Lumakad Ayon sa Pananampalataya!
“Kami’y . . . laging malakas ang loob at nalalaman namin na, samantalang kami’y nasa tahanan sa katawan, kami’y wala sa harapan ng Panginoon, sapagkat kami’y lumalakad ayon sa pananampalataya, hindi ayon sa paningin.”—2 CORINTO 5:6, 7.
1. Ano ang ilan sa mga pagpapalang tinatamasa natin dahil sa ating mata?
ISA sa mga kababalaghan ng katawan ng tao ay ang mata. Sa pamamagitan ng kamangha-manghang mekanismong ito, ating naiiwasan ang mga sagabal at tumatanggap din tayo ng maraming mga impresyon, na karamihan ay may epekto sa ating relasyon sa iba. Maliwanag na ang Nagdisenyo ng mata ay may hangarin na tayo’y huwag kumapa-kapa sa kadiliman sa ating tahanang ito na planeta. Isa pa, layunin niya na ating makita at tayo’y maligayahan sa pagkakitang iyan sa kaniyang kahanga-hangang mga paglalaan—mga tao at mga hayop, mga bundok at mga ilog, mga loók at karagatan, mga bulaklak at iba pang mga halaman, ang langit at ang marikit na paglubog ng araw. Kaya naman masasabi natin ang gaya ng ibinulalas ng salmista: “Anong pagkasarisari ng iyong mga gawa, Oh Jehova! Ginawa mo itong lahat sa iyong karunungan. Ang lupa ay punô ng iyong kayamanan.”—Awit 104:24.
2. Bakit hindi sapat na lumakad tayo ayon sa paningin, at ano ang sinabi ni Pablo tungkol dito?
2 Bagaman kamangha-mangha ang ating pisikal na paningin, kung dito lamang natin ibabatay ang ating paglakad ay nakaharap tayo sa malaking panganib. Kung ibig nating tamasahin ang makalangit na biyaya, kailangang lumakad tayo ayon sa pananampalataya sa Nagdisenyo ng mata ng tao. Kailangang hanapin natin ang kaniyang patnubay upang mamihasa tayo sa paggawa ng mabuti. Sa pagsulat sa kaniyang kapuwa pinahirang mga Kristiyano, angkop ang pagkasabi ni apostol Pablo: “Kaya . . . kami’y laging malakas ang loob at nalalaman namin na, samantalang kami’y nasa tahanan sa katawan, kami’y wala sa harapan ng Panginoon, sapagkat kami’y lumalakad ayon sa pananampalataya, hindi ayon sa paningin. Subalit malakas ang loob namin at talagang ibig pa nga namin na mawala sa katawan at makapisan ng Panginoon [sa pamamagitan ng pagkamatay at pagkabuhay-muli sa buhay sa langit]. Kaya naman aming pinagsisikapan na, maging kami’y kapisan man niya o hindi, sana’y maging kalugud-lugod kami sa kaniya. Sapagkat tayong lahat ay kinakailangang mahayag sa harapan ng luklukan ng hukuman ng Kristo, upang tumanggap ang bawat isa ng ganti ukol sa mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa mga nagawa niya, maging mabuti man o masama.”—2 Corinto 5:6-10.
3. Ano ang dapat na maging naisin ng lahat ng nag-alay na lingkod ni Jehova, at anong mga tanong ang dapat nating isaalang-alang?
3 Lahat ng nag-alay na mga lingkod ni Jehova—maging ang pinahirang nalabi o ang dumaraming “malaking pulutong” na may makalupang mga pag-asa—ay nagnanais na mamihasa sa paggawa ng mabuti. (Apocalipsis 7:9) Subalit bakit nga masasabing mayroong malaking panganib ang ‘paglakad ayon sa paningin’? At ano ang ibig sabihin ng ‘paglakad ayon sa pananampalataya’?
Mga Panganib ng ‘Paglakad Ayon sa Paningin’
4. (a) Bakit hindi ang anyong panlabas lamang ng mga bagay ang dapat nating tingnan? (b) Paano ba ang pagtingin sa mga bagay-bagay ng Maygawa ng mata?
4 Kung ang anyong panlabas lamang ng mga bagay ang titingnan natin, may panganib na tayo’y madaya at ito’y sa ating sariling ikapipinsala. Halimbawa, ang isang tao ay marahil naglalakad sa isang buhanginan sa tabing-dagat nang biglang-biglang makita niya na siya pala’y lumulubog na sa kuminóy. O kaya naman ang isang tao ay maaaring palagay-loob dahil sa palakaibigang anyo ng isang tao na isa palang ‘lobo na nakadamit-tupa.’ (Mateo 7:15) Kaya kailangan na tayo’y laging gising. Ang Maygawa ng mata ay hindi sa panlabas na hitsura lamang tumitingin. Sinabi niya sa propetang si Samuel: “Ang pagtingin ng tao ay di-gaya ng pagtingin ng Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Oo, para sa Isa na lumikha ng mata, kaniyang nababasa ang kaloob-loobang mga kaisipan at mga hangarin, at sa tuwina’y tamang-tama ang kaniyang pagkakilala sa kaninuman o sa anuman. (Ihambing ang Hebreo 4:12.) Dahilan sa kaniyang sakdal na paningin at pang-unawa, tunay na siya ang Isang nakakakita-sa-lahat.
5. Bakit lubhang mahalaga na tayo’y bigyang-babala tungkol sa mga panganib ng ‘paglakad ayon sa paningin’?
5 Datapuwat, bilang mga tao lamang hindi natin mabasa kung ano talaga ang nasa puso ng isang tao. Kahit na mayroon tayong bigay-Diyos na mga sangkap, tayo ay di-sakdal at malimit na tayo’y nadadaya. Sa katunayan, ang ating sariling puso ay baka dumadaya sa atin, sapagkat ito’y “higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib.” (Jeremias 17:9) Kaya naman lubhang mahalaga na tayo’y bigyang-babala tungkol sa mga panganib ng ‘paglakad ayon sa paningin.’ Si Jehova ba ay naglaan para sa mahalagang pangangailangang ito? Oo! Para sa ating ikatututo, pinapangyari niyang mapasulat ang tungkol sa mga ilang mahalagang mga pangyayari na nagpapatunay ng mga panganib sa paglakad ng ayon lamang sa paningin.—Roma 15:4.
6. Ano ang epekto sa mga Israelita ng ‘paglakad ayon sa paningin’?
6 Ang mga karanasan ng sinaunang bayan ng Diyos, ang mga Israelita, ay totoong nagpapalitaw ng punto. Bagaman ang sakdal na patnubay ni Jehova ay inilaan sa lubhang pinagpalang bansang iyan, ang karamihan ng walang pananampalatayang mga Israelita ay lumakad “ayon sa kanilang sariling mga payo.” (Awit 81:12) Sila’y ‘lumakad ayon sa paningin,’ at bumaling sa pagsamba sa mga idolo o mga diyos na nakikita ng likas na mata. Dahil sa sila’y inakay ng panlabas na mga kaanyuan ng mga bagay-bagay, sila’y nangasindak sa pagkatakot sa kanilang mga kaaway na totoong pagkarami-rami. Isa pa, dahilan sa ‘paglakad ayon sa paningin, hindi ayon sa pananampalataya,’ hinamon din ng mga Israelita si Moises sa kaniyang bigay-Diyos na pangunguna at sila’y nagreklamo sa kanilang kalagayan sa buhay. (Ihambing ang Judas 16.) Oo, at marami sa kanila ay nanaghili sa tila nga kalayaan at kaunlaran ng nakapalibot na mga bansa, hindi nila isinaalang-alang na ang mga bayang iyon ay may totoong napakababang uri ng pamumuhay at nasa ilalim ng kapangyarihan ng demonyo.—Levitico 18:1-3, 30.
7. Ano ang nangyari sa mga Israelita na tumanggi sa patnubay ng Diyos?
7 Ano ang nangyari sa mga Israelita na nagpatuloy ng paglakad ayon sa kanilang sariling lakad, na tumanggi sa patnubay ng Diyos? Oo, hindi sila kinalugdan ni Jehova, at binawi niya ang kaniyang proteksiyon at pangangalaga sa kanila kaya naman sila ay nagapi ng kanilang mga kaaway! Kahit na sa Lupang Pangako, malimit na ang mga Israelita ay alipin ng kanilang malulupit na kaaway. (Hukom 2:17-23) Di-gaya ni Moises, na tumanggi sa makasanlibutang mga kaginhawahan ng uring maharlika sa Ehipto, ang hinangad ng mga Israelita ay “ang pansamantalang kaligayahan sa kasalanan” at sila’y hindi nagpatuloy ng paglakad na “tulad sa nakakakita sa Isang di-nakikita.” Kulang sila ng pananampalataya. At tandaan, “kung walang pananampalataya ay di-maaaring makalugod na mainam [sa Diyos].”—Hebreo 3:16-19; 11:6, 24-27.
8. Bakit ang modernong-panahong mga lingkod ni Jehova ay dapat matuto sa ibinabalang mga pangyayaring ito na naranasan ng sinaunang mga Israelita?
8 Ang modernong-panahong mga lingkod ni Jehova ay maaaring matuto sa mga pangyayaring iyan noong nakaraan. Tayo man naman ay nanganganib na manghina sa pananampalataya o mawalan pa nga ng pananampalataya. Hindi baga totoo na tayo’y maaaring maimpluwensiyahan ng panlabas na anyo ng mga bagay-bagay at sa gayo’y muling ‘lumakad ayon sa paningin’? Oo, at iyan ang dahilan kung bakit si Jehova ay nagbigay ng patnubay para sa mga maglilingkod sa kaniya sa pananampalataya. Kaniyang ginamit ang mga Israelita at ang kaniyang mga pakikitungo sa kanila bilang mga aralin na may matututuhan ang nahuhuling mga salinlahi, kasali na ang sa atin. (1 Corinto 10:11) Sa ganoon ay nasasangkapan tayo ng tumpak na kaalaman, ng matibay na pag-asa, at ng pagtitiis.
9. Kung tayo’y ‘lalakad ayon sa paningin,’ ano ang baka isipin natin tungkol sa mga ilang gawain at kaayusang teokratiko?
9 Kung wala itong tiyak na patnubay na ito buhat sa ating maibiging Maylikha, baka ating hamunin ang Lalong Dakilang Moises, si Jesu-Kristo, at kalimutan na ang Diyos at si Kristo ang umaakay ngayon sa mga tunay na Kristiyano. (Ihambing ang 1 Corinto 11:3; Efeso 5:24.) Baka ang tingin natin sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagmula sa tao lamang at sa ganoo’y gawin natin kung ano lamang ang parang tama nga ayon sa ating sariling mga mata. (Ihambing ang Mga Hukom 21:25.) Isa pa, baka tayo mapatulad din sa iba na waring nag-iisip na habang ang isang gawain ay hindi bumabagabag sa kanilang budhi, iyon ay maaari nilang gawin. Ang iba naman ay maaaring nag-iisip na ang organisasyong teokratiko ay para sa kanilang sariling kaalwanan at kaginhawahan at na lahat ng mga kahilingan nito ay dapat na maging madali, at hindi nangangailangan ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Ang isa pang panganib ay ang pag-iisip na ang mga kaayusan ng organisasyon ay dapat na mapaayon sa ating sariling kalooban sa halip na sa kalooban ng Diyos. Gayumpaman, ang ating Uliran, si Jesu-Kristo, sa tuwina ay naglingkod na may kagalakan ayon sa kalooban ng kaniyang makalangit na Ama.—Awit 40:8; Hebreo 10:5-10.
10. Paano maaaring maapektuhan ang ating saloobin sa ministeryo sa larangan at sa iba pang mga teokratikong gawain kung kaliligtaan natin ang patnubay ng Diyos o hindi natin pahahalagahan ito?
10 Dahil sa kinaliligtaan ang patnubay ng Diyos o kaya’y hindi gaanong pinahahalagahan ito, baka isipin ng iba na ang ating mga pulong ay dapat na paiksiin, ang mga lokasyon ng asamblea ay dapat na hindi gaanong malalayo, at ang mga materyales na pinag-aaralan ay dapat na laging simple, walang kasaling “matigas na pagkain.” (Hebreo 5:12) Sa mga lupain na kung saan nagtatamasa ng kapayapaan at katahimikan ang mga Kristiyano, baka ipagwalang-bahala ng iba ang mga pagpapalang pang-Kaharian at nadarama nila na di-dapat gugulan ng puspusang lakas ang banal na paglilingkod. Kung magkakaroon tayo ng ganiyang mga saloobin, baka tayo’y maging mga “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos,” at posibleng halos tuwing dulo ng sanlinggo ay gugulin na lamang natin sa paglilibang sa halip na gamitin ang gayong panahon sa paglilingkod sa larangan at iba pang mga gawaing teokratiko na nagpapakita ng buong pusong debosyon kay Jehova. (2 Timoteo 3:1, 4) Sakaling mangyari iyan, masasabi na natin na talagang tayo’y “lumalakad ayon sa pananampalataya, hindi ayon sa paningin”?
11. Baka ano ang maging epekto kung susundin natin ang layaw ng ating sarili, subalit ano ang kailangan nating gawin?
11 Nariyan din ang panganib na sundin natin ang layaw ng ating sarili. Madaling mahila sa pag-iisíp na ang bahagyang sakit ng ulo o anumang problema na kahawig nito ay malubha na nga kaysa talagang katotohanan. Dahil sa ating di-sakdal na laman ay baka gamitin natin ito na dahilan upang huwag gampanan ang isang pananagutan, tulad baga ng pagpapahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Subalit posible kaya na hindi man lamang natin maiisip na ang gayong karamdaman ay pumigil sa atin sa anumang uri ng paglilibang? Mangyari pa, gamitin natin ang katinuan ng isip at huwag nating ituring na biru-biro ang malulubhang sintomas. Subalit, kailangang tayo’y puspusang magsumikap. (Lucas 13:24) At tiyak na ang pananampalataya ay dapat magkaroon ng malaking bahagi sa ating mga desisyon upang tayo’y huwag ‘lumakad ayon sa paningin’ lamang, ayon sa ating sariling payo.—Roma 12:1-3.
12. Tayo’y nasa anong uri ng pakikipagbaka, kaya ano ang dapat na taglayin nating katangian?
12 Huwag kalilimutan na tayo’y nasa isang pakikipagbaka sa mga hukbo ng masasamang espiritu. (Efeso 6:11-18) Ang ating pangunahing kaaway, si Satanas na Diyablo, ay maaaring manggipit sa atin nang todu-todo sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang mga armas na nilayong sumira ng ating pananampalataya kay Jehova. Si Satanas ay magsisikap na pukawin ang hilig ng tao sa kaimbutan at gamitin ang lahat ng uri ng panghihikayat na maaaring magpabago ng ating kaisipan. Kung tayo’y kaugnay ng “mga nalabi” ng “binhi” ng “babae” ng Diyos, o makalangit na organisasyon, tayo’y nasa pakikipagbaka. Dito ay walang pagbabakasyon hangga’t ang buong organisasyon ng Diyablo ay hindi winawakasan ni Jehova, na siyang nagpapalakas sa atin upang madaig ang mga pag-atake ni Satanas. (Apocalipsis 12:16, 17; 1 Pedro 5:6-11) Kung gayon, hindi baga dapat tayo ngayong magpakatibay-loob at madama na kailangan ang apurahang pagkilos? Tiyak na dapat nga!—Awit 31:24.
Kung Ano ang Ibig Sabihin ng ‘Paglakad Ayon sa Pananampalataya’
13. Ano ang kahulugan ng ‘paglakad ayon sa pananampalataya’?
13 Ang ‘paglakad ayon sa pananampalataya’ ay nangangahulugan ng patuloy na pagkilos bagaman may mahihirap na kalagayan taglay ang pananampalataya sa Diyos, sa kaniyang kapangyarihan na patnubayan ang ating mga hakbang, at sa kaniyang saloobin na alalayan tayo tungo sa kaligtasan. (Awit 22:3-5; Hebreo 11:6) Ito’y nangangahulugan ng pagtanggi na tayo’y akayin ng basta panlabas na mga kaanyuan ng mga bagay o ng sariling pangangatuwiran ng tao. Ang pananampalataya ang magpapakilos sa atin na lumakad ayon sa direksiyon na itinuturo ni Jehova, gaano man kahirap ang landas na dapat nating lakaran. Kung tayo’y ‘lumalakad ayon sa pananampalataya,’ tayo’y magiging katulad ni David, na nagsabi tungkol sa Diyos: “Iyong ituturo sa akin ang landas ng buhay. Nasa iyong harapan ang kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanan ay may kasayahan magpakailanman.” (Awit 16:11) Isa pa, kung papayagan natin na si Jehova ang magtuwid ng ating mga hakbang, tayo’y bibigyan niya ng kapayapaan ng isip at tutulungan tayo na kamtin ang tagumpay, gaano man kalaki ang mga balakid sa harap natin. (Juan 16:33; Filipos 4:6, 7) Kabilang sa iba pang mga bagay, ang ‘paglakad ayon sa pananampalataya’ ang magtutulak sa atin upang palagian tayong makisama sa ating espirituwal na mga kapatid para sa nagkakaisang pag-aaral ng Bibliya at pananalangin.—Hebreo 10:24, 25.
14, 15. (a) Ano ba ang saloobin ni Jesus tungkol sa kayamanan, katanyagan, at pagkasangkot sa pulitika? (b) Gaya ng sinabi ng Kasulatan, ano ba ang pagkakilala ni Jesus sa patnubay ng Diyos?
14 Sa katunayan, ang ‘paglakad ayon sa pananampalataya’ ay umaakay din sa atin na maging mga kasamahan ng tapat na mga lingkod ni Jehova noong nakaraan. Ang pangunahin sa kanila ay si Jesu-Kristo, “ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya.” Samantalang sinisikap natin na “sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang,” ano ang ating nakikita?—Hebreo 12:1-3; 1 Pedro 2:21.
15 Iniwasan ni Jesus ang pagkasangkot sa makasanlibutang pulitika at hindi niya hinangad kailanman ang mga kayamanan at katanyagan na pinagsusumikapang kamtin ng iba. Sa halip, sinabi niya na ang kaniyang Kaharian ay “hindi bahagi ng sanlibutang ito,” at malayo sa pagiging materyalista, siya’y ‘walang mapaghimlayan man lamang ng kaniyang ulo.’ (Juan 6:14, 15; 18:36; Lucas 9:57, 58) Bagaman si Jesus ay may sakdal na kaisipan, hindi siya kumilos nang sa ganang sarili niya kundi umasa siya ng patnubay sa kaniyang makalangit na Ama.—Juan 8:28, 29.
16. Sa liwanag ng halimbawa ni Jesus, ano ang masasabi tungkol sa saloobin ng mga Saksi ni Jehova?
16 Sa liwanag ng halimbawa ni Jesus, ano ang masasabi tungkol sa mga Saksi ni Jehova ngayon? Bueno, bilang mga tagapagtaguyod ng makalangit na Kaharian ng Diyos, ating iginagalang ang “nakatataas na mga awtoridad” ng mga pamahalaan ngunit tayo’y nananatiling neutral sa pamamalakad pulitika. (Roma 13:1-7; Mateo 6:9, 10; Juan 17:16) Imbis na maghangad ng kayamanan at katanyagan sa sanlibutang ito, ating ‘hinahanap muna ang Kaharian,’ at nagtitiwala na si Jehova ang maglalaan ng mga kinakailangan natin sa buhay. (Mateo 6:24-34; Awit 37:25) At katulad ni Jesus, tayo’y ‘hindi nananalig sa ating sariling kaunawaan’ kundi tinatanggap natin ang patnubay ng ating maibiging Diyos. (Kawikaan 3:5, 6) Tunay, lahat na ito ay tumutulong sa atin na ‘lumakad ayon sa pananampalataya.’
Mga Pagsubok at Pagpapala
17. Ano ang kailangang pagtiisan ng mga lingkod ni Jehova samantalang sila’y “lumalakad ayon sa pananampalataya”? Pakisuyong magbigay ng halimbawa.
17 Sa maraming lupain ang ating mga kapuwa Saksi ni Jehova ay kailangang magtiis ng pambihirang mga kahirapan at kapighatian, pati malupit na pag-uusig, samantalang sila’y ‘lumalakad ayon sa pananampalataya.’ Mangyari pa, ang mga pagsubok sa pananampalataya ay may sarisaring anyo. Halimbawa, nariyan ang mga kahirapan at tapat na paglilingkod ng isang matandang kapatid sa Ecuador. Ang lalaking ito’y tumanggap ng katotohanan sa edad na 80 anyos, pagkatapos ay natuto siyang bumasa at sumulat. Siya’y nabautismuhan makalipas ang dalawang taon. Yamang siya’y doon nakatira sa gubat, siya’y lumalakad ng tatlong oras upang makarating sa Kingdom Hall. Ang kaniyang mananalansang na asawang babae ay gumagawa ng paraan upang maitago ang kaniyang mga damit at pera para masiraan siya ng loob at huwag dumalo sa mga pulong Kristiyano. Subalit ang mga problemang ito ay hindi nakadaig sa tapat na kapatid na ito. Siya’y naglingkod na isang temporaryo, o auxiliary, payunir buwan-buwan sa loob ng sampung taon at nangaral sa maraming bayan, malimit na masama ang pakikitungo sa kaniya ng mga mamamayan. Nang ang mga payunir at mga misyonero noong malaunan ay mangaral sa mga lugar na iyon, maraming tao ang nagsilapit sa kanila at humiling na sila’y aralan ng Bibliya. Kung gayon, mabubuting bagay ang ibinunga ng kasipagan ng masigasig na kapatid na ito. Siya’y namatay sa sakit na kanser sa edad na 92 anyos ngunit gumugol ng 40 oras sa ministeryo nang mismong buwan na siya ay namatay.
18. (a) Ano ang kailangan nating gawin kung ibig nating kamtin ang pagpapala ng Diyos? (b) Ano ang tatanggapin nating gantimpala kung tayo’y patuloy na “lumalakad ayon sa pananampalataya, hindi ayon sa paningin”?
18 Tayo man naman ay kailangang magtiyaga rin sa kabila ng mga problema at mga kahirapan. (Mateo 24:13) Kung ibig nating kamtin ang pagpapala ng Diyos, kailangan na ikapit natin ang payo ng Diyos, sa kaniya manalig, at manatiling hiwalay sa sanlibutan, sa mga saloobin, at sa mga lakad nito. (Awit 37:5; 1 Corinto 2:12; Santiago 1:27) Kaya’t pagsikapan nating tularan ang ating Uliran, si Jesu-Kristo. Tayo’y magsakripisyo-sa-sarili at puspusang gumawa sa maluwalhating paglilingkuran kay Jehova. Samantalang ginagawa natin ito, tayo’y makapagtitiwalang makaaasa sa katuparan ng dakilang mga pangako sa kaniyang tapat na mga mananamba ng makalangit na Ama. At anong dakilang mga pagpapala ang ibubunga nito para sa atin sa kaniyang ipinangakong Bagong Kaayusan! Higit sa lahat, ang ‘paglakad ayon sa pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin’ ay magdadala sa atin ng gantimpalang pakikibahagi sa pagbabangong-puri sa pansansinukob na soberanya ni Jehova.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang mga panganib ng ‘paglakad ayon sa paningin’?
◻ Ang mga karanasan ng mga Israelita ay nagbibigay ng anong babala para sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon?
◻ Imbis na magpalayaw sa ating sarili, ano ang kailangan nating gawin?
◻ Nangangahulugan ng paggawa ng ano ang ‘paglakad ayon sa pananampalataya’?
[Mga larawan sa pahina 12]
Samantalang ang mga kapuwa mo saksi ni Jehova ay nakikibahagi sa mga gawaing teokratiko, ikaw ba at ang iyong pamilya ay malimit na patungo naman sa isang lugar na libangan?
[Larawan sa pahina 14]
Si Jesu-Kristo ay nagpakita sa atin ng isang ulirang halimbawa. Tulad niya, ikaw ba ay “lumalakad ayon sa pananampalataya?”