Kapayapaan, Katiwasayan, at ang ‘Larawan ng Hayop’
“At dinala niya akong nasa kapangyarihan ng espiritu sa isang ilang. At nakita ko ang isang babae na nakaupo sa isang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop na punô ng mga pangalang mapamusong at may pitong ulo at sampung sungay.”—APOCALIPSIS 17:3.
1. Bakit tayo interesado sa pangitain ni Juan ng isang pito-ulo, sampu-sungay na hayop?
NAKITA ni apostol Juan ang kakila-kilabot na hayop na ito sa isang kinasihang makalangit na pangitain. Subalit hindi lamang si Juan ang nakakita nito. Malamang na nakita rin ninyo ito, o kung hindi man ay may nabasa kayo sa mga pahayagan tungkol dito. Nakikilala ba ninyo kung ano ito?
2, 3. Anong sunud-sunod na mga hayop ang nakita ni Juan sa kaniyang pangitain?
2 Mangyari pa, pagka nakikita natin ang hayop na ito sa ngayon, ang anyo nito ay hindi gaya ng binanggit ni Juan. Ang nakita ni Juan ay sumasagisag sa isang bagay na iiral sa lupa “sa araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10) Sa ngayon ay nakikita natin ang katuparan nito. Sa pangit na anyo ng hayop na nakita ni Juan ay mababanaag ang pangmalas ni Jehova sa kinakatawan nito—ito ay karima-rimarim sa Kaniya! Nasaksihan na ni Juan sa kaniyang pangitain na si Satanas na Diyablo ay ibinulid sa lupa na “may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” (Apocalipsis 12:12) Kaniya ring nakita ang makapulitikang mga sistema ng sanlibutan ni Satanas na kinakatawan ng isang dambuhalang hayop na may pitong ulo at sampung sungay at umaahon sa “dagat” ng sangkatauhan. (Apocalipsis 13:2; 17:15; Isaias 57:20; Lucas 4:5, 6) Ang hayop na ito ay may kapamahalaan o awtoridad sa lahat ng tao, at ang mga tao ay sapilitang nilagyan ng ‘tanda ng hayop’ sa kanilang kanang kamay o sa kanilang noo, na nangangahulugan ng kanilang pagtangkilik dito.—Apocalipsis 13:7, 16, 17.
3 Si Juan ay nakamasid samantalang gumagawa ang mga tao ng larawan ng hayop na ito. (Apocalipsis 13:14, 15) Ang larawang ito ang kaniyang nakita sa binanggit ng pangitain na inilalahad sa Apocalipsis kabanata 17. Ang pito-ulo, sampu-sungay na “larawan” ay gaganap ng mahalagang bahagi sa hinaharap na mga pangyayari; kaya’t mahalaga para sa atin na makilala ito. Paano natin magagawa iyan?
Ang “Larawan” ng Hayop sa Ngayon
4, 5. Sa ano kumakatawan ang mga ulo ng hayop na nakita sa pangitain?
4 Isang anghel ang nagbigay kay Juan ng ilang impormasyon na tutulong sa atin. Sinabi niya: “Ang pitong ulo ay pitong bundok ang ibig sabihin, na kinauupuan ng babae. At mayroong pitong hari: lima ang nangabuwal, ang isa’y narito pa, ang isa ay hindi pa dumarating, ngunit pagdating niya ay dapat magtagal nang sandaling panahon.” (Apocalipsis 17:9, 10) Ang pagbanggit ng “mga hari” at “mga bundok”—na sa Bibliya ay malimit na kumakatawan sa mga kapangyarihang pulitikal—ito’y nagpapakita na ang mga ulo ng hayop ay kumakatawan sa mga pamahalaan. (Jeremias 51:25) Alin bang pitong mga pamahalaan ang tinutukoy?
5 Bueno, lima ang nangabuwal na noong kaarawan ni Juan, isa ang umiiral pa rin, at isa ang darating pa. Sa kasaysayan sa Bibliya, limang malalaking imperyo ang lumago, sumalansang sa bayan ng Diyos, at pagkatapos ay nangabuwal bago noong kaarawan ni Juan: ang Ehipto, Asiria, Babilonya, Medo-Persiya, at Gresya. Nang si Juan ay nabubuhay, ang imperyong Romano ang nasa kapangyarihan. Makalipas ang daan-daang taon pagkamatay ni Juan, ang imperyong Romano ay lumipas na bilang ang dominanteng kapangyarihang pandaigdig at sa wakas ay hinalinhan ng imperyo ng Britaniya. Hindi nagluwat at ang mga kolonya sa kanluran ng imperyong ito ay binigyan ng kasarinlan at kumilos na kaugnay ng Britaniya upang bumuo ng kapangyarihang pandaigdig na Anglo-Amerikano. Ito ang “hari” na “hindi pa dumarating” noong kaarawan ni Juan. Ano ba ang kaugnayan ng hayop na nakita ni Juan at ng pitong imperyo na kinakatawan ng mga ulo nito? “Ito ay siya ring ikawalong hari, ngunit nanggaling sa pito.”—Apocalipsis 17:11.
6. (a) Ano ang kahulugan ng mga sungay ng hayop? (b) Sa paano sila “hindi pa tumatanggap ng isang kaharian”?
6 Tandaan din naman na ang hayop ay may sampung sungay. Tungkol sa mga ito, sinabi ng anghel: “Ang sampung sungay na nakita mo ay sampung hari ang ibig sabihin, na hindi pa tumatanggap ng kaharian, ngunit tumatanggap sila ng kapamahalaan sa paghahari isang oras kasama ng mabangis na hayop.” (Apocalipsis 17:12) Sa Bibliya, ang bilang na sampu ay kumakatawan sa pagkakompleto kung tungkol sa mga bagay sa lupa. Samakatuwid, ang mga sungay na ito ay sumasagisag sa lahat ng mga pamahalaan sa buong lupa na tumatangkilik sa mabangis na hayop sa loob ng sandaling panahon (“isang oras”) sa “araw ng Panginoon.” Kasali na rito ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig, pati na rin ang modernong mga pamahalaan na nanggaling sa iba pang anim na ‘mga ulo ng hayop,’ bagaman ang anim na ito ay hindi na kapangyarihang pandaigdig. Ang mga “hari” na ito ay hindi umiiral noong kaarawan ni Juan.a Ngayon na sila’y nagkamit na ng kapamahalaan, kanilang “ibinibigay ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa mabangis na hayop.”—Apocalipsis 17:13.
7, 8. (a) Ano ang hayop na nakita ni Juan, ayon sa inilalahad sa Apocalipsis kabanata 17? (b) Paano ito nauugnay sa mga ulo at sa mga sungay?
7 Iyo bang nakikilala na ngayon ang hayop? Oo, ito ay siya ring “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan” na nagsimula bilang ang Liga ng mga Bansa at ngayon ay umiiral bilang ang Nagkakaisang mga Bansa. (Mateo 24:15; Daniel 12:11) Paano ngang ang organisasyong ito ay ‘nanggaling sa pitong kapangyarihang pandaigdig’? Sa diwa na ang buong tulad-hayop na organisasyon, gaya ng isang ikawalong kapangyarihan, ay pinangyaring umiral ng umiiral nang mga pamahalaan, ang kapangyarihang pandaigdig na Anglo-Amerikano ang punong tagatangkilik at tagasuporta nito.
8 Bukod pa riyan, gaya ng sinabi ng anghel kay Juan, lahat ng “sampung sungay” ay nagbibigay ng “kapangyarihan at kapamahalaan sa mabangis na hayop.” (Apocalipsis 17:13) Sa katunayan, kung walang pagtangkilik buhat sa mga pamahalaan na kinakatawan ng mga ulo at ng mga sungay, ang hayop ay hindi magkakaroon ng anumang kapangyarihan. Bakit? Sapagkat ito ay isa lamang larawan. (Apocalipsis 13:14) Tulad ng lahat ng larawan, ito ay walang kapangyarihan kung sa ganang sarili lamang. (Isaias 44:14-17) Anumang buhay na taglay nito ay nanggagaling sa mga tumatangkilik dito. (Apocalipsis 13:15) Kung minsan ang iba sa mga ito ay nagpapasiyang kumilos sa pamamagitan ng Nagkakaisang mga Bansa, tulad halimbawa noong panahon ng Digmaang Koreano.
9. Paano napatutunayan ang ating pagkakilala sa hayop?
9 Ang ating pagkakilala sa hayop na ito ay napatutunayan sa pamamagitan ng higit pang mga kaalaman na ibinigay ng anghel: “Ang mabangis na hayop na nakita mo ay naging siya, ngunit wala na, gayunman ay halos aahon na buhat sa kalaliman, at ito’y patungo sa pagkawasak.” (Apocalipsis 17:8) Ito ay natupad na sa isang bahagi. Pinapangyari ng ikalawang digmaang pandaigdig na mamatay ang Liga ng mga Bansa. Noong 1942, nang maunawaang maliwanag ng mga Saksi ni Jehova ang hulang ito, masasabi tungkol sa hayop, ang Liga: “Ito ‘ay wala na.’”b Subalit noong 1945 ito ay ‘umahon sa kalaliman,’ bilang ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa. Ito kaya ay magtatagumpay sa misyon nito na magdala ng kapayapaan at katiwasayan? Ang hula ay nagsasabi ng hindi. Bagkus, ito ay “patungo sa pagkawasak.”
Ang Nakasakay sa Hayop
10, 11. (a) Sino ang nakasakay sa hayop na nakita ni Juan sa pangitain? (b) Paanong ang bahaging ito ng pangitain ay natupad sa modernong panahon?
10 Mayroon ba kayong napansin na isa pang bagay tungkol sa hayop? May isang “babae” na nakasakay rito. Siya’y ipinakikilala bilang ang pambuong daigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa.” (Apocalipsis 17:3-5, 15) Ang mga relihiyon ba ng sanlibutan ay ‘sumakay’ sa magkapuwa organisasyong ito, at nagsikap na akayin ang mga ito sa kanilang pupuntahan? Oo, lalo na ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.
11 Halimbawa, sang-ayon sa sinabi ng kabalitaang Olandes na si Pierre van Paassen, mayroon daw “isang bagay na nahahawig sa sigasig relihiyoso” ang mga kinatawan ng Protestanteng mga simbahan sa Amerika, Britaniya, at sa mga bansang Scandinaviano na dumalo sa mga sesyon ng Liga ng mga Bansa. Noong 1945 ang Federal Council of the Churches of Christ in America ay nagpahayag: “Kami’y disidido na gumawa ukol sa patuloy na paglawak ng pagpapagaling at mabubuting mga gawa ng United Nations Organization.” Noong 1965 ipinahayag ni Papa Paulo VI na kaniyang nakita raw sa organisasyon “ang larawan ng maibigin at di-malirip na kaayusan ng Diyos ukol sa pagsulong ng sangkatauhan sa lupa—isang larawan na doo’y Ating nakikita ang mensahe ng Ebanghelyo na makalangit at naging makalupa.” Tunay nga, ang mga pinunong relihiyoso ang nagtagpi sa organisasyong iyan upang mapuno ng “mga pangalang mapamusong.”—Apocalipsis 17:3; ihambing ang Mateo 24:15; Marcos 13:14.
Hindi Isang Puwersa Ukol sa Kapayapaan
12. Ano ang kaugnayan ng mga tumatangkilik sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa at ng Kaharian ng Diyos?
12 Ang Nagkakaisang mga Bansa ay hindi nagtatamasa ng mabuting kaugnayan sa Kaharian ng Diyos. Sa katunayan pa nga, ang mga tumatangkilik dito ay sumasalansang sa Kahariang iyan. Sinabi ng anghel kay Juan: “[Ang sampung sungay] ay makikipagbaka sa Kordero, ngunit, dahilan sa siya’y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, sila’y dadaigin ng Kordero. At, ng mga kasama niya na mga tinawag at mga pinili at mga tapat.” (Apocalipsis 17:14) Bilang katuparan ng hula, patuloy ang mga bansa ng ‘pakikipagbaka sa Kordero’ sa buong panahong ito ng kawakasan, sila’y sumasalansang at nang-uusig sa mga nagsisilbing embahador ng kaniyang Kaharian. Subalit, ang Kordero ay hindi maaaring madaig, pati na rin ang kaniyang mga lingkod sa lupa na nagpapatuloy ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa kabila ng mga pagbabawal, pagbibilanggo, at maging ng kamatayan man.—Mateo 10:16-18; Juan 16:33; 1 Juan 5:4.
13. Bakit ang Nagkakaisang mga Bansa ay hindi kailanman magiging isang puwersa ukol sa tunay na kapayapaan?
13 Ang totoo, ang Nagkakaisang mga Bansa ay hindi kailanman maaaring maging isang puwersa ukol sa tunay na kapayapaan. Ang nakasakay sa kaniya, ang “Babilonyang Dakila,” ay isa sa pinakabalakyot na pasimuno sa digmaan sa buong kasaysayan ng tao, at siya ay “lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.” (Apocalipsis 17:6) Dahilan sa digmaan ng mga bansa na tumatangkilik sa organisasyong iyan ang lupa ay natigmak sa dugo. (Mateo 24:6, 7) At ang kapangyarihan na nasa likod nila, si Satanas na Diyablo, “ang dakilang dragon,” ay hindi isang manggagawa ng kapayapaan. (Apocalipsis 12:9, 17; 13:2) Ang sangkatauhan ay hindi kailanman magtatamasa ng katiwasayan habang umiiral ang mga ito. Kailangan munang alisin ang mga ito.
Ang Kinakailangang mga Hakbang Tungo sa Kapayapaan
14. (a) Sa pangitain ni Juan, ano ang nangyari sa nakasakay sa hayop? (b) Paano matutupad ito?
14 Ang unang dapat mawala ay ang huwad na relihiyon, sa isang paraang bahagya ma’y di inaasahan. Ganito mangyayari iyon: “Ang sampung sungay na nakita mo, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot at kanilang wawasakin at huhubaran siya, at kanilang kakainin ang kaniyang laman at lubusang susunugin siya ng apoy.” Anong laking kabiglaanan ito sa sangkatauhan! (Apocalipsis 17:16; 18:9-19) Ang mapamuksa at nasyonalistikong “mga sungay,” na prominente sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa, ang magwawasak sa kaniya. Anupa’t naaalaala nga natin dahil dito ang hula ni Jesus na “ang kasuklam-suklam na bagay” ang maggigiba sa “Jerusalem”! (Marcos 13:14-20; Lucas 21:20) Gayunman, bagama’t ang mga bansa ang gumaganap ng pagwawasak na ito, sa talaga’y isinasagawa lamang nila ang kahatulan ng Diyos sa “dakilang patutot,” kasali na ang Sangkakristiyanuhan. Ang resulta? Ang huwad na relihiyon ay “hindi na masusumpungan pa.”—Apocalipsis 17:1; 18:21.
15, 16. (a) Ano ba ang “malaking kapighatian”? (b) Ano ang magiging resulta nito? (c) Paano hahadlangan si Satanas para huwag masira ang mga pag-asa ng kapayapaan ng sangkatauhan?
15 Sinabi ni Jesus na ang pagwawasak sa Sangkakristiyanuhan ang magiging pasimula ng isang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” (Mateo 24:15, 21) Habang nagpapatuloy ang kapighatian, ang Kaharian ng Diyos ang magsasagawa ng paglipol sa lahat ng mga bahaging pulitikal at komersiyal ng organisasyon ni Satanas. (Daniel 2:44) Nakikita ngayon ni Juan ang Hari sa kaniyang pagkilos: “At nakita kong bumukas ang langit, at, narito! isang kabayong maputi. At yaong nakasakay rito ay tinatawag na Tapat at Totoo, at siya’y humahatol at nakikipagbaka nang may katuwiran.” Ang kalaban niya ay ang pulitikal na mga bansa sa lupa pati na ang ‘larawan ng hayop.’ Ang resulta ng pagbabakang iyon? Minsan pa, pagkapuksa ng mga maninira ng kapayapaan!—Apocalipsis 19:11, 19-21.
16 Ang matitira ngayon ay isa na lamang malaking hadlang sa kapayapaan: si Satanas na Diyablo mismo. At nagpapatuloy si Juan ng paglalahad tungkol sa pagliligpit sa mahigpit na kaaway na ito ng sangkatauhan: “At nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit at hawak ang susi ng kalaliman at isang malaking tanikala. At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos siya na isang libong taon.”—Apocalipsis 20:1-3.
Isang Panahon ng Pagpili
17. Anong mga hakbang ang dapat na kunin ngayon ng mga indibiduwal na naghahangad na magtamasa ng tunay na kapayapaan?
17 Anong pambihirang panahon ng mga pagbabago para sa sangkatauhan! Subalit samantalang ang mga organisasyon at mga pamahalaan ay inaalis, ang nangyayari sa mga indibiduwal o isahang mga tao ay depende na sa kanilang sariling pagpili. Bilang isang kapahayagan ng pag-ibig, iniutos ni Jehova: “Sa lahat ng bansa ang mabuting balita ay kailangan munang maipangaral,” bago sumapit ang dakilang kapighatian. (Marcos 13:10) Ang mga umiibig sa kapayapaan ay inaanyayahan na “lumabas” sa Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 18:4) Yaong mga nasa Sangkakristiyanuhan ay hinihimok na ‘tumakas sa mga bundok.’ (Lucas 21:21) Yaong mga sumasailalim ng Kaharian ng Diyos ay kailangang umiwas sa ‘tanda ng hayop.’ (Apocalipsis 14:9-12; Juan 17:15, 16) Isang lubhang karamihan ng ganiyang mga taong may matuwid na puso ang ‘magsisilabas sa malaking kapighatian.’ (Apocalipsis 7:9-14) Ang totoo, walang sinuman na kinakailangang pumanaw na kasama ng sistema ni Satanas.—Kawikaan 2:21, 22.
18, 19. (a) Ano ang masasabi tungkol sa kung kailan magsisimula ang malaking kapighatian? (b) Paanong ang mga Kristiyano ay naghahanda ngayon ng kanilang sarili para sa panahong iyan?
18 Kailan magaganap ang mga pangyayaring itong yayanig sa mundo? Bueno, ang “mabuting balita” ay naririnig sa buong daigdig ngayon. “Ang kasuklam-suklam na bagay” ay nasa dakong banal na. (Mateo 24:14-16) Sa katunayan, ang ‘larawan ng hayop,’ ay nasa ikalawang yugto na ng kaniyang pag-iral, at ngayo’y “patungo sa kapahamakan.” (Apocalipsis 17:8) Ang katuparan ng “tanda” ay nagpapakita na tayo’y nabubuhay nang may 72 taon na sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus, sapol noong 1914. (Mateo 24:3) Sinabi ni Jesus: “Pagka nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, talastasin ninyo na siya’y malapit na, nasa mga pintuan na nga. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 24:33, 34) Kung gayon, ang “malaking kapighatian” ay tiyak na napakalapit na. Mayroon pa bang higit na katotohanan kaysa riyan? Hindi nga kung sa panahong ito.
19 Si apostol Pablo ay humula: “Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila.” (1 Tesalonica 5:3) Samakatuwid ang malaking kapighatian ay magiging isang di-sukat akalaing pangyayari sa karamihan ng tao. Gayunman, ito’y hindi isang kabiglaanan kung para sa mga Kristiyano. Batid nila na ito ay darating, at kanilang sinusunod ang payo ni Jesus: “Kaya nga, manatili kayong gising sa tuwina na dumadalanging makaligtas kayo sa lahat ng mangyayaring ito.”—Lucas 21:36.
20. Bakit sa panahong ito ay hindi masasabi ng mga Kristiyano kung kailan darating ang malaking kapighatian?
20 Gayunman, hindi masasabi ng mga Kristiyano nang patiuna kung kailan eksaktong darating ang malaking kapighatian. Hindi isiniwalat ni Jehova “ang araw o ang oras na iyon.” (Marcos 13:32; Mateo 24:42) Halimbawa, ngayon na idiniklara ng Nagkakaisang mga Bansa na ang taóng 1986 ay isang “Pandaigdig na Taon ng Kapayapaan,” ang mga Kristiyano ay interesadong nagmamasid sa pangyayaring iyan. Subalit hindi nila masasabi nang patiuna kung ito’y magpapatunay na siyang katuparan ng mga salita ni Pablo na sinipi na nga. Datapuwat, sila ay napasasalamat dahil sa pinapangyari ni Jehova na mapag-unawa nila ang kahulugan ng ‘larawan ng hayop’ at “ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan.” Sa gayo’y nakikita nila ang organisasyong ito ayon sa paraan ng pagkakita rito ni Jehova at sila’y hindi naililigaw ng mga pagsisikap nito na magdala ng kapayapaan.
21. (a) Anong kapayapaan ang tinatamasa ng mga Kristiyano kahit na ngayon? (b) Sa ano sila may pagtitiwalang makapaghihintay?
21 Yaong mga ‘nananatiling gising’ at napasasakop sa Kaharian ng Diyos ay nagtatamasa ng kapayapaan kahit ngayon. Si Jehova, “ang Diyos ng kapayapaan,” ay sumasa-kanila at binigyan sila ng “kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip.” (Filipos 4:7, 9) Gayundin, kanilang hinihintay ang hindi na malayong panahon na sa buong lupa ay tatamasahin ang katuparan ng marikit na hula ni Isaias: “At ang gawain ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng tunay na katuwiran ay katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda. At ang bayan ko ay tatahan sa payapang tahanan at sa mga tiwasay na tahanan at sa mga tahimik na dakong pahingahan.” (Isaias 32:16-18) Ito’y isang katiwasayan na iiral sa buong daigdig. (Isaias 11:9) At ito’y magiging isang tunay na kapayapaan sapagkat si Jehova mismo ang lilikha nito.
[Mga talababa]
a Ang pulitikal na kalagayan ngayon ay naiiba kaysa noong kaarawan ni Juan. Kakaunting mga bansa ng UN ang umiiral noon. Kung gayon, masasabi na sila’y “hindi pa tumatanggap ng isang kaharian.” May mga ilang natatangi, tulad baga ng Ehipto. Subalit kahit na sa mga bansang ito, ang kaayusan ng pamamahala ay nagbago nang malaki noong lumipas na mga dantaon at ang sinabi ng anghel ay totoo pa rin: Ang mga pamahalaan na umiiral ngayon ay “hindi pa tumatanggap ng kaharian” noong kaarawan ni Juan.
b Samantalang noo’y patuloy na lumulubha ang Digmaang Pandaigdig II sa taglay na kabagsikan, ang pangulo ng Watch Tower Society, noong Setyembre 20, 1942, ay nagpahayag sa New World Theocratic Convention of Jehovah’s Witnesses sa paksang “Peace—Can It Last?” Doon, ipinakita niya buhat sa Apocalipsis kabanata 17 na, laban sa inaasahan ng marami, ang Digmaang Pandaigdig II ay hindi hahantong sa Armagedon. Una muna na ang ‘hayop sa kapayapaan’ ay babangon upang umahon sa kalaliman ng kawalang-gawa upang mamahala sa loob ng isang makasagisag na “isang oras” kasama ng mga kapangyarihang pulitikal.
Naaalaala Mo Ba?
◻ Ano ang ilan sa mga katangian ng hayop na tinutukoy sa Apocalipsis 17?
◻ Ano ang kinakatawan ng hayop na ito?
◻ Bakit ang makasagisag na hayop na ito ay hindi kailanman makapagdadala ng kapayapaan?
◻ Paano sa wakas ang Kaharian ng Diyos ay magdadala ng kapayapaan at katiwasayan sa sangkatauhan?
◻ Paano maaaring makinabang sa ganitong kaalaman ang mga tao?