Ang Pinakamainam na Pagkakaibigan ay Nananatili sa Salungat na Sanlibutan
“Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan, upang kung mabigo ang gayon, kayo’y tanggapin nila sa walang-hanggang mga tahanang dako.”—LUCAS 16:9.
1. Bakit ang Kawikaan 14:20 ay hindi kumakapit kay Jesu-Kristo nang siya’y nasa lupa?
“KINAPOPOOTAN ang dukha maging ng kaniyang kapuwa, ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.” (Kawikaan 14:20) Ang kawikaang ito ni Haring Solomon ng Israel ay hindi kumapit sa pinakadakilang tao na nabuhay kailanman sa lupa, si Jesu-Kristo, ang isang lalong dakila kaysa kay Solomon. Si Jesus ay hindi umakit ng mga Israelita upang maging matalik niyang mga kasama sa pamamagitan ng materyal na mga kayamanan; hindi rin niya kinilala ang makalupang kayamanan bilang saligan ng tunay at nananatiling pagkakaibigan.
2. Anong pakikipagkaibigan ang ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga alagad na gawin, at bakit?
2 Totoo na minsan sinabi ni Jesus: “Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan, upang kung mabigo ang gayon, kayo’y tanggapin nila sa walang-hanggang mga tahanang dako.” (Lucas 16:9) Subalit ang “mga kaibigan” na nasa isip noon ni Jesus ay ang Diyos na Jehova, ang Bukal ng lahat ng karapatdapat na mga ari-arian, at ang kaniyang sarili bilang ang Anak ng kaniyang sukdulang-yamang Ama. Kung tayo sa ngayon ay susunod sa ganoon ding payo, tayo ay magtatamasa ng pinakamainam na pakikipagkaibigan na maaaring tamasahin sa lupa, ang sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang nagsakripisyo-sa-sariling Anak, si Jesu-Kristo.
3. Sa anong “mga tahanang dako” maaari tayong dalhin ng makalangit na mga Kaibigang ito?
3 Dahilan sa kanilang imortal na buhay, sila sa langit ay makapananatiling ating matapat na mga Kaibigan at maaari tayong dalhin nila sa “walang-hanggang mga tahanang dako.” At ganiyan nga maging kung ang “walang-hanggang mga tahanang dako” na ito ay nasa langit sa itaas kasama ang lahat na banal na mga anghel o narito sa ibaba sa lupang ito sa Paraisong naisauli na.—Lucas 23:43.
Upang Tanggapin sa Pinakamainam na Pagkakaibigan
4. (a) Anong halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita kung maaari bagang mabili ang pakikipagkaibigan sa Diyos? (b) Sa anong wastong paraan magagamit natin ang ating mga ari-arian?
4 Ang pakikipagkaibigan sa Kataastaasang Diyos at sa kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo, ay hindi maaaring mabili ng salapi. Ito’y idiniin sa pangyayari kina Ananias at Sapira noong unang siglo sa kongregasyong Kristiyano. Huwag tayong maghangad ng katanyagan at karangalan na gaya ng ginawa nila, at maaari nating gamitin ang ating mga ari-arian dito sa lupa sa paraan na nakalulugod sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. (Gawa 5:1-11) Ito ang ibig sabihin ni Jesu-Kristo nang sinabi niya: “Gamitin ang makasanlibutang kayamanan upang magkamit ng mga kaibigan para sa inyong sarili, upang kung ito’y wala na, kayo’y tatanggapin sa walang-hanggang mga tahanan.”—Lucas 16:9, New International Version.
5. Ano ang ginawa ni Zacheo, at ano ang resulta?
5 Nang salitain iyan ni Jesus, hindi niya hangarin na kamtin ang pabor ng mga maniningil ng buwis ng imperyong Romano at ng iba pang makasalanan. Siya’y hindi interesado sa pagkakamit ng ano mang kayamanan para sa kaniyang sarili dito sa lupa, sapagkat sinabi niya sa kaniyang mga alagad na sila’y mag-ipon ng mga kayamanan sa langit. Si Zacheo, isang Judio na maniningil ng buwis para sa gobyernong Romano, ay nagpasiya na sundin ang payong ito ng Mesias na si Jesu-Kristo at hayagang sinabi niya na layunin niyang gawin iyon. Kayat dahilan sa ganitong pagsuporta niya sa mga kapakanang pang-Kaharian, ang pinakadakilang panauhin ni Zacheo ay nagpahayag: “Dumating sa bahay na ito ngayon ang kaligtasan, sapagkat siya’y anak din naman ni Abraham. Sapagkat ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala.” (Lucas 19:1-10) Sa “nawala” ay kasali ang maniningil ng buwis na si Zacheo mismo.
6. Sa ano tinanggap si Zacheo, at kaninong kamalian ang nagsisilbing babala?
6 Si Zacheo ay tinanggap sa pinakamainam na pagkakaibigan sa buong sansinukob, yaong sa Diyos at Ama ng natatanging panauhin na kaniyang iniistima noon. Kung nakita baga ni Zacheo si Jesus pagkatapos ng Kaniyang pagkabuhay muli sa mga patay at isa sa humigit-kumulang 120 mga alagad na nagtipong sama-sama sa isang silid sa itaas sa Jerusalem noong mahalagang araw na iyon ng Pentecostes ng 33 C.E., iyan ay hindi sinasabi sa Bibliya. Subalit, walang alinlangan na si Zacheo ay isa sa 5,000 inianak-sa-espiritu at pinahirang mga alagad na iniulat pagkatapos. (Gawa, kabanata 2 at 4; 1 Corinto 15:1-6) Subalit anong laking pagkakaiba naman sina Ananias at Sapira, na binanggit nang una pa rito! Ang dalawang iyan na kaugnay sa kongregasyon sa Jerusalem ay nagsikap na mapatanyag sa gitna ng mga alagad sa pamamagitan ng daya nang iulat nila ang kunwari malaking halaga na kanilang naiabuloy. Sila’y pinarusahan dahilan sa kanilang pagsisinungaling at naiwala nila ang pinakamainam na pagkakaibigan kayat ito’y nagsisilbing isang babala sa lahat ng Kristiyano sa ngayon.—Gawa 4:34–5:11.
7. Sa kabila ng pagsalungat ng sanlibutang ito, anong pambihirang pakikipagkaibigan ang tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova?
7 Sa kabila ng pagsalungat ng ika-20-siglong sanlibutan na ito, patuloy na tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamainam na pagkakaibigan kailanman. Subalit bakit tinatamasa nila ang pambihirang pakikipagkaibigan na ito samantalang ang mahigit na isang libong iba’t-ibang mga sistema ng relihiyon ay hindi nakakaranas nito? Ipinakikita ng ebidensiya na ang mga Saksi ni Jehova ay gumagawa ng isang bagay na mahalaga na hindi ginagawa ng mga relihiyonista ng Sangkakristiyanuhan. Unang-una, ang mga Saksi ay nagsilabas sa mga sistema ng huwad na relihiyon, sapagkat kanilang nakilala na ang mga ito’y bahagi ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na tinatawag sa Bibliya na Babilonyang Dakila. Mangyari pa, ang paglabas sa anomang huwad na relihiyon ay hindi kusang naglalagay sa isang tao sa organisasyon ni Jehova, sapagkat ang isang tao ay maaaring sumapi sa ibang sistema ng relihiyon ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.
8. Kanino ba tuwirang sinasabi ngayon ang utos na lumabas sa Babilonyang Dakila?
8 Pansinin natin na ang makalangit na pag-uutos na lumabas sa Babilonyang Dakila ay sinasabi sa “bayan ko.” (Apocalipsis 18:4) Sang-ayon sa Kasulatang Hebreo, ang makalangit na panawagang ito ay nakakahawig ng utos na ibinigay ng Diyos sa itinapon na mga Israelita sa lupain ng Babilonya. (Isaias 52:11) Samakatuwid, ang pagtukoy na “bayan ko” ay tuwirang kumakapit sa nalabi ng inianak-sa-espiritu, pinahirang mga alagad ni Jesu-Kristo na narito pa sa lupa. Noong Digmaang Pandaigdig I noong 1914-18, ang mga pinahirang ito ay binihag ng Babilonyang Dakila sa pamamagitan ng politikal, militar, at hukumang mga bahagi ng sanlibutang ito upang mapahinto ang gawain ng espirituwal na nalabi. Sa talinghagang pangungusap, ang nalabi ay napalagay sa kalagayang bihag, walang kalayaan ng pagkilos sa paglilingkuran kay Jehova.
9. Sa ano pa lumabas ang mga Saksi ni Jehova nang sila’y lumabas sa Babilonyang Dakila?
9 Sa Apocalipsis kabanata 17, ang Babilonyang Dakila ay inilalarawan na isang patutot na nakasakay sa isang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay. Ang simbolikong mabangis na hayop na iyan na nagtutungo sa kalaliman at umaahon uli ay lumalarawan sa kasalukuyang organisasyon para sa pandaigdig na kapayapaan, samakatuwid nga, ang United Nations, ang humalili sa Liga ng mga Bansa na napapunta sa kalaliman nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II. Kayat nang ang bayan ni Jehova, na kaniyang tinatawag na “bayan ko,” ay tumugon sa kaniyang panawagan na lumabas sa Babilonyang Dakila, ano ang kanilang ginawa? Sila’y lumabas hindi lamang sa ilalim ng panunupil at kapangyarihan ng pandaigdig na imperyong iyan ng huwad na relihiyon kundi sa ilalim ng panunupil ng kaniyang politikal na mga kasamahan, ang politikal na mga elemento na ngayo’y bahagi ng UN.
10. Sa anong pandaigdig na organisasyon sa ngayon walang kinalaman ang mga Saksi ni Jehova, at bakit?
10 Ang pinahirang nalabi ay mahigpit na sumusunod sa pagkaneutral o kawalang-pagkiling kung tungkol sa pampolitika at pangmilitar na mga bagay ng sistemang ito. (Juan 15:19) Sila’y walang-pasubaling naninindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo, na natatag na sa langit nang matapos ang mga Panahong Hentil noong 1914. Sa pagsalungat sa Kaharian, ang Liga ng mga Bansa ay itinatag at tinangkilik ng Babilonyang Dakila pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I noong 1918. Sa gayon, ang pandaigdig na gawang-taong organisasyong ito ay kasuklam-suklam, karima-rimarim sa Diyos na Jehova at pati na rin sa tapat na nalabi ng espirituwal na mga Israelita dito sa lupa. Sila’y nagtitiwala sa Kaharian mismo ni Jehova at hindi sa anomang bagay na inihahalili rito. (Mateo 24:15, 16) At gayundin ang modernong-panahong “malaking pulutong,” na isinagisag ng mga Netineo at ng “mga anak ng mga utusan ni Solomon.”—Apocalipsis 7:9-17; Ezra 2:43-58.
11. (a) Bakit mali para sa mga alagad ni Jesus na maging kaibigan ng sanlibutang ito? (b) Ano ba ang saloobin ng sanlibutang ito sa mga Saksi ni Jehova, subalit ano ang patuloy na tinatamasa nila?
11 Nang si Jesus ay nililitis alang-alang sa kaniyang buhay sa harap ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato, sinabi niya: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, ang aking mga alipin nga ay nakipagbaka sana upang huwag akong maibigay sa mga Judio. Ngunit, ngayon, ang kaharian ko ay hindi rito.” (Juan 18:36) Kayat maling-mali nga para sa mga “alipin” o mga alagad ni Jesus na maging kaibigan ng sanlibutang ito. Una pa rito, sinabi ni Jesus sa mga una ng kaniyang mga “alipin” ang 11 tapat na mga apostol na sila’y “hindi bahagi ng sanlibutan” na “ang pinuno” ay si Satanas na Diyablo. (Juan 14:30; 15:19; ihambing ang 2 Corinto 4:4.) Kaya naman ang sanlibutan ay napopoot sa kanila o hindi sila mga kaibigan. Ang mga alagad ni Jesus sa ika-20 siglong ito ay naririto rin sa isang sanlibutan na hindi nila kaibigan. Sa kabila nito, sila’y patuloy na nagtatamasa ng pinakamainam na pakikipagkaibigan sa buong sansinukob, yaong sa Diyos ng matuwid na sanlibutang darating, na may “mga bagong langit at isang bagong lupa.”—2 Pedro 3:13.
12. Pagka ang isang tao’y lumabas sa Babilonyang Dakila at humiwalay sa makasanlibutang mga kalaguyo nito, kaninong panig siya dapat maninindigan, at ano ang kailangan dito?
12 Pagka ang isang tao’y lumabas sa Babilonyang Dakila at humiwalay sa kaniyang makasanlibutang mga kalaguyo, ang Malaking Negosyo at Politika at Militarismo, wala siyang dapat puntahan kundi isang lugar lamang. Iyan ay sa panig ng pansansinukob na organisasyon ng kaisa-isang buháy at tunay na Diyos, si Jehova. Hindi siya maaaring nasa gitna. Kailangan dito na pagtiisan ng isang tao ang pagsalungat ng sanlibutang ito, na nagpapaging-mahirap para sa isang tao na magpasiyang lumabas sa Babilonyang Dakila at sa sanlibutan na ang isang bahagi nga’y ito.
Isang “Bagong Pangalan” Buhat sa Pinakamainam na Kaibigan
13. Noong unang siglo C.E., niloob ng Diyos na ang mga alagad ni Jesus ay tawagin na ano?
13 Ang ating mahal na pakikipagkaibigan sa Diyos ay nagpapaligaya sa atin na tayo’y tawaging mga Saksi ni Jehova. Totoo, ang mga alagad ni Kristo noong unang siglo ay hindi tinawag sa pangalang mga “Saksi ni Jehova.” Subalit pakisuyong isaalang-alang ang kanilang kaugnayan sa pinakamainam na Kaibigan sa lahat. Ang Gawa 11:26 ay nagsasabi: “Sa Antiochia [Syria] niloob ng Diyos na ang mga alagad ay tawaging mga Kristiyano.” Mapapansin mo na sa New World Translation of the Holy Scriptures sila’y ‘niloob ng Diyos na tawaging mga Kristiyano.’ Ang salitang Griego rito na isinaling ‘niloob ng Diyos na tawagin’ ay nagpapahiwatig ng higit pa kaysa ala-suwerteng pagtawag lamang sa kanila ng gayon. Ang pinakamainam na Kaibigan sa sansinukob ay sumang-ayon sa pangalang iyan na mga “Kristiyano.”
14. Ano ang masasabi tungkol sa pangalang “Sangkakristiyanuhan,” at anong mga tanong ang kailangang isaalang-alang?
14 Buhat sa terminong “Kristiyano” nabuo ang pangalang Sangkakristiyanuhan na ikinakapit sa buong lugar na kinaroroonan ng nag-aangking mga Kristiyano nang may sari-saring sekta ng relihiyon at mga denominasyon. Samakatuwid ang titulong “Sangkakristiyanuhan” ay hindi ikinapit sa pamamagitan ng ‘kalooban ng Diyos,’ sa tulong ng mga apostol o sa ‘kalooban ng Diyos.’ Kayat ang kalagayan sa ngayon ay malayung-malayo noong unang siglo. Ang mga tunay na Kristiyano lamang ang maaaring magtamasa ng pinakamainam na pakikipagkaibigan samantalang narito sa salungat na sanlibutan. Samakatuwid ang pinakamahalagang tanong ngayon ay, Sino ang mga tunay at totoong mga Kristiyano na sumusunod sa kinasihang Kasulatan? Ang isa pang mahalagang tanong ay, At ang mga Saksi ba ni Jehova ay mga tunay na Kristiyano na kaibigan ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo? Sa bagay na ito ang sariling pangalan ng Diyos, na Jehova, ay nakataya.
15. Dahilan sa anong mga kalagayan dumating na ang panahon upang si Jehova ay magtanyag ng kaniyang sarili, at ano ang bahagi rito ng “bayan ukol sa kaniyang pangalan” ngayon?
15 Paano ang Sangkakristiyanuhan, na maraming relihiyon, ay magiging kaibigan ni Jehova? Ang pangalan ni Jesu-Kristo ang inilagay ng Sangkakristiyanuhan sa unahan, halos inalis nila ang pangalan ng kaniyang makalangit na Ama, si Jehova. Datapuwat, bilang katuparan ng mga hula sa Bibliya, ang panahon ay sumapit na upang si Jehova ay magtanyag ng kaniyang pangalan. Samakatuwid, ang kaniyang pangalan ay kinakailangan mapalagay sa unahan. Sa bagay na ito, kaniyang gagamitin ang kaniyang tunay na mga Saksi, ang kaniyang piniling bayan, yaong mga nagtatamasa ng kaniyang pakikipagkaibigan. Sa isang pantanging pagpupulong noong unang siglo na ginanap ng mga apostol at ng mga iba pang pangunahing tagasunod ni Jesu-Kristo, sinabi ni alagad Santiago: “Isinaysay na lubusan ni Simeon kung paano noong unang pagkakataon na ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.”—Gawa 15:14.
16, 17. Ano ba ang ginawa tungkol sa pangalan ng Diyos sa mga salin ng Bibliya sa Sangkakristiyanuhan, subalit tungkol dito, ano ang masasabi may kaugnayan sa New World Translation?
16 Maaasahan na ‘ang isang bayan ukol sa pangalan ng Diyos’ ang magiging kaniyang mga kaibigan at kanilang itataguyod ang banal na pangalan. Subalit ano ba ang nangyari sa Sangkakristiyanuhan? Sa popular na mga pagkasalin ng Bibliya sa Sangkakristiyanuhan, ang pangalang Jehova ay hinalinhan ng isang titulo. Oo, ang kaniyang pangalan ay makaapat na beses lamang makikita sa pinakapopular na bersiyong Ingles sa ngayon! (Exodo 6:3; Awit 83:18; Isaias 12:2; 26:4, King James Version) Bukod diyan, kahit sa mga saling Judio ng Kasulatang Hebreo, ang pangalan ng Diyos ay isinalin na “ang Panginoon.” Ang ganiyang pagtatangka ng pagsupil sa pangalang Jehova ay hindi gawa ng kaniyang mga kaibigan.
17 Subalit, noong taóng 1950 ang New World Translation of the Holy Scriptures ay inilabas, at isinauli nito ang banal na pangalan sa lahat ng lugar na katatagpuan nito sa orihinal na tekstong Hebreo ng Bibliya. Isinauli rin ng New World Translation ang banal na pangalan sa tamang dako nito sa pinaka-katawang teksto ng Kasulatang Griegong Kristiyano, ang umano’y Bagong Tipan—oo, nang may 237 beses. Ito ay gawa ng mga kaibigan ni Jehova.
18. Ayon sa diwa ng Isaias 62:2, anong hakbang ang kinuha ng bayan ng Diyos noong 1931, at anong pananagutan ang tinutupad nila?
18 Interesado ang mga kaibigan ni Jehova sa mga salita ng Isaias 62:2. Ang talatang ito, na sinalita sa nakikitang organisasyon ng Diyos ng nag-alay, bawtismado, inianak-sa-espiritung mga alagad ng Mesias, ay mababasa ng ganito: “At makikita nga ng mga bansa ang iyong katuwiran, Oh babae, at ng lahat ng hari ang iyong kaluwalhatian. At tunay na tatawagin ka sa isang bagong pangalan, na manggagaling sa mismong bibig ni Jehova.” Ang “pangalan” na iyon ay tumutukoy sa pinagpalang kalagayan na doon tinipon ang modernong-panahong pinahirang mga alagad na ito. Isa pa, upang maging ‘isang bayan ukol sa pangalan ng Diyos,’ ang nalabi ng mga miyembro ng kaniyang nakikitang organisasyon ay may karapatang magdala ng kaniyang pangalan, dapat nilang taglayin ang pangalang iyan. Ang bagay na ito ay natalos nang dumating ang takdang panahon. Sa gayon, sa pagsunod sa diwa ng Isaias 62:2, ang inianak-sa-espiritung organisasyon ng Diyos, ay nagtipon sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong 1931, at may kagalakang tinanggap nila ang pangalang “mga saksi ni Jehova.” Bilang pagsunod sa halimbawang iyan, lahat ng mga kongregasyon ng nag-alay na bayan ni Jehova ay tumanggap ng pangalang iyan. At hindi na nila iniwala sa kanila ang pangalang iyan sa kabila ng kasalungat na mga hula-hula ng mga taga-sanlibutan. Sa Apocalipsis 3:14 ikinapit ng niluwalhating si Jesu-Kristo sa kaniyang sarili ang tawag na “saksing tapat at totoo.” Angkop, kung gayon, na mula sa di-malilimot na taóng iyan ng 1931 patuloy, ang mga kongregasyon ng kaniyang mga alagad sa lupa ay niloob ng Diyos na magtaguyod ng pangalang iyan. Magmula nga noon, kanilang sinikap na tuparin ang kanilang pananagutan na mamuhay nang ayon sa pangalang iyan at ipakilala iyan. Kaya naman, ang pangalan ni Jehova—ang walang kaparis na pangalan ng kanilang pinakamainam na Kaibigan—ay napatanyag sa buong lupa. At si Jehova ay nagbigay ng maliwanag na patotoo na ang kaniyang pakikipagkaibigan sa kaniyang mga saksi ay nagpapatuloy hanggang sa atrasado nang petsang ito.
19. (a) Bakit ang nag-alay na mga Saksi ni Jehova ay hindi natatakot sa pagsalungat ng sanlibutang ito, at sa Har–Magedon anong pribilehiyo bilang gantimpala ang kakamtin ng mga nag-iingat ng katapatan? (b) Ukol sa ano dapat mapatungo kay Jehova ang lahat ng ating pasasalamat at papuri?
19 Yamang ang Diyos na Jehova ay nasa panig natin bilang kaniyang nag-alay na mga saksi, sino nga ba ang maaaring magtagumpay ng paglaban sa atin? (Roma 8:31-34) Kaya hindi tayo natatakot sa pagkapoot ng kaaway na sanlibutang ito. Sa gayon, tayo’y nagpapatuloy bilang mga embahador o mga sugo ng Mesianikong Kaharian, at tayo’y nananawagan sa tulad-tupang mga tao na makipagkasundo sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang maharlikang Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo. (2 Corinto 5:20) Bagamat dahilan dito ay patuloy na bumabagsik at nag-iibayo ang pagkapoot ng sanlibutang ito sa pinahirang nalabi at sa kanilang mga kasama, ang “malaking pulutong,” ang pinakamainam na pagkakaibigan sa buong sansinukob, yaong sa Diyos na Jehova, ay nagpapatuloy nang buong katapatan. (Apocalipsis 7:9) Ito’y hindi kailanman babawiin sa atin bilang mga nag-iingat ng katapatan sa kaniya. Sa katunayan, totoong malapit na, tulad din noong una, ang pagkakaibigang iyan ay ipakikilala sa panahon ng digmaan ng lahat ng mga digmaan, “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” sa Har–Magedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Doon, sa harap na harap ni Satanas na Diyablo at ng kaniyang alepores na mga demonyo at lahat ng kaniyang nakikitang makalupang organisasyon, ipagbabangong-puri ni Jehova ang Kaniyang pansansinukob na soberaniya sa pamamagitan ng Kaniyang pinakadakilang tagumpay sa lahat ng panahon. Tayo, na nananatiling mga kaibigan ni Jehova hanggang sa ngayon, ay ililigtas at bibigyan tayo ng karangalan na masaksihan ang kaniyang pinakadakilang tagumpay sa pamamagitan ng mapagtagumpay na Hari, si Jesu-Kristo. (Awit 110:1, 2; Isaias 66:23, 24) Lahat ng ating taus-pusong pasasalamat at papuri ay mapatungo nawa sa Diyos na Jehova ukol sa kaniyang namamalaging pakikipagkaibigan!—Awit 136:1-26.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga alagad na gumawa ng anong mga pakikipagkaibigan, at sa anong “mga tahanang dako” maaari silang madala nito?
◻ Ano ang saloobin ng sanlibutan sa mga Saksi ni Jehova, subalit anong pakikipagkaibigan ang patuloy na tinatamasa nila?
◻ Ang ‘bayan ukol sa pangalan ng Diyos’ ay tumutupad sa anong pananagutan tungkol sa kaniyang pangalan?
◻ Bakit ang nag-alay na mga Saksi ni Jehova ay hindi natatakot sa pagsalungat ng sanlibutang ito?
[Larawan sa pahina 15]
Si Zacheo ay tinanggap sa pinakamainam na pagkakaibigan sa buong sansinukob. Ganiyan ba rin kayo?
[Larawan sa pahina 18]
Yamang sila’y nalulugod na ang Diyos ang maging kanilang pinakamainam na Kaibigan, noong 1931 ipinasiya ng mga Saksi ni Jehova na sila’y makilala sa walang kaparis na pangalan niya