Sanayin ang Inyong Anak na Pagyamanin ang Maka-Diyos na Debosyon
“Sanayin mo ang bata ayon sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya hindi niya hihiwalayan ito.”—KAWIKAAN 22:6.
1. Ano ang kailangang maabot upang matagumpay na masanay ang isang anak, at bakit?
ISANG artista sa sirko na nagtuturo sa kaniyang anak ng sining ng trapeze ang nakapansin na ito’y nahihirapan ng pagpapaitaas upang makalampas sa mga baras. “Kung ang iyong puso ay ihahagis mo sa ibabaw ng mga baras,” ang sabi ng sirkera, “ang katawan mo ang susunod diyan.” Gayundin naman, yaong mga ‘nagsasanay’ sa kanilang anak upang mapagyaman ang maka-Diyos na debosyon ay kailangang makaabot sa puso. Ito’y lalung-lalo nang mahirap sa mga taon na ang anak ay dumaraan sa pagkatin-edyer.—Kawikaan 4:23.
2. Bakit mahirap ang mga taon ng pagkatin-edyer ng isang kabataan, at paano makatutulong ang mga magulang?
2 “Kung mga ilang taon din na mahirap na mahalata kung ano ang nangyayari sa loob ng kaisipan ng aking mga anak na lalaki,” ang sabi ng isang amang Kristiyano sa Alemanya. “Subalit nagbago iyan na biglang-bigla nang sila’y pumapasok na sa pagbibinata.” Sa panahong ito na sila’y lumilipat sa pagkamaygulang, maraming bago at di-karaniwang mga pita, na pinapag-aalab ng mga pagbabago sa katawan at sa mga hormon, ang may epekto sa puso ng isang kabataan. Subalit sa di nagtatagal sa gayong mga taon ay nakagagawa sila ng masaklap na mga pagkakamali. Kahit na ang tapat na si Job ay naghinanakit ng dahil sa “mga kasamaan ng [kaniyang] kabataan.” (Job 13:26) Ang emosyonal na mga kaigtingan ay maaaring makalikha ng “kabigatan sa puso” ng isang kabataan. Sinasabi ng Kawikaan 12:25 na ito’y nagpapangyari na ang puso ay “manlupaypay, ngunit ang mabuting salita ay nagpapasaya rito.” Paano ninyo matutulungan ang inyong anak para makinabang sa mabuting pakikipagtalastasan sa maselang na mga taóng ito?
Pakikipagtalastasan sa Puso
3, 4. (a) Paano nagkakaiba ang mga pagpapayo ni Elihu at ng tatlong “mga kaibigan” ni Job? (b) Ano ang hahadlang sa pakikipagtalastasan sa puso?
3 Isaalang-alang ang pagkakaiba ng pagpapayo ni Elihu at ng pagpapayo ng tatlong “mga kaibigan” ni Job. Sa pamamagitan nito ay magliliwanag kung ano ang nagpapasulong ng pakikipagtalastasan, o kung ano ang hindi nagpapasulong nito. Si Elihu ay isang mabuting tagapakinig. Samantalang yaong iba ay nanatiling malayo ang kalooban, na hindi kinilala ang kanilang sariling mga kahinaan, siya naman ay nagsabi: “Narito! ako’y sa tunay na Diyos na gaya mo; ako ma’y nilalang mula rin sa putik.” Kaniyang hinimok si Job na ‘sumagot,’ ihayag ang laman ng kaniyang puso, at huwag matakot. (Job 33:5-7) Sa kabilang panig, ang tatlong “mga kaibigan” ay nagkunwaring nakikiramay at umaaliw kay Job, subalit sila’y nakinig na taglay ang mga binuo nang mga kaisipan. “Pakisuyong dinggin ninyo ang aking mga pangangatuwiran, at pakinggan ang mga ipinakikiusap ng aking labi,” ang pakiusap ni Job bagaman walang epekto. (Job 13:6) Oo, ang kanilang pagpapayo ay nagbangon ng isang balakid.
4 Kung hindi maingat, ang isang magulang ay maaaring magbangon ng nahahawig na mga balakid bagama’t hindi niya natatalos iyon. Kaya’t pakinggan nang husto ang inyong anak. (Kawikaan 18:13) Maingat na pag-isipan kung paano kayo sasagot. “Mayroong isa na nagsasalita nang walang pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak, ngunit ang dila ng pantas ay nagpapagaling.” (Kawikaan 12:18) Totoo naman, kung minsan ang saloobin at/o mga salita ng isang kabataan ay baka nakakayamot. Subalit tandaan, sa likod ng gayong “walang patumanggang pagsasalita” ay baka naroon ang isang pusong totoong nababagabag. May katalinuhang gamitin ang inyong dila sa pagpapagaling.—Job 6:2, 3.
5. (a) Ano ang tutulong sa isang magulang upang mapalabas ang mga hangarin na nasa puso ng bata? (b) Paano makatutulong ang pagsasaliksik sa nakalipas na mga lathalain ng Samahan?
5 Ang maingat na pakikinig, na kasali na riyan ang mataktikang mga tanong, ay tutulong upang ang bata’y maging palagay-loob at maging madali sa kaniya ang magsalita tungkol sa gumagambala sa kaniya. (Kawikaan 20:5) “Malimit na ang aking anak na lalaki ay magsisimula ng isang pakikipag-usap sa isang wari’y di naaangkop na panahon at magsasalita ng isa lamang o dalawang pangungunsap, marahil tungkol sa isang insidente sa paaralan,” ang sabi ng ina ng isang 18-anyos. “Ngunit nasa akin na na may kabaitang ‘ilabas’ ang niloloob niya sa kaniyang puso sa pamamagitan ng pagtatanong ng gaya ng, ‘Eh ano ang nangyari?’ O kaya, ‘Ano ang nadama mo tungkol doon?’ O kaya, ‘Ano ang ginawa mo o sinabi mo?’ Ito ang kaniyang inaasahan, at sinimulan niyang banggitin ang kaniyang problema. Subalit ito’y nangailangan ng malaking panahon!” Gumugol ng gayong kalaking panahon sa inyong anak! Baka kung kayo’y namamasyal o samantalang nagrirelaks na magkasama, pagsikapang maalaman kung ano ang nasa kaniyang isip. Nasumpungan ng maraming mga magulang na, sa pamamagitan ng paggamit ng impormasyon na matagal nang napalathala sa mga publikasyon ng Watchtower Society, sila’y natutulungan na lalong higit na maunawaan ang kanilang mga anak at matulungan ang mga ito sa pamamagitan ng makabuluhang pakikipag-usap sa kanila. Kaya naman, lalong dumami ang taos-pusong mga pag-uusap-usap ng mga membro ng pamilya. Gayumpaman, ang kailangan ay hindi lamang mabuting pakikipagtalastasan upang mapaunlad ang maka-Diyos na debosyon.
Pagyamanin ang Espirituwal na Pagpapakain
6, 7. Ano ang matagumpay na naisagawa ng ina ni Timoteo, at paano matutularan siya ng mga magulang?
6 Ang ina ni Timoteo ay hindi malamig tungkol sa espirituwal na mga bagay na buhay ang idudulot sa kaniyang anak. Tungkol sa anak na ito ay nasusulat: “Mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na nakapagpapadunong sa iyo sa ikaliligtas.” (2 Timoteo 3:15) Gayundin naman sa ngayon, yaong mga magulang na ang mga anak ay nakapagpaunlad ng maka-Diyos na debosyon ay totoong nababahala tungkol sa espirituwal na pagpapakain sa kanilang mga anak. Kanilang tinuturuan ang mga ito na magsagawa ng sarilinang pag-aaral sa kamusmusan pa lamang.
7 Siniseguro mo ba na ang iyong anak ay mayroong kaniyang sariling literatura sa Bibliya at naghahanda para sa mga pulong ng kongregasyon? Siya ba’y puspusang hinihimok mo na mag-iskedyul ng panahon upang magsaliksik sa mga kayamanan ng Salita ng Diyos? (Kawikaan 2:1-5; 1 Juan 2:14) Samantalang nasa mga pagpupulong, itinatabi mo ba siya sa iyo upang bigyan ng pampatibay-loob ang kaniyang isip—at puso—upang huwag gumala-gala? Siya ba’y hinihimok na makibahagi sa mga pulong? (Hebreo 10:23-25) Kayo ba’y may regular na pampamilyang pag-aaral na pinagkukunan ng kaalaman na may kaugnayan sa espisipikong mga pangangailangan ng inyong anak? Pag-isipan ang mga tanong na ito.—Kawikaan 24:5.
“Gawing Tunay si Jehova”
8. Sang-ayon sa ipinakikita ng Deuteronomio 11:18, 19 saan kailangang magsimula ang maka-Diyos na kabanalan, at paano maikakapit ito ng mga magulang sa isang anak sa ngayon?
8 Gayunman, marahil ang puso at budhi ay mananatiling hindi nagagalaw kung basta lamang ang ulo ang pupunuin ng impormasyon. Upang mapaunlad ang isang mabuting budhi, ang inyong anak ay kailangang makaalam na si Jehova ay isang persona na makapangyarihan at totoong interesado sa kaniya at sa kaniyang ginagawa. Subalit una muna’y kailangang mapunô ang inyong sariling puso ng pag-ibig kay Jehova at ito ang magpakilos sa inyo na palagiang magsalita tungkol sa kaniyang mapagmahal na pangangalaga at sa kaniyang kadakilaan. Kailangang ibigin ninyo ang katotohanan at mamuhay kayo nang ayon dito. Isang ina sa Inglatera ang nagpaliwanag, nang tanungin siya kung paanong ang kaniyang mga anak, na kapuwa buong-panahong ebanghelisador, ay nagkaroon ng gayong matinding pag-ibig sa Diyos: “Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanila tungkol sa kung gaano katunay si Jehova. Ganiyan na lang kalaki ang naitulong niya sa akin na anupa’t hindi ko maipagkakait ang tulong upang gawing tunay sa kanila si Jehova. Lahat ng bagay ay nakasentro sa kaniya.” Sanayin din ang inyong anak na makipag-usap kay Jehova sa pamamagitan ng “lahat ng anyo ng panalangin at pagsusumamo . . . [na patuloy] na nagsisipanalangin kayo sa bawat pagkakataon sa espiritu.” (Efeso 6:18) Hayaan ninyong marinig ng inyong anak ang inyong taimtim at taos-pusong mga panalangin at talakayin ninyo sa kaniya ang tungkol sa kaniyang sariling mga panalangin.—Deuteronomio 11:1, 2, 18, 19; Kawikaan 20:7.
9. Paano makagagamit ang mga magulang ng mga halimbawa sa tunay na buhay upang masanay ang budhi ng isang anak?
9 Ang budhi ng isang kabataan ay lubhang naiimpluwensiyahan ng mga halimbawa sa tunay na buhay. (Ihambing ang 1 Corinto 8:10.) Paminsan-minsan ay nakakabalita kayo tungkol sa mga tao na nagdurusa dahilan sa pagsuway sa mga kautusan ng Diyos. Huwag ninyo siyang patatamaan tungkol dito, samantalang tinatalakay ninyo ang gayong mga halimbawa sa inyong anak, at sa ganito’y matutulungan ninyo siya na masakyan ang sinabi ni Pablo: “Hindi mo maaaring malinlang ang Diyos. Anuman ang iyong hinahasik ay iyo ring aanihin.” (Galacia 6:7, Beck) Bilang isang positibong halimbawa, pag-usapan ninyong dalawa ang salaysay ng Ebanghelyo tungkol sa buhay ni Jesus. Matutulungan ninyo ang inyong anak na kamtin “ang isip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) Subalit kailangan na gawin ninyong buháy ang mga paglalahad na iyan! Himukin ang inyong anak na gunigunihin ang madulang mga tanawin at bulaybulayin ang napakahusay na paraan ng pakikitungo ni Jesus sa mga bagay-bagay. Pumili ng materyales buhat sa salig-Bibliyang mga lathalain na doo’y tinatalakay ang buhay at personal na mga katangian ni Jesus, at para magkaroon kayo ng sarisari, gamitin ang mga ito manaka-naka sa inyong pampamilyang pag-aaral.a
10. Paano ninyo matutulungan ang inyong anak ‘upang makilala ang pag-ibig ng Kristo’?
10 Ang inyong anak ay kailangan ding magsikap na tularan ang halimbawa ni Kristo. Tanging sa pamamagitan lamang ng aktuwal na karanasan “makikilala [ng isang kabataan] ang pag-ibig ng Kristo na di-masayod ng kaalaman.” (Efeso 3:19) Kung gayon, himukin siya na higit pang tularan ang pagkapoot ni Jesus sa katampalasanan, ang kaniyang pag-ibig sa mga tao, ang kaniyang sigasig sa pagsamba sa kaniyang Ama, ang kaniyang kaawaan at kagandahang-loob, at ang kaniyang paninindigan sa kabila ng paglibak sa kaniya. (Hebreo 1:9; Marcos 6:34; Juan 4:34; Lucas 23:34; 1 Pedro 2:23) Masiglang papurihan ninyo ang inyong anak pagka siya’y tumugon. Kailangang makita niya na, bagaman tayo’y di-sakdal, mentras sinusunod natin ang halimbawa ng Panginoon lalo tayong nagiging maligaya at lalo nating naiaayos ang ating budhi. Tayo rin naman ay lalong napapalapit sa Diyos, yamang nababanaag kay Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama. (Juan 14:6-10) Sa tuwina’y ipaalaala sa inyong anak ang pagpapahalaga sa kaugnayang ito. Gaya ng sabi ng isang matagumpay na inang Kristiyano na may apat na anak: “Sa araw-araw ay hindi nakakalimutan ng aking asawa na yakapin ang bawat isa at ipabatid sa kanila kung gaano kamahal niya sila at kung gaanong ipinagmamalaki ni Jehova ang kanilang ugali ayon sa kaniyang pagkaalam. ‘Mahal kayo ni Jehova,’ aniya. ‘Huwag ninyo siyang biguin.’”—Kawikaan 27:11.
Kailangan ang Mapagmahal na Pagdisiplina
11. Bakit kailangan ng bawat bata ang disiplina?
11 Bagaman siya’y tinuruan ng Diyos “mula sa [kaniyang] kabataan,” si David ay nanalangin pa rin, “Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsalansang man.” (Awit 71:5, 17; 25:7) Oo, sa bawat bata ‘ang kamangmangan ay nababalot sa kaniyang puso.’ Subalit “ilalayo iyon sa kaniya ng pamalong disiplina.” (Kawikaan 22:15) Ang “pamalong” ito na karapatan ng magulang ay kadalasan nang isang pananalitang pantuwid o isang mahigpit na pagbabawal. Kaya kapag ang magdarayang puso ng inyong anak ay nagnanasang gumawa ng isang bagay na nakapipinsala, kailangan na buong katatagan na sabihin ninyo sa kaniya na huwag!—Jeremias 17:9; Kawikaan 29:17, 19, 21.
12, 13. Paano ninyo magagawang mabisa ang disiplina?
12 Sa pagdisiplina, lalo na pagka nagpaparusa, sundin ang halimbawa ni Jehova na ‘nagtuturo ayon sa matuwid.’ Ipinakikita ng Isaias 28:26-29 na siya ay katulad ng magsasaka na gumagamit ng pang-unawa sa pag-alam kung aling kagamitan ang gagamitin para sa mabisang paggiik ng iba’t ibang uri ng binutil at kung gaano katagal gigiikin iyon, at hindi ‘laging ginigiik.’ Kaya tanungin ang inyong sarili: Ang paghihigpit bang ito ay makatuwiran batay sa edad ng aking anak at ng pagsulong niya patungo sa pagkamaygulang? Ang parusa ba ay angkop sa kalubhaan ng kaniyang ginawang pagkakamali at gayundin katugma nito at hindi lamang dahil sa gusto kong parusahan siya nang gayon? At talaga bang alam ng bata kung bakit siya pinarurusahan?—Job 6:24.
13 Ang di-makatuwirang mga paghihigpit o di-katugmang pagdisiplina ay makaiinis o makahihila ng galit sa bata.b (Efeso 6:4; Colosas 3:21) Subalit ang pag-ibig at katatagan ang maglalayo sa inyong anak sa mga kalagayan na maaaring sumira sa lahat ng mabubuting turo na inihasik ninyo sa kaniyang puso. Lalung-lalo nang mahalaga ito tungkol sa kaniyang pakikihalubilo. (Kawikaan 13:20; 28:7) Subalit ano kung sa kabila ng lahat ng inyong pagsisikap ay napasangkot pa rin ang inyong anak sa talagang suliranin?
Pagka Biglang Napaharap sa Suliranin
14. Bakit ang isang magulang ay hindi dapat agad-agad umurong pagka ang isang anak ay napasangkot sa malubhang suliranin?
14 Ang masakit na pagkasiphayo ang nagpangyari sa mga ibang magulang na agad umurong pagka nagkasala ang kanilang anak. Bagaman si Jehova ay nagsagawa nang angkop na pagpaparusa at pagsaway, hindi siya agad-agad umurong nang siya’y nakikitungo sa sinaunang bansang Israel na dati’y katulad ng isang “anak” sa kaniya. (Oseas 11:1; 2 Cronica 36:15, 16; Awit 78:37, 38; Nehemias 9:16, 17) Kung paano nagagawa ng sinaunang mga tagasanay na iayos ang mga sugat at bali pagka nasaktan ang isang manlalaro, kailangan din ngayon ng mga magulang na “iunat ang mga kamay na nanghihina . . . upang ang pilay ay huwag nang lalong mapilayan pa, kundi gumaling.”—Hebreo 12:12, 13.
15. Paano maikakapit ng isang magulang ang Galacia 6:1 sa pagpapanumbalik sa isang nagkasalang anak?
15 Upang maiunat ang isang anak na “pilay” sa paraang espirituwal at upang huwag nang patuloy na lumubha ang kaniyang kalagayan kailangan na maituwid ang kaisipan ng bata. “Kahit na nagkasala ang isang tao [o ang isang bata] bago namalayan iyon,” ang payo ni Pablo, “kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao.” (Galacia 6:1) Ang salitang Griego na isinaling “muling maituwid” ay isang termino sa panggagamot na ginagamit noong panahon ni Pablo sa ‘pagsasauli ng mga nabaling buto.’ Tunay na ang ganitong makirot na panggagamot ay nangangailangan ng pinakamalaking kasanayan upang ang isang nabaling buto ay huwag mamalaging maging isang kapansanan habang buhay. Ang salita ring iyan ay isinaling “paghahayuma” (ng mga lambat) at “pabutihin.” (Marcos 1:19; 1 Tesalonica 3:10) Sa “paghahayuma” ng puso ng isang kabataan, sikaping maabot iyon sa pamamagitan ng “sining ng pagtuturo.” Sa halip na marahas na pagwikaan siya, sundin ang mahalagang payo ng Bibliya: “Maging malumanay . . . nagtitimpi [kayo] laban sa kasamaan, mahinahong nagtuturo sa mga sumasalansang; baka sakaling pagsisihin sila ng Diyos.”—2 Timoteo 2:24-26; 3:16; 4:2.
16. (a) Anong mga pagbabago ang kailangang gawin upang mabawi ang isang nagkasalang anak? (b) Ano ang dapat liwanagin sa bata?
16 Upang maituwid ang maling kaisipan ng isang bata kailangan ang puspusang pagsisikap ng isang magulang. Baka kailangan na gumawa ang magulang ng mga ilang pagbabago sa kaniyang istilo ng pamumuhay para maisagawa ang kinakailangang pag-aasikaso. Sa isang talinghaga na nagpapakita ng angkop na pagsisikap na mabawi ang “isang nagkasala,” binanggit ni Jesus ang isang babae na nag-iwan ng halos lahat ng bagay upang mabawi lamang ang kaniyang nawalang baryang drachma. (Lucas 15:7-10) Ang isang bata na sinanay sa kabanalan ay maaaring madaig ng damdamin ng kawalang halaga niya at ng pagkadama ng pagkakasala pagka nahayag ang kaniyang kasalanan, kaya kailangan na ipadama ng magulang ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang anak. Tulungan ang anak na makita na ang hindi gusto’y ang kaniyang ginawa, at hindi ang kaniyang sarili, at ang kaniyang iginawing ito ay maaaring ituwid.—Judas 23.
17, 18. (a) Papaano naipanumbalik ng isang ama ang kaniyang anak? (b) Ano karaniwan na ang nagbibigay ng tagumpay?
17 Isang ama, na ang anak ay dinisiplina ng kongregasyon dahil sa nagkasala ng imoralidad, ay namasyal kasama ng kaniyang anak na lalaki mga ilang beses isang linggo, at sila’y nag-uusap nang matagal at sa maalwang mga kalagayan. Ang ama’y pumili rin ng salig-Bibliyang mga lathalain na tumatalakay sa espisipikong mga pangangailangan ng kaniyang anak. Ito’y pinag-aralan nilang mag-ama, bukod sa pakikibahagi pa rin ng anak na iyon sa pag-aaral na isinasagawa ng ama sa buong pamilya. Isinaayos ng magulang ang kaniyang gawain bilang isang matanda sa kongregasyon upang lubusang maasikaso niya ang kaniyang anak. Ang bata ay naipanumbalik sa dati.
18 Datapuwat, kung minsan ang isang anak na lalaki o babae ay maaaring naging totoong mapaghimagsik, at ‘labis na masuwayin.’c (Kawikaan 30:17) Mabuti naman at ang ganiyan ay bihi-bihira lamang sa mga lingkod ng Diyos. Anong laking pampatibay-loob na malaman na, sa lubhang karamihan ng ganiyang mga kalagayan, pagka ang mga magulang—bagama’t hindi pinalalampas ang kamalian—ay hindi agad-agad umuurong dahil sa ginawa ng anak kundi nagtitiyaga ng pagtulong sa kaniya, ang ibinubunga ay mabuti!
Puspusang Pagsisikap—Ngunit Sulit Naman!
19. Paano ninyo matutularan ang halimbawa ni Maria sa pag-aasikaso sa inyong pamilya?
19 Ang pagpapalaki sa mga anak, lalo na sa “mga huling araw” na ito, ay isang gawain na di-biru-biro. Dapat na papurihan ang mga magulang na bumabalikat nang husto sa ganiyang pananagutan! Patuloy na pag-isipan kung ano ang dapat ninyong unahin. Huwag hayaang ang pagkabalisa na paglaanan ng “maraming bagay” na materyal ang inyong mga minamahal ay humadlang sa inyo sa pagsasamantala sa espirituwal na mga pagkakataon kasama nila. Tandaan, sinabi ni Jesus kay Marta na walang kailangan kundi “mga ilang bagay lamang, o iisa lamang.” Oo, sapat na ang simpleng pagkain. Tularan si Maria, na totoong nasiyahan sa espirituwal na pakikipagniig kay Jesus. Piliin “ang mabuting bahagi” para sa inyong pamilya sa pamamagitan ng paglahok sa espirituwal na mga gawain bilang isang pamilya.—Lucas 10:38-42.
20. Anong mga kagantihan ang naghihintay sa matagumpay na mga magulang na Kristiyano?
20 Mga ilang taon pagkatapos na matagumpay na tulungan ang kaniyang anim na anak upang ibigin si Jehova, isang magulang ang tumanggap ng isang kard buhat sa isa sa kanila. Ganito ang isang bahagi niyaon: “Inay, mahal na mahal kita, higit pa kaysa alam mo. Salamat sa pag-akay at pagpatnubay sa akin . . . Binigyan mo ako ng pinakamagaling na pag-asa sa daigdig at iyon ay ang katotohanan. Salamat sa pagliligtas mo ng aking buhay.” Anong laki ng kagalakan ng inang ito! Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 23:24, 25: “Maipagmamalaki mo ang isang matalinong anak na lalaki [o babae]. Ipagmalaki ka sana ng iyong ama at ina; dulutan mo ang iyong ina ng ganiyang kaligayahan.” (Today’s English Version) Sa tulong ni Jehova, sana’y maging inyo ang ganiyang kaligayahan!
[Mga talababa]
a Para sa pinakabuod ng makalupang buhay ni Jesus, tingnan ang artikulong “Get a Firm Hold on the Real Life,” sa Enero 1, 1973, ng Watchtower. Isinasaalang-alang ng artikulong “Prove Yourselves to Be True Disciples of Christ,” sa Hulyo 1, 1977, ng Watchtower ang marami sa kaniyang personal na mga katangian, gayundin ang Aid to Bible Understanding (lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.), mga pahina 927-32.
b Isang pananaliksik na pag-aaral tungkol sa 417 mga kabataan na nalathala sa lathalaing Adolescence ang may ganitong konklusyon: “Ang isang napakaistriktong tahanan ay humahantong sa pagkabigo at pagkatapos ay sa gulo, samantalang ang isang tahanang walang disiplina ay humahantong sa pagkabigo, sa hindi pagkaalam kung ano ang inaasahan ng mga magulang, na pagkatapos naman ay humahantong sa gulo, na nangangailangan ng mga pamantayan.”
c Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Mayo 1, 1960, Watchtower, pahina 287-8.
Ano ang Masasabi Ninyo?
◻ Paano mapasusulong ng isang magulang ang pakikipagtalastasan sa puso ng isang anak?
◻ Ano ang tutulong sa isang anak upang mapagyaman ang isang mabuting budhi?
◻ Ano ang gagawang mabisa sa disiplina?
◻ Paano maipanunumbalik ang isang batang nagkasala?