Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Kung inaakala ng isang Kristiyano na mayroon doon sa kongregasyon na hindi mabuting kasama dahilan sa inuugali o saloobin ng taong iyon, dapat bang personal na “tandaan” niya ang taong iyon bilang pagsunod sa sinasabi ng 2 Tesalonica 3:14, 15?
Yaong mga nagiging bahagi ng kongregasyong Kristiyano ay gayon sapagkat kanilang iniibig si Jehova at taimtin na ibig nilang mamuhay ayon sa kaniyang mga alituntunin. Mas mainam na makisama sa mga ito kaysa mga taong makasanlibutan. Baka lalong malapit tayo sa mga ibang Kristiyano, gaya ni Jesus na may ‘pantanging pag-ibig’ sa apostol na si Juan at lalo nang malapit sa 3 sa 12. Gayunman, kaniyang pinili, siya’y interesado, at may pag-ibig siya sa lahat sa kanila. (Juan 13:1, 23; 19:26; Marcos 5:37; 9:2; 14:33) Bagaman lahat ng mga kapatid ay may mga kahinaan na dapat nating pakitunguhan nang may pagkaunawa at pagpapatawad, batid natin na sa kalakhang bahagi ang ating mga kapananampalataya ay mabubuting kasama. (1 Pedro 4:8; Mateo 7:1-5) Ang pag-ibig sa isa’t-isa ay isang pagkakakilanlang tanda ng kongregasyong Kristiyano.—Juan 13:34, 35; Colosas 3:14.
Subalit, kung minsan, baka ang isa ay may saloobin o paraan ng pamumuhay na hindi natin kinalulugdan. Si apostol Pablo ay sumulat tungkol sa mga ilan sa Corinto na ang sariling pagkakilala tungkol sa pagkabuhay mag-uli ay hindi tama at marahil mayroong saloobin na tayo’y ‘kumain, uminom, at magsaya.’ Ang maygulang na mga Kristiyano sa kongregasyon ay kailangang magpakaingat tungkol sa gayong mga tao, sapagkat si Pablo ay nagpayo: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapakipakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:12, 32, 33.
Ang pangkalahatang payong ito ay kailangan din ngayon. Halimbawa, ang isang mag-asawang Kristiyano ay baka magsabi na ang kanilang mga anak ay naaapektuhan ng masama pagka nakikisama sa mga ibang kabataan, na hindi gaanong nagpapahalaga sa katotohanan o baka ang kaisipan ay makasanlibutan. Marahil ang mga ibang batang ito ay may pagkakataon pang makinabang sa maka-Diyos na pagsasanay. Subalit hanggat hindi nagkakaroon ng katibayan niyaon, maaaring bawalan ng mag-asawa ang kanilang mga anak sa pakikipaglaro at pagdalaw sa mga kabataang iyon. Ito’y hindi yaong ‘pagtatanda’ na tinutukoy sa 2 Tesalonica kabanata 3. Sinusunod lamang ng mga magulang ang payo ni Pablo na iwasan ang “masasamang kasama.”
Ang mga sitwasyon na humihingi ng ‘pagtatanda’ ay lalong malubha kaysa binanggit na halimbawa tungkol sa mga anak. Manakanaka ang isang tao sa isang kongregasyon ay gumagawa ng isang bagay na hindi naaayon sa Kasulatan at ito’y totoong nakagagambala, bagamat hindi dahilan ng pagtitiwalag na binanggit sa 1 Corinto 5:11-13. Ang gayong paggawi ay nangyari sa kongregasyon sa sinaunang Tesalonica, kayat sumulat si Pablo: “Aming nabalitaan na mayroon diyan na lumalakad nang may kaguluhan, na hindi nagtatrabaho kundi nanghihimasok sa mga bagay na hindi nila dapat panghimasukan.”—2 Tesalonica 3:11.
Ano ang dapat gawin ng mga ibang Kristiyano sa Tesalonica? Si Pablo ay sumulat: “Aming iniuutos nga sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na kayo’y magsihiwalay sa bawat kapatid na lumalakad nang may kaguluhan at hindi ayon sa tradisyon na tinanggap ninyo sa amin. Sa ganang inyo, mga kapatid, huwag kayong manghimagod sa paggawa ng mabuti. Subalit kung ang sino man ay hindi tumatalima sa aming salita sa pamamagitan ng sulat na ito, inyong tandaan ang taong iyon, huwag kayong makisama sa kaniya, upang siya’y mapahiya. Gayunman huwag ninyong ariin siyang kaaway, kundi patuloy na paalalahanan ninyo siya na tulad sa isang kapatid.”—2 Tesalonica 3:6, 13-15.
Sa gayon, bagaman hindi binanggit ang mga pangalan ng mga tamad na mapanghimasok, ibinilad ni Pablo sa kongregasyon ang kanilang ginagawang di-mabuti. Lahat ng Kristiyano na nakakakilala sa mga manggugulong iyon ay makikitungo sa kanila bilang ‘tinandaan.’ Ang payo na, “inyong tandaan ang taong iyon,” ay gumagamit ng salitang Griego na ibig sabihin “lagyan mo ng tanda,” samakatuwid nga, ‘bigyan ang isa ng isang natatanging pansin.’ (New World Translation Reference Bible, talababa) Sinabi ni Pablo, “Huwag kayong makisama sa” tinandaang tao “upang siya’y mapahiya.” Ang mga kapatid ay hindi naman lubusang iiwas sa kaniya, sapagkat sila’y pinayuhan ni Pablo na “patuloy na paalalahanan ninyo siya na tulad sa isang kapatid.” Subalit yamang sila’y hindi gaanong makikisama sa kaniya sa paraang sosyal, baka sa ganoo’y maakay nila na siya’y mapahiya at maghangad na iayon ang kaniyang sarili sa mga simulain ng Bibliya. Samantala ang mga kapatid ay maaaring maingatan buhat sa kaniyang impluwensiya na di-mabuti.—2 Timoteo 2:20, 21.
Ang kongregasyong Kristiyano sa ngayon ay nagkakapit din ng payong ito.a Sa The Watchtower ng Pebrero 1, 1982, pahina 31, idiniin na ang pagtatanda ay hindi dapat gawin ng dahil lamang sa mga sariling opinyon ng iba o pagka ang isang Kristiyano ay ayaw na makisama sa kaninuman. Gaya ng ipinakikita ng kaso sa Tesalonica, ang mga tinatandaan ay yaong gumagawa ng malulubhang paglabag sa mga simulain ng Bibliya. Sinisikap ng mga matatanda na paulit-ulit na tulungan ang lumalabag, sa pamamagitan ng pagpapayo sa kaniya. Kung nagpapatuloy pa rin ang paglabag, bagamat hindi nila tuwirang binabanggit ang pangalan ng taong iyon, sila’y makapagbibigay ng pahayag sa kongregasyon tungkol sa gayong paglakad nang may kaguluhan, gaya ng ginawa ni Pablo na pagpapahayag sa mga taga-Tesalonica. Pagkatapos, ang taong magulo ay maaaring “tandaan” ng indibiduwal na mga Kristiyano.
Ang mabuting pagpapasiya ang kinakailangan imbes na ang mga alituntuning isinaayos na antimano tungkol sa bawat pitak ng pagtatanda. Si Pablo ay hindi nagbigay ng detalyadong alituntunin tungkol sa problemang iyon sa Tesalonica, tulad halimbawa ng pagtatakda kung gaanong katagal umaayaw ang taong iyon sa pagtatrabaho bago siya malagyan ng tanda. Isa pa, ang matatanda ay may pakikipag-ugnayan sa kawan at maaari silang gumamit ng katuwiran at unawa sa pagpapasiya kung ang isang partikular na sitwasyon ay may sapat na kalubhaan at nakagagambala upang mangailangan na magpahayag sa kongregasyon.b
Ang isang layunin ng pagtatanda ay upang hikayatin ang isang manggugulong Kristiyano na mapahiya at huminto sa kaniyang ginagawa. Ang mga nagtanda sa kaniya, lalung-lalo na ang mga hinirang na matatanda, ay patuloy na magpapatibay-loob sa kaniya at kanilang bibigyan-pansin ang kaniyang iginagawi samantalang siya’y naroroon sa pulong at naroon sa larangan ng paglilingkod. Pagka nakita nila na may pagbuti ang paggawi at pagkilos ng taong tinandaan, maaari nilang alisin na ang pagbabawal na huwag makisama sa kaniya sa sosyal na paraan.
Kung gayon, ang pagtatanda ay hindi dapat ipagkamali na katulad ng isang personal o pampamilyang pagsunod sa payo ng Diyos na umiwas sa masasamang kasama. Bagaman ang pagtatanda ay hindi isang bagay na malimit na kinakailangan, maliwanag na ang pagtatanda ay isang maka-Kasulatang hakbang na ginagawa kung kinakailangan, at ito ang ginawa ng ating mga kapatid sa Tesalonica.
[Mga talababa]
a Tingnan ang The Watchtower, Mayo 15, 1973, pahina 318-20.
b Halimbawa, ang matatanda ay dapat gumamit ng pagkaunawa sa pakikitungo sa isang Kristiyano na nakikipag-date sa isang tao na hindi ”nasa Panginoon.”—Tingnan ang The Watchtower ng Marso 15, 1982, pahina 31.