Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 2/1 p. 22-26
  • Kamay ni Jehova ang Gabay Namin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kamay ni Jehova ang Gabay Namin
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagpili
  • Mahalagang mga Pangyayaring Teokratiko
  • Sinubok ang Pananampalataya
  • Ang Buhay-Preso
  • Paglilingkod sa Bethel
  • Mga Katibayan na Aming Nasaksihan Tungkol sa Espiritu ng Diyos
  • Mailalaan Mo Ba ang Iyong Sarili?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Paghanap Muna sa Kaharian—Isang Tiwasay at Maligayang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Isang Pambihirang Pamanang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Tinuruan Kami ng Aming mga Magulang na Ibigin ang Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 2/1 p. 22-26

Kamay ni Jehova ang Gabay Namin

Ayon sa paglalahad ni Simon Kraker

“ITAY, ano ba ang dapat kong maging karera?”

“Bueno, Simon, pag-isipan mong mabuti ang bagay na iyan sapagkat hindi ako makapagpapasiya para sa iyo.”

“Opo, Itay, pero sa inyong karanasan ay mas marami ang inyong nalalaman!”

“Baka nga, Simon, maraming mga larangan na dapat isaalang-alang, at lahat ay waring kaakit-akit, pero alin ba ang lubos na magpapaligaya sa iyo?”

“Tama po, Itay. Ang naisip ko po’y musika, ballet, acrobatics, medisina, at ang pagpapari. Interesado po ako sa bawat isa riyan.”

Ngayon, ano kaya ang inyong pipiliin? Ano kayang daan ang inyong lalakaran? Noong mga unang taon ng 1920, may nangyari sa aking pamilya na nagkaroon ng malaking epekto sa pagpili ko ng magiging karera. Bayaan ninyong isaysay ko sa inyo.

Ang mga magulang ko, sina Mary at Joseph, ay kapuwa isinilang sa Austria, ngunit sila’y nagkakilala at doon nakasal sa Estados Unidos. Bago sila nandayuhan sa Estados Unidos, si Itay ay nakapaglakbay na sa lahat ng panig ng Europa bilang isang propesyonal na manunugtog ng trumpeta. Kaya naman, sinikap niya na lahat ng kaniyang walong anak ay magkaroon ng mabuting edukasyon at matuto pa rin ng musika. Ang biyolin ang aking pinag-aralan upang makasali ako sa orkestra ng aming pamilya.

Bilang mga Romano Katoliko, gusto ni Inay at ni Itay na lahat kami ay maturuan nang husto sa relihiyon. Natatandaan ko pa ang Bibliyang Romano Katoliko na nasa aming bahay. Iyon ay malaki, may gintong krus na nakalarawan sa takip, at nakasulat sa tipo ng matandang wikang Aleman. Nakabisado ko na iyon kung kaya malaki ang paggalang ko sa Bibliya bilang Salita ng Diyos.

Noong mga unang taon ng 1920, libreng mga tract sa Bibliya ang ipinamamahagi ng mga miyembro ng ibang relihiyon sa harap ng aming Holy Trinity Church sa lunsod ng Cleveland, Ohio. Lahat kami ay nag-uuwi nito sa bahay at inihahambing namin sa aming Bibliya. Ang mga ito’y lathala ng Bible Students, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Ang isang tract na tandang-tanda ko pa dahilan sa nagpaligaya iyon kay Inay ay yaong tungkol sa kalagayan ng mga patay. Dalawa sa kaniyang mga anak ang namatay sa pagkasanggol. Napag-alaman niya buhat sa tract na iyon na ang mga ito pala ay hindi buháy sa limbo o dumaranas ng paghihirap sa purgatoryo o impierno kundi sila’y walang malay sa libingan, naghihintay ng pagkabuhay-muli. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 11:24, 25) Anong laking kaaliwan ang idinulot niyaon hindi lamang kay Inay kundi sa lahat sa amin!

Ang Pagpili

Ang mga katotohanan ng Kasulatan ay nagiging lalong maliwanag habang dinadalaw kami sa aming tahanan ng mga Bible Students (Bibelforscher) na Aleman ang wika. Habang kami ay nagkakaroon ng higit pang kaalaman sa Bibliya, kami ay patuloy na lumalayo naman sa aming kinalakhang relihiyong Katoliko. Ito’y naglagay sa akin sa alanganin. Ako’y pinanganlang Simon nang ako’y ipanganak, Pedro nang ako’y bautismuhan, at Jose nang ako’y kumpilan. Ako’y naging isang sakristan, natuto ng mga dasal at mga Misa sa Latin, at ng pagsasagawa ng iba’t ibang mga gawain sa relihiyong ito. Inaasahan ng aking mga magulang na balang araw ako’y magiging isang pare, at disidido naman ako na lumahok nang lalong puspusan sa buhay relihiyoso.

Subalit, nasumpungan ko na ako’y palayo nang palayo sa dating inaasam kong karera. Noon ay hindi na suliranin ko kung paano ako sisikat sa larangan ng aliwan, ng acrobatics, o ng medisina. Bagkus, ano kaya ang magagawa ko upang tulungan ang iba sa espirituwal na paraan? Ang sagot ko rito’y hindi na ang pagpaparing Romano Katoliko.

Ang mga magulang ko ay naakit ng ‘mabuting balita ng kaharian ng Diyos’ na ipinangangaral ng mga Bible Students, at pati na rin naman ako ay naakit doon. (Mateo 24:14) Noong 1924 si Inay at si Itay ay nagsimula ng pangangaral ng “mabuting balita” sa bahay-bahay, at ako’y kasa-kasama nila. Dalawang taon ang nakalipas, nang ako’y 12 anyos, natanto ni Itay na ako’y maaari nang mag-isa sa pangangaral. Kaya’t binigyan niya ako ng isang pambulsang Bibliya upang gamitin sa aking gawaing pangangaral ng ebanghelyo. Bago ako nagtapos sa high school noong 1929, nagpasiya ako na mag-alay ng aking sarili sa Diyos.

Mahalagang mga Pangyayaring Teokratiko

Samantalang pinag-iisipan ko ang mahigit na 60 mga taon sapol nang magsimula ang aking pamilya na makibahagi sa pangangaral ng Kaharian, natanto ko na naranasan namin ang maraming mahalagang mga pangyayari sa pagsulong ng nakikitang organisasyon ng Diyos. Halimbawa, noong 1925 inilathala ng The Watch Tower ang artikulong “Birth of the Nation” (Pagsilang ng Bansa). Ikinagalak kong maalaman na tinitipon ni Jehova ang taimtim na mga tao buhat sa lahat ng bansa upang maging kaniyang bayan. Ang puntong iyan sa Kasulatan ay talagang hinangaan ko! Bakit? Sapagkat sa aming lugar, matindi ang pagkamuhi laban sa mga Judio at mga itim. Subalit sa bansa ng Diyos ay walang pagkakabaha-bahagi​—panlahi, pampulitika, pangkomersiyo, pangmilitar, at pansekta. (Gawa 10:34, 35) Anong laking kagalakan na mabasa ang paliwanag tungkol sa hula ng Isaias kabanata 66 at makita ang katuparan nito noong aking mga kaarawan!

Noong 1928, ang kombensiyon sa Detroit, Michigan ay isa pang mahalagang teokratikong pangyayari para sa aming pamilya. Iyon ay ganoon nga sa dalawang dahilan. Iyon ang unang kombensiyon na dinaluhan ng aking mga magulang. At nang sila’y bumalik na sa tahanan, kaming mga anak ay lubhang naapektuhan nang ang kanilang masayang kasiglahan tungkol sa paggawa ng higit pa sa paglilingkod kay Jehova ay ganiyan na lamang katindi.​—Roma 12:11.

Noon namang 1931 ang organisasyon ng Diyos ay may dalang kapana-panabik na balita para sa amin. Kami’y tumanggap ng isang bagong pangalan​—mga Saksi ni Jehova. Anong pambihirang pribilehiyo, na magtaglay ng pangalan ng Diyos sa harap ng mga tao at mga anghel!​—Isaias 43:10-12.

Hindi ko malilimot kailanman ang taóng 1935, nang magliwanag kung sino nga ang “mga ibang tupa” at “malaking pulutong.” (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9) Ito’y tumulong sa maraming mga indibiduwal​—kasali na ang sarili ko​—upang gumawa ng hakbang na pagpapabautismo. Ang bautismo ay hindi idiniin noong mga araw na bago pa lamang ako sa katotohanan. Yamang naialay ko na ang aking buhay kay Jehovang Diyos, nakita ko na ngayon na angkop na sagisagan ang pag-aalay na iyon sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Ang taóng 1938 ay taon ng teokratikong reorganisasyon. Bago ng panahong iyan, iisa lamang ang pinakasentrong dakong pinagpupulungan ng mga Saksi ni Jehova sa Cleveland​—ang Engineer’s Auditorium, na ginagamit noon para sa mga grupong Aleman, Polako, Ingles, at iba pang mga wika. Pagkatapos ng 1938 ang organisasyon ng Diyos ay nagsaayos na magtatag ng mga kongregasyon sa iba’t ibang seksiyon ng lunsod. Si Itay at ang iba sa aking mga kapatid na lalaki ay hinirang na mga lingkod sa kongregasyon. Ako ay inatasan na maglingkod sa departamento ng mga magasin.

Noong taóng 1939 ay nagkaroon ng isa pang makasaysayan pangyayari na nagpatatag ng aking pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang nakikitang organisasyon. Samantalang namumuo ang mga ulap ng digmaan, naglathala ang The Watchtower ng isang artikulong pinamagatang “Neutrality” (Neutralidad). Buhat sa artikulong ito, naunawaan ko na ang mga lingkod ng Diyos ay kailangang makipagpayapaan sa lahat, kahit na sa gitna ng banta ng digmaan. At salamat naman, inihanda ako nito para sa mga panahon ng kagipitan na noon ay malapit nang sumapit.

Gayundin noong 1939 ako ay naparoon sa New York City at iyon ang unang-unang pagkakataon ko roon. Doon ay narinig ko ang ikalawang pangulo ng Watch Tower Society, si J. F. Rutherford, na nagsalita sa Madison Square Garden. Mga kaaway na relihiyoso, humigit-kumulang mga 500, ang sumubok na guluhin ang pagtitipong iyon sa pamamagitan ng pagkakaingay habang nagsasalita si Brother Rutherford. Subalit lahat na ito ay nawalang kabuluhan. Siya’y nanatiling matatag hanggang sa katapusan, at ang mga tagapakinig naman ay tumugon sa pamamagitan ng masiglang pagpapalakpakan.

Nakatanim sa aking puso at sariwa pa sa aking isip ang internasyonal na kombensiyon noong 1942 na ginanap sa aking sariling bayan, ang Cleveland. Ang malaganap na inianunsiyong pahayag pangmadla ay “Peace​—Can It Last?” (Kapayapaan​—Magtatagal Kaya?) Nagharap ng mga ebidensiya sa Kasulatan upang ipakita na hindi magtatagal ang anumang gawang-taong kapayapaan sa hinaharap.

Sinubok ang Pananampalataya

Nang panahon ding iyon sinubok ang aking pananampalataya tungkol sa isyu ng neutralidad. Ako ay isang manedyer sa parts and accessory division ng kompanya ng awto na General Motors. Kanilang pinayagan ako na magtrabaho nang part-time, kaya naman nagawa ko na unahin ang aking gawain bilang isang ministro ng relihiyon. Subalit nang dumating na ang bagyo ng digmaan at ngayo’y kasangkot na ang Estados Unidos, ako kaya ay lalahok sa labanan o hihilingin ko na ipuwera ako dahilan sa aking hanapbuhay? Hindi ko pinili ang alin man diyan. Ako noon ay isang ordinadong ministro at mayroon akong legal na karapatan na mapapuwera sa pagsusundalo nang dahil doon. Gayunman, ang Selective Service Board ay di sang-ayon.

Ganito ang mungkahi ng Board: “Dapat kang mapalakip sa hukbong sandatahan at magsilbing isang ministro roon.” “Hindi,” ang tugon ko. “Ang dikta ng aking budhi ay yaong dahilan na nagpapatunay na ako’y isang ministro ng ebanghelyo, at nakatalaga na ang aking buhay sa gawaing iyan.”

“Pero puwede mo naman gawin iyan kahit nasa army ka.”

“Hindi,” ang sagot ko. “Tanging makapaglilingkod ako sa aking mga kapuwa-tao kung ang taglay ko’y ‘mabuting balita’ na matatagpuan sa Bibliya.”

Ang kaso ko ay tumungo sa isang nakatataas na hukuman. Sa Federal Court binanggit ko na ang aking ama ay tumakas sa Austria at naparoon sa Estados Unidos dahilan sa kaniyang relihiyosong pananalig laban sa pagdadala ng armas at pagiging bahagi ng militar.

“Pero hindi naman kailangan na ikaw ay lumaban,“ ang sabi ng hukom. “Dahil sa mahusay mong karanasan at pagsasanay, ikaw ay magiging isang mahusay na chaplain, binata.”

“Ang inyong Karangalan, paano ko po magagawa iyan? Kung hindi maamin ng aking budhi na magdala ng armas, paano ko mahihimok ang iba na gawin ang ganiyan?”

Ang Buhay-Preso

Sa kabila ng dokumentadong ebidensiya na ako’y isang ministro ng ebanghelyo, noong taglagas ng 1943 ako’y sinentensiyahan ng limang taon sa piitang pederal sa Lewisburg, Pennsylvania. Hindi ako ang nag-iisang Saksi sa Lewisburg, sapagkat mayroon doong humigit-kumulang 50 mga iba pang kapatid. Nang sumapit ang panahon na ako’y palayain, ang bilang ay dumami at naging mga 200.

Ang sakop ng piitan ay mga isang libong acres (400 ha) ng lupain. Naroon sa loob nito ang mga gusali na kinaroroonan ng lalong peligrosong mga kriminal, isang bukiring-kampo para sa pinagkakatiwalaang mga preso, at isang bayan-bayanan na kung saan nakatira ang bantay-bilangguan, mga guwardiya, at iba pang mga tauhan ng piitan. Ang mga Saksi ay kalimitan nang doon pinagtatrabaho sa bukiring-kampo. Ang trabaho ko ay magmaneho at ihatid ang mga preso sa bukiring-kampo sa kani-kanilang lugar na pinagtatrabahuhan.

Nang unang dumating ako roon, ang aming mga pulong sa relihiyon at mga babasahín ay ibinawal. Gayunman ay regular kaming tumatanggap ng magasing Watchtower. Paano nga nangyari ito? May mga bisita na nagbibiyahe at dumaraan sa parteng makahoy ng looban ng bilangguan patungo sa bayan-bayanan at sa mga gusali ng bilangguan at sa daan ay maingat na naghuhulog sila ng mga magasin na nakabalot sa isang supot na papel. Ako o ang isa pang kapatid ay pupunta roon at kukunin namin ang supot at ang laman niyaon ay ibibigay namin sa mga ibang kapatid. Ang isa pang paraan ng pagkakuha namin ng mga babasahín ay sa pamamagitan ng kabaitan ng isang guwardiya na doon nakatira sa bayan-bayanan. Siya’y nag-iiwan ng mga lumang peryodiko sa balkonahe ng kaniyang bahay. Pagsapit ng sandali na dapat nang kunin ang mga peryodiko, malimit na makikita namin na ang aming mga magasin ay kasama ng mga lumang peryodiko. Nang maglaon, pinayagan kami ng bantay-bilangguan na magdaos nang regular na mga pulong at tumanggap ng mga babasahín sa Bibliya.

Isang araw nang magbaba ako ng mga trabahador sa halamanan ng bantay-bilangguan, nangilabot ako nang husto. Sa aking suot na damit, naikubli ko pala ang aklat ng Samahan na The Truth Shall Make You Free. Nang ang mga preso ay nagtatrabaho na sa halamanan, naupo ako sa trak at maingat na inilabas ang aklat. Subalit anong laki ng aking kabiglaanan nang ang maliit na batang babaing anak ng bantay-bilangguan ay biglang sumulpot buhat sa likuran at ang sabi, “Boo! Ano ba ang binabasa mo?”

Yamang nahuli niya ako sa ganoong ayos na may babasahín na sa talaga’y dapat sanang naiwan sa aking selda, sinabi ko sa kaniya na iyon ay isang aklat na nagpapaliwanag sa Bibliya. Siya’y naging lalong mausisa nang ipakita ko sa kaniya ang isa sa mga larawan ng aklat. Iyon ay tungkol sa isang taong yumuyuko, at kinakalagan ang kaniyang paa ng tanikala. “Maraming mga tao ang ganiyan,” ang sabi ko. “Sila’y nakatanikala sa walang katotohanang mga turo ng relihiyon, at gusto ni Jesus na sila’y palayain sapagkat sinabi niya: ‘Ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.’”​—Juan 8:32, King James Version.

Kinabukasan ang sabi ng ina ng bata: “Simon, sinabi sa akin ng aking anak ang lahat ng pinag-usapan ninyo tungkol sa Bibliya at sa aklat na ipinakita mo sa kaniya. Siya’y hangang-hanga, at sa pakiwari ko ay interesado rin ako roon.” Nakatutuwa naman, ang nangyaring iyon ay hindi nagdulot ng anumang masamang resulta.

Nagsilbi ako ng wala pang kalahati ng aking sentensiya sa bilangguan. Pagkatapos na ako’y makalaya noong 1946, agad-agad na nagpayunir na naman ako at nakisama sa ranggo ng buong-panahong mga ministro.

Paglilingkod sa Bethel

Ang Glad Nations Theocratic Assembly, na ginanap sa Cleveland noong 1946, ay isa pang mahalagang yugto sa aking buhay. Doon ay nag-aplay ako para sa paglilingkod sa Bethel​—ang buong-panahong paglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York.

Dalawang kinatawan ng Samahan, sina Brother Milton Henschel at Robert Morgan, ang nagbigay ng maikling paliwanag tungkol sa paglilingkod sa Bethel at pagkatapos ay kinapanayam nila yaong mga naroroon. Ako’y lumapit sa kanila nang may pag-aatubili. Gayumpaman, minsang pinasimulan ang pakikipagpanayam na iyon, nasumpungan kong sila’y napakabait at praktikal.

“Bakit mo ibig maglingkod sa Bethel?” ang tanong ng isa sa mga kapatid na ito.

“Ginagawa ko po ang lahat ng magagawa ko sa paglilingkuran kay Jehova bilang isang payunir,” ang tugon ko. “Subalit kung ako’y may pagkakataong magtrabaho sa Bethel, natitiyak ko na higit pa ang magagawa ko.”

“Kung ikaw ay papasok sa Bethel, tiyak na makakagawa ka nang higit pa,” ang sabi naman ng isa.

At tama naman siya! Sapol nang unang araw ko sa Bethel, Pebrero 18, 1947, natuklasan ko na ang paglilingkod doon ay totoong kawili-wili at nakagagalak. Pinasasalamatan ko si Jehova araw-araw dahil sa inakay ako ng kaniyang kamay sa gayong kasiya-siyang pribilehiyo sa paglilingkuran.​—2 Tesalonica 3:5.

Mga Katibayan na Aming Nasaksihan Tungkol sa Espiritu ng Diyos

Pagkatapos ng 45 mga taon ng pagkabinata alang-alang sa Kaharian, nasumpungan ko rin ang aking “butihing maybahay,” si Grace Suiter, doon mismo sa Brooklyn Bethel. (Kawikaan 31:10) Siya’y pumasok sa Bethel galing sa Midwest noong 1939, bagama’t siya at ang kaniyang pamilya ay tumanggap ng katotohanan sa California.a Sapol nang kami’y makasal noong 1959, napatunayan namin na ang kamay ni Jehova ay sumasa-kanila na mga umiibig at naglilingkod sa kaniya na may katapatan.

Sa maraming paraan ay nagkakapareho ang aming karanasan sa buhay ng aking mahal na si Grace. Kapuwa kami isinilang noong 1914, ang aming mga pami-pamilya ay kapuwa naghahanap ng katotohanan sa relihiyon, at kami ay kapuwa nagsimulang aktibong makibahagi sa aming mga magulang sa pangangaral sa bahay-bahay sa magkaparehong edad​—12. Isa pa, bilang mag-asawa na naglilingkod sa Bethel, anong laking kagalakan na maranasan namin ang magiting na kusang paghakbang ng organisasyon ng Diyos sa pagtataguyod ng gawain na pagpapatotoo sa “kadulu-duluhang bahagi ng lupa”!​—Gawa 1:8.

Amin bang pinagsisisihan ang bagay na kami’y sumailalim ng kamay ng Diyos? Bahagya man ay walang pinagsisisihan si Grace! “Kami’y hindi nga yumaman sa makasanlibutang mga ari-arian sa paglilingkod namin dito sa Bethel,” ang sabi niya. “Gayumpaman ang aming buhay ay yumaman sa isang lalong mananatiling paraan. Bagaman kami ay walang likas na mga anak, tunay na mayroon naman kaming maraming espirituwal na mga anak.”

Ako man ay wala ring pinagsisisihan! Ang pasiya namin na magpuri kay Jehova sa pamamagitan ng buong-panahong paglilingkod ay napakagaling. Dumanas kami ng isang kasiya-siyang buhay na may dakilang layunin, salamat na lamang at kami’y “nasa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos.”​—1 Pedro 5:6.

[Talababa]

a Nasa Setyembre 1, 1983, labas ng The Watchtower ang salaysay ng buhay ng kaniyang yumaong kapatid, si Grant Suiter, at ng kanilang pamilya.

[Larawan sa pahina 23]

Ang aking mga magulang, sina Joseph at Mary

[Larawan sa pahina 25]

Si Simon at ang kaniyang maybahay, na si Grace

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share