Pagkatagpo ng Kagalakan sa Magulong Daigdig
“MANGAGALAK kayong lagi sa Panginoon,” ang utos ni apostol Pablo. “Muli kong sasabihin, mangagalak kayo!” (Filipos 4:4) Subalit para sa marami, ang ganiyang kalagayan ay waring mailap. ‘Paano ka magagalak kung ikaw ay dumaranas ng karalitaan, kawalan ng hanapbuhay, mga kamanggagawang magugulo, panghihikayat sa imoralidad, o mga kagipitan sa paaralan?’ ang tanong ng iba.
Hindi naman makatuwiran na aasahan ng Diyos na ang kaniyang mga lingkod ay lagi na lamang nasa masayang kalagayan. Ang Diyos mismo ang kumasi kay Pablo na ihula na ito ang “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Gayunman, malinaw na ipinakikita ng Bibliya na kahit na nasa pinakamalubhang mga kalagayan, ang isang tao ay maaaring magkaroon ng isang sukat ng kagalakan. Halimbawa, si Jesus ay “nagtiis sa isang pahirapang tulos” at “ng pag-alipusta ng mga makasalanan.” Tiyak naman na hindi ka magagalak kung ipapako ka sa isang tulos o aalipustain ka ng karamihan. Binanggit pa man din ni Pablo na ang mga paghihirap ni Kristo ay totoong napakatindi na anupat nanalangin siya sa Diyos “kasabay ng matinding pagtangis at mga luha.” Gayunman ay napagtiisan ni Jesus ang lahat ng ito “dahilan sa kagalakan na nasa harap niya.”—Hebreo 12:2, 3; 5:7.
Ang mga sinaunang Kristiyano rin naman ay “nagtiis ng malaking pakikihamok sa ilalim ng mga pagdurusa, kung minsan samantalang [sila] ay nangakahantad gaya sa isang dulaan kapuwa sa mga pag-uupasala at mga kapighatian.” Gayunman, sinabi ni Pablo, na kanilang “may kagalakang pinagtiisan ang pag-agaw ng [kanilang] mga ari-arian.” (Hebreo 10:32-34) Subalit paano ito posible?
Kagalakan—sa Panlabas o sa Panloob?
Ang kagalakan ay hindi isang bagay na panlabas. Ito ay isang katangian ng puso. (Ihambing ang Kawikaan 17:22.) Totoo, ang panlabas na mga bagay gaya ng pamilya, mga kaibigan—at maging ang isang paboritong pagkain—ay sa isang limitadong paraan nagdadala ng kagalakan. (Gawa 14:16, 17) Aba, kahit na lamang ang pag-asam-asam ng isang bagay na mabuti ay maaaring magdala ng kagalakan! (Ihambing ang Kawikaan 10:28.) Gayunman, ang kagalakan ng isang tao na nagmumula sa panlabas na mga kalagayan o sa materyal na mga bagay ay maaaring pansandalian lamang.
Sa kabilang dako, ang panlabas na mga kalagayan kung minsan ay waring nag-aalis sa atin ng kagalakan. Halimbawa, isang binatang nagngangalang Jim ang nagbibida kung paano ang kaniyang pinapasukang trabaho ay nakaapekto sa kaniya: “Kinamumuhian ko ang aking trabaho . . . hindi ko maatim na gugulin ko ang aking buhay upang magsilbi sa ikauunlad ng isang kompanya na waring walang pagmamalasakit sa akin bilang isang tao. At nariyan din ang marami sa aking mga kamanggagawa na mga taong sisiraan ka sa talikuran at mga traydor.” Ang pagsisikap na magkaroon ako ng kagalakan ay nawalang-kabuluhan. Ang sabi pa ni Jim: “Napasangkot ako sa lahat ng uring mga droga sapol nang ako’y sampung taong gulang. Naging napakagulo ang aking buhay. Nasuya na ako noon sa buhay ko, pag-inom, paggamit ng mga droga, at pagdalo sa mga parties. Ang buhay ay walang kabuluhan o layunin para sa akin. Ang tanong ko sa aking sarili: ‘Saan kaya ako makakasumpong ng isang bagay na lalong mainam?’”
Ang karanasan ni Jim sa bagay na ito ay nagpapagunita sa atin niyaong kay Haring Solomon. Siya man naman ay nakaranas ng kawalang-saysay ng pagsisikap na magkaroon ng kagalakan sa pamamagitan ng pagpapalayaw sa sarili:
“Sinabi ko sa aking puso: ‘Pumarito ka ngayon, susubukin kitang may kasayahan. At, magpakasawa ka.’ At, narito! iyan din ay walang kabuluhan. Sinabi ko sa pagtawa: ‘Ulol!’ at sa kasayahan: ‘Anong ginagawa nito?’ Aking siniyasat sa aking puso kung paanong masasayahan sa alak ang aking katawan, samantalang pinapatnubayan pa ng karunungan ang aking isip, at kung paanong hahawak sa kamangmangan hanggang sa aking makita kung ano ang mabuti sa mga anak ng mga tao na ginawa nila sa silong ng langit sa lahat ng mga araw ng kanilang buhay. Gumawa ako ng lalong dakilang mga gawa. Nagtayo ako ng mga bahay para sa sarili ko; nagtanim ako ng mga ubasan para sa sarili. Gumawa ako ng mga halamanan at mga liwasan para sa sarili ko . . . At anomang ninasa ng aking mga mata ay hindi ipinagkait. . . . Nang magkagayo’y minasdan ko ang lahat ng mga gawa na ginawa ng aking mga kamay ang gawain na pinagpagalan ko upang matapos, at, narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.”—Eclesiastes 2:1-5, 10, 11.
Mayroon bang paraan ng pamumuhay na hindi walang kabuluhan, na nagdadala ng kagalakan kahit na sa ilalim ng pinakamahihirap na mga kalagayan?
Ang Pinagmumulan ng Tunay na Kagalakan
“Ang kagalakan ni Jehova ang inyong kalakasan,” ang sabi ni Nehemias. (Nehemias 8:10) Oo, ang kagalakan ay nagmumula sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sapagkat, unang-una, siya ang Maylikha ng lahat ng mabubuting bagay na makapagdudulot sa atin ng tunay na kagalakan. “Kalakasan at kagalakan ang nasa kaniyang dako,” ang sabi ng Bibliya. (1 Cronica 16:27) Ang tunay na paraan upang kamtin ang kagalakan, samakatuwid, ay ang makipagkaibigan, makiugnay, sa Maylikha tulad ng ginawa ni Abraham! (Santiago 2:23) Ang gayon bang pakikipagkaibigan ay nagdudulot ng kagalakan? Pag-isipan ang sinabi ng salmista: “Ang pakikipagkaibigan mo [ng Diyos] ay lalong mainam kaysa buhay.” (Awit 63:3, The Bible in Living English) Siyanga pala, nang sumapit ang panahon ay naranasan din ni Jim ang mga bagay na ito. Sa ngayon siya’y isang may kagalakang Kristiyano.
Paano ang pakikipagkaibigan sa Diyos ay nagdudulot ng kagalakan? Unang-una, ang Diyos ay “tagapagbigay-ganti sa lahat ng masikap na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Sa paglilingkod sa Diyos, hindi dapat mangamba na ang pagsisikap ng isang tao ay mauuwi sa walang kabuluhan o hindi mapapansin. Ang kaliit-liitang paglilingkod sa kaniya ay lubhang pinahahalagahan niya. (Ihambing ang Marcos 12:41-44.) At pagka pinagpapala ni Jehova ang kaniyang tapat na mga kaibigan, ang kaniyang pagpapala ay “nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kapanglawan.” (Kawikaan 10:22) Oo, ang mga mangingibig sa Diyos ay umaasa na tatamasahin nila ang ganting buhay na walang hanggan sa kaniyang Bagong Kaayusan na kung saan “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang ganiyang pag-asa ay isang tunay na kagalakan para sa mga Kristiyano.
Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang ay na isang bunga ng espiritu ng Diyos ang gayong “kagalakan.” Subalit saganang ibinibigay naman ng Diyos ang kaniyang espiritu sa kaniyang mga kaibigan pagka hiniling nila. (Galacia 5:22; Lucas 11:13) Ano ang resulta? Ang sabi ng salmista, “maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—Awit 144:15.
Upang Manatili ang Ating Kagalakan
Gayunman, kahit na ang pinahirang mga Kristiyano noong panahon ni Pablo ay nalulumbay manaka-naka. (1 Tesalonica 5:14) At sa ngayon ay lalong marami ang salat sa kagalakan dahilan sa mga kagipitan sa buhay. Datapuwat yamang ang kagalakan ay doon tumatahan sa puso ng isang tao, ang mga kagipitang ito ay hindi dapat pahintulutang pumawi ng iyong kagalakan. Nariyan, halimbawa, si Jesu-Kristo. Nabanggit na natin na “dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya siya’y nagtiis sa pahirapang tulos.” (Hebreo 12:2) Bagaman ang gayong karanasan ay masaklap, ang kaugnayan ni Jesus sa kaniyang Ama ay totoong napakatibay upang makadama siya ng pagkaawa sa kaniyang sarili. Ang nangingibabaw na kaisipan ni Jesus ay malinaw na “ang kagalakang inilagay sa harap niya”: ang pribilehiyo ng pagbabangong-puri sa pangalan ni Jehova, ang pag-asang masagip ang buong sangkatauhan buhat sa kasalanan, ang karangalan ng paglilingkod bilang Hari ng Kaharian ng Diyos! Kahit na sa kaniyang pinakamasaklap na sandali, pinag-isipan ni Kristo ang mga bagay na ito at nakadama siya ng matinding kagalakan!
Ang mga sinaunang Kristiyano ay nakapagtiis din naman ng pag-uusig, at ‘may kagalakan pa nilang tinanggap na agawan sila ng kanilang mga ari-arian,’ hindi dahilan sa ikinatutuwa nila ang gayong kasawian, kundi dahil sa ang kanilang mga isip ay nakatuon sa kung bakit kailangan nilang pagtiisan ang mga bagay na ito. Sila’y nangagalak “sapagkat sila’y ibinilang na karapatdapat na alipustain alang-alang sa pangalan niya.” Sila’y nagalak dahilan sa ‘pag-asang walang hanggang’ buhay na nakaharap sa kanila.—Gawa 5:41; Tito 1:2.
Sa ngayon ay maaari rin nating mapanatili ang ating kagalakan, kahit na nakaharap tayo sa malulubhang problema. Sa halip na umurong tayo at walang isipin kundi ang ating mga problema, ang maipaaalaala natin sa ating sarili ay ang mga pagpapala ng pakikipagkaibigan kay Jehova at ang pagtangkilik sa atin ng maibiging mga kapatid. Malimit na sapat na ito upang ang ating pagdurusa ay magtinging walang kabuluhan. Ganito ang pagkahalimbawa ni Jesus sa bagay na iyan: “Ang babae, pagka nanganganak, ay nalulumbay, sapagkat dumating na ang kaniyang oras; ngunit pagkapanganak niya sa sanggol, hindi na niya naaalaala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanlibutan.”—Juan 16:21.
Sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon ay maraming maiinam na halimbawa ng mga taong hindi nagtulot na sila’y mawalan ng kagalakan dahilan sa kanilang mga problema. Isang babaing Kristiyano na nagngangalang Evelyn, halimbawa, ang dumanas ng sari-saring sakit, kasali na rito ang kanser. Siya’y nahihirapan nang paglakad at malimit na makikita mo siyang namimilipit sa kirot. Gayunman ay regular pa rin siyang dumadalo sa mga pulong at kadalasan ay nakangiti pa. Ang lihim ng kaniyang kagalakan? “Ako’y nakasandig kay Jehova,” ang malimit niyang sabihin. Oo, imbes na walang isipin kundi ang kaniyang kasawian, sinisikap niyang ituon ang kaniyang isip sa mga dahilan kung bakit siya nagagalak. Ito ang nagbibigay sa kaniya ng lakas upang mapagtagumpayan ang kaniyang sakit.
Kung sa bagay, madaling maiwawala natin ang ating kagalakan. Ang iba’y napangingibabawan ng hangarin sa materyal na mga bagay o sa paglilibang. Kanilang pinababayaan ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano, ang personal na pag-aaral, at ang paglilingkod sa larangan. Imbes na magdala ng kagalakan sa kaniyang buhay, ang taong sakim sa materyal na kayamanan ay ‘maraming kalumbayan ang itinutusok sa sarili.’—1 Timoteo 6:10.
Ang pananatili sa mapag-imbot na “mga gawa ng laman” ang isa pang paraan ng pagkawala ng kagalakan ng isang tao. Ang pakikiapid, imoralidad, o kalibugan ay baka nga magdulot ng sandaling kaligayahan, subalit ang mga ito ay laban sa espiritu ng Diyos, na siyang nagdadala ng kagalakan. (Galacia 5:19-23) Ang isang tao na namimihasa sa gawang masama ay nanganganib na maputol ang kaugnayan sa Bukal na kagalakan—si Jehova!
Kung gayon, mas lalong mainam na puspusang ingatan ng Kristiyano ang kaniyang kagalakan. Kung sakaling makita mo na ikaw ay nagkukulang ng kagalakan, tingnan kung ano ang maaari mong gawin upang mapanumbalik ito. Baka kailangan mong higit pang mag-aral ng Bibliya at magbulay-bulay dito. Tanging sa patuluyang pagpapaalaala sa ating sarili ng ating pag-asa maaari tayong magalak sa pag-asa “na nakaharap sa atin” kahit na kung tayo‘y dumaranas ng mga kahirapan. (Roma 12:12) O marahil baka kailangan ang higit pang pakikibahagi sa pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Ang “pagbibigay” sa ganitong paraan ay nagdadala ng lalong malaking kagalakan!—Gawa 13:48, 52; 20:35.
Ang ating sanlibutang ito na puno ng mga problema ay patuloy na magbibigay sa atin ng suliranin. Subalit sa pamamagitan ng matalik na kaugnayan sa ating makalangit na Kaibigan, tayo’y makapananatili sa ating kagalakan at makakapasok sa Bagong Kaayusan ng Diyos na kung saan lahat ng sagabal sa kagalakan ay aalisin na magpakailanman!—Apocalipsis 21:3, 4.