Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 1/1 p. 10-15
  • Mga Araw na Gaya ng “mga Araw ni Noe”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Araw na Gaya ng “mga Araw ni Noe”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pananampalataya ni Noe sa Gitna ng Kasamaan
  • Mga Tao sa Modernong Panahon, Mag-ingat!
  • “Kapootan ang Masama”
  • Makinig sa Higit Pang ‘mga Babalang Halimbawa’
  • Magtayo Ukol sa Kaligtasan
  • Mas Apurahan Ngayon na Maging Mapagbantay Tayo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Kung Bakit Sinang-ayunan ng Diyos si Noe—Bakit Tayo Dapat Maging Interesado Rito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Hinahatulan Mo ba ang Sanlibutan sa Pamamagitan ng Iyong Pananampalataya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Kaligtasan Malapit Na Para sa mga Taong May Maka-Diyos na Debosyon!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 1/1 p. 10-15

Mga Araw na Gaya ng “mga Araw ni Noe”

“Ang lupa ay napuno ng karahasan . . . iyon ay sumamâ, sapagkat pinasamâ ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.”​—GENESIS 6:11, 12.

1, 2. (a) Sa anong uri ng karahasan napapaharap ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon? (b) Sa anong mga kalagayan inaaliw ng pag-asa sa pagkabuhay mag-uli ang mga lingkod ng Diyos?

KARAHASAN! Gaya noong kaarawan ni Noe, ganoon din sa ngayon, ang karahasan ay laganap sa lahat ng dako. Kahit na yaong mga nagsisilakad kasama ng tunay na Diyos, gaya ni Noe noon, ay hindi nalilibre sa karahasan. Ito ay mariing napatawag sa pansin ng daigdig nang, noong Hulyo 21 ng nakaraang taon, isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Sidney, Australia, ang iniwasak ng isang bomba samantalang nagaganap ang isang pangmadlang pahayag sa Bibliya sa paksang katapatan sa Diyos at sa pamilya. Isang Saksi ang namatay. Mahigit na 40 ang napaospital. Lahat ng mga ito ay gumaling naman, bagama’t ang iba ay naiwanan ng mga pangit na pilat dahilan sa kagagawang ito ng mga kriminal. Isang detektib ng pulisya ang nagsabi: “Mayroon noong 110 katao sa loob at talagang isang himala na hindi 110 ang nasawi.”

2 Sa mga ibang panig ng lupa​—tulad halimbawa sa Northern Ireland, Lebanon, at El Salvador​—ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral ng “mabuting balita” samantalang sa palibot ay nagpapatuloy ang karahasan. Ang mga ilan sa kanila ay nangasawi, samantalang nagsasagawa ng ministeryo. “Di inaasahang pangyayari,” sa maraming bansa, tulad halimbawa ng mga aksidente at mga lindol, ang naging sanhi rin ng pagkasawi ng mahalagang mga buhay, na anupa’t sa gayong mga okasyon ang mga lingkod ni Jehova ay inaliw ng pag-asa sa pagkabuhay-muli.​—Eclesiastes 9:11; 1 Tesalonica 4:13, 14.

3. (a) Ano ang maaaring mangyari sa iba sa mga lingkod ni Jehova, gaya ng ipinakikita ng mga pangyayari kamakailan at ng Lucas 21:16? (b) Anong katiyakan mayroon tayo tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa panahon ng “malaking kapighatian”?

3 Kamakailan sa Mexico, lahat-lahat ay 23 mga Saksi at kanilang mga kasamahan ang kabilang sa mahigit na 5,000 nasawi sa isang malakas na lindol. Sa Puerto Rico, may pito pang mga iba na kabilang sa 300 na nasawi sa mga baha at mga pagguho. Ibig bang sabihin nito ay na hindi nailigtas ni Jehova ang iba sa kaniyang mga lingkod? Hindi nga. Tayo’y hindi ligtas sa mga aksidente at mga sakuna. At tungkol sa pag-uusig, binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad, na nagsasabi: “Kanilang papatayin ang ilan sa inyo.” Daan-daan sa ating mga kapatid ang namatay sa mararahas na mga kamay ng Nazing si Hitler. Lahat ng gayong mga tao ay aalalahanin ni Jehova sa pagkabuhay-muli. Gayunman, pagka sumapit na sa lupa ang inihulang “malaking kapighatian,” ipakikita ni Jehova na kaniyang maililigtas yaong mga tumatawag sa kaniyang pangalan, gaya ng ginawa niya noong mga kaarawan ni Noe.​—Lucas 21:16-19; Mateo 24:14, 21, 22, 37-39; Isaias 26:20, 21; Joel 2:32; Roma 10:13.

4. Paanong ang kasalukuyang mga kalagayan ay nakakatulad niyaong mga binabanggit sa Genesis 6:11, 12?

4 Sapol noong 1914 ang karahasan ay laganap na sa buong globo. Isang daang milyong katao ang nasawi sa mga digmaan at mga giyera sa siglong ito. Ang sangkatauhan ay patuloy na dumaranas ng mga panunulisan sa himpapawid at karagatan, mga pambubomba ng terorista, lansakang mga pagpatay, mga pagkakapootan ng mga lahi at ng pagpaparami ng mga armas nuklear. Tunay, ito ang “mapanganib ng mga panahon” na “nanggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulunsan iyon.” (2 Timoteo 3:1-5, 13; Lucas 21:25) Gayumpaman, ang bayan ni Jehova sa ngayon ay namumuhay sa gitna ng isang panganib na higit na lalong malubha kaysa karahasan, bagama’t malimit na ito’y may kaugnayan sa karahasan. Ito’y umiral na noong mahigit na 4,300 taon bago pa nang kaarawan ni Noe. Ano ba iyan?

Ang Pananampalataya ni Noe sa Gitna ng Kasamaan

5, 6. (a) Paano inakay ni Satanas sa kasamaan ang sangkatauhan? (b) Sa anu-anong paraan ipinakilala ni Noe at ng kaniyang pamilya na sila’y hindi bahagi ng sanlibutang iyon?

5 Mula noong paghihimagsik sa Eden, si Satanas na Diyablo ay disididong “iligaw ang buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Iniutos ni Jehova na ang lalaki at babae ay maging marangal sa paggamit ng kanilang bigay-Diyos na sangkap sa sekso sa pamamagitan ng kaayusan ng pag-aasawa, upang “kalatan ang lupa” ng kanilang supling. (Genesis 1:28; Hebreo 13:4) Subalit ang ginawa ng Diyablo ay pinasamâ ang sangkatauhan sa pamamagitan ng di-likas na paggamit sa sekso. Papaano? Ang espiritung mga anak ng Diyos ay nakisali kay Satanas sa kaniyang paghihimagsik. Ang mga ito ay naging “mga demonyo,” at si Satanas ang kanilang “tagapamahala.” (Lucas 11:15) At ano ang ginawa noon ng mga demonyo? Sila’y bumaba rito sa lupa, nagkatawang-tao, at nakipisan sa magagandang mga anak na babae ng mga tao. Kasindak-sindak ang naging resulta!

6 Ang naging anak nila ay mga mistiso, mga higante na kalahati’y demonyo, kalahati’y tao. Ang mga ito’y yaong mga Nefilim, mga mamamatay-tao na “Tagapagbagsak” ng sangkatauhan, gaya ng ipinakikita ng rekord: “At ang lupa ay naging totoong masama sa paningin ng tunay na Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan. Kaya’t nakita ng Diyos ang lupa at, narito! iyon ay sumamâ, sapagkat pinasamâ ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” Ang karahasan at seksuwal na imoralidad ay naging totoong laganap kung kaya’t masasabi ang ganito na kapit lamang kay Noe: “Kaniyang pinatunayang siya’y walang kapintasan sa gitna ng kaniyang mga kalahi. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” Ang kaniyang asawa, mga anak na lalaki, at ang kani-kanilang mga asawa​—sila lamang sa buong sangkatauhan​—ang nagpakita ng pananampalataya at takot sa Diyos. Maliwanag nga, ang pamilya ni Noe ay hindi nahawa sa seksuwal na imoralidad noong kaniyang kaarawan.​—Genesis 6:4, 9-12, talababa, Ref. Bi.

7. Gaya ng ipinakikita noong kaarawan ni Noe, paano hinahatulan ni Jehova ang masasama at ang matutuwid? (Ihambing ang Mateo 25:40, 45, 46.)

7 Nilipol ni Jehova ang marahas, haling sa sekso, demonistikong sanlibutang iyon. Pinasapit niya ang dakilang Delubyo, at kaniyang nilipol ang lahat ng kasamaan. Ang mistisong mga Nefilim at nagpakasamang mga tao ay nalipol, samantalang ang demonistikong dating mga anak ng Diyos ay nagsitakas at nagsibalik sa dako ng mga espiritu​—upang hintayin ang kahatulan ng Diyos sa kanila. Subalit nagkaroon ng mga naligtas! Si Noe at ang kaniyang sambahayan ay naligtas. At bakit? Dahilan sa kanilang pananampalataya, na may kasamang mga gawa sa pagtatayo ng daong at pangangaral ng katuwiran sa hinatulang sanlibutang iyon.​—2 Pedro 2:4, 5.

Mga Tao sa Modernong Panahon, Mag-ingat!

8. Sa papaano inilarawan ng kaarawan ni Noe ang ating kaarawan?

8 Ang kaarawan ni Noe ay lumarawan sa ating kaarawan. Paano natin nalalaman ito? Bueno, inihula ni Jesus ang isang nahahawig na panahon ng karahasan, katampalasanan, at kawalang pag-ibig bilang bahagi ng “tanda” na tayo’y nasa bingit na ng isang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari sapol nang pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na mangyayari pa uli.” Sinabi rin niya, “Tungkol sa araw na iyon at oras walang nakakaalam, . . . kundi ang Ama lamang.” Pagkatapos ay isinusog pa: “Sapagkat kung paano ang mga araw ni Noe, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya ng mga araw bago bumaha, sila’y nagsisikain at nagsisiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at pinag-aasawa naman ang mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi nila pinansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”​—Mateo 24:3-21, 36-39.

9. Paano natin maiiwasan ang kasasapitan ng mga taong ‘hindi nagbibigay pansin’?

9 Oo, “hindi nila pinansin.” Subalit kayo ay hindi dapat na tumulad sa kanila, maaari kayong makaligtas pagka ang Panginoong Jesus ay nahayag mula sa langit, na isasakatuparan ang paghihiganti ng Diyos sa pamamagitan ng pagpuksa nang walang-hanggan sa “mga hindi nakakakilala sa Diyos at sa mga hindi nagsisitalima sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:7, 8) Kayo ay hindi dapat mapatulad sa makasanlibutang mga tao na ang pangunahing pinagkakaabalahan sa buhay ay pagpapalugod sa sarili, pagtataguyod ng isang karerang magpapatanyag sa isa o pagkakamal ng materyal na kayamanan, na hindi pinag-iisipan ang anuman tungkol sa Diyos. Oo, “ang kanilang diyos ay ang kanilang tiyan.”​—Filipos 3:19.

“Kapootan ang Masama”

10, 11. (a) Upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos, anong mga bisyo ang kailangang iwasan? (b) Anong kagayakan ang kailangang ibihis natin, at bakit?

10 Sa mga huling araw na ito, ang buhay ng napakaraming tao ay nakasentro sa sekso, sila man ay kasal o hindi sa isang asawa. At para sa maraming mga may asawa, naging kausuhan na ang diborsiyo o pagpapawalang-bisa sa kasal. Kanilang itinatakwil ang mga maririing babala ng mga alagad ni Jesus, at marami sa Sangkakristiyanuhan ang nagpapakasawa sa homoseksuwalidad. Ang iba sa mga ito, kahit na ngayon pa, ay “tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihan” sa kaanyuan ng AIDS at iba pang sakit na likha ng seksuwal na pagtatalik. Gayunman, may pag-asa pa ring makaligtas kahit na ang gayong mga tao. Alalahanin, may kabutihang binanggit ni Jesus ang tungkol sa mga patutot na naglinis ng kanilang pamumuhay at sumampalataya, ngunit ang kabaligtaran nito ay ang mapagmataas, di nagsisising mga relihiyosong lider noong kaniyang kaarawan.​—Roma 1:26, 27; 2 Pedro 2:9, 10; Judas 6, 7; Mateo 21:31, 32.

11 Sinuman sa mga lingkod ni Jehova na marahil nabahiran, o nahikayat na padala sa gawang kahalayan ay kailangang magising at magsuot ng buong kagayakan na inilalaan ng Diyos! (Efeso 6:11-18) Ang mga araw na ito ay tunay ngang “gaya ng mga kaarawan ni Noe.” Ang “umuungal na leon,” ang Diyablo, at ang kaniyang malalaswang mga demonyo ay puspusang gumagawa araw at gabi upang ihiwalay at siluin ang mga lingkod ng Diyos. Kailangang manindigan tayo laban sa mga kaaway na iyon, matatag sa pananampalataya.​—1 Pedro 5:8, 9.

12. Bakit mahalaga na sundin ang payo ng Awit 97:10?

12 Bagaman nakagigitla, pati na ang mga ibang prominente sa organisasyon ni Jehova ay napadala rin sa imoralidad, kasali na rito ang homoseksuwalidad, pakikipagpalitan ng asawa, at panghahalay sa mga bata. Mapapansin din na noong nakalipas na taon, 36,638 na mga tao ang kinailangang itiwalag buhat sa kongregasyong Kristiyano, na ang marami sa kanila ay nakagawa ng imoralidad. Ang organisasyon ni Jehova ay kailangang panatilihing malinis! (1 Corinto 5:9-13) Panahon na ito na ang mga matatanda sa kongregasyon, mga ministeryal na lingkod, at tunay nga na lahat ng ating mga kapatid, maging babae man o lalaki, ay dapat na umiwas sa anumang kalagayan na maaaring humantong sa imoralidad. Ang pananatiling tapat sa mga pamantayan ni Jehova ay gagantihin, gaya ng sinasabi ng Awit 97:10: “Oh kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama. Kaniyang binabantayan ang mga kaluluwa ng kaniyang tapat na mga lingkod; buhat sa kamay ng mga masasama ay kaniyang inililigtas sila.”

13. Anong mainam na payo ang ibinibigay ng apostol na sina Pablo at Pedro?

13 Sa katapus-tapusan, sa pamamagitan ng “malaking kapighatian” ay malilipol ang lahat ng mga “kasuklam-suklam dahil sa kanilang karumihan.” Kailangan ngang kapootan natin, oo, pandirihan, at iwasan ang makasanlibutang kalikuan! Tayo’y kailangang “tumakas buhat sa pakikiapid”! (Apocalipsis 21:8; 1 Corinto 6:9, 10, 18) Pagkatapos na magbabala tungkol sa mga apostatang naghahasik ng pag-aalinlangan at tungkol sa pagiging tunay ng “araw ni Jehova,” si apostol Pedro ay nagpapayo sa atin tungkol sa “banal na pamumuhay at mga gawang kabanalan.” Isinusog pa niya: “Ngunit mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran. Kaya nga, mga minamahal, yamang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang lahat upang sa wakas kayo’y masumpungan niya na walang dungis at walang kapintasan at nasa kapayapaan.” Anong laking kagalakan nga kung makakamit natin ang buhay sa “bagong lupa,” na kung saan pangyayarihin ng Diyos na ‘maging bago ang lahat ng bagay’ at malinis!​—2 Pedro 3:3-7, 10-14; Apocalipsis 21:1, 4, 5.

Makinig sa Higit Pang ‘mga Babalang Halimbawa’

14. Bakit ang paglilinis na nagawa ng Baha ay pansamantala lamang?

14 Pagkatapos na ang lupa ay malinisan ng dakilang Delubyo ng lahat ng karumihang nagawa ng mga demonyo at mga tao, inulit ni Jehova ang utos na noong una’y ibinigay kay Adan, sa pamamagitan ng pagsasabi kay Noe at sa kaniyang mga anak: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” (Genesis 9:1) Sa makalarawang paraan ay ginawa nila ito, sila’y dumami hanggang sa 70 “pamilya”​—isang bilang na lumalarawan sa kasakdalan​—na nakatala sa Genesis kabanatang 10. Subalit noon ang sangkatauhan ay dumaranas pa rin ng mga epekto ng kasalanan na minana kay Adan. At maliwanag na ang impluwensiya ng mga demonyo ang muling umakay sa mga tao na mapalubalob sa seksuwal na kahalayan.

15. Ano ang natututuhan natin buhat sa paghuhukom ng Diyos sa Sodoma?

15 Nang dumating ang panahon, ang “kaibigan” ni Jehova, si Abraham, at ang pamangkin ni Abraham na si Lot ay lumipat sa lugar ng Canaan. Minagaling ni Lot na lumipat sa Purok ng Jordan, na “gaya ng halamanan ni Jehova.” Subalit ganiyan nga kaya iyon sa paraang moral? Malayo! Sa lunsod ng Sodoma, na roon nanirahan si Lot, at sa karatig na Gomora ay totoong palasak ang homoseksuwalidad. Walang nasumpungan doon na kahit man lamang sampung matuwid na mga lalaki. Kaya naman, pinapangyari ni Jehova sa mga lunsod na iyon “ang inihatol na kaparusahan na walang-hanggang apoy.” At kailanman ay hindi na ibabalik ang mahahalay na mga lunsod na iyon! Binanggit ni Jesus ang paghuhukom ng Diyos sa Sodoma, pati na rin ang nangyari noong “mga kaarawan ni Noe,” sa pagdiriin ng pangangailangan na tayo’y maging laging nagbabantay!​—Genesis 13:10; 18:32; Judas 7; Lucas 17:26-30.

16. Sa anong impluwensiya ng mga demonyo kailangang puspusang ipaglaban natin ang pananampalataya?

16 Huwag magkakamali! Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay naghuhurumentado pa rin! Bagama’t sila’y ibinulid sa makasagisag na “mga hukay ng pusikit na kadiliman” at hindi na sila maaaring magkatawang-tao pa, ang balakyot na mga espiritung iyan ay disidido na akayin ang mga tao sa kasamaan, at lalung-lalo na ang mga lingkod ni Jehova. (2 Pedro 2:4-6) Walang alinlangan na ang mga demonyo ang humikayat kay Canaan upang gumawa ng kahalayan sa pakikitungo sa kaniyang lolong si Noe. (Genesis 9:22-25) Tunay na sila nga ang pinagmulan ng mga kalikuan na naging ‘ang paraan ng pamumuhay sa lupain ng Canaan,’ kung kaya’t sa wakas ay isinuka niyaon ang mga nananahanan doon. (Levitico 18:3-25) Gayundin naman, ang mga demonyo ang pinagmulan ng di-likas na mahahalay na gawain sa sekso na makikita sa maraming pamayanan sa ngayon. Sa ating puspusang pakikipagbaka ukol sa pananampalataya, kailangang labanan natin ang anumang pag-atake ng mga nagkasalang anghel na iyon na nag-uudyok sa mga tao na ‘magkasala ng pakikiapid nang labis-labis at makipagtalik ayon sa di-likas na paraan.’​—Judas 3, 6, 7.

Magtayo Ukol sa Kaligtasan

17. Tulad ni Noe at ng kaniyang sambahayan, paano natin maipakikita na tayo’y hindi bahagi ng sanlibutan?

17 Dahilan sa kaselangan ng ating panahon, paano tayo makakasumpong ng daan ng kaligtasan? Bueno, paano ba nakaligtas si Noe at ang kaniyang sambahayan? “Sa pamamagitan ng pananampalataya hinatulan . . . ni Noe ang sanlibutan.” (Hebreo 11:7) Gayundin naman sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay “hindi bahagi” ng balakyot na sanlibutan. Gayundin, ating ipinakikilala ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aalay ng ating mga buhay kay Jehova at pagpapabautismo sa tubig upang maging mga alagad ni Jesu-Kristo.​—Juan 17:14, 16; Mateo 28:19.

18. Ano ang inilarawan ng pagtatayo ng daóng?

18 Isa pa, tayo’y nakikibahagi sa gawain ni Jehova para sa kaarawang ito, isang espirituwal na gawaing pagtatayo na pinapatnubayan ng Lalong-dakilang Noe, si Jesu-Kristo. Bilang isang dako ng katiwasayan at kaligtasan, ang arka o daóng ay kumakatawan sa espirituwal na paraiso na itinatayo ni Jehova para sa kaniyang mga mananamba sapol noong 1919. Ito ang kalagayan ng isinauling mapayapang kaugnayan sa Diyos. Ito ang Kaniyang kaayusan para sa kaligtasan ng antitipikong pamilya ng Lalong-dakilang Noe upang sila’y makatawid sa “malaking kapighatian.”​—Mateo 24:21; 1 Corinto 3:9, 11; 2 Corinto 12:3, 4; Apocalipsis 7:13, 14.

19. Ano ang inilarawan ni Noe, ng mga membro ng kaniyang sambahayan, at ng kanilang gawain?

19 “Si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa paningin ni Jehova.” Angkop na angkop ang pagkalarawan niya kay Jesu-Kristo, na lumakad nang may kababaang-loob kasama ng Diyos dito sa lupa, na walang ginawang anuman sa kaniyang ganang sarili! (Genesis 6:8; Mateo 17:1, 5; Juan 8:28) Kapuwa sila mga tagapangaral ng katuwiran​—isang napakainam na halimbawa para sa lahat ng mga saksi ni Jehova. At matitiyak natin na ang asawa ni Noe, na lumarawan sa natitira pang mga pinahiran dito sa lupa ngayon, ay isang modelo ng pagkamapagpasakop. (2 Pedro 2:5; Lucas 4:14-19; Efeso 5:21-24) Pagka pinag-isipan natin kung gaanong pagkalaki-laki ang gawaing pagtatayo ng daóng ng kaligtasan, maguguniguni natin ang kagalakan ng matanda nang si Noe sa pagkakaroon ng tatlong masisipag na mga anak na lalaki pati na ang kani-kanilang mga asawa bilang kaniyang mga katulong! Angkop na lumalarawan ang mga ito sa kasalukuyang “malaking pulutong” na bumabalikat ng malaking bahagi ng espirituwal na gawaing pagtatayo sa panahong ito na nabibilang na ang oras hanggang sa pagsisimula ng antitipikong Baha.​—Apocalipsis 7:9, 15.

20, 21. (a) Anong magandang kinabukasan ang naghihintay sa mga sumasamba kay Jehova sa nilinis na lupa? (b) Anong kagalakan ang mararanasan kahit na ngayon pa?

20 Pagka ang lupang ito ay nalinis na nang husto, na handa nang gawing isang literal na paraiso, yaong mga inilarawan ng mga anak na lalaki at mga manugang na babae ni Noe ay maaaring sa isang panahon magkaroon ng mga anak na isisilang sa katuwiran. Pagkatapos, sa pamamagitan ng himala ng pagkabuhay na muli ay lubusang mapupuno ang lupa ng mga tao. Lahat ng tatanggap sa pribilehiyo na pagiging “mga ibang tupa” ni Jesus ay ibabalik sa kasakdalan, at pagka sila’y nakapasa sa katapusang pagsubok pagkatapos na ang Kaharian ay isauli ni Kristo sa kaniyang Ama, ang mga ito ay aariing-matuwid para sa buhay na walang-hanggan.​—Juan 5:28, 29; 10:16; 1 Corinto 15:24-26; Awit 37:29; Apocalipsis 20:7, 8.

21 Anong laking kagalakan ang naghihintay sa tapat na mga mananamba ni Jehova! Subalit malaking kagalakan ang masusumpungan kahit na ngayon pa sa pamamagitan ng buong-pusong pakikibahagi sa pagtatayo sa modernong panahong daóng ng kaligtasan. Paano ba umuunlad ang gawaing iyan? Ang ating susunod na pag-aaral ang sasagot.

PAANO MO SASAGUTIN?

◻ Paano dapat magsilbing babala sa atin ang mga pangyayari noong bago sumapit ang Baha?

◻ Anong aral ang makukuha natin sa Mateo 24:37-39?

◻ Bakit napakahalaga na ating “kapootan ang masama”?

◻ Paano tayo maaaring makibahagi sa pagtatayo ng antitipikong daóng?

[Kahon sa pahina 11]

GAYA NG ‘MGA KAARAWAN NI NOE’​—

“Mayroon lamang 40 porsiyento ng mga tagapagturo ng relihiyon sa kolehio . . . ang naniniwala na mahalay para sa di mag-asawa na magtalik.”​—Saturday Oklahoman & Times, Disyembre 29, 1984

[Kahon sa pahina 12]

May Kabuluhan ba ang mga Simulain ng Bibliya?

Isang paring Episcopalian ang nakinig sa isang pahayag sa libing na ginanap ng isa sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos, sa imbitasyon ng pari, dalawang ministro buhat sa Watch Tower Society ang dumalo sa isang pakikipagtalakayan sa mga ilang klerigo sa Brooklyn Heights, New York City.

Napaharap ang tungkol sa homoseksuwalidad. Niliwanag ng mga Saksi na ito’y ibinabawal ng Bibliya at na ang mga Saksi’y nagtitiwalag ng mga tao na namimihasa sa anumang uri ng imoralidad. (Roma 1:24-27; 1 Corinto 6:9, 10; Judas 7) Ang mga Saksi ay nagtanong sa mga klerigo tungkol sa kanilang paninindigan sa bagay na ito at tumanggap ng sumusunod na kasagutan:

Isang ministrong Congregational: “Sa palagay ko ay mayroon kami ng tuntunin sa pagtitiwalag at naroon ito sa mga batas ng aming simbahan, subalit sa tanang buhay ko, wala akong natatandaan na aming ikinapit ang batas na iyan!”

Ang paring Episcopalian: “Kung ikakapit namin ang batas na iyan, hindi kami magkakaroon ng anumang parokyano [na malalabi].”

Isang monsinyor Katoliko: “Kung ikakapit namin ang batas na iyan, mag-aalisan ang [lahat ng] mga pari.”

Bagaman ang mga komento ng mga klerigong ito ay baka kalabisan na, ikinatutuwa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang matatag na paninindigan sa pagpapanatiling malinis sa kongregasyon. Sila ay “hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 15:19.

[Kahon sa pahina 13]

GAYA NG ‘MGA KAARAWAN NI NOE’​—

“Sa New York City isang paaralang publiko para sa homoseksuwal na mga estudyante sa high school ang nagbukas sa Manhattan.” Ang sabi ng guro nito: “Ibig namin ng isang kapaligiran na kung saan ang mga batang bakla at tomboy ay hindi gagambalain ng musmos na mga tin-edyer.”​—The New York Times, Hunyo 6, 1985

[Kahon sa pahina 14]

GAYA NG ‘MGA KAARAWAN NI NOE’​—

“Inaprobahan kahapon ng mga membro ng Riverside Church ang isang patakaran sa mga bakla na sa pamamagitan nito’y tinatanggap ang homoseksuwal na ugnayan bilang bahagi ng buhay pamilyang Kristiyano.”​—New York Post, Hunyo 3, 1985

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share