Kaisa ng Maylikha ng Pansansinukob na Organisasyon
“Masdan ninyo! Anong pagkabuti-buti at pagkaliga-ligaya na ang magkakapatid ay magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!”—AWIT 133:1.
1, 2. (a) Sinong manggugulo ang bumangon mga 6,000 taon na ang nakalipas? (b) Ano ang tawag ng Bibliya sa maghihimagsik na ito, at paano niya sinikap na tumulad sa Kataas-taasan?
NAIS ng Maylikha ng pansansinukob na organisasyon na ito’y panatilihing dalisay, matuwid, at nagkakaisa. Ngunit hindi nagtagal pagkatapos na lalangin ang tao mga 6,000 taon na ngayon, isang manggugulo ang lumitaw sa sansinukob. Ito’y nangyari nang isang espiritung mananalansang ang humiwalay sa organisasyon ng Maylikha at nagtatag ng kaniyang sariling organisasyon.
2 Dahilan sa ang maghihimagsik na ito ay sumalansang sa kaniyang Maylikha, siya’y tinatawag ng Bibliya na Satanas, na ang ibig sabihin ay “Mananalansang.” Siya ang pusakal na mananalansang kay Jehova, ang matuwid na Soberano ng sansinukob. (Job 1:6, 7) Ang kaniyang ambisyon ay tumulad sa Kataas-taasan sa pagkakaroon ng kaniyang sariling organisasyon, kaya ang Mananalansang ay hindi huminto hangga’t hindi siya naging isang karibal na organisador at diyos. Sa ganoon ay ginawa ni Satanas ang kaniyang sarili na kaakit-akit. Ang saloobin ni Satanas ay nabanaag sa dinastiya at maningning na makasanlibutang katungkulan na ginampanan ng “hari ng Babilonya,” na sa kaniya angkop na ikinapit ang mga terminong “sumisikat na isa” at “Lucifer.” (Isaias 14:4, 12-14; King James Version; An American Translation) Magpahanggang sa araw na ito, ngunit dahil sa kapahintulutan lamang ni Jehova, si Satanas “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.”—2 Corinto 4:4.
3. (a) Anong bahagi ng organisasyon ni Jehova ang unang sinalakay ng mananalansang na ito? (b) Ang Diyablo ay naging pangulo ng mga demonyo dahil sa anong mga pangyayari?
3 Malamang na upang sirain ang organisasyon ni Jehova, ang unang sinalakay ni Satanas ay ang pinakamababang bahagi, si Adan, ang inilagay na ulo ng sambahayan ng tao. (Genesis 3:1–24; Awit 8:3-5; Roma 5:12) Nang magtagal, maraming mga anghel ang sumuway at umalis sa kanilang “talagang tahanang dako,” o mga tirahang pinaglagyan sa kanila sa langit, at nagkatawang-tao upang makapag-asawa at makipisan sa magaganda, bagaman di-sakdal, na mga babae. (Judas 6) Ang kanilang inianak na mga mistiso, na mga higante sa laki at lakas, ay tinawag na Nepilim. Ang terminong ito, na ayon sa paniwala’y nangangahulugang “tagapagbagsak,” ay nababagay sa kanila yamang hinila nila ang mga tao na bumagsak sa pamamagitan ng karahasan. Nang panahon ng Baha, ang masuwaying mga anghel ay bumalik sa kanilang pagkaespiritu sa dako ng mga espiritu. (Genesis 6:1–7:23) Sa ganoong paglabas nila sa organisasyon ni Jehova, kanilang ginawang mga demonyo ang kanilang sarili, at si Satanas na Diyablo ang naging kanilang pinuno.—Deuteronomio 32:17; Awit 106:37; Mateo 12:24; Lucas 11:15-19.
4. Ano ang ginawa ng mga nakaligtas sa Baha, ngunit ano ang pinasimulang gawin ni Satanas, at ano ang layunin niya?
4 Sa ganoong paraan, si Satanas ay nakapagtayo ng di-nakikita, nakatataas-taong espiritung bahagi ng kaniyang organisasyon. Ang mga nakaligtas sa Baha, si Noe at ang kaniyang pamilya, ay nanatiling kaisa ng di-nakikitang makalangit na organisasyon ni Jehova. (Genesis 6:9; 8:18-21) Subalit sinikap na naman ni Satanas na sirain ang pagkakaisa ng tapat na mga inapo ni Noe. Ano ba ang layunin ng Diyablo? Aba, upang maitayo ang isang nakikitang bahagi ng kaniyang balakyot na organisasyon!
5. Paano ipinahiwatig ng The Watch Tower ng Mayo 1, 1921, na si Satanas ay may organisasyon?
5 Nangailangan ng kaunting panahon bago nakilala ng International Bible Students na si Satanas ay may isang organisasyon. Subalit sinabi ng The Watch Tower ng Mayo 1, 1921: “Hindi pa nakukontento sa kaniyang nagawa na, sinulsulan ni Satanas ang mga kampon niya sa langit at pinapangyari na pasamain nila ang sangkatauhan at punuin nila ang lupa ng karahasan. Siya’y nag-organisa ng isang sistemang di-nakikita ng mga mata ng tao, at ng isang sistema sa lupa na nakikita ng mga mata ng tao, at sinikap niya na gayahin ang lahat ng bahagi ng isiniwalat na plano ng Diyos.”
6. Sa The Watch Tower ng Disyembre 1, 1922, ano ang sinabi tungkol sa layunin ni Satanas?
6 “Satan’s Purpose” (Ang Layunin ni Satanas) ay isang subtitulo sa The Watch Tower ng Disyembre 1, 1922, at malinaw na nagsasabi: “Tayo ngayon ay nasa masamang araw. Kasalukuyang naglalaban na ang organisasyon ni Satanas at ang organisasyon ng Diyos. Ito’y isang labanan na walang pag-asang magtagumpay ang unang binanggit. Si Satanas ay nagsisikap na sirain ang moral ng organisasyon ng Panginoon at, kung maaari, ipahamak ang mga miyembro ng sambahayan ng mga anak. Kaya siya ay gumagamit ng lahat ng pakana na maaari niyang gamitin.”
7, 8. (a) Paano nakatulong ang pagkakilala sa dalawang magkaaway na organisasyon? (b) Sa The Watch Tower ng Marso 1, 1925, ano ang ipinakita na kalaban ng makasagisag na “anak na lalaki”?
7 Ang pagkakilala sa dalawang magkaaway na organisasyon ay tumulong upang liwanagin ang mga turo at mga hula sa Bibliya. Halimbawa, ang Apocalipsis kabanata 12 ay hindi tama ang pagkaunawa kundi noon lamang mailathala ang artikulong “Birth of the Nation” (Kapanganakan ng Bansa) sa The Watch Tower ng Marso 1, 1925. Ang pinaka-temang teksto (Apocalipsis 12:5, KJ) ay nagsasabi: “At siya’y nagsilang ng isang anak na lalaki, na maghahari sa lahat ng bansa na may pamalong bakal, at ang kaniyang anak ay inagaw at dinala sa Diyos, at sa kaniyang trono.”
8 Sa mga pahina 67 at 68 ganito ang sinasabi ng artikulong ito:
“Ano ba ang litaw na bahagi ng kinasihang plano sa loob ng lumipas na mga panahon? . . . Ang pagtatatag ng kaharian na itinuro sa atin ni Jesus na idalangin. Iyan ay nangangahulugan ng pagsilang ng bagong bansa, na maghahari at magpapala sa lahat ng angkan sa lupa. . . . Ano ba ang sumasalungat na kapangyarihan na nagsikap na mapanatiling walang alam ang mga tao sa maningning na bagong bansang ito at sa mga pagpapala na idudulot nito sa kanila? . . . Si Satanas na diyablo, at ang kaniyang organisasyon. . . . Ang talagang labanan ay ang Diyos laban sa diyablo, ang kaharian ng katuwiran na magbubuwal sa kaharian ng kabalakyutan at ng kadiliman, at sa halip ay itatatag ang kaharian ng katotohanan. . . . Pagkatapos ng 1918 ang organisasyon ng diyablo, sa komersiyo, pulitika at relihiyon, lalung-lalo na itong huli, ay hayagang nagtakuwil sa Panginoon at sa kaniyang kaharian; at nang magkagayon ang poot ng Diyos laban sa mga bansa ay sinimulang ibuhos. Mula na nang panahong iyon ay nagpapatuloy ang labanan dito sa lupa. Bago noon, ang labanan ay doon sa langit naganap.”
9. Noong 1925, ano yaong “babae” sa Apocalipsis kabanata 12, ayon sa paliwanag?
9 Noon ay mali ang pagkaunawa na ang Isaias 66:7 at ang Apocalipsis 12:5 ay mga hula tungkol sa pagsisilang sa “anak na lalaki” ring iyon. (KJ) Kaya naman ang sinipi sa itaas na Watch Tower ay nagsabi rin:
“Ang ‘babae’ ay waring malinaw na sumasagisag sa bahaging iyan ng Sion, ang organisasyon ng Diyos, na nagsilang sa bagong pamahalaan o bansa na magpupuno sa mga bansa at mga bayan sa lupa sa pamamagitan ng pamalong bakal at sa katuwiran. . . . (Galacia 4:26) Sa ibang pananalita ang Sion o Jerusalem, ang organisasyon ng Diyos, ay siyang ina na nagsisilang sa bagong bansa, o mga tagapamahala. Ang mga pinahiran sa lupa ay bahagi ng ‘babae’, at tiyak na kumakatawan sa kaniya. Ang babae na ‘nararamtan ng araw’ ay tumutukoy sa Sion sa langit at sa mga sinang-ayunan sa lupa na nasa organisasyon ng Diyos nang panahon na pumasok ang Panginoon sa kaniyang templo. . . . Ngayon sa kaniyang templo na kinaroroonan ng uring maka-templo o binibihisan sila ng kaniyang bihis ng katuwiran, ang kaniyang organisasyon na nagbangon sa bagong bansa, na tinatawag din na Sion, ay sumisikat na gaya ng araw.”
10. Ano ang nangyari sa espiritung bahagi ng organisasyon ni Satanas, at anong pakikipagbaka ang isinasagawa nito ngayon?
10 Ang “dragon,” na ngayo’y nakikilala na si Satanas na Diyablo mismo, ay hindi nagtagumpay ng pagsakmal sa “anak na lalaki,” ang Mesianikong Kaharian na isinilang sa langit nang matapos ang mga Panahong Hentil noong 1914. (Lucas 21:24, KJ) Sa digmaan sa langit, ang espiritung bahagi ng organisasyon ni Satanas ay inihagis dito sa palibot ng lupa, upang huwag nang makapasok pa sa langit at magsilbing manggugulo roon. Ang ibinulusok dito na organisasyon niya ang bumabaka ngayon sa nakikitang bahagi ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova, na walang humpay ng pakikipagbaka “sa nalalabi ng kaniyang binhi, na tumutupad ng mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo kay Jesus.”—Apocalipsis 12:17.
Nagkakaisang Paglilingkod
11. (a) Kanino maikakapit ngayon ang sinabi ni Pablo tungkol sa “Jerusalem sa itaas“? (b) Ano ang sinabi ni David tungkol sa makalupang Jerusalem, na kung saan nakatayo ang bahay ng pagsamba kay Jehova?
11 Ang makasagisag na “babae” ng Diyos ay inihahalintulad sa piling lunsod ng Jerusalem na tinatawag na Sion, sa mga pangungusap na patula. Sa gayon, ang mga salita ni Pablo tungkol sa malayang “Jerusalem sa itaas” ay maaari na ngayon ikapit sa mga “nalalabi ng kaniyang binhi” at sila ang patuloy na ‘binabaka’ ng “dragon,” si Satanas na Diyablo. (Galacia 4:26) Ang makalupang Jerusalem ay matibay ang pagkatayo at matatag ang pagkakaisa-isa noong mga kaarawan ni David, na nagsabi: “Ako’y nagalak nang kanilang sabihin sa akin: ‘Tayo’y pumaroon sa bahay ni Jehova.’ Ang mga paa natin ay nangakatayo sa loob ng iyong mga pintuang bayan, Oh Jerusalem. Ang Jerusalem ay natatayo na gaya ng isang lunsod na pinagkaisa-isa, na pinaparoonan ng mga tribo, ang mga tribo ni Jah, bilang tagapagpaalaala sa Israel na magpasalamat sa pangalan ni Jehova.”—Awit 122:1-4.
12. (a) Sa anong pagkakaisa kumakapit ngayon ang mga salita ng Awit 122:1-4? (b) Ang Jerusalem at ang banal na tabernakulo roon ay may anong kaugnayan sa pagkakaisa ng mga tribo ng Israel?
12 Anong gandang paglalarawan sa pagkakaisa ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova! At lalung-lalo nang mahahalata ang gayong pagkakaisa sa mga pambansang kapistahan, pagka ang 12 tribo ng Israel ay nagsasama-sama sa nagkakaisang pagsamba kay Jehova sa banal na tabernakulo sa Jerusalem. At noong panahon ng paghahari ng kanilang pastol-haring si David, ang mga tribo ay nanatiling nagkakaisa-isa hindi lamang dahilan sa kanilang pagiging iisang-angkan kundi lalung-lalo na dahilan sa organisadong pagsamba sa kanilang Diyos. Oo, ang Jerusalem ang sinang-ayunan ng Diyos na sentro ng nagkakaisang, organisadong pagsamba sa ilalim ng isang pagkasaserdote na kinuha sa tribo ni Levi at sa pamilya ng unang mataas na saserdote ng Israel, si Aaron, ang nakatatandang kapatid ng propetang si Moises. Isa pa, lahat ng 12 tribo ay nasa iisang tipang Kautusan na nagbukod sa kanila buhat sa lahat ng mga bansang mananamba sa mga demonyo.
13. Ano ang sinabi ni David tungkol sa pagkakaisang tinatamasa noon ng mga sinaunang Israelita?
13 Anong pagkainam-inam na tagapagkaisa ang lahat ng mga bagay na ito! Pinapanatili na ang bayan ng Diyos ay nagkakaisa bilang isang pambansang organisasyon ukol sa kanilang ikaliligtas at ikapagpapala. Ganito ang pagkasabi tungkol doon ni David: “Masdan ninyo! Anong pagkabuti-buti at pagkaliga-ligaya na ang magkakapatid ay magsitahang magkakasama sa pagkakaisa! Ito’y parang mahalagang langis sa ulo, na tumutulo hanggang sa balbas ni Aaron, na tumutulo hanggang sa laylayan ng kaniyang kasuotan. Iyan ay gaya ng hamog sa Hermon na tumutulo sa mga bundok ng Sion. Sapagkat doon iniutos ni Jehova na dumoon ang pagpapala; samakatuwid baga’y ang buhay na magpakailanman.”—Awit 133:1-3.
14. (a) Sino ang tumutulad ngayon sa pambansang pagkakaisa ng Israel? (b) Saan inilalarawan na nakatayo ang espirituwal na mga Israelita, at anong “awit” ang kanilang inaawit nang may pagkakaisa?
14 Ang pambansang pagkakaisa na nag-udyok upang salitain ang ganiyang taos-pusong kapahayagan ay tinutularan sa ngayon. Nino? Ng “Israel ng Diyos,” ang espirituwal na mga Israelita na may isang ina na tinutukoy ni Pablo nang kaniyang sabihin: “Ngunit ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siyang ina natin.” (Galacia 6:16; 4:26) Ang kaniyang inianak sa espiritung mga anak ay hindi niya ipinaaalipin sa tipang Kautusan. Bagamat “ang Israel ng Diyos” ay inilalarawan sa tuwina na may 12 tribo, lahat ng 144,000 miyembro ay may tatak ng iisang “tatak ng Diyos na buháy,” at lahat ay inilalarawan bilang nakatayo sa kaisa-isang makalangit na “Bundok ng Sion.” (Apocalipsis 7:1-8; 14:1-4) Anong gandang grupo ng mga mang-aawit pagka sila’y nagkakaisa-isang umaawit ng “awit ni Moises na alipin ng Diyos at ng awit ng Kordero,” si Jesu-Kristo! (Apocalipsis 15:3, 4; Juan 1:29, 36) Ang “awit” na iyan ay nakalulugod sa Diyos at nangangahulugan ng tagumpay!
15. (a) Ang 144,000 ay organisado para sa anong gawain bukod sa pag-awit? (b) Paanong ang mismong salitang “organisasyon” ay nagpapakilala ng pagkakaisa?
15 Ang 144,000 at ang kanilang Maestrong-Korista, “ang Kordero,” ay organisado hindi lamang upang magparinig sa kalangitan ng kanilang pag-awit. Sila’y isang maharlikang organisasyon na maghahari ng isang libong taon ukol sa ikapagbabangong-puri ng pansansinukob na soberanya ni Jehova at sa ikapagpapala ng lahat ng masunuring sangkatauhan. (Apocalipsis 20:4-6) Ang salitang “organisasyon,” na kabaligtaran ng “disorganisasyon,” ay tumutukoy sa isang kaayusan ng mga bagay na kung saan ang bawat bahagi ay nasa tamang dako at binigyan ng takdang atas na gumawa upang lahat ng bahagi ay kumikilos na sama-sama upang maisakatuparan ang isang bagay. Sa gayon, dahil sa organisasyon ay umiiral ang pagkakaisa, pagtutulungan, mahusay na kaayusan, at pagkakasuwato—hindi pagkakabaha-bahagi.
16. Sang-ayon sa Efeso 4:8, 11-16, anong tunguhin ang itinakda mahigit na 19 na siglo na ngayon ang nakalipas, at ano ang naging bunga nito sa mga Saksi ni Jehova?
16 Ang tunguhin na pagkakaisang Kristiyano ay itinakda mahigit na 19 na siglo na ngayon ang nakalipas, nang ang “kaloob na mga lalaki” ay ibinigay bilang mga apostol, propeta, ebanghelisador, pastol, at guro. Nang ang Watch Tower magasin ay sinimulang ilathala noong 1879, ang Diyos ay nagbigay ng espirituwal na “mga pastol at guro.” Dahilan sa paglalaang ito ang mga Saksi ni Jehova ay nasa kanilang kasalukuyang “pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos.” (Efeso 4:8, 11-16) Anong laki ng ating pasasalamat na ginawa ito ni Jehova pagkaraan ng daan-daang taon ng kaguluhan at pagkakawatak-watak ng relihiyon sa buong daigdig!
17. Paano natin malalaman na ang suma-isip noon ng Diyos ay hindi lamang ang pagkakaisa ng mga pinahirang Kristiyano, at tungkol dito’y ano ang inihula ni Jesus?
17 Maliwanag, ang sumasa-isip noon ng Diyos ay hindi lamang ang pagkakaisa ng pinahirang mga Kristiyano, sapagkat “nilayon niya ang isang administrasyon sa katapusan ng takdang mga panahon, samakatuwid nga, na tipunin muli ang lahat ng mga bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at ang mga bagay sa lupa.” (Efeso 1:9, 10) Tungkol dito, inihula ni Jesus: “Mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.”—Juan 10:16.
18. (a) Ano yaong kabilang sa “mga bagay sa lupa” na kailangang tipunin? (b) Noong 1935, paano binigyan ng pantanging pansin ang “mga ibang tupa”?
18 Itong “mga ibang tupa” ay kabilang sa “mga bagay sa lupa” na kailangang tipuning sama-sama. Kaya, sa patnubay ng espiritu ng Diyos, mga 21 taon pagkatapos na pasimulan ni Jesu-Kristo ang paghahari noong 1914, pantanging atensiyon ang ibinigay sa “mga ibang tupa.” Sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C., noong 1935, ipinaliwanag ng presidente ng Watch Tower Society na ang “lubhang karamihan” ay “mga ibang tupa” na sa wakas titipunin ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 7:9-17, KJ) May tinipon ba si Jesus na “mga ibang tupa” sa makasaysayang kombensiyong iyon? Oo, sapagkat 840 mga kombensiyonista noon ang kumilala sa bagay na sila’y tinipon ng Mabuting Pastol at sila’y napabautismo bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova.
19. (a) Hanggang sa kasalukuyan, gaano karami ang “lubhang karamihan”? (b) Sa pamamagitan ng pakikipagkaisa sa nakikitang organisasyon ni Jehova, ang “lubhang karamihan” ay nakikipagkaisa kanino, at sila’y disididong manatili sa ano?
19 Iyan ay pasimula lamang ng pagtitipon sa “lubhang karamihan” ng “mga ibang tupa,” na ngayon ay may bilang ng mahigit na 2,800,000. Sa pamamagitan ng pakikipagkaisa sa nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova—samakatuwid baga, sa nalabi ng “munting kawan” sa “kulungang ito” ng Mabuting Pastol—sila’y kaisa na ngayon ng Dakilang Maylikha ng pansansinukob na organisasyon. At sila’y disidido na manatili sa pagkakaisang iyan samantalang tinatamasa nila ang buhay na walang hanggan sa lupang Paraiso na ipagkakaloob sa kanila ng Pinakadakilang Pastol, si Jehova.—Lucas 12:32; 23:43.
20. Samantalang binubulay-bulay ng pinahirang nalabi at ng “lubhang karamihan” ang ginagawa sapol noong 1914 ng Pinakadakilang Pastol, ano ang napakikilos silang gawin?
20 Samantalang ang pinahirang nalabi at ang dumaraming “lubhang karamihan” ay nagbubulay-bulay sa lahat ng ginawa ng Pinakadakilang Pastol sa buong sansinukob sapol nang magtapos noong 1914 ang mga Panahong Hentil, ang taos-pusong pasasalamat ay nagpapakilos sa kanila na umawit na sama-sama ng dakilang awit ng Hallelujah (Aleluya): “Purihin ninyo si Jah, ninyong mga tao! Purihin ninyo ang Diyos sa kaniyang dakong banal. Purihin ninyo siya sa kalawakan ng kaniyang kalakasan. Purihin ninyo siya dahil sa kaniyang makapangyarihang mga gawa. Purihin ninyo siya ayon sa kasaganaan ng kaniyang kadakilaan. Purihin ninyo siya ng tunog ng trumpeta. Purihin ninyo siya ng salteryo at ng alpa. Purihin ninyo siya ng pandereta at ng sayaw. Purihin ninyo siya ng panugtog na de-kuwerdas at ng plauta. Purihin ninyo siya ng matutunog na simbalo. Purihin ninyo siya ng pinakamatutunog na simbalo. Lahat ng bagay na humihinga—purihin ninyo si Jah. Purihin ninyo si Jah, ninyong mga tao.”—Awit 150:1-6.
21. (a) Kailan pupurihin si Jehova ng “lahat ng bagay na humihinga”? (b) At kung magkagayon, lahat ng bahagi ng pansansinukob na organisasyon ay gagawang kasama nino at ukol sa anong layunin?
21 Hindi na magtatagal at ang kasalukuyang “mga langit” at “lupa” ay mapupugnaw sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” at ang malaon nang hinihintay na “mga bagong langit at isang bagong lupa” ay matatatag na at mananatili. (2 Pedro 3:7-13; Apocalipsis 16:14, 16) Kaya, kung magkagayon, “lahat ng bagay na humihinga” na makaliligtas sa ibabaw ng nilinis na lupang ito ay magpupuri kay Jah, ang Dakilang Maylalang ng pansansinukob na organisasyon ng katuwiran. Lahat ng mga bahagi ng organisasyon niya sa langit at sa lupa ay buong kagalakang magpupuri kay Jehova at gagawang kasama niya ukol sa walang hanggang pagbabangong-puri ng kaniyang pansansinukob na soberanya at pagbanal sa kaniyang pinakadakilang pangalan. Oh anong kahanga-hangang pagkakaisa ang ipinahihiwatig ng lahat na ito!
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang mga nangyari at si Satanas ay naging pangulo ng mga demonyo?
◻ Paano nakatulong ang pagkakilala sa dalawang dakilang organisasyon?
◻ Ang Awit 122:1-4 ay natutupad sa anong pagkakaisa ngayon?
◻ Bakit masasabi na ang sumasa-isip noon ni Jehova ay hindi lamang ang pagkakaisa ng mga pinahirang tagasunod ni Jesus?
◻ Kailan pupurihin si Jehova ng “lahat ng bagay na humihinga”?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Sa tuwina ang mga nasa bayan ni Jehova ay kaisa ng kanilang mga kapatid at ng Maylalang ng pansansinukob na organisasyon