Mga Kaugalian sa Pamimighati—Ano ang Pagkakilala Mo Rito?
SA BUONG kasaysayan ng tao, lahat ay nakakaranas ng kamatayan. Ang kalungkutan na dulot sa mga naulila ay hindi mapawi-pawi. Yamang ang yumao ay naging bahagi na ng iyong buhay kung kaya hindi mo maiwalay sa iyo ang matinding pamimighati, pati na ang di-malunasang pangungulila.
Dapat sanang tulungan ka ng relihiyon upang maibsan ang kirot na likha ng kamatayan, subalit malimit na ang kabaligtaran pa ang ginagawa nito. Sa mga ibang bansa ang kirot na dulot sa mga naulila ay napapauwi sa sindak pagka sinabi sa kanila na ang kanilang mga magulang at mga kamag-anak na namatay ay mga espiritu na ngayon na mapaghiganti at kailangang payapain sa pamamagitan ng wastong mga seremonya sa pamimighati. Kung hindi raw gayon ang gagawin sila ay dadalaw at iistorbuhin ang mga buháy. Isa pa, pagka may namatay sa isang pamilyang Kristiyano, baka sila kailangan gumawa ng mga desisyon sa pagharap sa lokal na mga kaugalian sa kanilang lugar, tulad halimbawa ng pagsusuot ng mga damit-panluksa at pagsasagawa ng mga seremonya o rituwal na inaasahan ng iba na gagawin nila.
Ang Diyos na Jehova ay nangako na balang araw kaniyang aalisin ang kamatayan sa sangkatauhan. (Apocalipsis 21:4) Samantala kaniyang ibinigay sa atin ang kaniyang Salita, ang Bibliya bilang ‘isang liwanag sa ating landas.’ (Awit 119:105) Kailanmat tayo’y may alinlangan kung ano baga ang dapat nating gawin, ipinakikita sa atin ng Bibliya ang daan na ibig ng Diyos na lakaran natin. (Isaias 30:21) Pag-usapan natin ang patnubay na ibinibigay nito sa pinakamalungkot na mga sandali, pagka isang mahal natin sa buhay ang namatay.
Wasto Naman na Mamighati
Gaya ng binanggit na nga, natural lamang na makadama tayo ng matinding kalungkutan pagka mayroon tayong mahal sa buhay na namatay. Subalit batid ng mga Kristiyano na magkakaroon ng pagkabuhay-muli. Sa gayon, hindi sila nawawalan ng pag-asa na gaya ng makikitang panatikong pamimighati sa mga taong walang pag-asa. (1 Tesalonica 4:13) Hindi sa lahat ng pagkakataon ay pamamaalam magpakailanman ang ibig sabihin ng kamatayan, kundi ito’y pamamaalam pansamantala.
Sa gayon, si Abraham ay ‘nanangis at nanaghoy kay Sara’ nang ito’y mamatay. (Genesis 23:2) Si Isaac, na kaniyang anak, ay nangailangan ng “pang-aliw pagkamatay ng kaniyang ina.” (Genesis 24:67) Ganiyan na lamang ang kalungkutan ng mga kaibigan at kamag-anak ng yumaong si Lazaro na anupa’t si Jesus mismo ay “tumangis.” (Juan 11:35) Pagpapakita ng pag-ibig na ang mga kaibigan ng namatayang pamilya ay dumalaw at magbigay ng kaaliwan sa panahon ng pamimighati.—Juan 11:31.
Datapuwat, mapapansin mo na sa ulat ng Kasulatan tungkol sa pamimighati, at sa pag-aliw sa mga naulila, hindi kailanman nababanggit ang pagpayapa sa namatay. Alam ng mga lingkod ng Diyos na ang mga nangamatay ay natutulog, walang malay. (Juan 11:11-14; Eclesiastes 9:5, 10) Ang mga namatay ay hindi nagdurusa sa kabilang buhay, ni sila man ay nagiging mga espiritu na naghihiganti. (Awit 146:3, 4) Sa gayon, ang bayan ni Jehova ay pinagsabihan na huwag tutulad sa palibot na mga bansa sa mga gawang walang katotohanan kung tungkol sa pakikitungo sa mga namatay.—Deuteronomio 14:1; 18:10-12.
Sa ngayon, pagka pinag-uusapan natin ang mga bagay na ginagawa ng karamihan dahil sa ‘paggalang sa mga namatay,’ kailangang tiyakin natin kung ano ang ibig sabihin ng gayong kaugalian sa kasalukuyan. Ito ba’y may kaugnayan ngayon sa isang maling turo o sa isang pamahiin? Kung ganoon nga, dapat bang sundin iyon ng Kristiyano?—Roma 13:12-14.
Ano Yaong mga Kaugalian sa Pamimighati?
Para sa mga ibang bayan sa daigdig, ang mga biyuda at biyudo ay dapat magsuot ng natatanging kasuotan at magluksa sa loob ng isang taon, at may mga ipinagbabawal sa kanila. Ang ganito bang mga kaugalian ay naayon sa mga paniwalang Kristiyano?
Madali namang maunawaan na ang isang Kristiyano na namatayan ay maaaring sa loob ng isang takdang panahon manamit at kumilos sa isang natatanging paraan. (Ihambing ang 2 Samuel 13:19; 2 Hari 6:30.) Subalit ito’y may malaking pagkakaiba sa pagsusuot sa isang takdang yugto ng panahon ng kasuotan na sa isip ng mga tao sa komunidad ay may kaugnayan sa mga paniwala tungkol sa mga patay na hindi itinuturo ng Bibliya. Pagka ang mga biyudang Kristiyano ay tumangging sumunod sa gayong mga kaugalian, kung minsan ay pinagbabantaan sila ng mga kamag-anak at mga kapitbahay na nagsasabing “masamang suwerte” ang darating sa kanila o na ang “espiritu” ng yumaong asawang lalaki ay magagalit at magdadala sa kanila ng kapahamakan. Ang mga mapamahiing ito ay baka naniniwala rin na hindi pasasapitin sa kanila ang ulan o ang pag-aani.
Isang biyuda ang hindi sumunod sa mga kaugalian, kaya ang sabi ng kaniyang anak na lalaki: “Ang espiritu ni tatay ay hindi magpapahingalay sa kapayapaan.” Sa isa namang pook, ang puno ng tribo ay nagbanta na paaalisin sa kanilang lugar ang lahat ng lingkod ni Jehova! Ang galit ng mga tagaroon ay ganiyan na lamang kung kayat kanilang sinalanta ang dakong pulungan ng mga Kristiyano roon sa tulong ng mga bareta at mga palakol. Sa isa pa ring pook, isang biyudang Kristiyano ang hinubaran ng damit at buong kalupitan na pinaghahagupit ng isang sjambok (latigo) ng mga pulis ng tribong tagapook na iyon.
Bakit ang mga biyudang Kristiyanong ito ay tumangging gawin ang inaasahan ng kanilang mga kapitbahay na gagawin nila? Marahil inaakala mong hindi naman gaanong makasasamâ kung susunod sa lokal na mga kaugalian alang-alang sa “pagkadisente.” At para sa mga ilang kaugalian, baka totoo nga iyan. Subalit paano ituturing ang isang Kristiyano kung siya ay nakikibahagi sa mga rituwal na ang layunin ay payapain ang “mga espiritu ng mga ninuno”? Tandaan, ang mga taong nakikibahagi sa gayong mga gawain ng mga sinaunang panahon ay hindi tinutulutan na manatiling bahagi ng sambayanang Israelita o ng sinaunang kongregasyong Kristiyano.—Deuteronomio 13:12-15; 18:9-13; 2 Corinto 6:14-18; 2 Juan 9, 10.
Pag-usapan natin ang ilan sa mga dahilan nito. Unang-una, sa pakikibahagi sa gayong mga rituwal, ang isang tao ay susuporta at, sa katunayan, magtataguyod sa isang relihiyong di-Kristiyano. Kaniyang ipakikita na sa kaniyang puso siya ay isang bahagi pa rin ng isang huwad na relihiyon.—Apocalipsis 18:4.
Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala sa pagtuturo ng Bibliya. Ang isang katotohanan sa Bibliya na kanilang itinuturo ay na walang malay ang mga patay, hindi sila pinahihirapan sa impiyerno o pagala-gala kaya sa lupa at nakapananakit ng kanilang mga inapo. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Sapagkat para sa mga patay, sila’y wala nang kamalayan sa ano pa man.” (Eclesiastes 9:5) Ang turong ito ay nakaaliw sa daan-daang libo. Sa gayon, ang mga tao sa karamihan ng pamayanan ay hindi pangkaraniwang naniniwala na ang mga Kristiyanong ito ay makikibahagi sa mga rituwal na nilayon na payapain ang mga patay.
Kung gayon, ano ang mangyayari kung ang mga tunay na Kristiyano, dahilan sa panggigipit ng kanilang mga kamag-anak o mga kapitbahay, ay sumang-ayon na sumunod sa mga kaugalian sa pamimighati ng mga di-Kristiyano? Hindi baga ang mga kapitbahay ay magsasabi na marahil ang mga Kristiyano ay hindi talagang naniniwala sa kanilang ipinapangaral? Na marahil maaari silang gumawa ng pakikipagkompromiso? Ganiyan nga ang mangyayari. Sa gayon, maaaring makapinsala ito sa maraming mabubuting gawa, at ang mga tao ay maaaring matisod.—Mateo 18:6; 2 Corinto 6:3.
Sa gayon, ang hinirang na matatanda at ang mga iba pa sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng pinakamalaking suporta hanggat maaari sa mga taong nangamatayan kamakailan. Sila’y nagbibigay ng suporta upang tulungan ang mga ito na manindigang matatag sa katotohanan sa harap ng panggigipit na sila’y hilahin na gumawa ng mga gawaing labag sa pagka-Kristiyano.—Ihambing ang 2 Corinto 1:3, 4.
Subalit, sa kabila ng gayong pagtulong, ano kung ang isang Kristiyano ay nagsimulang sumunod sa mga kaugalian ng pamimighati na di-maka-Kristiyano? Ang mga hinirang na matatanda ay kikilos nang may kabaitan. Si apostol Pablo ay nagpayo: “Mga kapatid ko, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao.” (Galacia 6:1) Isinusog pa ng alagad na si Santiago: “Mga kapatid ko, kung ang sino man sa inyo ay nalilihis sa katotohanan at siya’y papagbalikin-loob ng sino man, alamin ninyo na ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at magtatakip ng maraming kasalanan.”—Santiago 5:19, 20.
Makabubuting tandaan na ang Diyos mismo ay “hindi nagnanais na sino man ay mapahamak kundi nais niya’y lahat ay magsisi.” (2 Pedro 3:9) Ang mga matatanda ay dapat magsikap muna na maituwid ang nagkamali. Sa karamihan ng kaso tiyak na dahilan sa matinding paghihinagpis at pagkatakot sa kapitbahay kaya ang naulila ay nahila sa maling hakbang. Inaasahan na sa pamamagitan ng maibiging pagtulong sa kaniya, siya ay maaakay na ‘gumawa ng matuwid na landas para sa kaniyang mga paa, upang huwag maligaw ang pilay, kundi bagkus gumaling.’—Hebreo 12:13.
Subalit, pagka ang isang Kristiyano’y sumunod sa mga kaugalian sa pamimighati na hindi naaayon sa pagka-Kristiyano, at tinanggihan niya ang mga tulong ng kapuwa Kristiyano, at iginiit niya ang pagpapatuloy sa mga kaugaliang di-Kristiyano, maaaring kumilos ang matatanda upang tiyakin na ang gayong mga gawain ay hindi nakalilito sa mga tagapagmasid o magpapasok ng mga maling kaugalian sa kongregasyong Kristiyano. Sino man na sumasamba sa kaniyang mga ninuno ay hindi na isang tunay na Kristiyano, at kailangang gumawa ng mga hakbang upang tiyakin na kinikilala ang katotohanang ito ng lahat ng naroroon.—1 Corinto 5:13.
Mga Pagpapala na Bunga ng Katapatan
Maraming Kristiyano ang nagpapatunay na ang katapatan sa mahalagang bagay na ito ay nagbubunga ng mabuti. Si Edwina Apason, isang babaing Kristiyano sa Suriname, ay nagbibida ng ganito: “Minsan, nang ako’y nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya, tumanggap ako ng isang nakagigitlang mensahe. Samantalang kasali sa isang demonstrasyon ng pagpuprotesta, ang aking panganay na anak na lalaki, na hindi isang Saksi, ay nabaril at namatay. Ito’y naging isang masakit na dagok sa akin, sapagkat sinabi pa ng aking mga kamag-anak: ‘Kung hindi mo susundin ang mga kaugalian sa pamimighati, wala kang pag-ibig sa iyong anak.’ Dapat ko raw putulin ang aking buhok, magbalot ng puti sa aking ulo, magsuot ng mga damit na panluksa sa loob ng kung ilang mga buwan, kusang lumakad nang marahan, at magsalita nang marahan sa impit na tinig—lahat ng ito’y upang ipakita sa mga tao at sa ipinagpapalagay na ‘espiritu ng namatay’ na talagang nalulungkot ako. Subalit, kung gagawin ko ang mga bagay na ito, tiyak na mawawalang-kabuluhan ang aking mga pangangaral at maiwawala ko ang aking malinis na budhi sa harap ng Diyos.” Sa gayon, si Edwina ay hindi nakipagkompromiso.
Isang lalaki ang nagsasabi na regular daw na dinadalaw siya kung gabi ng kaniyang namatay na tiyahin. Ano kaya sa isip niya ang ibig ng tiyahing ito? Ganito ang tugon ng lalaki: “Na siya’y kailangang ipaghandog ng sakripisyo sa gilid ng ilog.” Ano raw kung hindi ginawa ang gayong sakripisyo? Nariyan ang banta na baka siya patayin. Nang nabubuhay pa, ang tiyahing ito ay isa siyang napakamapagmahal na tao. Subalit, pagkamatay niya, siya umano ay kumilos sa ganoong paraan na may kalakip na kalupitan at pagbabanta. Ito nga kaya ang pareho ring taong iyon? Taglay ang pangangatuwiran at ang paggamit ng Kasulatan, ang lalaking ito at ang mga iba pa na katulad niya ay nakalaya buhat sa pagkatakot sa mga patay. Ang mga taong ito ay natuto ng katotohanan na ang mga pangitain, mga tinig, at mga multu-multo ay gawa ng nagkasalang mga anghel, ang mga demonyo.—Ihambing ang 2 Corinto 11:3, 14; Efeso 6:12.
Batid ng mga lingkod ni Jehova na kung sila’y mananatili sa daan na kaniyang inilaan sa kanila, sa wakas ay aakayin sila nito sa buhay na walang hanggan. (Isaias 30:21) Si Satanas ay palaging gumagamit ng pandaraya at panlilinlang upang sila’y matalisod at lumihis sila sa daang iyon. (1 Pedro 5:8, 9) Batid niya na sila’y lalung-lalo nang mahina sa mga oras na namimighati sila dahilan sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Gayunpaman, ang mga Kristiyano ay disididong maging tapat kay Jehova sa lahat ng bagay, sa kabila ng ano mang kagipitan. Sa bagay na ito, gaya rin sa mga ibang bagay-bagay, sila ay “dapat munang sumunod sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.” (Gawa 5:29) Sa gayon kanilang pinatutunayan ang kanilang matimyas na debosyon sa Diyos na Jehova, at kanilang maaasahan na kaniyang gagantimpalaan sila ng buhay sa kaniyang bagong sistema na kung saan ang kamatayan at pamimighati “ay wala na.”—Apocalipsis 21:4.