Buháy ang Salita ng Diyos
Isang Taong Ipinahamak ng Kasakiman
GANIYAN na lamang ang pasasalamat ni Naaman dahil sa pagkagaling niya sa ketong. Ipinakita niya ang kaniyang pagkilala ng utang na loob sa pamamagitan ng pagbibigay kay Eliseo ng regalong libu-libong pirasong ginto’t pilak, pati na rin magagarang damit. Subalit tinanggihan ni Eliseo ang regalo. Si Jehova ang talagang gumawa ng gayong kahima-himalang pagpapagaling, at tinanggihan ni Eliseo ang pagtanggap ng ano mang kredito sa pamamagitan ng pagtanggap sa isang regalo.
Subalit kumusta naman ang utusan ni Eliseo na si Gehazi? Siya’y sakim at minamasdan niyang mabuti ang magagandang damit na iyon at lahat ng salaping iyon. Ano ang mangyayari kung patuloy na hahangarin ni Gehazi na mapasa-kaniya ang ilan sa mga bagay na ito? Ang di-wastong hangaring iyon ang aakay sa kaniya upang hindi na makatkat sa kaniyang isip ang bagay na iyon at sa wakas ay gumawa ng masama.—Santiago 1:13-15.
Bueno, sa wakas ay nagpaalam si Naaman at ang kaniyang mga utusan at sila ay naglakbay pauwi sa kanilang tahanan sa Siria. Subalit hindi iwinaksi ni Gehazi sa kaniyang isip ang gayong magagandang damit at lahat ng salaping iyon. Tingnan mo! Si Gehazi ay tumatakbo! Saan kaya siya papunta?
Hinabol ni Gehazi si Naaman at naabutan naman. Binati ni Naaman si Gehazi, at ang tanong: ‘Ayos ba ang mga bagay-bagay?’
‘Opo,’ ang tugon ni Gehazi. ‘Subalit sinugo ako ni Eliseo upang sabihin sa inyo na kararating-rating lamang ng dalawang bisita. At ibig ni Eliseo na bigyan ninyo sila ng dalawang paris na damit at mga ilang pilak.’ Subalit kasinungalingan iyon. Ang mga bagay na ito ay hinangad ni Gehazi na mapasa-kaniya. Datapuwat, hindi alam ito ni Naaman, kayat nagagalak na ibigay niya ang regalong ito. Iginiit pa man din niya na ibigay kay Gehazi ang lalong maraming salapi kaysa hinihingi niya.
Nang dumating si Gehazi sa kaniyang tahanan, si Eliseo ay nagtanong: ‘Saan ka nanggaling?’
‘Oh, diyan lamang sa tabi-tabi,’ tugon niya. Subalit, isiniwalat ni Jehova kay Eliseo ang ginawa ni Gehazi. Kaya ang sabi ni Eliseo: ‘Hindi ito panahon upang tumanggap ng salapi at mga damit! Ngayon ang sakit ni Naaman ay mapapalipat sa iyo at sa iyong mga supling.’ Kaagad-agad na si Gehazi ay dinapuan ng ketong, at ang nakaririmarim na sakit na ito ay namalagi na sa kaniya habang-buhay. Ang nangyari kay Gehazi ay nagpapakita kung paanong ang kasakiman ay maaaring humantong sa kapahamakan.—2 Hari 5:5, 15-27.