Diyos, at bakit ito maligaya?
15 Noong nakalipas na mga panahon, anong bilis ng pagdami ng mga bunga ng Kaharian! Ngayong marami ang naparagdag sa “malaking pulutong,” ang makasagisag na bansa ng Diyos ay may kabuuang bilang na 2,842,531 na aktibong mga Saksi. Ang “bansa” na ito ay mas malaki ang populasyon kaysa humigit-kumulang 92 bansa at mga lupain sa daigdig. May kagalakang inuulit-ulit natin ang mga salita ng mang-aawit: “Ang payo ni Jehova ay tatayong matibay hanggang sa panahong walang takda. Ang mga pag-iisip ng kaniyang puso ay sa sali’t-salinlahi. Maligaya ang bansa na ang Diyos ay si Jehova, ang bayan na kaniyang pinili na kaniyang mana.”—Awit 33:11, 12.
‘Pagpapabilis Niyaon’
16, 17. (a) Ano ang nagpapakita na ang ikatlong bahagi ng pangako ni Jehova ay natutupad na ngayon? (b) Paano ipinakita ang pag-ibig sa Diyos at kay Kristo? (c) Anong nakagagalak na paglilingkod at saloobin ang tumulong upang ‘pabilisin’ ito? (d) Paano kumakapit ngayon ang Mateo 9:35-38?
16 Isinusog ni Jehova ang ikatlong bahagi sa kaniyang pangako: “Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.” Samantalang tayo’y nakatayo na sa bingit ng “malaking kapighatian,” ang panahong para rito ay NGAYON! (Marcos 13:10, 18, 19) Ang kabilisan ng gawaing pang-Kaharian noong nakalipas na dalawang taon ang nagpapatunay rito. Ang ‘pagpapabilis’ na ito ay mapapansin sa buong lupa, maging sa lupain man na kung saan ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang magpakita ng kanilang pag-ibig sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pangangaral at sila’y pinag-uusig o nasa gitna ng mga iba pang kalagayan na nagsasapanganib ng kanila mismong buhay. Ngayong patuloy na dumarami ang buong-panahong mga mamamahayag, ang mga payunir ang nasa unahan. At anong laking kagalakan ang nalalasap nila sa paglilingkod kay Jehova!—Kawikaan 10:22.
17 Ang maligayang saloobing ito ng pagpapayunir ang nagpatibay-loob sa mga kongregasyon sa lahat ng dako na ‘pabilisin’ ang kanilang bahagi sa pangkatapusang yugtong ito ng pagtitipon. Kahit na ngayon na mabilis ang pagsulong, masasabi pa rin natin na “marami ang aanihin, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti.” Sa sanlibutang ito ngayon ng kawalang pag-asa, tayo’y nahahabag sa mga tao, gaya rin ni Jesus noong siya’y nasa lupa, sapagkat tunay nga na sila’y “pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” Kaya’t ating “idinadalangin sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin,” at nagagalak tayo na nakikita natin na sinasagot naman ang ating mga panalangin.—Mateo 9:35-38.
18, 19. Ano ang mga ilang ulat na nagpapakita na ang bukid ng sanlibutan ay “mapuputi na upang anihin”?
18 Bilang paghahalimbawa: Noong Abril ng 1984, ang Ecuador ay nag-ulat ng 1,048 auxiliary payunir na nangangaral sa larangan, 106 porsiyento ang kahigitan kaysa sinundan nito na Abril. Nang sumapit ang Hunyo ang bansang ito ay nag-uulat ng 12,238 mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, isang 24-porsiyentong pagsulong para sa taóng iyon, at 8,044 na mga mamamahayag, isang 17-porsiyentong pagsulong. Ang dumalo sa Memoryal ay umabot sa 40,728, isang katumbasan na mahigit na 5 para sa bawat mamamahayag. Sa buong daigdig ay nanggagaling ang nahahawig na mga ulat, at ang pambuong-daigdig na bilang ng mga dumalo na 7,416,974 sa pagdiriwang ng Memoryal noong Abril 15, 1984, ay nagpapakita na ang mga bukid ay “mapuputi na upang anihin” yaong mga tinitipon “ukol sa buhay na walang hanggan.”—Juan 4:35, 36.
19 Malimit na ‘pinabibilis iyon’ ni Jehova sa mga pambihirang paraan. Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang sumulat nang ganito buhat sa mga kagubatan ng Papua New Guinea sa gawing hilaga: “Isang tao na natagpuan ng isang espesyal payunir ang bumalik sa kaniyang liblib na tahanan sa isang nayon sa kabundukan. Makalipas ang mga ilang taon, ang taong ito ay muling lumitaw sa isang pansirkitong asamblea—at siya’y may kahilingan. Ang tao palang ito, na hindi pa nababautismuhan noon, ay nagpatotoo sa kaniyang nayon at sa nakapalibot na ‘kagubatan’ na anupat ang mga matatanda roon sa nayon ay humihiling ngayon na pumaroon doon ang mga Saksi ni Jehova at pangalagaan ang espirituwal na mga intereses ng buong lugar na iyon.” Minsang mapahasik ang binhi, ang Diyos na ang ‘patuloy na nagpapalago niyaon.’—1 Corinto 3:6.
20. Paano pinalawak ang mga sangay ng Watch Tower upang maasikaso nila ang pagsulong?
20 Sa maraming paraan, inihahanda na ni Jehova ang kaniyang bayan ukol sa maraming pagsulong na dumarating ngayon. Ating ikinagagalak na noong nakaraang mga taon ay pinagpala ni Jehova ang pagpapalawak sa mga pasilidad ng sangay ng Watch Tower. Sa ngayon, ang mga sangay na ito ay sinasangkapan upang tumulong sa napakaraming kawan ng “mga kalapati.”
21. Paano tayo makapagpapatuloy ng pakikibahagi sa ‘pagpapabilis’ nito?
21 Kung gayon, lahat tayo ay makibahagi sa pagpapasikat ng liwanag ng mabuting balita ng Kaharian sa angaw-angaw pa! Ituro natin at akayin ang lahat ng nagsisiuwing “mga kalapati” sa daan ng “kaligtasan” para makarating sila sa organisasyon ni Jehova na magsisilbing proteksiyon sa kanila at makakasali sila sa mga nagbibigay ng ibayong ‘pagpuri’ sa kaniya sa mga pintuang-bayan nito. Harinawang maging ating panalangin na ang Soberanong Panginoon Jehova at ang ulo ng kongregasyon Kristiyano, ang ating minamahal na Haring si Kristo Jesus, ay patuloy na ‘pabilisin’ ang pagbabalita ng Kaharian samantalang ito’y patungo sa sukdulan!
Repaso sa Pag-aaral na Ito:
◻ Anong mahalagang katuparan ng Isaias 60:17 ang naganap noong 1938?
◻ Bilang katuparan ng Isaias 60:18, ano ang natatamo nating pagpapala?
◻ Paanong ang mga ulat sa larangan ay ‘lumuluwalhati’ kay Jehova?
◻ Paano ang tatlong-bahaging pangako sa Isaias 60:22 ay malapit nang sumapit sa sukdulan ang katuparan?
[Larawan sa pahina 18]
Sa pabalat ng Watchtower noong 1930’s ay nakalarawan ang pangitain ni Ezekiel ng mabisang organisasyon ni Jehova
[Larawan sa pahina 21]
Ang masiglang saloobin ng pagpapayunir ay tumulong upang ‘pabilisin’ ang pag-aani