Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 11/1 p. 8-12
  • Pagtanggap sa Hamon ng Pagkamaygulang Kristiyano

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtanggap sa Hamon ng Pagkamaygulang Kristiyano
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangan ang Espirituwal na Paglaki
  • Pagkamaygulang Kristiyano​—Ano ba Ito?
  • Magsilaki sa Pamamagitan ng Pag-ibig
  • Gawing Hayag ang Iyong Pagsulong
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Ikaw ba ay Isang Kristiyanong “Lubos-ang-Laki”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Sumulong sa Pagkamaygulang Dahil “ang Dakilang Araw ni Jehova ay Malapit Na”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • ‘Sumulong sa Pagiging Maygulang’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 11/1 p. 8-12

Pagtanggap sa Hamon ng Pagkamaygulang Kristiyano

“Sa pagsasalita ng katotohanan, sa pamamagitan ng pag-ibig ay magsilaki tayo sa lahat ng bagay sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.”​—EFESO 4:15.

1, 2. (a) Sa anu-anong paraan “ang bunga ng bahay-bata” ay isang gantimpala? (b) Ano ang inaasahan sa bagong-silang na mga sanggol?

ANG isang malusog at masiglang sanggol ay tunay na isang kagalakan. Kakaunti ang hindi maaakit sa kaniyang kasiglahan. Siya ang tampulan ng pansin saanman siya pumunta, pinagmumulan ng kagalakan at kinatutuwaan. Kaya naman, siya ay minamahal ng kaniyang mga magulang at ‘ipinagmamalaki at ikinatutuwa’ sa kabila ng lahat ng pagpapagal at ng kahirapan ng pagpapalaki sa kaniya. Oo, “ang bunga ng bahay-bata ay isang gantimpala.”​—Awit 127:3.

2 Datapuwat, bagaman kaibig-ibig ang isang sanggol, ano ang nangyayari kung hindi ito makikitaan ng anumang tanda ng paglaki? Kung ito’y mananatili sa ganiyang kalagayan makalipas ang mga buwan o marahil mga taon ng mapagmahal na pangangalaga sa kaniya ng mga magulang, maliwanag na siya’y mayroong malubhang diperensiya. Oo, ang paglaki ay kasingkahulugan na rin ng buhay; ating inaasahan ito sa lahat ng bagay na may buhay. Ito’y isang patotoo sa kapangyarihan at karunungan ni Jehova na lumikha.​—Lucas 2:52.

Kailangan ang Espirituwal na Paglaki

3. Anong paglaki ang inihula ni Jesus, at anong katuparan ang nasasaksihan?

3 Bilang katuparan ng hula ni Jesus, isa pang uri ng paglaki ang nagaganap. Sa buong daigdig, may nagaganap na isang espirituwal na “pag-aani.” (Mateo 9:37) Halimbawa, sa 1984 taon ng paglilingkod, anim na bansa ang nag-ulat ng mga pamantayan na mahigit isang daang libong mga mamamahayag ng Kaharian. Tatlong taon lamang ang kaagahan, noong 1981, dadalawang bansa ang nag-ulat ng ganoon. Sa nakalipas na anim na taon, 827,144 na mga bagong saksi ni Jehova ang nagpabautismo at mahigit na 5,000 bagong kongregasyon ang naitatag. Pinabilis ni Jehova ang kaniyang gawain.​—Isaias 60:22.

4. Ano ang resulta ng pandaigdig na pagsulong ng mga lingkod ni Jehova?

4 Ipinakikita ng mga ulat na ito na humigit-kumulang isa sa bawat tatlong katao na regular na nakikisama sa bayan ni Jehova at nakikibahagi sa pangangaral ngayon ang napabautismo sa loob na lumipas na anim na taon. Isa ka ba sa kanila? Kung gayon, ikaw ay isang malaking kagalakan sa mga tumulong sa iyo na matuto ng katotohanan, sa lahat ng iyong mga kasamahang Kristiyano at sa iyong makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova. (Kawikaan 27:11) Tulad ng unang hakbang ng isang sanggol, ang hakbang na ginawa mo na inialay ang iyong sarili kay Jehova ay isang totoong nakalulugod na bagay. Ito’y nagpapahiwatig ng isang pasulong at umuunlad na pagkilos. Ito’y isang tanda ng paglaki.

5. Anong mga tanong ang dapat itanong ng bawat isa sa kaniyang sarili? Ano ang makatutulong sa pagkakita sa mga sagot?

5 Kumusta naman sapol noon? Sa mapagmahal na tulong ng iyong mga kapuwa Kristiyano, nakikita ba sa iyo ang patuloy na paglaki sa espirituwalidad? ‘Paano ko masasabi iyan?’ marahil ay itatanong mo. Bueno, alalahanin ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa paglaki: “Nang ako’y bata pa, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatuwiran akong gaya ng bata; ngunit ngayon na maganap na ang aking pagkatao, iniwan ko na ang mga ugali ng isang bata.” (1 Corinto 13:11) Samakatuwid, hindi lamang ang paglipas ng panahon kundi pati ang pagtatabi ng “mga ugali ng isang bata” ang sa kaniya’y nagpaging isang ganap na tao. Ano ba ang mga ugaling ito?

6, 7. (a) Banggitin ang isang “ugali ng isang bata” at ang panganib na likha nito. (b) Paano nahahayag ang ugaling ito? Sa ano maaaring humantong ito?

6 Ang kapuna-puna tungkol sa mga sanggol o mga bata ay yaong bagay na sandaling-sandali lamang silang magbigay ng pansin. Bagama’t sila’y mausyoso sa lahat ng nakapalibot sa kanila, sila rin naman ay madaling magbago ng kanilang kilos, pabagu-bago sa anumang bagay, at di-matatag. Maliwanag, sinuman na nananatili sa ganiyang kalagayan ay nasa malaking panganib ang espirituwalidad. Malamang na siya’y “sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pagdaraya ng mga tao, ng katusuhan sa panlilinlang,” gaya ng binanggit ni apostol Pablo sa Efeso 4:14.

7 Ang mga alon at hangin ay biglang-biglang dumarating at ganoon din pumapanaw. Sa ngayon, na ang mga bagay-bagay ay isinaplano na lumipas na pagkadali-dali, ang mga istilo, kausuhan, at mga moda ay dumarating na bigla at ganoon din lumilipas. Ang mga bagay na itinuturing na mahalaga noong kalilipas lamang na mga panahon ay lubusang naluluma at lumilipas hanggang sa makalimutan na. Maging iyon man ay sa larangan ng libangan, pananamit at pag-aayos, o sa ano pa mang larangan, anong laking kamangmangan​—at pagkamalabata​—kung ang isa ay lagi na lamang nagnanais na magkaroon ng pinakauso sa lahat ng bagay, upang mapag-iwanan lamang at mabigo agad-agad. Sa espirituwal na mga bagay, ang gayon ay maaaring humantong sa kapahamakan.​—Ihambing ang Santiago 1:6-8.

8. Ano ang isa pang “ugali” ng espirituwal na mga sanggol, at ano ang panganib na inihaharap nito?

8 Ang isa pang ‘ugali ng mga bata’ ay yaong sila’y walang gaanong alam tungkol sa kung ano ang mabuti o masama, matuwid o mali. Gayundin naman, ang espirituwal na mga sanggol o mga bata ay hindi pa umaabot sa antas na ang kanilang ‘mga pang-unawa ay nasasanay upang makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama,’ kung kaya si apostol Pablo ay nagpayo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano na sila’y “sumulong tungo sa pagkamaygulang, huwag nang ilagay muli ang mga saligang aral.” (Hebreo 5:14; 6:1) Ang mga espirituwal na sanggol ay nangangailangang lagi na sila’y bigyan ng kasiguruhan na ang kanilang tinanggap na katotohanan ay katotohanan nga, at na ang sa kanila’y itinuturo na gawin ay siyang tunay na dapat nilang gawin. Sila’y nangangailangan nga ng tulong sa kahit na pinakasimpleng mga bagay na kinakailangan. Sapagkat kung hindi ay madali silang malito, masiraan ng loob, at pinangingibabawan ng pag-aalinlangan na maaaring sumira ng kanilang pananampalataya.

9. Bakit kailangang tanggapin natin ang hamon ng pagkamaygulang bilang Kristiyano?

9 Napansin mo ba na ang bata ay laging sabik na gawin ang kanilang nakikita na ginagawa ng mga taong maygulang na? Mangyari pa, sa kanila ay isa lamang laro ito. Tiyak, ang bahagi ng larong iyan ay nasa bagay na nagagawa nila ang kanilang nais bagama’t hindi sila kailangan tumanggap ng mga pananagutan na kalakip niyaon. Iyan, sa kabila ng lahat, ang buhay ng isang bata. (Tingnan ang Mateo 11:16, 17.) Subalit sa paglaki at sa pagkakaroon ng gulang ay napapalakip ang tungkulin at pananagutan na taglay nito. Ito ay isang hamon na kailangang tulungan ang isang bata na tanggapin. Ang kaniyang mahusay na pagtugon dito ang batayan, sa kalakihang bahagi, ng kaniyang tagumpay o di pagtatagumpay pagka siya ay nasa edad na. Sa espirituwal na paraan, lalo pang mahalaga na bawat isa sa atin ay masinsinang magsaalang-alang ng hamon ng pagkamaygulang bilang Kristiyano. Ikaw ba ay handa, o sabik pa nga, na tanggapin ang pananagutan na kalakip ng pagiging isang taong sumapit na sa hustong paglaki, maygulang sa espirituwalidad? O ikaw ba ay basta pagayun-gayon na lamang, na hinahayaan na ang iba ang pumasan ng iyong pananagutan para sa iyo?​—Galacia 6:4, 5.

Pagkamaygulang Kristiyano​—Ano ba Ito?

10. Bakit ipinayo ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano na “sumulong sa pagkamaygulang”?

10 Nang ipayo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano na “sumulong sa pagkamaygulang,” ano ba ang nasa isip niya? (Hebreo 6:1) Ipinakikita ng konteksto na sa simula pa lamang ay marami nang nasabi si Pablo sa mga Hebreong Kristiyano tungkol sa “mataas na saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec,” si Jesu-Kristo. Subalit nadama niya na sila’y hindi handa para roon sapagkat ang nasa kaniyang isip ay “mahirap na ipaliwanag.” (Hebreo 5:10, 11) Sa halip, kaniyang ipinagunita sa kanila: “Kayo’y naging gaya ng nangangailangan ng gatas, hindi ng pagkaing matigas. Sapagkat ang bawat tumatanggap ng gatas ay walang kasanayan sa salita ng katuwiran, sapagkat siya’y isang sanggol. Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa mga taong maygulang, sa kanila na sa kagagamit ay nasanay ang mga pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.”​—Hebreo 5:12-14; ihambing ang Judas 3.

11. Ano ang ibig sabihin ng pagiging maygulang?

11 Kung gayon, ibig bang sabihin nito na ang pagkamaygulang ay pagkakaroon lamang ng kaalaman sa lalong malalalim na bagay ng Bibliya? Bagama’t ang pagkamaygulang Kristiyano ay sumasaklaw sa kaalaman at kaunawaan sa Bibliya, higit pa ang saklaw nito. Ang pagkaunawa sa mga salitang ginamit ni apostol Pablo ay tutulong sa atin na makita nang lalong maliwanag ang bagay na iyan. Ang salitang Griego na isinaling “pagkamaygulang” ay te·lei·oʹtes, at ang pang-uri na “maygulang” ay salin ng teʹlei·os. Ang mga salitang ito ay may kaugnayan sa teʹlos, ang ibig sabihin ay “wakas.” Ang Expository Dictionary of New Testament Words ni W. E. Vine, ay nagpapaliwanag, samakatuwid, na ang pagiging maygulang (teʹlei·os) ay “nangangahulugan na ito’y sumapit na sa kaniyang wakas (teʹlos), tapos na, kompleto na, sakdal na.” Samakatuwid, ang isang maygulang na Kristiyano ay siya na sumapit na sa isang takdang wakas, o tunguhin. Ano ba ang tunguhing ito?

12. Sang-ayon sa Efeso 4:11-13, ano ang kasangkot sa pagkamaygulang?

12 Sa Efeso 4:11-13, ipinaliwanag ni apostol Pablo na si Kristo Jesus, bilang siyang ulo ng kongregasyong Kristiyano, ay gumawa ng maraming paglalaan upang tulungan ang “mga banal” upang makarating sa tunguhing iyan, samakatuwid baga, upang “tamuhin nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, hanggang sa ganap na pagkalalaki, sa sukat ng paglaki na siyang kalubusan ng Kristo.” Dito, sa pagiging maygulang, o ganap (Griego, teʹlei·os), ay kasangkot hindi lamang ang pagkakaroon ng “tumpak na kaalaman” kundi pati ang “pagkakaisa sa pananampalataya” at pagsapit natin sa sukat ng paglaki na gaya ng kay Kristo.

13. Bakit hindi maaaring maging maygulang ang Kristiyano kung siya’y hindi ‘kaisa sa pananampalataya’?

13 Ang “pagkakaisa sa pananampalataya” ay nangangahulugan ng pagkakaisa. Bago mapag-alaman ng isang tao ang “isang pananampalataya,” marahil ay mayroon siya ng kaniyang sariling mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa kung paano dapat gawin ang mga bagay-bagay, tungkol sa kung ano ang tama at kung ano ang mali, at iba pa. (Efeso 4:4, 5) Kung papayagan niyang magpatuloy ang gayong mga kuru-kuro, magiging napakahirap sa kaniya na lumaki sa espirituwal. Noong minsan ay sinabi ni Pablo na ang mga Kristiyano sa sinaunang kongregasyon sa Corinto ay “mga sanggol kay Kristo” at “makalaman” sapagkat sila ay pinagwawatak-watak ng “pananaghili at alitan,” ang iba’y nagsasabi na ang sinusunod nila’y si Pablo, ang iba’y si Apolos. (1 Corinto 3:1-4) Samakatuwid, madaling makikita na ang pagkakaisa, o “pagkakaisa sa pananampalataya,” ay kalakip ng pagkamaygulang Kristiyano. Hindi mo maaaring itulak-kabigin ang isa’t-isa. Kaya’t dapat na tanungin natin ang ating sarili: Atin na bang iniwanan ang ating dating makasanlibutang paraan ng kaisipan? Nakikita ba natin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng kaisipan at pagkilos kasama ng bayan ni Jehova? Ang “pagkakaisa sa pananampalataya” ay totoong kailangan sa pagkamaygulang ng Kristiyano.​—Efeso 4:2, 3.

14. Ano pa ang kasangkot sa pagkamaygulang ng Kristiyano?

14 Kasangkot din sa pagkamaygulang Kristiyano ang pagkakaroon ng “sukat ng paglaki na siyang kalubusan ng Kristo.” Ano ba ang ibig sabihin nito? Si Pablo ay nagpapatuloy ng pagsasabi na yaong mga sumasapit sa ganitong paglaki ay hindi na mga sanggol, na “sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pagdaraya ng mga tao” na may katusuhang humahabi ng mga panlilinlang. Bagkus, sila’y may tumpak na kaalaman sa katotohanan. Sila’y nagsilaki sa pag-ibig sa Kristo, at makikitaan sila ng iba pang mga mabubuting katangian, tulad baga ng karunungan, kabanalan, at kapangyarihan. (Efeso 4:13, 14; Juan 15:12, 13; 1 Corinto 1:24, 30; 2:7, 8; Kawikaan 8:1, 22-31) Bagaman tayo, bilang di-sakdal na mga tao ay maaaring hindi lubusang sumapit sa ‘sukat ng paglaki ng Kristo,’ tunay na maaari nating gawin siya na ating Uliran, na nagtatakda para sa ating sarili ng wakas, o tunguhin, na pagpapaunlad ng ganoon ding uri ng may kabanalang personalidad. (Colosas 3:9) Hanggang sa sukdulan na sikapin nating marating ang tunguhing ito ganoon tayo nagiging maygulang.

Magsilaki sa Pamamagitan ng Pag-ibig

15. Ano ang unang hakbang sa pagsisikap na makamit ang pagkamaygulang?

15 Pagkatapos na talakayin natin ang kahulugan ng pananalitang “pagkamaygulang bilang Kristiyano,” kailangang malaman natin kung paano natin makakamit ito. Gaya ng nakita na natin, ipinakikita ng Hebreo 6:1 na sa pagsisikap na makamit ng Kristiyano ang pagkamaygulang mayroong pundasyon na kailangang pagtayuan natin. Minsan na nagawa, higit pang mga pagsisikap ang maaaring gawin tungo sa pagsulong sa pagkamaygulang. Una sa sarisaring bagay na bumubuo ng pundasyong iyon ay “pagsisisi buhat sa mga patay na gawa.”

16. Buhat sa anong “mga patay na gawa” kailangang magsisi tayo?

16 Maliwanag, sa “mga patay na gawa” ay kasali ang mga gawa ng makasalanang laman, na, kung hindi susupilin, ay aakay tungo sa kamatayan. Agad-agad nating nakikilala ang mga pagkakasala na gaya ng pakikiapid, karumihan, kalibugan, idolatriya, at espiritismo bilang mga gawang pagkakasala, at ating nilalayuan ang mga ito. Subalit sa mga gawa ng laman, na “mga patay na gawa,” ay kasali rin ang maaaring tinatawag ng iba na mga pag-uugali ng pagkatao na gaya baga ng mga alitan, gulo, paninibugho, silakbo ng galit, pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, mga sekta, at mga pagkakainggitan. (Galacia 5:19-21) Maliban sa hubarin ang ganiyang mga depekto sa pag-uugali at halinhan ng “bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at kabanalan,” malamang na ang isa ay hindi makagagawa ng anumang pagsulong tungo sa pagkakamit ng pagkamaygulang bilang Kristiyano.​—Efeso 4:22-24.

17. Ano ang maituturing natin na “mga patay na gawa”? Bakit?

17 Bukod sa mga gawa ng laman, kasali rin sa “mga patay na gawa” na kailangan nating iwaksi yaong mga gawa at mga aktibidades na patay sa espirituwal, walang kabuluhan, at hindi nagbubunga ng mabuti. Maaaring ito’y yaong mga panukala na nagpapanhik ng salapi at madaling magpayaman. Maaaring ito ay yaong ambisyoso at umuubos-panahong mga plano para sa matataas na pinag-aralan, o maaari rin namang mga makasanlibutang kilusan para sa reporma ng lipunan, kapayapaan, at iba pa. Lahat ng mga bagay na ito ay baka sa tingin ay may kabutihan naman, subalit ang mga ito ay “mga patay na gawa” sapagkat nagdadala ng espirituwal na kamatayan para sa mga taong nasisilo ng mga ito. Lahat ng mga interesado na sumapit sa pagkamaygulang bilang Kristiyano ay kailangang ‘magsisi buhat sa’ o umiwas ng pagtataguyod, sa gayong “mga patay na gawa” at sumunod sa payo ni Jesus na “patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos].”​—Mateo 6:33.

18, 19. (a) Sa Efeso 4:15, ano ang ibig sabihin ng “pagsasalita ng katotohanan”? (b) Paano ito kasangkot sa pagkamaygulang ng Kristiyano?

18 Minsang may maitayo na sa pundasyon, ano ngayon ang kailangan? Ganito ang payo ni Pablo: “Kundi sa pagsasalita ng katotohanan, sa pamamagitan ng pag-ibig ay magsilaki tayo sa lahat ng bagay sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.” (Efeso 4:15) Unang-una, mapapansin natin na binabanggit ni Pablo na kailangan ang “pagsasalita ng katotohanan.” Sa pananalitang ito ay maliwanag na kasali hindi lamang ang basta pagsasalita; aktuwal na nangangahulugan ito ng “pananatili sa katotohanan.” (Kingdom Interlinear) Sa mga ibang salin ay isinalin iyon na “mamuhay ayon sa katotohanan”; “may pag-ibig na sundin ang katotohanan sa lahat ng panahon​—na nagsasalita ng katotohanan, nakikitungo nang may katotohanan, namumuhay nang may katotohanan”.​—Efeso 4:15, The Jerusalem Bible; The Living Bible.

19 Samakatuwid, sa pagkamaygulang Kristiyano ay kailangan na tayo ay manatili, o magtaguyod, sa katotohanan sa pamamagitan ng paraan ng ating pamumuhay, pagsasalita, pagkilos, at pakikitungo sa iba. Ito’y nangangahulugan ng pagkakapit sa ating araw-araw na pamumuhay ng ating kaalaman sa Bibliya at sa ganoon tayo ay nakakabilang sa mga tao na “sa kagagamit ay nasanay ang mga pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.” (Hebreo 5:14) Ginagawa mo ba iyan? Ikaw ba ay nangangatuwiran ayon sa mga simulain sa Bibliya tuwing napapaharap ka sa paggawa ng isang disisyon? Tinatanggap mo ba ang hamon ng pagiging isang maygulang na Kristiyano, na itinataguyod ang katotohanan sa pamamagitan ng salita at gawa, o ang ibig mo’y manatili ka na lamang na isang espirituwal na sanggol, na walang mga pananagutan at malaya na gawin ang iyong sariling mga naisin at hangarin?

20, 21. (a) Paanong ang pag-ibig ay kasangkot sa paglaki tungo sa pagkamaygulang? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin sa susunod?

20 Ang sabi ni Pablo: “Magsilaki tayo sa lahat ng bagay sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.” (Efeso 4:15) Dito, tinutukoy ni Pablo ang pinaka-buod ng bagay na iyan​—ang motibo o hangarin. Sa 1 Corinto 13:1-3 ipinakikita niya na ang mga gawang maaaring makabuluhan ay maaaring lubusang mawalang-kabuluhan kung ang mga ito’y ginagawa nang walang tamang motibo. Kaya naman kailangang suriin natin ang ating motibo para sa lahat ng bagay na ginagawa natin. Ito ba’y ginagawa upang makita lamang ng iba, upang hangaan nila at isipin na tayo ay maygulang? O, bagkus, ito’y ginagawa nang dahil sa pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa ating kapuwa? Pagka ang ating motibo ay pag-ibig, tayo ay ‘magsisilaki sa lahat ng bagay,’ na nagiging timbang, maaasahan, maygulang na mga Kristiyano, na lubusang kumikilala “sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.”

21 Bagama’t ang pagsisikap na sumapit sa pagkamaygulang Kristiyano ay isang karapat-dapat na tunguhin, hindi ito ang dulo. Minsang ang isang tao’y nakarating na sa kaniyang tunguhing ito, mayroon pa ba siyang dapat na gawin? Kumusta naman yaong mga nasa katotohanan na sa loob ng kung ilang mga taon at narating na nila ang tunguhin ng pagkamaygulang bilang Kristiyano? Ito’y ating tatalakayin sa susunod na artikulo.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Ano ang ilang “mga ugali ng isang bata,” at ano ang inihaharap nito na mga panganib?

◻ Paano kasangkot sa pagkamaygulang ang “pagkakaisa sa pananampalataya” at “kalubusan ng Kristo”?

◻ Upang tayo’y makasapit sa pagkamaygulang Kristiyano, anong “mga patay na gawa” ang kailangang itakwil natin?

◻ Paanong ‘sa pamamagitan ng pag-ibig ay lumalaki’ ang isang tao?

[Blurb sa pahina 9]

NOONG NAKALIPAS NA ANIM NA TAON

​—827,144 na mga bagong Saksi ang nabautismuhan

​—Mahigit na 5,000 mga bagong kongregasyon ang nangatatag

​—Sa mga nakikibahagi ngayon sa pangangaral, isa sa bawat tatlo ang nabautismuhan sa loob ng panahong ito

[Blurb sa pahina 9]

Noong taon ng paglilingkod ng 1984, anim na bansa ang nag-ulat ng pamantayang bilang na mahigit na isang daang libong mga mamamahayag ng Kaharian

[Larawan sa pahina 11]

Marami sa ngayon ang ministeryo ang pinipili at hindi mga gawain ng materyalismo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share