‘Pangangaral sa Kaaya-ayang Panahon at sa Maligalig na Panahon’
Ibinida ni Harold E. Gill
AKO’Y naakit sa liblib na mga kabukiran ng Australia nang ako’y 19 anyos. Dahilan sa unang digmaang pandaigdig ang Inglatera ay namulubi ang kabuhayan. Angaw-angaw, kasali na ako, ang walang hanapbuhay. Isang umaga ang aking ama ay nagpakita sa akin ng isang anunsiyo sa pahayagan tungkol sa plano ng gobyerno na tulungan ang mga kabataan upang dumayo sa Queensland, Australia. Kaya’t 25 kami na naglayag galing sa London noong 1922.
Ang aking unang trabaho ay sa isang ubasan. Pagkaraan ng mga ilang buwan ay lumipat ako sa isang malaking lupain na nililinis upang pagtamnan ng trigo. Doon ay natuto ako ng maraming bagay: kung paano gagatasan ang mga baka, gagamit ng palakol at ng malaking lagari, kung paano babasahin ang oras sa pamamagitan ng pagtingin sa araw nang hindi lalampas ang sampung minuto, paano papatay ng isang makamandag na ahas nang hindi ka natutuklaw, kung paano mag-aararo sa pamamagitan ng isang pareha ng mga kabayo, kung paano ang pagtatayo ng bakod, pagpuputol ng isang punungkahoy at pagpapabagsak niyaon kung saan mo gusto, at paggawa ng mga iba pang trabaho na bahagi ng buhay sa liblib na mga kabukiran ng Australia.
Doon ay nakaranas ako ng isang salot ng mga balang. Pagkarami-rami ng mga ito kung kaya’t ang mga sasakyan nila ay tinatalian sa mga gulong ng mga kadena upang makapagmanehong paitaas ang mga drayber. Minsan naman ay mayroong libu-libong daga na gumawa ng ganiyan na lamang kalaking pinsala sa kamalig. Subalit nakalipas lamang ang isang linggo at sila’y biglang umalis gaya nang kung papaano sila biglang dumating din. At nakaranas ako ng kalunus-lunos na epekto ng isang tagtuyot, na mga tupa—libu-libong mga tupa—ang nangamatay at makikita saanman.
Noong 1927 ako’y nangupahan ng kapirasong lupa malapit sa Gympie, timugang Queensland, nilinis ko iyon, at nagtanim ng mga saging. Ang aking kalapit-bahay, sina Tom at Alec Dobson, ay mga Bible Students, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noong mga araw na iyon. Isang araw binanggit ko na ako’y papunta sa Brisbane, ang kabisera ng estado, para dumalaw sandali. Kanilang inanyayahan ako na dalawin ko ang kanilang mga magulang. At ganoon nga ang ginawa ko, gumugol ako ng buong maghapon na ipinaliliwanag ang Bibliya sa kanilang ama. Ang higit na hinangaan ko ay ang pagiging simple ng paulit-ulit na lumilitaw na tema ng Bibliya—ang Kaharian ng Diyos. Nagustuhan ko rin ang pangalang “International Bible Students.” Inilarawan niyaon ang isang pamilyang pambuong-daigdig, pawang mga nag-aaral ng Bibliya, pawang nagkakaisang sumasamba sa Diyos. Nang ako’y bumalik sa sagingan, dala ko na ang aklat ni J. F. Rutherford na Creation. Nang basahin ko iyon, nasumpungan ko ang mga sagot sa maraming katanungan na dati nang nasa isip ko at sa gayon ay pumidido ako ng karagdagan pang babasahín.
Mientras ako’y nagbabasa, lalo namang ibig kong ibalita sa iba ang tungkol sa Kaharian. Bilang sekretaryo ng ilang mga klub doon, ako’y maraming kaibigan at natitiyak ko noon na sila man ay magiging interesado sa mga katotohanan na aking natututuhan. Kaya’t bumili ako ng isang segunda-manong motorsiklo para magamit ko sa pagpaparo’t-parito. Subalit, ganiyan na lang ang aking pagtataka nang mapatunayan ko na ang mga taong iyon ay hindi interesado sa mga bagay na totoong kalugud-lugod sa akin. Ang palagay nila’y nababaliw ako. Marahil ako ay totoong mapilit, ngunit ganoon nga sapagkat punung-puno ako ng mga bagong bagay na aking natututuhan noon!
Maliwanag na ang kailangan ko noon ay pagsasanay at turo buhat sa mga Bible Students. Kaya’t ipinagbili ko ang taniman ng saging at nakisanib ako sa isang kongregasyon sa Brisbane. Makalipas ang anim na buwan, noong Abril 2, 1928, ako’y nabautismuhan. Nang magkagayo’y nagtrabaho na naman ako sa pagtatanim. Subalit habang lumalakad ang mga buwan ako’y patuloy na hindi mapakali. Ang buhay sa liblib na mga lugar na iyon na dati’y gustung-gusto ko ay hindi na ngayon nakaakit sa akin. Ang nais ko’y gugulin ang aking panahon at lakas sa isa pang uri ng pag-aani. Ang payo ni apostol Pablo kay Timoteo ang laging pinag-iisipan ko: “Ipangaral mo ang salita, gawin mo ito agad-agad sa kaaya-ayang panahon, sa maligalig na panahon . . . Gawin mo ang gawa ng isang ebanghelisador.”—2 Timoteo 4:2, 5.
Sa pagnanasa kong sumulong ako, ako’y sumulat sa Watch Tower Society sa Sydney at humingi ng atas sa espirituwal na pag-aani bilang isang buong-panahong ministro, isang payunir. Kanilang tinanggap ang aking aplikasyon at noong 1929 inatasan ako sa Toowoomba, timugang Queensland.
Pangangaral sa “Outback”
Mga ilang buwan ang nakalipas, tumanggap ako ng liham sa Society na nagbabalita sa akin ng isang motorisadong van (sasakyan) na ipinagbibili at iminungkahi na bilhin ko na ito, at si George Schuett ay maaaring maging kapareha ko. At ganoon nga ang nangyari. Si George ay mahigit na 60 anyos na at ang malaking bahagi ng kaniyang buhay ay ginugol sa pag-aaral ng Bibliya. Ako ay mahigit na 20 anyos lang at walang-walang karanasan. Ang kaniyang tulong, payo, at kaalaman sa Bibliya ay totoong nakatulong sa akin, bagama’t maraming beses na ang kaniyang pasensiya ay napapalagay sa pagsubok.
Ang aming teritoryo ay 100,000 milya kuwadrado (260,000 km kuwad) doon sa malayong kanlurang Queensland. Makatatlong beses naming ginagawa iyon. Ang mga bayan ay maliliit at layu-layo. Maging ang mga rantso ng mga tupa at mga baka ay 60 hanggang 70 milya (95 hanggang 115 km) ang layo sa isa’t-isa. Ang mga tao sa liblib na mga pook na ito ay dagling kumukuha ng sampu-sampung mga aklat na inialok namin sa abuloy na 10 shilling (humigit-kumulang $2, U.S.). Sila’y napakamagandang-loob, kaya naman kami ay hindi sumasala sa pagkain at palaging may natutulugan sa gabi.
Sa outback, ito’y liblib na mga pook, ang mga kalye ay basta mga landas. Sa buong isang taon kami’y may dalang mga kadena para sa gulong para magamit namin pagka kami ay napabara sa putik at mayroon din kaming mga alambreng lambat-lambat para gamitin sa buhangin, at isang torno upang kami ay mahila pagka kami ay napabara sa anumang lugar. Minsan dahil sa mataas na baha ay napigil kami sa isang lugar nang may isang linggo. Naubusan kami ng pagkain at inumin, subalit nabuhay rin naman kami. Minsan pa rin ay nagmamaneho kami sa isang baku-bakong landas sa malapit sa isang naglalagablab na sunog sa gubat. Biglang-biglang natalos namin na ang hangin pala ay nagbago ng direksiyon at ang apoy ay patungo sa aming kinaroroonan. Ang landas ay napakakitid kung kaya’t hindi kami makabuwelta. Wala kaming magawa kundi ang manalangin na lamang at magpabilis ng takbo. Kamuntik na kaming mapahamak. Kinikilabutan pa rin ako hanggang ngayon pagka naisip ko ang pagkasuong naming iyon sa panganib.
Sa Punong-Tanggapan sa Australia
Noong 1931 si Alex MacGillivray, ang tagapangasiwa ng sangay, ay nag-anyaya sa akin na maging bahagi ako ng pamilya ng Bethel sa Sydney. Ganiyan na lang ang aking tuwa, bagamat medyo pinangingibabawan ako ng sindak. Nang panahong iyon ang tanggapang sangay ng Society sa Australia ang may gawain na ipangaral ang mabuting balita sa Tsina, sa karamihan ng bansa sa Dulong Silangan, at sa mga isla ng Timog Pasipiko—isang rehiyon na isang kaapat na bahagi ng globo ang nalalaganapan. Si Brother J. F. Rutherford, pangulo ng Samahan noon, ay sabik na ang mga lugar na ito ay marating ng “mabuting balita.” (Mateo 24:14) Si Brother Mac, gaya ng tawag namin sa tagapangasiwa ng sangay, ay interesado rin dito. Nang ako’y pumasok sa Bethel, hindi ko man lamang napangarap na hindi magtatagal at pupuntahan ko ang mismong mga lugar na ito.
Ang gawaing misyonero ay laging nangangailangan ng pagtitiis sa mga kahirapan. Subalit sa mga araw na ito ng bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II ay walang Paaralang Gilead para sa pagsasanay ng mga misyonero, at wala namang mga tahanang pangmisyonero. Mabagal ang komunikasyon, at lalo ka lamang napapabukod sa iba. Wala ring panustos na salapi maliban sa kaunting kontribusyon para sa literatura, na, dahilan sa pagkabukas-palad ng mga kapatid, naibigay ng Samahan sa halaga na maliit pa sa gastos. Yaong mga tumugon sa panawagan na maging mga ebanghelisador ay kailangang maging mga payunir sa lubus-lubusang kahulugan ng salitang iyan. Kaya kailangan na ang mga payunir ay humayo nang dala-dalawa, sa mga mataong lunsod ng Silangan o sa nakabukod na mga isla ng Pasipiko, upang magtanim ng mga binhi ng katotohanan ng Bibliya sa lupain na wala pa nito. Kami’y kinailangan na makitungo sa mga taong ibang-iba ang paniwala, wika, at paraan ng pamumuhay, kaya kailangan ang lubos na pagtitiwala at katapatan kay Jehova.
Sa New Zealand
Ang aking unang destino sa ibayong dagat ay sa New Zealand noong 1932. Inatasan ako na higit na magbigay-pansin sa pag-oorganisa ng gawaing pangangaral, lalo na ang pagpapayunir. Sa gayon, bukod sa pagdalaw sa mga kongregasyon, ako’y gumawa sa larangan kasama ng mga payunir. Ang iba sa kanila ay bumuo ng mga grupo sa paglalakbay, taglay nila ang mga gamit sa pagkakampamento at mayroon din silang mga sasakyan, kasali na ang lumang bisikleta. Kaunting panahon na naglingkod akong kasama ng gayong grupo sa South Island.
Minsan ay inupahan namin ang Civic Theatre sa Christchurch upang mag-anyaya ng mga makikinig doon sa isinaplakang lektyur ni Brother Rutherford. Isang binata, si Jim Tait, ang dumalo at nagpakita ng malaking interes. Muli ko na naman siyang nakatagpo nang sumunod na gabi at ganiyan na lang ang paghanga ko sa kaniyang kasiglahan kung kaya’t iminungkahi ko sa kaniya na sumama siya sa amin sa grupong payunir. Kung ngayon ay hindi angkop ang gayong pag-aanyaya, sapagkat siya’y hindi man lamang nababautismuhan! Ngunit siya’y umuwi, nagbasta ng kaniyang mga gamit at isinakay iyon sa kaniyang bisikleta, nagpaalam sa kaniyang mga magulang, at sumama na nga sa amin. Hanggang sa araw na ito siya ay isa pa ring matatag na Saksi. Yaon ay ‘kaaya-ayang mga panahon’ nga.
Ang Dulong Silangan
Noong 1936 bumalik ako sa Australia para bigyan ng mga instruksiyon para sa isang paglalakbay tungo sa Batavia (ngayo’y Djakarta) at Singapore. Inatasan ako na irekomenda kung alin bagang lunsod ang lalong angkop para sa isang opisina upang madaling makontak ang aming mga misyonero sa Dulong Silangan. Ang pinili ko’y Singapore at lumagi ako roon upang ako ang mangasiwa sa opisina at mangaral sa lunsod na iyon. Pinagpala naman ni Jehova ang gawain, at hindi lumipas ang 18 buwan at natatag ang kongregasyon sa Singapore.
Nang malaunan ang Lightbearer, na sasakyang-dagat ng Society, may 52 piye (16 m), ay doon ang himpilan sa Singapore. Ang tripulante nitong mga ministro ang dumadalaw at nangangaral sa maraming puerto ng ngayon ay Indonesia at Malaysia. Isa sa aking mga trabaho ay ang suplayan sila ng literatura. Nagugunita ko pa na noong 1936 lamang, sila’y namahagi ng 10,500 publikasyon sa sampung wika.
Mga Isla ng Pasipiko
Noong Hulyo 1937 ako’y pinabalik sa Sydney at ipinadala sa Fiji. Yamang ang ating literatura ay bawal doon, kami’y nangangaral doon sa pamamagitan ng sound car, na ginagamit ang salin sa Fijian ng mga lektyur ni Brother Rutherford na ang nagsalin ay si Ted Heatley, isang mestisong Fijiano. Siya’y kasa-kasama ko at siya ang nagsasalita sa loudspeaker. Kami’y nagpupunta sa bawat nayon sa Viti Levu (Big Fiji), ang pinakamalaking isla, at kami ay buong lugod na tinatanggap doon. Isa pa, tumulong kami upang palakasin ang munting grupo sa Suva at mapalawak ang pangangaral sa bahay-bahay.
Noong 1938 si Brother Rutherford ay dumalaw sa Australia at New Zealand at ang gayong pagdalaw ay binigyan ng malawak na publisidad. Bagamat ang karamihan ay salungat sa ating gawain, pumukaw lang iyon ng pananabik na malaman kung ano talaga iyon. Ako’y nagpunta sa New Zealand upang isaayos ang kaniyang pagdalaw roon. At samantalang kami’y patungo sa Auckland Town Hall para sa miting, itinawag-pansin ko sa kaniya ang isang anunsiyo sa peryodiko na mali ang pagkalathala ng titulo ng pahayag na kaniyang binigkas mga ilang taon na ang nakaraan. Ang anunsiyo ay nagsasabi, “Angaw-angaw ngayon na nabubuhay ang gusto pa ang sila’y mamatay kaysa makinig kay Judge Rutherford.” Siya’y humalakhak nang matunog. Iyon ay pawang mabuting publisidad. Ang Town Hall ay punung-puno ng tao.
Pagbabalik sa Fiji
Isang araw noong 1940 ako ay nagtatrabaho sa opisina sa Sydney nang tanungin ako ni Brother Mac, “Ayos ba ang iyong pasaporte?” Ang sagot ko ay oo. “May barkong aalis ngayon para sa Fiji hindi lilipas ang tatlong araw. Ibig ko’y pumunta ka roon at hamunin ang gobyerno sa mga hukuman dahilan sa pagbabawal sa ating mga literatura.” Kaya naman ako’y nag-ayos ng isang kahon ng nasabing literatura at bumalik sa Fiji. Ang inirekomendang solicitor ay natatakot, kaya’t hinalinhan ko siya ng isa na hindi gaanong natatakot. Kaniyang sinabi na ihahanda niya ang kaso ngunit hindi niya maihaharap iyon sa hukuman. Kaya naman ako na ang nagharap ng kaso sa Attorney General at ito ang aking katunggali. Ang resulta, natalo kami nang dahil sa isang teknikalidad sa panahon dahilan sa pagkalito ng unang solicitor.
Pagkatapos ng pagkatalong iyan, humiling ako ng karapatan na makausap ang Gobernador, si Sir Harry Charles Luke, na kaniyang ipinagkaloob naman. Presente na kasama ng Gobernador ang Hepe ng Pulisya at isa pang opisyal. Isinamo ko kay Jehova na huwag akong hihiwalayan. Sa pagpipresenta ng aming kaso, nagbigay ako ng ebidensiya na nagpapakita na ang Iglesia Katolika Romana ang tanging may kagagawan ng pagbabawal na iyon. Sa katapusan ng aming pag-uusap, lumapit sa akin ang Gobernador, isinauli ang ibinawal na mga aklat na iniharap ko bilang ebidensiya, at marahang nagsabi: “Alam mo, Mr. Gill, medyo alam ko rin ang mga pakana ng Herarkiya Romana Katolika. Ang payo ko sa iyo ay ipagpatuloy mo ang iyong gawaing ebangheliko.” Pinasalamatan ko siya at lumisan na ako upang magpahatid ng kable sa Sydney para magpadala sila ng mga literatura.
American Samoa
Ang sunod na pinagdestinuhan sa akin ay sa American Samoa. Nang tatlong buwan na naroon ako, ako’y nakituloy sa tahanan ng High Chief Taliu Taffa, punong interpreter ng gobyerno at isang taong lubhang kinaaalang-alanganan. Ang kaniyang pamangking babae, isang Saksi sa Fiji, ay nagdala na ng pasabi antimano. Kaya ang kaniyang nakangiting mukha ang sumalubong sa akin nang ang barko ay dumaong. Sa buong panahon ng aking panunuluyan doon, siya ay totoong magandang-loob. Siempre pa, ang kaniyang sambahayan ay pagkaing katutubo roon ang kinakain, karamihan ay hilaw na isda at tugi. Iyan ang pagkain ng mga taga-Samoa, subalit pagkaraan ng sandali ay nahirapan ako sa gayong pagkain. Tinubuan ako ng mga pigsa-pigsa at ganiyan na lang ang paghahangad ko ng mga pagkaing katutubo sa Europa, subalit wala akong pera na maibili ng gayong mga pagkain. Bueno, noon ay nahirati na ako na magtiis sa ‘maligalig na mga panahon.’
Ang trabaho ko sa American Samoa ay mamahagi ng 3,500 mga kopya ng bagong kasasaling pulyeto na Nasaan ang mga Patay? Nang ako’y dumating doon, ako’y agad dumalaw sa Gobernador upang ipakita sa kaniya ang pulyeto at bigyan din siya ng isang kopya. Ang palagay niya’y mayroon nang sapat na dami ng mga relihiyon na may kinatawan doon sa isla—ang pari sa navy, ang London Missionary Society, ang Adventista del Septimo-Dia, at ang mga Romano Katoliko. Datapuwat, iminungkahi niya na ako’y magpadala ng pulyeto sa bawat isa sa kanila at sila ang magbibigay-alam sa Attorney General kung ang mga ito baga ay angkop na ipamahagi. Ang pari ay nanunuya ngunit hindi naman laban. Bale-wala naman sa mga Adventista kung ano man ang gawin ko huwag ko lamang tatangayin ang sinuman sa kanilang kawan. Ang parson naman ng Missionary Society ay palakaibigan pagka kami nagkakaisa ng paninindigan—kung tungkol sa papa. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makipag-usap sa paring Katoliko sapagkat isang kakatwang bagay ang nangyari.
Binigyan ko ng isang kopya ng pulyeto ang pulis na Samoan na sumama sa akin sa pagpunta sa Gobernador. Nang makita ko ang pulis mga ilang araw ang nakalipas, tinanong ko sa kaniya kung nagustuhan niya iyon. Ang sabi niya: “Sinabi sa akin ng aking boss [ang Attorney General], ‘Pumunta ka at tanungin mo sa iyong pari kung ito ay mabuting aklat.’ Sumilong ako sa isang punungkahoy at binasa ko ang aklat. Ang sabi ko, ‘Ito’y napakabuting aklat, pero kung ipakikita ko sa pari, sasabihin niya, “Hindi mabuting aklat iyan.”’ Ang sabi ko sa aking boss, ‘Boss, ang sabi ng aking pari, “Napakabuting aklat ito.”’”
Nang malaunan, samantalang ako’y nagpapatotoo sa may piyer, dumating ang Attorney General at inanyayahan ako sa kaniyang opisina. Doon ay binalangkas ko sa kaniya ang laman ng pulyetong iyon habang tinitingnan niya. Pagkatapos ay tumawag siya sa telepono at iniutos na iyon ay ilabas sa madla. Ang panahong iyon ay tunay na isang ‘kaaya-ayang’ panahon nga! Bumili ako ng isang bisikleta at namahagi ako ng mga pulyeto. Sa loob ng tatlong buwan ay naipamahagi ko ang lahat ng aklat na naroroon maliban sa isang kahon na may 350 pulyeto.
Kanlurang Samoa
Ang mga natitirang pulyetong ito ay dinala ko sa Kanlurang Samoa mga ilang oras lamang na lakbayin kung sasakay ka sa barko. Marahil ay mayroon nang nagsabi roon antimano, sapagkat nang ako’y dumating doon isang pulis ang nagsabi sa akin na ako’y hindi pinahihintulutang dumaong sa katihan. Ipinakita ko ang aking pasaporte at binasa ko sa kaniya ang preambulo na humihiling na lahat ng kinauukulan ay magpahintulot sa sinumang sakop ng Hari ng Britaniya na “dumaan doon nang walang hadlang at bigyan siya ng lahat ng tulong at proteksiyon.” Kaya naman nakausap ko ang Gobernador, na pumayag na ako’y lumagi roon hanggang sa ang susunod na barko ay magbiyahe hindi lalampas ang limang araw. Ako ay umarkila ng isang bisikleta at ginala ko ang isla, at ipinamahagi ko ang mga pulyeto.
Nang magkagayo’y bumalik na ako sa American Samoa. Kasalukuyang nagsisiklab noon ang digmaan sa Pasipiko, at nag-aalab ang damdaming pagkamakabayan. Yamang hindi maunawaan ng mga maykapangyarihan ang aming paninindigan bilang mga neutral kami’y pinagbawalan nila na mangaral sa maraming lugar. (Juan 15:19) Gayumpaman, kanilang hiniling sa akin na lisanin ko na ang Samoa, at ako’y bumalik sa Australia.
Nagbalik sa New Zealand
Nang panahong iyon ang aking mga kapatid sa New Zealand ay dumanas ng “maligalig na panahon.” Iyan ang susunod na destino ko. Subalit noong Oktubre 1940, hindi nagtagal pagkatapos na ako’y dumating doon, ibinawal din ang aming gawain doon. Maraming mga liham at telegrama sa gobyerno ang hindi tinugon. Kasali roon ang ganitong telegrama na ipinadala namin sa Attorney General: “ANG INYO BANG GOBYERNO AY NAGKAKAIT SA AMIN NG KARAPATAN BILANG MGA KRISTIYANO NA MAGTIPON AT SUMAMBA SA DIYOS SA PAMAMAGITAN NG AWIT, PANALANGIN, PAG-AARAL NG KASULATAN? PAKISUYONG SAGUTIN NG OO O HINDI.”
Kinabukasan ang Punong Ministro ay tumelepono sa amin sa pamamagitan ng kaniyang sekretaryo upang alukin kami ng isang pakikipagpanayam sa kaniya, at tinanggap naman namin ni Brother Robert Lazenby. Kasama ng Punong Ministro, na si Peter Fraser, ang Attorney General at isang mataas na opisyal ng pulisya. Sila ay mabuting kausapin at magalang subalit nahiwatigan namin na sila’y nasusupil nang pagkilos. Subalit, noong Mayo 8, 1941, binago ng gobyerno ang utos na pagbabawal at kami’y pinahintulutang magpulong, bagamat kami ay nagpupulong na sa maliliit na grupo sa mga pribadong tahanan. Puwede rin kaming mangaral ngunit hindi nga lamang maaaring mamahagi ng aming literatura. Nang maglaon, noong Marso 1945, samantalang mainit pa ang digmaan sa Pasipiko, tuluyang inalis ang pagbabawal.
Pagbabalik sa Inglatera
Ako’y bumalik sa Sydney noong 1941. Nang panahong iyon ang gawain namin ay ibinawal din sa Australia. Pagkaraan ng kaunting diskusyon, si Brother Mac ay sumang-ayon na ako’y magtungo sa London upang tingnan kung mayroong magagawang anuman doon tungkol sa mga pagbabawal. Ako’y nagbiyahe noong Oktubre 2, 1941. Subalit dahilan sa panganib na likha ng digmaan, hindi ako nakarating sa Liverpool kundi noong Disyembre 22, halos tatlong buwan ang nakalipas.
Sa London sinikap kong makapanayam si Lord Alexander, first Lord of the Admiralty at isang kaibigan ng aking ama. Subalit sa kapusukan ng digmaan ay hindi maaaring gawin iyon. Sa katunayan, ang palagay ng London sa aming mga problema ay walang dapat makialam doon kundi ang mga gobyerno na kinauukulan.
Pagkatapos na makapaglakbay ako at makapanggaling sa punong-tanggapan ng Society sa New York, bumalik na ako sa Inglatera at isinaayos ko ang mga bagay para sa pagbibiyahe patungong Australia. Ang aking dala-dalahan ay hinalughog at sinelyuhan sa London at ako’y tumungo na sa barko. Ang mga kapatid na tinuluyan ko ay nagregalo sa akin ng mga ilang bagay para sa pagbibiyahe ko, at iyon ay inilagay ko sa aking overnight bag. Pagkatapos, isang opisyal ng aduana ang nagtanong sa akin, “Bakit ang mga ito ay hindi naseselyuhan?” Ang aking simpleng sagot ay hindi nakalugod sa kanila; kaya’t ako’y inaresto nila, hinubaran, at bagamat wala silang nasumpungang anuman na magsasangkot sa akin sa anumang paratang, kanilang pinaratangan ako ng pagtatangka na iwasan ang inspeksiyon. Isang buwan akong nakulong sa piitan ng Walton. Hanggang sa araw na ito ay natitiyak ko na ako’y pinaglalangan upang maparatangan at huwag akong makabalik sa Australia.
Pagkaraan nito ay naging imposible na magbiyahe. Kaya doon ako tumigil sa Inglatera. Una muna ay nakalasap ako ng isang mabungang ministeryo sa Alfreton, Derbyshire. Nang malaunan ay dumalaw ako sa mga kongregasyon bilang isang tagapangasiwa ng sirkito. Pagkatapos ay naparoon ako sa Malta upang maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan. Ngayon ako ay bumalik na uli sa Sheffield, ang lunsod na nilisan ko nang ako’y isa pa lamang binatilyo 62 taon na ngayon ang nakalipas. Pribilehiyo ko na maglingkod bilang sekretaryo ng Ecclesall Congregation, isa sa 15 sa lunsod na iyon. At sa mga huling taon na ito ng aking buhay, ako’y nagtamasa ng napakainam na pagsuporta ng aking maybahay, si Joan, kabilang sa pamilya na inaralan ko 35 taon na ngayon ang nakalipas.
Ngayon ay makakalingon ako sa mahigit na kalahating siglong paglilingkuran bilang isang ebanghelisador, kapuwa ‘sa kaaya-ayang panahon at sa maligalig na panahon.’ Anong laki ng pagpapahalaga ko sa mga katangian ng pagtitiwala at katapatan! Oo, pagtitiwala kay Jehova, anuman ang mga kalagayan. Magtiwala na siya at ang kaniyang pagkalaki-laking hukbo ng mga anghel ay sumasa-atin. Tayo’y hindi nag-iisa kailanman.
At manatiling tapat. Manatiling tapat hindi lamang kay Jehova at kay Jesu-Kristo kundi pati rin sa makalupang organisasyon ng Diyos na nag-iingat at nangangalaga sa atin. Oo, ang ating katapatan ay napapalagay sa pagsubok dahilan sa mga pagbabago sa loob ng organisasyon, dahilan sa mga kaligaligan na sumasapit sa atin, o dumarating dahilan sa ating sariling kamangmangan. Subalit ang mahalagang mga katangian ng katapatan at pagtitiwala ang tutulong sa atin na makalampas—sa ‘kaaya-ayang panahon at maligalig na panahon’ din naman.
[Larawan sa pahina 26]
Ang pagpapayunir sa outback, Queensland, Australia
[Larawan sa pahina 28]
Kasama ang tripulante ng Lightbearer—Singapore
[Larawan sa pahina 29]
Ang tinuluyan ko sa Samoa, High Chief Taliu Taffa