Si Jehova—Isang Malupit o Mapagmahal na Diyos?
“NGUNIT ang Diyos ng Bibliya ay isang malupit na Diyos,” ang iginiit ng lalaking Hapones. Ang kaharap ng misyonero na nakatayo sa kaniyang pintuan ay isang taong may kaalaman sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
“Eh ano naman ang masasabi ninyo tungkol sa paglunod ng Diyos sa mga tao sa Baha?” ang patuloy pa ng lalaki. “At kumusta naman ang kaniyang panununog sa Sodoma at Gomorra, huwag nang banggitin pa ang kaniyang pagpapangyaring lipulin ng mga Israelita ang mga Canaaneo? Paano ngang masasabi na ang Diyos ay hindi malupit? Isa pa, ang Diyos ng ‘Bagong Tipan’ ay ibang-iba. Si Jesus ay nagturo ng tungkol sa isang Diyos ng kapayapaan at pag-ibig.”
Ang ganitong pagkakilala sa Diyos ng “Matandang Tipan” bilang malupit at maibigin-sa-digmaan ang kaisipan ng marami. Kaya naman, ang ibang mga tao ay naghihinala sa Diyos ng pag-ibig na tinutukoy sa “Bagong Tipan.” Paano nga mapaglilingkuran ng sinuman ang isang Diyos na waring may dalawahang personalidad?
“Lahat ng Kaniyang mga Daan ay Katarungan”
Ang mga tao ay talagang walang karapatan na mamintas sa mga pagkilos ng Diyos. Agad bang nauunawaan ng isang bata kung bakit ang kaniyang ama ay pumapayag na siya’y dumanas ng malaking hirap sa silya ng isang dentista? Gayundin naman, sa pasimula ay baka hindi natin maunawaang lahat ang mga pagkilos ng Diyos. “Alamin ninyo na si Jehova ay Diyos,” sabi ng salmista. “Siya ang lumalang sa atin, at tayo’y kaniya.”—Awit 100:3.
Hindi ba isang kamangmangan, kung gayon, na agad-agad sabihin natin na ang mga pagkilos ng Diyos ay malupit? “‘Ang mga pag-iisip ninyo na mga tao ay hindi aking mga pag-iisip, ni ang aking mga lakad ay inyong mga lakad,’ sabi ni Jehova. ‘Sapagkat kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kaysa inyong mga lakad, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.’” (Isaias 55:8, 9) Gayundin, tinitiyak sa atin ng Bibliya na “lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” Si Jehova ay ipinakikilala bilang “isang Diyos na tapat, na walang kalikuan.” (Deuteronomio 32:4) Tingnan natin kung gayon ang mga ilang kaso na kung saan minabuti ng Diyos na isagawa ang kaniyang inihatol na kaparusahan.
Ang Baha
“Nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng kaniyang kaisipan at kaniyang puso ay masama lamang na parati.” (Genesis 6:5) Iyon ang daigdig noon bago sumapit ang Baha. Oo, “nakita ng [Diyos na Jehova] ang kalagayan ng lupa at, narito! iyon ay sumamâ, sapagkat lahat ng tao ay nagpakasamâ ng kanilang lakad sa lupa.” (Genesis 6:12) Baka naman sabihin ng iba na dapat sana ay pinabayaan na lamang ng Diyos ang mga tao, upang gawin ang balang maibigan nila. Subalit noon ay mayroon pa ring mga taong mabubuti na natitira dito sa lupa. Hindi baga isang kalupitan para sa Diyos na pahintulutang ang mga balakyot ay magpakasamâ hanggang sa sukdulang malipol nila ang kahuli-hulihang bakas ng dalisay na asal na natitira pa dito sa lupa? Kaya naman ang Diyos ay nagsaayos ng isang pangglobong delubyo upang lipulin dito sa lupa ang mga nagpapahamak nito.
Ang isang malupit na Diyos ay hindi nga gagawa ng paglalaan upang makaligtas ang tao o hayop. Gayunman ay gumawa ng gayong paglalaan si Jehova. Ang isang malupit na Diyos ay hindi kailanman magbibigay-babala tungkol sa dumarating na kapahamakan. Subalit kaniyang inatasan si Noe na maging “isang mangangaral ng katuwiran” sa loob ng kahit man lamang 40 o 50 taon! (2 Pedro 2:5) Ang mga tao ay maaaring pumili na sila ay makaligtas o mamatay.
Sodoma at Gomorra
Nang dalawang anghel ang dumalaw sa Sodoma, nahayag ang masamang kaisipan at asal ng mga tao roon. Ang mga lalaki ng Sodoma ay pumalibot sa bahay ni Lot, “mga binata at gayundin mga matatanda ng buong bayan sa buong palibot. At kanilang tinawagan si Lot, at sinabi sa kaniya: ‘Saan naroon ang mga lalaking dumating sa inyo kagabi? Ilabas mo sila sa amin upang sila’y aming masipingan.’” (Genesis 19:4, 5) Ito’y ‘paghahangad na magpasasa sa laman ayon sa paraang di-likas.’—Judas 7; tingnan din ang Roma 1:26, 27.
Nakita ng Diyos, “na sumasaliksik sa mga puso,” na ang mga bayang iyon ay hindi karapatdapat na iligtas. Ang karapatdapat sa kanila ay lipulin. (Roma 8:27) Aba, kahit na sampung matuwid na mga tao ay wala roon sa Sodoma! (Genesis 18:32) Ang gayong pamumuhay ng mga Sodomita ay naging isang tunay na panganib sa matuwid na si Lot at sa kaniyang pamilya. Nang magkagayon, ang pagsagip ng Diyos kay Lot at sa kaniyang mga anak na babae ay isang gawang pag-ibig!—Genesis 19:12-26.
Paglipol sa mga Canaaneo
Ipinangako ni Jehova kay Abraham na ang kaniyang binhi balang araw ang maninirahan doon sa lupain ng Canaan. Subalit, pansinin na hindi inilaang gumawa ng paglipol noong kaarawan ni Abraham. Bakit? “Sapagkat ang katampalasanan ng mga Amorrheo [ang dominanteng tribong Canaaneo] ay hindi pa nalulubos,” sabi ni Jehova. (Genesis 15:16) Mga 430 taon pa ang kailangang lumipas bago ang kabalakyutan ng bansang iyon ay sumapit sa katindihan na anupat nasabi ni Moises: “Dahil sa kabalakyutan ng mga bansang ito [ng Canaan] kung kaya pinalayas sila sa harap ninyo ni Jehova na inyong Diyos.”—Deuteronomio 9:5.
Ang sabi ng aklat na Archaeology and the Old Testament: “Dahilan sa kalupitan, kalibugan at kawalang-patumangga ng mga diyos ng Canaan . . . nakita rin ang mga kalikuang ito sa kanilang mga mananamba at lumaganap nang panahong iyon ang pinakamalalaswang gawain, tulad baga ng sagradong pagpapatutot, paghahain sa mga bata at pagsamba sa ahas . . . tungo sa lubos na pagsamâ ng kanilang asal at pagsamba.” Gayunman, ang mga Gibeonita at ang mga naninirahan sa tatlo pang mga bayan ay iniligtas. (Josue 9:17, 18) Ang isa kayang malupit na Diyos ay gagawa ng ganito?
Nagbago ba ng Personalidad?
Datapuwat, iginigiit ng iba na ang Diyos ng “Matandang Tipan” ay nagbago ng personalidad sa “Bagong Tipan.” ‘Ang mga turo ni Jesus ay nakatuon sa pag-ibig,’ anila.—Mateo 5:39, 44, 45.
Subalit, ang pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E. ay isang kaparusahan buhat kay Jehova, gaya ng inihula ni Jesus. (Mateo 23:37, 38; 24:2) Gayundin, masasamang mga indibiduwal na gaya ni Ananias, Sapira, at Herodes ay pawang pinatay. Ang Diyos ay hindi nagbago. (Gawa 5:1-11; 12:21-23; Malakias 3:6) Hindi naman nagbago ang mga turo ni Jesus tungkol sa pag-ibig. Mas maaga rito, ang ipinag-uutos ng Kautusang Mosaiko: “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Ang mga turo ni Jesus tungkol sa mapagsakripisyong pag-ibig, gayumpaman, ay higit pa rito ang ipinag-utos. (Juan 13:34) Tandaan din naman na kaniyang pinagwikaan ang mga mapagpaimbabaw na mga pinuno ng relihiyon. Basahin ang buong kabanata ng Mateo 23 at tingnan kung anong matatalas na pananalita ang ginamit ni Jesus sa gayong mga mapagpaimbabaw.
Kaya sa Bibliya ay pinatutunayan na ang Diyos ay hindi malupit, kundi matimyas at hindi nagbabago ang kaniyang pag-ibig sa tao. Kaya naman tayo ay nauudyukan na mag-aral pa nang higit tungkol kay Jehova at sa kaniyang maibiging mga daan. Ang ating susunod na artikulo ay tutulong sa iyo na gawin iyan.
[Mga larawan sa pahina 3]
Si Jehova ba ay makatarungan sa pagpapasapit ng Baha, sa pagpuksa sa Sodoma at Gomorra, at sa paglipol sa mga Canaaneo?