Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 5/8 p. 18-22
  • Ang Pinakadakilang Pagkakataon ng Kabataan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pinakadakilang Pagkakataon ng Kabataan
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangan ang Lakas at Katuparan ng mga Mithiin
  • Ang Pinakadakilang Pagkakataon
  • Isang Mataas na Uri ng Buhay
  • Kasiyahan at Isang Malinis na Budhi
  • Lakas ng Loob
  • Idagdag sa Iyong Pagbabata ang Makadiyos na Debosyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Sundin ang Maka-Diyos na Debosyon Bilang Bautismadong mga Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Ilakip sa Inyong Pagtitiis ang Maka-Diyos na Debosyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Sundin ang Halimbawa ni Jesus ng Maka-Diyos na Debosyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 5/8 p. 18-22

Ang Pinakadakilang Pagkakataon ng Kabataan

“Ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating. Tapat ang pasabi niya at nararapat lubusang tanggapin ng lahat.”​—1 TIMOTEO 4:8, 9.

1, 2. (a) Ano ang itinuturing ng kabataan na mahalagang mga pagkakataon, at anong mga tanong ang ibinabangon? (b) Bakit may pambihirang mga kagipitan ang mga kabataan sa ngayon?

ANO ba ang pinakadakilang pagkakataon na iniaalok sa inyo ng buhay? Ang isang kamakailan lang na surbey tungkol sa mga kabataan ay nagsisiwalat na pinagpapalagay ng marami na “totoong natutuwa akong makakuha ng isang trabaho” at “ang pagiging mayaman” ang pinakamahalaga nilang tunguhin. Parami nang paraming kabataan ang mahilig na magkaroon ng karera, at sa mga ibang lugar napakarami ang nag-aaral sa mga unibersidad para makakuha ng mga trabahong may matataas na suweldo. Marami ang umaasa sa ganiyang materyal na mga pagkakataon para makasumpong ng seguridad, lakas, at katuparan ng kanilang mithiin sa buhay. Kung isa kang kabataan, ganiyan ba ang nadarama mo? At kayong mga may edad, lalo na ang mga magulang, ano bang talaga ang pagkakilala ninyo sa ganiyang mga pagkakataon? Ito baga ang mga pinakasusi sa pagtatamo ng isang “mabuting buhay”?

2 Kung nangangailangan ang mga kabataan ng lakas at katuparan ng kanilang mga mithiin, ngayon na kailangan iyan sa panahong ito ng “mga huling araw” na “mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Sa ngayon ang mga kabataan ay nagsilalaki sa ilalim ng mga kagipitan na noong nakalipas na isang salinlahi ay hindi mo maguguniguni. Ang mabilis na pagbabago sa lipunan, tulad baga ng pagguho ng buhay-pamilya at ng moral, ay lumikha ng totoong malaking kabagabagan.

Kailangan ang Lakas at Katuparan ng mga Mithiin

3, 4. Ano ang ebidensiya na maraming kabataan ang walang lakas ng loob, at bakit hindi naibibigay iyan ng materyal na mga bagay?

3 Parami nang paraming kabataan ang nakakabatid na kulang sila ng lakas ng loob upang harapin ang mga kagipitan sa buhay. (Ihambing ang Efeso 3:16.) Kamakailan isang report ng National Institute of Mental Health ang nag-ulat na isa sa bawat limang kabataan ang may malubhang panlulumo.a Mula noong 1961 hanggang 1975, ang katumbasan ng mga kabataang nagpapatiwakal sa Estados Unidos ay mahigit na nadoble! Sa nag-iisang bansang iyan halos 8,000 kabataan ang nagpapatiwakal taun-taon, gayunman 50 beses ng bilang na iyan ang nagtatangkang magpatiwakal. Ayon sa mga ilang awtoridad ang problemang iyan ay isa nang salot. Ipinakikita rin ng mga report na ang nakapagtatakang dami ng kabataan ay napapaospital sa pagamutan ng mga kapansanan ng isip.b

4 Mangyari pa, hindi lahat ng kabataan ay namumuhay sa mga kalagayan na nagbibigay ng mga pagkakataon. Gayunman, kung isasaalang-alang na ang mga ulat na binanggit na ay nanggaling sa isang pangunahing bansa na kung saan marami ang pagkakataon para sa materyal na pagsulong, maliwanag nga na ang ganiyan ay hindi tumutulong sa mga kabataan upang ‘maglayo ng kapanglawan sa kanilang puso at ng kasamaan sa kanilang katawan.’ (Eclesiastes 11:9, 10) Ang materyal na mga bentaha ay hindi nagbibigay ng gaanong lakas sa isang tao na ang puso ay pinipighati ng mga pag-aalinlangan sa sarili, ng kawalang kapanatagan, o ng pagkadama ng pagkakasala. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ikaw ba ay nanlulupay sa araw ng kasakunaan? Uunti ang iyong kalakasan.”​—Kawikaan 24:10.

5, 6. Ang pagkakamit ba ng materyal na mga bagay ay magdudulot ng “mabuting buhay” sa hinaharap? Magbigay ng halimbawa.

5 Subalit ang pagkakamit ba ng materyal na mga bagay ay nagdudulot sa wakas ng kasiyahan, ang “mabuting buhay”? Inamin ng mayamang si Haring Solomon: “Nang magkagayo’y minasdan ko ang lahat ng mga gawa na ginawa ng aking mga kamay at ang gawain na pinagpagalan ko upang matapos, at, narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala at hindi mapapakinabangan sa silong ng araw.” (Eclesiastes 2:3-11) Bagaman ang kaniyang mga nagawang iyan ay nagdulot sa kaniya ng bahagyang kaligayahan, siya’y nakadama pa rin ng panlulupaypay, ng pagkawalang kabuluhan.

6 Marami sa ngayon ang nagsasabing ang mataas na pinag-aralan ay isa sa mga pinaka-susi sa “mabuting buhay” sa hinaharap. Isang dating gobernador ng isang estado sa E.U. ang nagsabi pa na ang ganiyang pinag-aralan ay “kailangan para magkaroon ng lakas, ng katuparan ang mithiin at ng buhay.” Totoo nga kaya iyan? Bueno, 846 na mga nagtapos sa isang tanyag na unibersidad ang bumuo ng isang “class report” tungkol sa kung ano na ang nangyayari sa kanila sampung taon pagkatapos na sila’y makapagtapos. “Bagaman sa buong report ay tumataginting ang kagalakan,” sabi pa ng isang membro ng klase, “mahahalata roon ang agam-agam sa hinaharap, kapaitan at pati kawalang pag-asa.” Makalipas ang 25 taon, isang nagtapos ang nagtamo ng “mga ilang mithiin tungkol sa pananalapi,” subalit inamin naman niya: “Ang mga kabiguan sa aking sariling buhay ay mas marami pa sa mga tagumpay kung kaya hindi ko na babanggitin pa ang tungkol sa dalawang bagay na iyan.” Ito baga ang pinakamagaling na maidudulot ng buhay?

Ang Pinakadakilang Pagkakataon

7. Anong mga karera ang maaari sanang pinagsanayan ni Timoteo, ngunit ano ang inirekomenda ni Pablo?

7 Sa kaniyang kinasihang mga liham sa Kristiyanong alagad na si Timoteo, binanggit ni apostol Pablo ang isang bagay na lalong mainam. Ang binatang ito ay inatasan na maglingkod sa Efeso, isa sa pinakamalaking sentro ng komersiyo noong sinaunang panahon. Anong daming mga karera ang tiyak na nakita niya! Siya mismo ay kung ginusto niya noon maaaring maging isang mayamang mangangalakal o kaya’y napatanyag sa paaralan ni Tirano o sa lokal na dulaan. (1 Timoteo 1:3; Gawa 19:1, 9, 29) Tiyak na si Timoteo ay maaari sana noon na makatapos ng isang mahusay na karera sa sanlibutan, subalit ganito ang isinulat ni Pablo: “Magsanay ka na ang pakay ay maka-Diyos na debosyon. Sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay mapapakinabangan nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.” Oo, ang maka-Diyos na debosyon ay “mapapakinabangan sa lahat ng bagay.” Ito’y hindi haka-haka lamang, sapagkat isinusog pa ni Pablo: “Tapat ang pasabing iyan at nararapat lubusang tanggapin ng lahat.” Sa kaniyang sariling karanasan ay batid ni Pablo kung ano ang magbubukas para sa pagtatamo ng pinakamagaling na pamumuhay.​—1 Timoteo 4:7-9; 2 Corinto 6:10.

8, 9. (a) Ano ang maka-Diyos na debosyon? (b) Ano ang iyong pinakadakilang pagkakataon, at bakit kailangan ang pagsisikap upang mapakinabangan ito?

8 Ano ba itong maka-Diyos na debosyong ito? Ito ay ang personal na kaugnayan sa Diyos na nagmumula sa isang pusong pinukaw ng matinding pagpapahalaga sa kaniyang kaakit-akit na mga katangian. Samantalang ang “maka-Diyos na pagkatakot” (Hebreo 12:28) ay nangangahulugan unang-una ng may respetong pagkatakot na gumawa ng anuman na di-makalulugod sa Diyos, ang “maka-Diyos na debosyon” ay isang pagtugon ng puso na mag-uudyok sa iyo na mamuhay sa paraan na nakalulugod sa Diyos sapagkat iniibig mo siya.c Ang ganiyang katangian ng puso ay umaakay tungo sa “matalik na kaugnayan sa Diyos,” isang personal na ugnayan na sa pamamagitan nito ay nadarama mo ang kaniyang pagsang-ayon at tulong. (Job 29:4) Ang pagkakataon na magkaroon ng personal na pakikipagkaibigan sa Diyos ay lalong higit na mahalaga kaysa anupaman na maaaring ialok sa iyo.​—Ihambing ang Jeremias 9:23, 24.

9 Ang pagkakaroon ba ng maka-Diyos na mga magulang o pagkabautismo bilang isang Kristiyano ay kusang nagdadala sa iyo sa kaugnayang ito sa Diyos? Hindi, sapagkat ang kataimtiman ng puso ang kinakailangang pagyamanin, kasama na ang mga iba pang katangiang Kristiyano. (2 Pedro 1:5-8) Kailangang maging isa kang tao na ‘ang puso’y nag-uudyok’ sa kaniya na gumawa ng “mga gawa ng maka-Diyos na debosyon.” (Ihambing ang Exodo 36:2; 2 Pedro 3:11; Colosas 3:22.) Bagaman pinalaki siya mula sa pagkasanggol sa daan ng katotohanan, kailangan pa rin ni Timoteo na pagyamanin ang maka-Diyos na debosyon. Sa ngayon, kailangan din ang puspusang pagsisikap, gayunman ang maka-Diyos na debosyong ito ay tunay na “isang bagay na nagdudulot ng malaking pakinabang.” (1 Timoteo 6:6) Sa papaano nga?

Isang Mataas na Uri ng Buhay

10, 11. Paanong sa pamamagitan ng maka-Diyos na debosyon ay tumaas ang uri ng buhay ni Timoteo?

10 Sa Efeso, si Timoteo ay namuhay nang may maka-Diyos na debosyon sa gitna ng mga tao na ‘nagsisilakad sa kawalang kawawaan ng kanilang mga isip.’ (Efeso 4:17) Ang kanilang mga isip ay punô ng mga bagay na hindi mapapakinabangan at walang kabuluhan. “Anong laking pagkasiphayo!” ang sabi ng iskolar ng Bibliya na si R. C. H. Lenski tungkol sa Efeso 4:17. “Mga taong may mga kaisipang nag-iisip at nagkukusa, may talinong mga nilikha, patuloy na lakad nang lakad sa buong buhay nila, sumusunod sa dikta ng isang pag-iisip na umaakay sa kanila sa bawat hakbang nila at sa katapus-tapusan ay walang nararating, kundi ang masaklap na kabiguan!”

11 Marahil ay nakita ni Timoteo na ang pamumuhay ng mga taga-Efeso ay walang kabuluhan at mababang uri. Marami ang sumasamba sa diyosang si Artemis, subalit ang kanilang panatikong pagsamba ay nakatuon sa isang walang-buhay na imahen. Bahagi nito ang walang patumanggang mga kalaswaan at pagpapatutot sa kanilang mga seremonya. (Gawa 19:23-34) Subalit, ang pamumuhay ni Timoteo ay may mataas na uri kaysa pamumuhay ng mga bansa, na “hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos . . . [at] wala silang bahagya mang wagas na asal.” (Efeso 2:6; 4:18, 19) Ang kaniyang maka-Diyos na kabanalan sa pamumuhay ng “buhay na nauukol sa Diyos” ay nagbigay sa kaniya ng pinakadakilang Kaibigan sa sansinukob! Ang pagkakataon na pagyamanin ang kaugnayang ito sa Diyos na buháy sa pamamagitan ng maka-Diyos na debosyon ay tunay na pinakamahalaga! Maaari mo bang makamit iyan?

12. Ano ang sinabi ng isang kabataang Kristiyano tungkol sa “malaking pakinabang” sa maka-Diyos na debosyon? Ano ba ang palagay mo tungkol diyan?

12 Marami sa ngayon ang sumasamba sa sekso, kalayawan, kayamanan, at mataas na edukasyon gaya rin ng puspusang pagsamba ng mga sinaunang taga-Efeso kay Artemis. (Mateo 6:24; Efeso 5:3-5; Filipos 3:19) Datapuwat, yaong mga nagtataguyod ng maka-Diyos na debosyon ay nagtatamasa ng isang mas mataas na uri ng buhay. “Pinagmamasdan ko ang mga naging kabarkada ko bago nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya,” ang sabi ng isang 24-anyos na Kristiyano. “Kalahati sa kanila ang nakukulong sa bilangguan. Karamihan sa kanila ay mga napalulong na sa droga, at marami sa mga babae ang mga disgrasyada. Napariwara ang kanilang buhay. Ang iba ay nangamatay na. Ganiyan na lang ang pasasalamat ko at napag-isip-isip ko ang nangyayari sa aking buhay at naipagmamalaki ko ang nakikita ko ngayon.” Ganiyan din ang nasa isip ng ibang mga kabataang Kristiyano!

13. Bakit ang pagsunod sa utos sa 2 Timoteo 4:5 ay nagbibigay ng kahulugan sa buhay?

13 Yaong mga namumuhay na may maka-Diyos na kabanalan ay nagtatamasa ng kayamanan ng ministeryo. (2 Corinto 4:1, 7; 2 Timoteo 4:5) Ito’y nagbibigay ng tunay na layunin at hamon. Imbis na ang tamuhi’y di-tunay na kasiyahan sa panonood ng isang guniguning panoorin sa TV o sa sine, ang mga Kristiyanong lumalahok sa ministeryo ay dumadalaw sa mga tahanan ng tunay na mga tao upang tulungan sila. Sila’y nakikitungo rin naman sa tunay na mga problema. Anong di-masayod na kagalakan ang nadarama nila samantalang mga taong dating imoral, mararahas, o wala nang pag-asa sa buhay ang tumutugon sa aral ng Bibliya at iniiwanan na ang kanilang dating mga pangit na ugali, may respeto na sa sarili, at naglilingkod kay Jehova. Wala nang karera na iinam pa riyan o nagdudulot ng walang hanggang kabutihan!

Kasiyahan at Isang Malinis na Budhi

14, 15. Paanong ang maka-Diyos na kasiyahan kung tungkol sa salapi ay nagdudulot ng isang lalong magaling na buhay?

14 “Tiyak nga, ito’y nagdadala ng malaking pakinabang, ang banal na debosyong ito na may kalakip na kasiyahan. . . . Kaya, kung tayo’y may pagkain at pananamit na, masiyahan na tayo sa mga bagay na ito. Subalit, silang mga disididong yumaman . . . ay tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” (1 Timoteo 6:6-10) Noong 1981 isang surbey na ginawa ng Psychology Today ang nagsiwalat na “higit pang” nag-iisip ang mga kabataan tungkol sa salapi kaysa anupamang mga nasa naiibang edad. Gayunman, kalahati ng mga nasa grupo na nagsitugon ang higit na nababahala tungkol sa salapi (kasali na rito ang mayayaman at mga maralita) ang nagreklamo na nakadarama ng “laging pag-aalala at pagkabalisa.”

15 Isang kabataang lalaki sa Hapon ang nagtagumpay sa pagpapayaman hanggang sa maging mayaman nga, subalit pininsala naman niya ang kaniyang kalusugan. Nang malaunan, sa tulong ng isang pag-aaral sa Bibliya, natuto siya ng maka-Diyos na debosyon. “Pagka ginugunita ko yaong mga araw na ang pangunahing tunguhin ko sa buhay ay yumaman, ito’y hindi maihahalintulad sa kaligayahan ko ngayon sapol nang baguhin ko ang aking tunguhin,” ang sabi pa niya. “Tunay na walang maitutumbas sa pagkakontento at kasiyahan na bunga ng paggamit ng iyong buhay sa paglilingkuran sa Dakilang Maylikha.”d​—Kawikaan 10:22; Eclesiastes 5:10-12.

16. Ano ang resulta sa mga taong hindi ‘iniingatan ang isang mabuting budhi’?

16 Ipinayo ni Pablo kay Timoteo na ‘ingatan ang isang mabuting budhi.’ Paano? Ang isang paraan ay ang tratuhin niya ang mga babae “nang buong kalinisan.” (1 Timoteo 1:19; 5:2) Datapuwat, ang kalinisang-puri ay pumanaw na sa maraming kabataan pagka ang kanilang mga budhi ay naging manhid. (1 Timoteo 4:2) Subalit ang imoralidad ay hindi nagdudulot ng panloob na kapayapaan at kasiyahan. Sa isang pag-aaral ay isinaalang-alang ang seksuwal na saloobin at asal ng daan-daang mga kabataan. Tungkol sa mga kabataang ito na pinakahandalapak sa sekso, ganito ang sabi ng report: “Sila’y naniniwala na sila’y nabubuhay na walang gaanong layunin at kasiyahan sa sarili.” Halos kalahati ng mga ito ang may ganitong nadama: “Sa pamumuhay ko sa mismong sandaling ito, karamihan ng aking mga abilidad ay nauuwi sa wala.”

17. Bakit ang ‘pag-ibig na nanggagaling sa isang mabuting budhi’ ay tumutulong sa atin na kamtin ang pinakamagaling buhat sa buhay?

17 Kung, pagsapit ng panahon, ang dalawa ay nagpasiyang pumasok sa marangal na pag-aasawa, sila’y makikinabang kung magpapakita sila ng “pag-ibig na nagbubuhat sa malinis na puso at sa mabuting budhi.” (1 Timoteo 1:5) Noong 1984 ang Journal of Marriage and the Family ay nag-ulat ng pag-aaral tungkol sa 309 na mga bagong kasal at ipinakita na ang seksuwal na pagtatalik bago mag-asawa ay may kaugnayan sa “pagtatamo ng bahagya lamang kasiyahan para sa kapuwa mag-asawa.” Subalit anong laking pagkakaiba kung tungkol sa mga nananatiling may malinis na kapurihan! “Pagkaganda-ganda ang nadarama ko kung gunitain ko ang nakaraan at magunita kong ako’y nanatili sa kalinisang-puri,” ang sabi ng isang kabataang Kristiyanong asawang babae na ngayon ay may pitong taon nang kasal. Oo, ang pagkakaroon ng isang malinis na budhi ay isang mayamang kagantihan sa mga kabataan na “naging isang uliran . . . sa kalinisang-puri.”​—1 Timoteo 4:12.

Lakas ng Loob

18, 19. (a) Anong mga kagipitan ang kailangan noon na harapin ni Timoteo? (b) Paano siya tinulungan ng Diyos?

18 Tiyak na si Timoteo ay napaharap sa maraming kagipitan sa Efeso. Ang tukso ng maunlad at imoral na lunsod na iyan na mahilig sa ‘kalayawan at mga laro’ ay maaaring magdulot ng panlabas na kaigtingan. Marahil ang pagkamahiyain ni Timoteo at ang kaniyang “malimit na pagkakasakit” ay tunay na lumikha ng kaigtingan sa loob niya. (1 Timoteo 5:23) Subalit ipinaalaala sa kaniya ni Pablo: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng katakutan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng isip.”​—2 Timoteo 1:7.

19 Oo, anong dami ng iyong mga kababata ang naghahangad ng ganiyang kalakasan! Isang kabataang babae ang nagtagumpay laban sa pagpapatutot at pagkasugapa sa droga. “Ito’y nagawa ko dahil lamang sa tulong ni Jehova,” aniya. “Kung minsan ay sumasagi sa aking isip ang gayong mga nakalipas, subalit wala akong gagawin kundi mananalangin​—agad-agad. Ang pagtatagumpay ko sa mga problemang ito ay higit na pinahahalagahan ko kaysa anupaman sa aking buhay!” Tiyak iyan, maaari kang ‘palakasin’ ng Diyos at bigyan ka ng lakas ng loob na harapin ang anumang kagipitan at gumawa ng matatag na mga pasiya.​—2 Timoteo 4:17.

20, 21. (a) Banggitin ang ilan sa mga pakinabang sa maka-Diyos na debosyon. (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

20 Samakatuwid ang maka-Diyos na debosyon ay nagdadala sa iyo ng napakaraming pakinabang. Ang iyong “pamumuhay” ay nagkakaroon ng layunin na nakahihigit sa mga tunguhin ng mga taong walang pinagsisikapan kundi materyal na mga pagkakataon. (2 Timoteo 3:10) Gaya ng pagkasabi ng isang kabataang Kristiyano na tinanggihan ang pagiging iskolar sa kolehiyo at naging isang buong-panahong ebanghelisador: “Taglay ko ang pinakamahusay na karera, yamang ako’y isang tagapagturo ng mabuting balita at tinutulungan ko ang iba upang makilala ang ating maibiging Ama! At ang ‘fringe benefit’ o personal na pakinabang​—napasulong ko ang aking personalidad​—ay mas magaling kaysa anupamang maihahandog ninuman. At bahagi rin nito ang gantimpala na pamumuhay magpakailanman sa isang paraiso na wala nang mga luha. Ngayon ang tanong: Ano pa bang buhay na nakahihigit diyan ang maaaring hangarin ninuman?”

21 Marahil ay sasabihin mo, ‘Paano ko ba mapagyayaman ang maka-Diyos na debosyon?’ Para sa kasagutan, basahin ang sumusunod na artikulo.

[Mga talababa]

a “Maraming mga eksperto tungkol sa kabataan at sa gawi nila ang nakakakita na ang gayong depresyon o panlulumo ay isang pangunahing sanhi ng malulubhang problema ng mga kabataan tulad halimbawa ng paglalakwatsa at gulo sa paaralan, pag-aabuso sa droga at sa alak, seksuwal na imoralidad, pagdadalang-tao, paglalayas sa tahanan at pagpapatiwakal,” ayon sa ulat ng awtor na si Kathleen McCoy sa Coping with Teenage Depression.

b Samantalang sa Estados Unidos ang dami ng tinatanggap sa lahat ng edad ay umurong sa loob ng 13-taóng yugto ng panahon, ang nasa edad na 15-24 ay sumulong ng 19 porsiyento, at yaong wala pang 15 ay sumulong ng 158 porsiyento!

c “Ang kusang nadarama ng puso [sa Diyos]” ang katuturan na ibinibigay ng Lexicon ni Edward Robinson sa orihinal na salitang Griego eu·seʹbei·a. Si J. A. H. Tittmann, sa kaniyang Remarks on the Synonyms of the New Testament, ay nagsusog: “[Ang maka-Diyos na debosyon] ay nagpapahayag ng pagpipitagan sa Diyos at ito’y ipinakikita sa mga gawa, . . . subalit ang [maka-Diyos na takot] ang nagpapakita ng gayong saloobin, na natatakot at umiiwas sa paggawa ng anumang bagay na labag sa matuwid, . . . [ang maka-Diyos na debosyon] ay yaong sigasig sa kabanalan sa buhay.”

d Basahin ang istorya ng buhay ni Shozo Mima, “Finding Something Better Than Wealth,” sa The Watchtower ng Marso 1, 1978.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Bakit limitado ang pakinabang sa materyal na mga pagkakataon?

◻ Ano ba ang iyong pinakadakilang pagkakataon?

◻ Ano mayroon ang maka-Diyos na debosyon na tumutulong sa iyo upang kamtin ang pinakamagaling na pakinabang sa buhay?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share