Paglilingkod sa Diyos Bilang Isang Pamilya
Inilahad ni Otto Rittenbach
SI Carol at ako ay ikinasal noong Nobyembre ng 1951. Nang sumunod na taon ang aming unang anak, si Brenda, ay isinilang. Nang sumunod na anim na taon ay nagkaanak kami ng lima pa—si Rick noong Hulyo 1954, si Rhonda noong Hunyo 1955, si Jo-Dene noong Mayo 1956, si Wayne noong Hunyo 1957, at si Kenan noong Hulyo 1958. Ako noon ay 27 lamang at si Carol ay 23. Oo, mabigat na mga pananagutang pampamilya para sa mag-asawang nasa kabataan pa!
Sa ngayon, kami ay napasasalamat na lahat kami ay nagkakaisa sa paglilingkuran sa Diyos. Si Rick ay naglilingkod sa Bethel, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Kami naman ni Carol, kasama ang aming mga bunsong anak na lalaking sina Wayne at Kenan, ay nasa Watchtower Farms humigit-kumulang 95 milya (150 km) sa gawing norte ng Brooklyn. At si Brenda, Rhonda, at si Jo-Dene ay nagsipagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead at ngayon ay mga misyonera—si Brenda ay nasa Gitnang Silangan at si Rhonda at si Jo-Dene ay nasa Colombia, Timog Amerika.
Kailanman ay hindi namin sukat akalain na ang aming buong pamilya ay magkakamit ng dakilang mga pribilehiyong ito sa paglilingkuran. Kami noon ay isang mag-asawang nasa kabataan na may isang katerbang anak at pinagsikapan naming mainam na masunod ang mga tagubilin na natutuhan namin sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon. Hindi iyon madali. May mga panahon ng kahirapan. Subalit lahat kami ay sumasang-ayon na ang paglilingkod namin sa Diyos na inuna namin sa lahat ng bagay ay nagbunga ng isang buhay na sagana sa mga pagpapala. Hayaan ninyong ilahad namin sa maikli ang tungkol sa aming buhay at sa aming pamilya.
Pagkatuto ng Katotohanan ng Bibliya
Ako’y isinilang noong 1930 sa isang bukid sa North Dakota, ang ika-13 ng 14 na anak. Ang pamilyang Nylen, mga magbubukid din, ay apat na milya (6 km) ang layo sa amin. Sila’y kilala sa komunidad bilang mga Saksi ni Jehova, bagama’t sila’y hindi pa bautismado at hindi palagiang dumadalo sa mga pulong sa kongregasyon.
Sa kalaunan ng pag-asikaso ko sa aming sakahan, ako’y malimit na dumadalaw sa kanilang sakahan at nakilala ko si Carol Nylen. Kami’y naging magkaibigan, at hindi nagtagal pagkatapos ni Carol ng high school kami ay ikinasal. Makalipas ang dalawang buwan, maaga noong 1952, ako ay tinawag na magserbisyo sa army at dalawang taon ang ginugol ko roon, kasali na ang 14 na mga buwan sa Alemanya.
Nang ako’y makabalik na galing sa Alemanya, kami’y umupa ng isang sakahan humigit-kumulang isang kuwarto ng isang milya (.4 km) ang layo sa mga Nylen. Halos wala kaming pera kaya’t kami’y nangutang sa FHA (Farmers Home Administration) upang makabili ng mga ilang bakang gatasán at mga makina na gamit sa bukid. Ang pagsasaka noon ay gumugugol ng malaking panahon. Gayunman, dahilan sa pagpapatibay-loob sa akin ni Carol at ng aking mga biyenan na noon ay mga aktibong Saksi na, pumayag ako na ako’y aralan ng Bibliya sa tahanan. At walang lubay na inaralan ako ng kapatid ni Carol na si Roland. Malaki ang naitulong sa akin sa espirituwal ng mga dalaw ng mga tagapangasiwa ng sirkito at ng iba pang mga Saksi, kaya nang bandang huli ay nag-alay na ako kay Jehova at nabautismuhan noong Agosto ng 1956.
Isang Masipag na Asawa
Ang buhay sa bukid noong panahong iyon ay kapós sa maraming modernong mga kagamitan. Halimbawa, ang aming inuupahang bahay ay walang gripo, kaya lahat ng tubig ay kinakailangang salukin sa balon, at kami’y lumalabas kung kailangan naming gamitin ang palikuran. Kakaunti ang aming mga muwebles, ngunit pinagkasiya na namin ang mayroon kami pati yaong mga ibinigay sa amin. Si Carol ay naging mahusay sa paggagayak ng tahanan na anupa’t ang bahay namin ay walang iniwan sa bahay ng isang manika, ayon na rin sa sabi ng may-ari. Siya ang tumahi sa lahat ng damit ng mga bata, karamihan nito ay mga matatandang damit na ibinigay sa kaniya. At malimit na tinutulungan niya ako sa mga trabaho sa labas, pati na sa paggatas ng mga baka, na noo’y ginagawa namin nang kamayan.
Noong mga taóng iyon si Carol, na ang ina ay naging isang guro sa paaralan, ay gumawa ng kahanga-hangang pagsasanay sa mga bata. Bukod pa riyan, dahilan sa pagbabasa ng Bibliya at ng mga lathalain ng Watchtower ay alam namin ang kahalagahan ng pagsasanay sa aming mga anak mula pa sa pagkasanggol. (2 Timoteo 3:15) Kaya, palagian, tuwing umaga mula sa mga alas 9:30 hanggang alas 11, ang isang dulo ng aming munting kusina ay nagiging isang paaralan. Kabilang na sa pinakamaagang mga alaala na nagugunita pa ng lahat ng mga anak namin ay ang pag-upo sa maliliit na mapupulang silya pabilog sa palibot ng isang pisara. Sa ngayon, ang mga oras ng pag-aaral na iyon ay nagugunita pa ng mga bata at sila ay natutuwa. Ang mga batang mga sanggol pa lamang ay natutong maupo nang tahimik at maghalukipkip sa loob ng mga isang oras. Pagkatapos sila’y handa na para sa kanilang regular na pamamahinga at pagtulog sa tanghali.
Nang ang mga bata ay mga isang taon at kalahati na ang edad, sila ay mga aktibo na nakikibahagi. Tinuruan sila ni Carol ng abakada at ng pagbasa at pagsulat sa tulong ng mga flash kard na gawang-bahay. Kaniya ring tinulungan sila na magsaulo ng mga pangunahing teksto sa Bibliya, pati na ng mga pangalan ng mga apostol, at kinuwentuhan niya sila ng mga kuwento sa Bibliya lakip na ang praktikal na mga leksiyon na itinuturo ng mga ito. Kawili-wiling panuorin ang aming mga anak na madaling natuto at maraming natutuhan sa ganoong kaagang edad. Baka halos hindi makapaniwala ang iba, ngunit nasasabi nila ang mga pangalan ng lahat ng 66 na aklat ng Bibliya nang sila ay edad isa at kalahating taon, at sa edad na dalawa o tatlo bawat isa sa kanila ay marunong nang bumasa.
Bukod diyan, kami’y nagkaroon ng regular na pampamilyang pag-aaral at sa pag-aaral na iyon ay inihahanda namin at ng mga bata ang leksiyon na pag-aaralan sa aming regular na mga pulong ng kongregasyon. Mangyari pa, dito’y kailangan na isaayos mo ang aralin upang kanilang maunawaan ito, lalo na nang aming pinag-aaralan ang aklat na “Your Will Be Done on Earth,” at nang malaunan ang “Let Your Name Be Sanctified,” gayundin ang mga aralin sa magasing Watchtower. Ang pagsasanay na ito ay tumulong sa mga bata hindi lamang upang sumulong sa espirituwal kundi pati na sa kanilang pag-aaral sa paaralan.
Pakikitungo sa mga Problema
Gayumpaman, sa kabila ng lahat ng mga pagsisikap namin, hindi naging maayos na lahat ang takbo ng mga bagay-bagay gaya ng ibig naming mangyari. Halimbawa, nang si Brenda ay umuwi galing sa paaralan noong unang araw, kinumusta namin siya. Isa sa aming tanong sa kaniya ay tungkol sa pagsaludo sa bandila. Ang tugon niya, “Ah, hindi, hindi ako sumaludo sa bandila; nangako lang ako na tatangkilikin ko iyon.” Kaya pala, kulang ang aming turo sa kaniya!
At minsan bago mag-Thanksgiving vacation, sa pananghalian sa kapiterya ng paaralan ay nagsilbi ng nilitsong pabo. Si Rick, na noon nasa unang grado, ay tumanggi ng pagkain niyaon. Pagkatapos lamang nang puspusang pagpapaliwanag ng titser na hindi Thanksgiving Day noon ni isang tunay na pananghalian iyon sa Thanksgiving, at matapos na tawagan sa telepono si Carol, saka lamang pinayagan si Rick ng kaniyang budhi na kumain niyaon.
Mayroon pa ring mga problema na ibang klase naman, na hindi ka halos makapaniwala na babangon, ngunit ipinakikita lamang ang kapilyuhan ng mga bata. (Genesis 8:21; Kawikaan 22:15) Waring gusto ni Rhonda nang siya’y nasa ikatlong grado na magkaroon ng isang coat na binili na nang yari. Kaya’t gumawa siya ng istorya na umano’y sinabi ng titser na kailangang mayroon na siya nito pagsapit ng Mayo 1! At halos nakumbinse niya kami.
At nariyan din ang suliranin ng pagnanakaw. Nang si Wayne at si Kenan ay nasa ikalawa at unang grado, sila’y kumuha ng kendi sa desk ng titser. Nang aming mapag-alaman ito, kami’y nakipagkatuwiranan sa kanila, sinikap naming alamin ang talagang dahilan kung ano ang nagtulak sa kanila na gumawa ng ganitong hindi mabuting bagay. Para pagsisihan nila ang kanilang ginawa amin silang pinabili ng kendi at pinabigay iyon sa titser kasabay nang pagsasabi sa kaniya kung ano ang kanilang ginawa. Sinikap namin na bunutin ang masasamang motibo sa puso ng aming mga anak minsan na mahalata namin na tumutubo ang mga ito at sinikap namin na palitan iyon ng mabubuti at malilinis na motibo at ito’y ginawa namin sa pamamagitan ng pakikipagkatuwiranan sa kanila.
Kailangang Pagbuhusan ng Pansin
Sa unang-una pa lamang ay natalos namin na ang pag-aasikaso ng isang pamilya upang makapaglingkod kay Jehova ay isang karera na nangangailangan ng buong pansin. Kailangan palang ang mga anak ay palaging may ginagawa, at ipadama sa kanila na kailangang may kaayusan at iskedyul. Kailangang malaman nila kung kailan gigising sa umaga, kung kailan matutulog sa tanghali, kung kailan kakain, at iba pa. Lahat ng ito ay kailangang ituro habang sila ay maliliit pa at patuloy na susubaybayan sila at palalawakin pa ito habang sila’y lumalaki.
Sinimulan naming turuan ang aming mga anak ng pagkamasunurin kahit sa pagkasanggol pa lamang. Pagka hiniling namin sa kanila na gumawa ng isang bagay, kahit na iyon ay simpleng-simple lamang, gaya ng “maghalukipkip ka,” o, “Umupo ka,” inaasahan namin na sila’y agad susunod at agad naman silang sumusunod nga. Tinitiyak naman na bawat utos ay sinusunod. Ang ganitong pagsasanay mula pa sa pagkasanggol hanggang sa sila’y sumapit sa hustong edad ay nakahahadlang at nagpapakonti sa mga problema pagtatagal-tagal. Nakaugalian na namin na sa kanilang pagkasanggol ay binabalot namin ng kumot ang aming mga anak pagka oras na sila’y matutulog, gaya ni Jesus na binalot ng kumot nang siya ay isang sanggol. (Lucas 2:7) Ito’y nakakatulong sa kanila na makadama ng kapanatagan at sila’y nakakatulog agad-agad.
Sa kamusmusan pa lamang ay tinuruan na namin ang mga bata na magtrabaho. Samantalang maingat na pinagmamasdan ng aking maybahay, sila’y natututong pumulot ng mga bagay-bagay, maghugas ng mga pinggan, at magtiklop ng mga damit. Nang malaunan sila’y natutong magsulsi ng mga medyas, magkabit ng mga butones, gumawa ng tinapay, magtanim at magbunot ng damo sa hardin, at tumulong sa pagsasalata at pag-iilado ng mga ani rito. Kapuwa mga lalaki at mga babae ay natutong lahat nito. Natuto rin silang kumumpuni ng anumang sira sa bahay, magpinta, at asikasuhin ang looban upang maging kaakit-akit. Tinuruan namin sila na tapusin ang anumang inumpisahan nila, gawin iyon nang mahusay, at sinisiguro namin na ganoon nga ang kanilang ginagawa. Nangailangan ng panahon, ngunit sulit naman nang bandang huli.
Nakilala rin namin na kailangan ang paglilibang. Gayunman, bihira na dito’y makasali ang panunood ng telebisyon. Ang totoo pa nga, ang aming pamilya ay nagkaisa na HUWAG magkaroon ng telebisyon. Karamihan ng aming libangan ay sama-samang paggawa ng mga bagay-bagay—paglalaro, pagpipiknik, pagsasama-sama sa mga aktibidades ng kongregasyon, at pagdalo sa mga asamblea. Kadalasan, may kaugnayan sa paglalakbay patungo sa mga asamblea, kami’y nag-iiskedyul ng mga pagbabakasyon sa kawili-wiling mga lugar.
Sa tuwina’y ang inuuna namin ay mga espirituwal na aktibidades. Sa simula ay naglalakbay kami ng 55 milya (90 km) papunta lamang sa Kingdom Hall, at totoong matindi ang mga taglamig sa North Dakota. Subalit sa pamamagitan ng pag-iingat at yamang kami naman ay may malulusog na pangangatawan, bihirang hindi kami nakakadalo sa pulong. Ang mga asambleang pansirkito ay tunay na mahalaga sa aming buhay, minsan ay nagbibiyahe kami ng 250 milya (400 km) upang makadalo sa tatlong-araw na asamblea nang mga araw na iyon.
Ang ministeryo sa larangan ay isang regular na bahagi tuwing dulo-ng-sanlinggo, kahit na ang temperatura ay -20° F. (-29° C.). May mga taong nag-iisip na isang kalabisan na na ang mga bata ay ilabas sa gayong matinding kaginawan, subalit napatimo sa kaisipan ng mga bata na walang anumang makakahadlang sa aming paglilingkod kay Jehova.
Inuna Namin ang mga Intereses ng Kaharian
Noong 1961 napaharap kami sa malaking disisyon nang ang sakahan na aming inuupahan ay ialok na ipagbili sa amin. Bilhin ko kaya ang sakahan, o humanap ako ng ibang trabaho? Ang buhay sa sakahang iyon ay mabuti para sa mga bata, at habang lumalaki ang mga anak na lalaki ay maaaring maging hanapbuhay nila iyon. Gayumpaman, naisip namin na ang pagsasaka ang uubos ng karamihan ng aming panahon, at ipinangatuwiran namin na maaaring maging isang silo ito sa amin. Noong una pa ay binigyan ako ng aking itay ng kapirasong lupa, na hindi naman gaanong kalakihan upang sakahin. Pinagbili ko ito at bumili ako ng backhoe at mga iba pang gamit at pumasok ako sa trabahong paghuhukay.
Kami’y lumipat sa karatig bayan ng Butte, North Dakota, may populasyon na mga 200. Ako’y naghukay ng mga basement at gumawa ng mga imburnal sa bukid, at natuto akong maging kantero. Upang madagdagan ang aking maliit na kinikita, ako’y nagmaneho rin ng bus ng paaralan. Gayunman ay laging nadarama namin ang pagkalinga at tulong ni Jehova samantalang inuuna namin ang espirituwal na mga bagay. Bagama’t kami ay isang malaki ngunit maralitang pamilya at kung minsa’y nakikipagpunyagi sa matinding kaginawan, lagi naman kaming nakakadalo sa mga pulong ng kongregasyon at sa mga asamblea, at palagiang nakakabahagi sa ministeryo sa larangan.
At dumating ang panahon na kami ay nakabili ng isang matandang bahay at, sa tulong ng ama ni Carol, binago namin ang yari niyaon upang maging isang maganda ngunit di-marangyang tahanan. May nabuong kongregasyon sa aming lugar, at nagkapribilehiyo kami na tumulong sa pagtatayo ng isang munting Kingdom Hall. Kaya naman, kami’y naglalakbay ngayon ng 15 milya (25 km) na lamang sa halip na 55 milya (90 km) para makadalo sa mga pulong. Yamang ang kongregasyon ay maliit, kami’y may mga bahagi sa mga pulong linggu-linggo, kaya naman kami ay laging naghahanda para sa mga bahaging ito.
Sa maraming paraan nadama namin ang maibiging pangangalaga ni Jehova. Bilang halimbawa: Noong Marso ng 1965 ako ay inanyayahan na mag-aral sa Kingdom Ministry School sa South Lansing, New York, na noon ay isang buwan ang kurso ng pag-aaral para sa mga elder na Kristiyano. Subalit ang kotseng ginagamit namin ay luma na at hindi maaasahan na sa tuwina’y areglado para sakyan ng pamilya ko sa pagpunta sa mga pulong at sa isang pansirkitong asamblea samantalang ako’y malayo sa kanila. Kaya’t kami’y nagpunta sa isang malaking karatig bayan upang humanap ng mabibiling kotse. Sa halos buong maghapon ay wala kaming makita, subalit mga 45 minuto bago ako kailangang nasa bahay na upang magmaneho naman ng bus ng paaralan, ako’y huminto sa isa pang tagapagbenta ng kotse.
Dinala ako ng dispatsador sa isang madilim na garahe at ipinakita sa akin ang isang kotse na sa palagay ko’y angkop sa gusto ko. At sinubok ko iyon at mahusay namang tumakbo, subalit ayon sa dispatsador ang presyo raw ay $300, na hindi ko kaya. Nang ako’y paalis na, pinaghintay ako ng dispatsador upang itanong sa manedyer kung ano ang pinakamababang maipipresyo roon. Ang manedyer ay medyo nag-atubili, nag-isip-isip, at mabigat sa loob na nagsabi, $150. Kaya binili ko na iyon at iniuwi ko sa amin.
Nang may bandang katapusan ng tagsibol na iyon, mahirap ang pera. Kauuwi ko lamang pagkatapos na makapag-aral sa Kingdom Ministry School. Napakaaga na magsimula ng pagtatrabaho sa labas yamang may yelo pa ang lupa. Nakatanggap ako ng trabaho sa kabilang panig lamang ng aming kalye, at ito’y paghuhukay para magbaon ng mga tubo at magkabit ng gripo sa banyo. Isang buwan o higit pa ang kailangang lumipas bago ko magawa iyon, ngunit isang araw, sa laki ng aking pagtataka, ang aming kapitbahay ay tumawag. Ibig daw niyang ibigay ang patiunang bayad na $500 para sa trabahong iyon!
Noong 1967 tumanggap ako ng alok na trabaho sa isang bayan na mga 100 milya (160 km) ang layo. Ipinasiya ko na tanggapin iyon. Ang isang dahilan ay sapagkat ang aking trabahong paghuhukay at pag-iinstalasyon ay patuloy na naglalayo sa akin sa aming tahanan, at iyon ay nasa punto na kailangan kong magpalawak ng negosyo at lalo akong mapapasangkot doon sa kabila ng pagkapinsala naman ng aking espirituwalidad. Kaya’t ipinagbili namin ang aming bahay at lumipat kami sa New Rockford, North Dakota, at doon ay pumasok ako na isang dispatsador ng mga abono para sa isang tindahan ng mga gamit sa pagsasaka. Bagama’t ang bagong trabahong ito ay hindi nagbigay sa akin ng kalayaan na gaya ng ibinibigay ng sariling hanapbuhay, minabuti ko na na tanggapin iyon yamang ang mga anak ko ay may edad-edad na ngayon at matatag na sa landas Kristiyano.
Isang Maligayang Pamilya sa Buong-Panahong Ministeryo
Dahilan sa ang mga bata ay tumanggi sa mga scholarship pagkatapos ng kanilang graduwasyon, ayon sa kanilang mga guro at mga iba pa sa komunidad ay sinasayang daw nila ang kanilang magagandang pagkakataon. Gayunman, sa kabila ng mga panggigipit na humihimok sa kanila na ipagpatuloy nila ang kanilang sekular na edukasyon, pagkatapos ng high school bawat isa sa kanila ay nagsimula na sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir.
Si Brenda ay nagsimulang nagpayunir noong 1970, sinundan ni Rick noong 1972. Pagkatapos ay pumasok siya sa Bethel nang Disyembreng iyon. Nang sumunod na taon kapuwa si Rhonda at ang aking maybahay ay nagsimula ng pagpapayunir. Noong 1974 si JoDene at ako ay nakisali sa kanila sa pagpapayunir, at nang sumunod na tagsibol nagpayunir din si Wayne kaya ang bilang ng mga payunir sa aming pamilya ay anim. Noong 1976 si Wayne ay natawag na maglingkod sa Watchtower Farms, subalit si Kenan ay nagtapos ng pag-aaral at naging anim uli ang payunir namin sa pamilya.
Nang ako’y magpasiyang magpayunir, ang aking pinagtatrabahuhang amo ay tumangging ibigay ang aking kahilingan na magtatrabaho ako nang bahaging-panahon, kaya’t nagbitiw ako sa trabahong iyon. Pagkatapos ako ay nakapasok bilang isang fuel-truck drayber, subalit nang pilitin ako ng aking amo na sumali ako sa mga pandaraya sa hanapbuhay, nagbitiw din ako. Gayunman, noon ay nagpapayunir na ako kasama si Carol at ang mga bata, at hangarin kong gawing panghabang-buhay na gawain iyon, kaya ngayon ay wala nang makakapigil sa akin.
Hindi naglipat linggo pagkatapos na magbitiw ako sa aking trabaho, ako’y tinawag ng isang maypatrabaho na nagtanong kung puede akong magtrabaho ng dalawang araw sa isang linggo sa panahon ng taglamig sa pagsiserbisyo sa mga hurno. Nakapagtataka ba iyan? Hindi naman talaga, sapagkat hindi ba tayo pinangakuan na kung ating uunahin ang mga intereses ng Kaharian, tayo’y bibigyan ng ating mga pangangailangan? (Mateo 6:33) Ang mga bata nang panahong ito ay mayroon nang trabaho ng bahaging-panahon, bawat isa sa kanila, at dahilan sa tumutulong sila sa mga gastusin sa tahanan kaya naman nagawa naming magpayunir na sama-sama bilang isang pamilya.
At nang magkagayon, noong Hunyo 1977, kami ni Carol kasama si Kenan ay inanyayahan na maglingkod sa Watchtower Farms. Yamang siya’y isang ina at kailangang iwanan niya ang aming tahanan pati ang tatlong mga anak na dalaga naging medyo atubili ang puso ng aking maybahay. Subalit nangatuwiran siya na iyon ay sa kagustuhan ni Jehova at tunay naman na isang pribilehiyo na walang kapantay. Ganoon din ang tingin doon ng mga anak kong dalaga, kaya nahimok kami na tanggapin namin ang alok na iyon. Nang sumunod na tag-araw ay bumalik kami at nagbakasyon doon, ipinagbili namin ang aming bahay at ang iba pang mga ari-arian, at tinulungan namin ang aming mga anak na dalagang iyon na magtungo sa kanilang unang distino bilang mga espesyal payunir mga 100 milya (160 km) ang layo.
Samantalang ang mga dalagang ito ay naglilingkod bilang mga espesyal payunir sa Grand Island, New York, sila’y tinawag sa Watchtower Farms noong Agosto 1981 upang doon gumawa kasama namin hanggang sa sila’y makapag-aral sa ika-72 klase ng Gilead School pasimula ng Oktubreng iyon. Nang sumunod na Marso ay kabilang sila sa mga nagtapos, at hindi nagtagal silang tatlo ay patungo na sa pinagdistinuhan sa kanila bilang mga misyonero sa Colombia, Timog Amerika.
Sina Rhonda at JoDene ay nasa Colombia pa rin, subalit si Brenda ay nag-asawa ng isang kaklase sa Gilead noong Marso ng 1983 at magkasama na sila sa Gitnang Silangan. Pagkatapos, noong Marso ng 1984, si Rhonda ay nag-asawa ng isang nagtapos sa Gilead at nagkasama sila sa Colombia. Gayundin, bawat isa sa mga binata ay nagkaasawa ng kaakit-akit na mga dalagang payunir na ngayon ay naglilingkod na kasama nila kung hindi man sa Brooklyn Bethel ay sa Watchtower Farms. Kaya’t ang aming pamilyang payunir ay umabot na sa 13, kasali na kaming mag-asawa.
Lahat kami ay tunay na maligaya na kami’y nasa buong-panahong paglilingkod sa ating Diyos, si Jehova, at bilang isang pamilya batid namin na upang magpatuloy ng pagtatamasa ng mga pribilehiyong ito sa paglilingkod, kailangang mamuhay kami sa paraan na karapat-dapat sa mabuting balita. (Filipos 1:27) Nagpapasalamat kami dahilan sa mainam na payo na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon, yamang ang pagkakapit nito sa aming buhay ang nagbunga ng tinatamasa namin ngayon bilang isang pamilya sa kasalukuyang maluwalhating kayamanan ng paglilingkuran.
[Larawan sa pahina 24]
Si JoDene, Brenda, at Rhonda ay maalam na ng mga kuwento sa Bibliya sa kamusmusan pa lamang
[Larawan sa pahina 25]
Sina Wayne, Rick, at Kenan—pawang naglilingkuran ngayon sa Bethel