Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 1/15 p. 26-31
  • Nagkatipon sa Ikadalawampung Siglo ang mga Tapat!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagkatipon sa Ikadalawampung Siglo ang mga Tapat!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Paglakad sa Katapatan”
  • “Wastong Paggamit sa Salita ng Katotohanan”
  • “Walang Kapintasan sa Gitna ng Likong Lahi”
  • “Pananatili sa Mabuting Asal sa Gitna ng mga Bansa”
  • Magpatuloy Kayo Bilang mga Tagapag-ingat ng Katapatan!
  • Pagalakin ang Puso ni Jehova sa Pamamagitan ng Katapatan!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Kaaliwan Para sa mga Nag-iingat ng Katapatan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Mapananatili Mo ba ang Iyong Katapatan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Bakit Dapat Panatilihin ang Iyong Katapatan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 1/15 p. 26-31

Nagkatipon sa Ikadalawampung Siglo ang mga Tapat!

ANG larangan ng labanan ay napatatag na pagkaaga-aga sa kasaysayan ng tao. Sumiklab ang paghihimagsik sa dako ng mga espiritu at gayundin ng sangkatauhan, at hinamon ang pagkamatuwid ng kapamahalaan o soberanya ng Maylikha! Ang resulta nito’y isang isyung moral na kinasasangkutan ng suliranin, Yaon bang mga tapat pa rin kay Jehovang Diyos ay magtataguyod ng kaniyang pamamahala sa pamamgitan ng pananatiling tapat sa kaniya?​—Genesis 3:1-24; Exodo 9:16; Lucas 22:31.

Ang sinungaling na si Satanas na Diyablo ay nag-angkin na ang mga mananamba kay Jehova ay naglilingkod sa Kaniya dahil lamang sa mapag-imbot na kapakinabangan at hindi dahil sa pag-ibig. (Job 1:1–2:10) Gayunman, sila’y nanatiling tapat sa Diyos sa kabila ng pagsisikap ni Satanas at ng kaniyang sumasalansang sa sanlibutan na sirain ang kanilang integridad o katapatan. (Hebreo 11:4-38; Apocalipsis 12:10-17) Upang pasiglahin ang ika-20-siglong mga lingkod ni Jehova upang magpatuloy sa katapatan, ang Watch Tower Society ay nagsaayos ng isang serye ng “Mga Nag-iingat ng Katapatan” na mga Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova para ganapin sa maraming mga bansa, pasimula noong tag-araw ng 1985. Ang bawat araw ay nagtampok ng isang angkop na tema sa Bibliya.

“Paglakad sa Katapatan”

Ang temang ito ng kombensiyon noong unang araw ay lalong pumukaw ng pananabik sa pakikinig sa espirituwal na mga bagay. Ang pahayag na “‘Dinggin Mo, Oh Bayan Ko,’ ang Salita ni Jehova” ang nagsilbing pambungad sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa lahat na matamang makinig. Nagpapatunay sa karunungan ng payong iyan ang pahayag ng tserman, “Ingatan Nawa Tayo ng Katapatan.” Paano ginagawa iyan ng katapatan? Kahilingan sa atin ng katapatan na tayo’y maging ganap sa ating debosyon sa Diyos, na iniingatang dalisay ang ating mga puso, motibo, at mga hangarin. “Kung tayo’y desidido na gawin ito,” ang sabi ng tserman, “kung magkagayon ay iingatan tayo ng katapatan.”​—Awit 25:5; 31:23.

Pagkatapos ay napakinggan natin ang “Pagpapatibay-Loob sa Pamamagitan ng Halimbawa ng Sinubok na mga Tagapag-ingat ng Katapatan.” Pagkatapos na banggitin ang nagpapatibay-loob na mga halimbawa noong nakaraan, kinapanayam ng nagpahayag ang mga ulirang nag-ingat ng katapatan sa panahon natin. Yaong mga nanatiling tapat ay “Hindi Ikinahihiya ang Mabuting Balita.” Niliwanag ng pahayag na ito, salig sa Marcos 8:38, na isang proteksiyon kung tayo’y hindi mahihiya na patunayan kung sino nga tayo sa ating ministeryo, sa ating paghahanap-buhay, at saan pa man. ‘At anong inam pagka si Jesus ay nagsalita na tungkol sa atin sa harap ng mga anghel at ng kaniyang Ama sa langit, at ipahayag na tayo ay kaniyang mga alagad na nagsilakad sa katapatan!’

“Ang mga Bagay na Isiniwalat ay Nauukol sa Atin at sa Ating mga Anak” ang bahagi ng programa na nagpapakita na, bilang isang maibiging Ama, si Jehova ay naliligayahan na isiwalat sa kaniyang bayan “ang mga bagay na lihim.” (Deuteronomio 29:29; Amos 3:7) Ang masikap na pag-aaral ng isinisiwalat na mga bagay na ito ang magpapatibay sa atin upang tayo’y manatiling matatag sa ating katapatan. Ang susunod na topiko, “Pagkasumpong ng Kaluguran sa Salita ni Jehova,” ay nagdiin sa punto na ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang maging mga estudyante ng Bibliya. (Awit 1:1, 2) Oo, “ang pag-aaral ay isang bahagi ng buhay ng bawat Kristiyano na lumalakad sa katapatan.”

“Pangangatuwiran Buhat sa Kasulatan,” ang siyang paraan na ginagamit ng mga nag-iingat ng kanilang katapatan kung tungkol sa pakikitungo sa iba’t-ibang uri ng mga tao na kanilang pinangangaralan. Halimbawa, sa isang sinagoga sa Tesalonica, ang apostol na si Pablo ay ‘nangatuwiran buhat sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga pagbanggit na kailangang ang Kristo ay magdusa.’ Nagtagumpay ba si Pablo? Oo, sapagkat ang iba sa mga nakikinig ay naging mga mananamplataya. (Gawa 17:1-4) Ang mga kombensiyonista kaya ay magpapahalaga sa tulong sa pagsagot sa mga tanong na napapaharap sa kanila sa kanilang ministeryo? Anong laking kaluguran ang tanggapin iyon nang ilabas ng tagapagpahayag ang bagong aklat para sa ministeryo sa larangan, ang Reasoning From the Scriptures!

“Wastong Paggamit sa Salita ng Katotohanan”

Noong ikalawang araw, kagalak-galak na makita ang napakaraming payunir​—libu-libo sa kanila sa mga ibang kombensiyon​—na nagsitindig nang anyayahan ng tagapagpahayag, at patotoo na napakarami ng nakikibahagi sa buong-panahong ministeryo. Sa bahaging ito, na ang pahayag na “Puspusang Magsumikap Kayo sa Buong-Panahong Pagklilingkod,” idiniin na ang pagpapayunir ay sulit sa pagpapagod, bagaman kailangan ang pagpupunyagi upang makabahagi sa paglilingkod na ito.​—Lucas 13:24.

Ang tampok na pahayag, “Pagalakin ang Puso ni Jehova sa Pamamagitan ng Pananatiling Tapat,” ay batay sa Kawikaan 27:11. Ang pahayag na ito ay nagsaliksik sa kabang-yaman ng Salita ng Diyos at ganito ang nakuhang mga hiyas: “Ang tunay na katapatan ay yaong di-nasisirang debosyon sa isang persona​—sa Diyos na Jehova.” “Si Satanas ang pasimuno sa pagsira sa katapatan,” at ang kaniyang paghihimagsik ang nagbangon ng “usapin tungkol sa pagkamatuwid ng pamamahala ng Diyos.” “Bagamat ang pamamhala ni Jehova ay hindi depende sa pananatiling tapat ng kaniyang mga nilalang, ang paghihimagsik ng Diyablo ang gumawa sa isyu ng katapatan ng tao na maging isang mahalagang bahagi ng usapin tungkol sa pansansinukob na kapamahalaan.” Ang tagapagpahayag ay nagtanong: “Paano tayo magtatagumpay bilang mga tagapag-ingat ng katapatan?” “Magagawa natin iyan pagka ating sinusunod ang Salita ng Diyos,” ang tugon niya.​—Roma 14:8.

Ang pagsasaunahan ng mga espirituwal na intereses sa buhay ang paksa ng susunod na pahayag, “Ang Pagpapala ni Jehova​—Iyan ang Nagpapayaman.” Tayo’y natutulungan na higit na maunawaan na samantalang ang salapi ay malaking tulong, ang pag-ibig sa salapi ay isang malubhang panganib. (Eclesiastes 7:12; 1 Timoteo 6:10) Ang katapatan ang nagdadala sa atin ng pagpapala ni Jehova, ito ang tunay na kayamanan.​—Kawikaan 10:22.

Ang drama na “Ang Inyong Hinaharap​—Isang Hamon” ay isang paghahambing ng tapat na paglilingkod ng mga Nasareo at ng hamon na nakaharap sa mga kabataang Saksi sa kanilang pagnanasang maging mga payunir at manatili sa buong-panahong paglilingkod sa halip na ang maging tunguhin ay materyalistikong mga karera. Ipinayo nito sa mga kabataan na tanggapin ang hamon at maglingkod sa Diyos nang lubusan. Ipinakita rin ng drama kung paanong ang mga magulang at ang mga iba pa ay makatutulong.

“Maghasik Nang Sagana, Mag-ani Namang Sagana” ang pahayag na nagpaliwanag na ang simulaing ‘inaani natin ang ating inihahasik’ ay matalino, makatuwiran, at maibigin. Ang pagtulad sa Diyos, kay Kristo, at sa ‘aliping tapat,’ ay magagawa natin kung tayo’y maghahasik nang sagana sa pagdalo sa mga pulong, sa pananalangin, pagpapatotoo, at gagawin natin ang lahat ng ating pampamilyang mga obligasyon. (Mateo 24:45-47) Ang ganiyang paghahasik ang nagbibigay katiyakan sa atin na aani tayo ng pagpapala ni Jehova.​—Hebreo 6:10.

Sa pahayag na “Paano Kayo Nararapat na Sumagot sa Kaninuman” ang mga tagapakinig ay puspusang nakinig sa mga mungkahi at mga demonstrasyon sa kung paano gagamitin ang bagong aklat na Reasoning From the Scriptures. Kailangang pagtagumpayan ang kawalang interes sa pamamagitan ng paggamit ng angkop na pambungad, pagtugon nang masigla pagka ang kausap natin ay taimtim bagamat may negatibong kaisipan, at ipakita na ang Bibliya ang pinagkukunan natin ng sagot.​—Colosas 4:6.

Pagkatapos ng huling pahayag noong ikalawang araw, na “Pagpapakilala sa Kamangha-manghang mga Gawa ni Jehova,” tayo’y puspusang gumawa nito sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Nang mismong hapong iyon isang Saksi na nagbabahay-bahay sa Vancouver, Canada, ang tumugon sa pagtutol: “Kung ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig, bakit niya pinapayagan ang masama?” Ginamit niya ang sagot na naroon sa bagong aklat na Reasoning at nasiyahan naman ang nagtanong, kaya isang pag-aaral sa Bibliya ang pinasimulan nang mismong sandaling iyon.

“Walang Kapintasan sa Gitna ng Likong Lahi”

Ito ang pumupukaw na tema noong ikatlong araw. Nang umagang iyon, ang pahayag na “Pagpaparangal kay Jehova sa Pamamagitan ng Ating Kayamanan” ay nagdiin na ang ating inialay na buhay, ang ating matalik na kaugnayan kay Jehova, at ang ating pisikal, mental, espirituwal, at materyal na mga tinatangkilik ang buong kayamanan na dapat nating gamitin upang parangalan ang ating Ama sa langit.​—Kawikaan 3:9, 10.

Ang pahayag na “Pagpapanumbalik-Lakas, Hindi Panghihina” ay nagbigay ng napapanahong mga tagubilin na tutulong sa atin upang malabanan ang pagtatangka ni Satanas na sirain ang ating katapatan sa pamamagitan ng mga pag-aalinlangan, pagkawala ng pananampalataya, materyalismo, mga tukso, at sari-saring anyo ng panghihina ng loob. Ang pag-aaral, pagbubulay-bulay, panalangin, pagdalo sa mga pulong, at regular na pakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian ang mga tiyak na paraan upang makinabang sa walang pagkaubos na Bukal ng lakas, si Jehova.​—Isaias 40:28-31.

Ang isang mahalagang punto sa pahayag na “Pamumuhay Alang-alang sa Kalooban ng Diyos Ngayon at Magpakailanman” ay nagdiriin na kung tayo’y may kaisipan ni Kristo, tayo’y mamumuhay “hindi na para sa mga hangarin ng mga tao, kundi para sa kalooban ng Diyos.” (1 Pedro 4:1, 2) Hindi tinulutan ni Jesus na ang anomang hangarin ng tao ay makapaglihis sa kaniya sa landasing iyan. Ang mga kandidato sa bautismo, lalo na, ang puspusang nakinig sa susunod na pahayag, “Pakikihanay sa mga Tagapag-ingat-Katapatan ni Jehova.” Sa kanila’y sinabi na ang hakbang na pagpapabautismo ay pasimula lamang ng kanilang pagtakbo sa takbuhan upang makapanatili sa katapatan. Upang makatakbong mainam, kailangang samantalahin nila ang mga paglalaan na gaya ng panalangin, Salita ng Diyos, mga lathalaing Kristiyano, at aktibong pakikisama sa kongregasyon. Ang mga kandidato ay nagsitayo upang sagutin nag dalawang tanong na nagpapakilala kung kanilang naiintindihan ang mahalagang hakbang na kanilang gagawin. Pagkatapos ay binautismuhan sila sa tubig, kung minsan ay kitang-kita sila ng mga ibang delegado sa kombensiyon.

Nang hapon ding iyon, sa pahayag na “Sumasa-atin ba ang Pagkatakot kay Jehova?” ay idiniin ang paggalang sa Pansansinukob na Soberano. (Kawikaan 8:13) May mga pagkakahawig ang may takot sa Diyos na si Haring Jehosaphat ng Juda at ang nakaluklok nang Lalong-dakilang Jehosaphat, si Jesu-Kristo: kanilang pinanatiling malinis ang pagsamba (1 Hari 22:16; Malakias 3:1-18); ipinagtanggol ang kalayaan ng pagsamba (2 Cronica 17:1, 2, 12-19; Filipos 1:6, 7); gumawa ng pag-organisa upang maturuan ang mga tunay na mananamba (2 Cronica 17:7-9; Mateo 28:19, 20); at itinatag ang teokratikong mga hukuman ng batas para sa pagpapatupad ng katarungan.​—2 Cronica 19:6, 7; 1 Corinto 6:5, 6.

Ang pahayag na “Kapakipakinabang ang Kasulatan Upang Magtuwid sa mga Bagay” ay tumalakay kung paano tinutulungan tayo ng Bibliya na mamuhay nang maayos at gumalang sa organisasyon, hinirang na mga tagapangasiwa, at mga may edad. Sa sumunod na bahagi, na “Desididong Maglingkod kay Jehova Nang May Sakdal na Puso,” ipinayo sa atin na kailangang magkaroon tayo ng isang malusog na makasagisag na puso, na pinananatiling may pagkakaisa​—sakdal​—para sa paglilingkuran kay Jehova.​—1 Cronica 28:9.

Ngunit kumusta naman ang mata? Ang sumunod na tagapagpahayag ang sumagot sa tanong, “Bilang Isang Miyembro ng Isang Pamilya, ang Inyo Bang Mata Ay Simple?” Yamang gumagamit si Satanas ng maraming bagay upang gambalain ang ating espirituwal na mata, mahalaga na ang Kristiyanong mga ama, mga ina, at mga anak ay manatiling may timbang na pangmalas at unahin ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Ang pangangailangan na kilalanin ang Dakilang Organisador sa pamamagitan ng pagpapakita ng paggalang sa hinirang na matatanda at sa kongregasyon ay idinidiin sa sumusunod na pahayag, “Maingat na Sinusunod ang mga Utos ng Hari.”​—Kawikaan 8:32-36.

Ang huling pahayag sa araw na ito ay ang diskurso na “Katapatan sa Katotohanan sa Isang Daigdig na Walang Diyos.” Bukod sa iba pang mga bagay, ang mga Kristiyano ay kailangang manatiling tapat sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtatanggol sa turo ng Bibliya tungkol sa paglalang at sa pamamagitan ng pagpapabulaan sa mga walang batayang haka-haka. Ganiyan na lang ang kagalakan ng mga tagapakinig nang ilabas ang 256-na-pahinang aklat na kompleto ang sagot sa tanong na ibinangon sa titulo nito, Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Gaano kabisa ang publikasyong ito? Isang dating ebolusyonista, na ngayon ay isang Saksi na sa Sweden, ang bumasa ng buong aklat nang gabi ring ito at ang sabi: “Kung ako’y naging ebolusyonista kahapon, tunay na babaguhin ko ang aking isip sa loob ng magdamag.”

“Pananatili sa Mabuting Asal sa Gitna ng mga Bansa”

Ito ang tema ng kombensiyon noong huling araw. Isa sa mga pahayag ng umagang iyon ang sumagot sa tanong na “Mayroon Bang Makapaghihiwalay sa Iyo sa Pag-ibig ng Diyos?” Tayo lamang ang makapaghihiwalay sa ating sarili sa pag-ibig ng Diyos at ni Kristo. Subalit habang tayo’y tapat sa ating pananampalataya, walang kagipitan, walang kalagayan, walang mananalansang na makahihila sa Diyos na bawiin ang kaniyang pag-ibig sa atin.​—Roma 8:35-39.

Ang diskurso na “Huwag Sana Kayong Matitinag sa Inyong Katuwiran” ay nagdiin sa pangangailangan na ingatan ang ating dako sa espirituwal na paraiso. Paano? Una, sa pamamagitan ng pag-iwas sa espiritu ng pagrereklamo at sa apostasya, sa gayo’y sinusunod ang payo ni Pablo na ‘huwag dagling matinag sa ating katuwiran’ sa pamamagitan ng anomang berbalan o nasusulat na mga pananalita na ang layunin ay lumikha sa atin ng pag-aalinlangan at sirain ang ating pananampalataya.​—2 Tesalonica 2:1, 2.

“Matakot sa Diyos, Humiwalay sa Masama” ang ikalawang kapanapanabik na drama. Tungkol ito sa tapat na si Job at ipinakita na ang pag-uusig at pagdurusa dahilan sa paglilingkod sa Diyos ay hindi bago. Sa kabila ng pagsisikap na ihiwalay tayo, tulad din ni Job dapat tayong maging desidido na manatiling tapat, na natatakot kay Jehova at humihiwalay sa masama.

Ang pahayag pangmadla, “Ang mga Panahon at mga Pana-panahon ng Diyos​—Sa Ano ba Nakaturo ang mga Ito?” ay nagpaalaala sa atin na si Jehova ang “nag-aalis sa mga hari at naglalagay sa mga hari” kasuwato ng kaniyang walang pagbabagong layunin. Pagdating ng kaniyang panahon, samakatuwid, kaniyang walang pagsalang wawakasan ang kabalakyutan at isasauli ang katuwiran.​—Daniel 2:21, 44.

Ang dalawang pangkatapusang pahayag ay tunay na angkop. “Kaaliwan Para sa mga Taong Tapat” ay nagpagalak sa atin dahil sa kasiguruhan na sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang espiritu, at bilang kasagutan sa ating mga panalangin, tiyak na tayo’y aalalayan ni Jehova hanggang sa makalampas sa pagsubok. At gaya ng ipinakikita ng katapusang pahayag. ang mga Saksi ni Jehova ay hindi umuurong nang dahil sa narito sila sa mananalansang na sanlibutang ito. Sila’y “Isang Nag-iingat-Katapatang Organisasyon na Patuloy na Sumusulong”! Ang organisasyong ito ay namumukod tangi sa pagtataguyod nito sa soberanya ni Jehova at sa katiyakan ng tagumpay at kaligtasan nito.

Magpatuloy Kayo Bilang mga Tagapag-ingat ng Katapatan!

Bukod sa pagtanggap ng iba pang saganang espirituwal na pagkain, kasali na ang dalawang maiinam na bagong aklat, ganiyan na lang ang kagalakan ng mga kombensiyonista nang ilabas ang de-kolor na maraming larawang 32-pahinang-brochure na Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso. At anong laking kaluguran ang tanggapin din ang Kingdom Melodies No. 6, isang cassette tape ng kabigha-bighaning musika para makaaliw sa atin!

Ang magisiuwing mga delegado ay nakadama ng panibagong sigla at mga pagpapala, at tunay na sila’y napasasalamat dahilan sa kapaki-pakinabang na mga kapistahang espirituwal na ito. Muling nanariwa ang ating pagtitiwala na ang Isa na sa loob ng 6,000 taon ay tumangkilik sa mga tagapagtaguyod ng kaniyang soberanya ay magtatagumpay at ang kaniyang mga Saksi ay itatawid niya sa sukdulang “mga hulig araw” na ito tungo sa Bagong Kaayusan, pawang sa kaniyang walang hanggang pagbabangong-puri.​—2 Timoteo 3:1; Apocalipsis 7:9-12; 21:1-5.

Taglay ang ganitong pagtitiwala at pananampalataya sa ating Diyos, si Jehova, ano ang ating hangarin? Aba, tayo ay desidido na manatiling sumusulong nang may lakas ng loob bilang ang organisasyon ni Jehova ng mga tagapag-ingat ng katapatan sa ika-20-siglong ito!

[Kahon sa pahina 29]

Ang Sabi ng Iba

Isang superintendente ng polisya, Leeds, Inglatiera: “Ibig kong purihin kayo, ang inyong mga manggagawa, at lahat sa inyo na dumalo . . . dahil sa totoong mahusay na paraan ng pagkaplano nito at pagkapangasiwa nito. Karapatdapat na kayong lahat ay purihin. Dumalaw ako sa estadyum noong Sabado ng hapon at Linggo ng umaga at nasaksihan ko ang napakahusay na kaayusan at mga palatuntunan doon. Marami sa aking mga kasama noon ay may ganiyan ding komento.”

Isang pangunahing manunulat ng editoryal para sa isang pahayagan sa Montreal, Canada, sa ilalim ng paulong “Ngitian naman natin ang mga lingkod ni Jehova”: “Kamakalawa, sa loob ng wala pang dalawang oras, sila’y nagsituktok sa 800,000 mga pintuan sa lugar na ito. Isa itong anyo ng lansakang pagkuha ng espirituwal na mga alagad, na medyo nakayayamot ngunit hindi naman talagang nakakaabala. . . . Pagka tumanggap ka ng mga bisita sa iyong tahanan, hindi na bale kung makaranas ka man ng kaunting kaabalahan upang patuluyin sila . . . kaya naman, hindi bale kung hindi naman tayo karelihiyon ng mga Saksi ni Jehova; sa loob ng mga ilang araw, puwede namang makihati tayo ng bahagya sa kanilang katahimikan, at maginhawa ang mararamdaman natin. Ang mapayapang mga taong ito ay dito sa Montreal nagpasiyang magtipon; hayaan nating marami pa sa kanila ang pumarito, libu-libo sa kanila.”

Anang isang opisyal ng polisya sa Dortmund, Federal Republic of Germany: ‘Sa mga laro ay mayroon tayong di-kukulangin sa 200 polis na nagbabantay; ngunit sa inyong mga pagtitipon ay mayroon tayong dalawa lamang, bukod pa sa dalawa na magdidirekta ng trapik.’

Buhat sa isang football estadyum manager sa Norwich Inglatiera: “Ang katahimikan na umiral noong lumipas na apat na araw . . . ay kapuna-puna. Nararanasan mo ang katahimikan na ibang-iba kung ihahambing sa alinman sa apat na araw sa magulong daigdig ng komersiyo at araw-araw na pamumuhay na nasa palibot natin. Ang mga Saksi ay talagang mayroong isnag bagay na naiiba at mahirap na ipaliwanag.”

[Kahon sa pahina 30]

Kombensiyon sa Montreal​—Espisyal!

Sa kaayusan ng programa, ang pandistritong kombensiyon ng “Mga Nag-iingat ng Katapatan” na idinaos sa tanyag na Olympic Stadium sa Montreal, Quebec, Canada, ay katulad din ng mga iba sa seryeng ito. Subalit sa mga ilang paraan ito ay espisyal. Kabilang sa iba pang mga bagay, ito ang una sa isang grupo ng mga kombensiyong ito na espisyal kung tungkol sa laki o iba pang mga paraan.

Laki: Lahat-lahat ay 78,804 ang dumalo galing sa silangang Canada at sa hilagang-silangang Estados Unidos. Nakapagpapatibay ng pananampalataya na maging bahagi ng ganiyang lubhang karamihan ng mga nag-iingat ng katapatan sa kanilang pakikininig, pag-awit, at pananalanging sama-sama. Iyan ay espisyal!

Bautismo: Ito’y isang pantanging kagalakan na makitang 1,004 na bagong mga nag-alay ang nagsitindig para sa bautismo. Narito ang nakikitang ebidensiya ng pagsulong na ngayo’y nagaganap sa gitna natin.

Wika: Nagkaroon ng mga programa sa 11 wika​—Arabic, Intsik, Ingles, Pranses, Griego, Hungarian, Italyano, Koreano, Portuguese, Kastila, at Ukranian. Sa estadyum, ang pantanging sound system ay inareglo na anupat ang mga nasa seksiyong Pranses ay nakinig sa kanilang wika samantalang ang mga delegadong ang wika’y Ingles ay nakinig naman sa kanilang wika.

Trailer City: Isa pa itong espisyal na bahagi. Para sa mga delegado na nangailangan ng espasyo para sa mga trailer, mga behikulong libangan, at mga tolda, noon pang Disyembre 1984 nagsimula ang pagsisikap na makuha at magamit ang karatig na Maisonneuve Park, doon sa kabila ng kalye ng estadyum. Nang unang lapitan ang mga opisyales para kausapin sila tungkol sa pag-upa sa parke, sila’y natawa. Kaya pala, noon lamang nagkaroon ng ideya ng pag-upa sa isang buong parke ng siyudad. Gayunman, sa wakas ay natamo rin ang pahintulot. Nakatulong ang mabuting reputasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Sa wakas, 4,300 units ang itinayo, at halos 20,000 mga kombensiyonista ang doon tumuloy anupat ang pinaka-sahig nila ay ang luntiang damuhan at napaliligiran sila ng maraming mga punong-kahoy na malilim. At ano ang naging ayos ng parkeng iyon pagkatapos na napakaraming tao ang gumamit niyaon sa loob ng halos isang linggo? Ang nagtatakang mga opisyales ay walang nasumpungang anomang malubhang kasiraan doon. Kaya naman, isinauli ang buong halagang idiniposito na may 5 numero bilang pinaka-bayad kung sakaling may kasiraan doon pagkatapos!

Naroon ang mga Miyembro ng Lupong Tagapamahala: Isa pa rin itong dahilan kung bakit espisyal ang kombensiyon sa Montreal. Bagamat iniiwasan ng mga lingkod ni Jehova ang anomang anyo ng pagsamba sa nilalang, tiyak na marami ang may damdamin na kagaya niyaong isang kapatid na nagsabi: “Ang pagkanaroroon ng pitong miyembro ng minamahal na Lupong Tagapamahala, na ang iba sa kanila’y ngayon ko lamang nakita o narinig na magbigay ng pahayag, ay totoong nakapagpapatibay-loob.” Ang gayong pagsasama-sama ay nagbubunga ng espirituwal na “pagpapalitan ng pampatibay-loob.”​—Roma 1:11, 12.

Isang Napakainam na Pagtanggap: Ang mga opisyales at ang madla sa pangkalahatang ay nakitungo sa mga Sakasi ni Jehova sa isang paraang kanais-nais at makatarungan. Ito’y espisyal nga lalo na kung natatandaan natin na noong nakalipas na mga ilang taon ang dating Quebec Premier Maurice Duplessis ay hayagang dumeklara ng isang “walang awang pakikipagbaka sa mga Saksi ni Jehova” hanggang sa mautas silang lahat. Sa gayon, may mabuting dahilan ang isang reporter ng pahayagan na nagsabi: “Isip-isipin lamang, kahapon, [Biyernes] mayroong eksaktong 74,846 mga Saksi sa loob ng estadyum. Si Maurice Duplessis, na nagbawal sa kilusan nila, ay tiyak na hindi mapatahimik sa kaniyang libingan.”

Hindi ngayon lamang pinagpala ni Jehova ng buong sagana ang mga nag-iingat ng kanilang katapatan. Gayunman, sa maraming paraan ang kombensiyon sa Montreal ay espisyal.

[Chart sa pahina 28]

Mga Ilang Kombensiyon ng “Nag-iingat-Katapatan”

Bansa Kombensiyon Dumalo Nabautismuhan

Austria 3 23,123 237

Brazil 25 389,387 4,825

British Isles 10 142,859 925

Canada 14 146,897 1,585

Ecuador 4 22,918 394

Pransiya 11 119,940 2,002

Germany,

Federal Republic of 17 148,853 904

Gresya 3 37,367 368

Italya 25 184,078 4,153

Hapon 25 202,221 3,512

Netherlands 1 40,694 151

Portugal 10 52,581 990

Espanya 13 90,808 1,628

Sweden 8 27,194 315

Switzerland 3 20,601 213

Estados Unidos ng

Amerika 112 1,189,173 9,851

Venezuela 4 69,843 1,063

[Mga larawan sa pahina 31]

Sa Montreal, si W. L. Barry ng Lupong Tagapamahala ang naglabas ng bagong aklat na “Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?”

Ang katapatan ni Job ay itinampok sa dramang ito sa Bibliya, na itinanghal sa kombensiyon sa Athens, Gresya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share