Dapat Bang Bautismuhan ang mga Sanggol?
Hindi naman anyong makasalanan ang sanggol. Subalit ang paghuhugas ng kasalanan ang ibig sabihin ng malaon nang ritwal na ito. Makaitlong itinatakwil ng ninong si Satanas at ang kaniyang mga gawa. Pagkatapos kumukuha ang pari ng munting sisidlan at makaitlong dahan-dahan na nagbubuhos ng tubig sa noo ng sanggol, na nagsasabi: “Binabautismuhan kita sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.”
SA HALOS dalawang libong taon ang mga sanggol ay binabautismuhan sa seremonyang katulad nito. Baka sasabihin ng mga magulang na ito’y isang karanasan na totoong nakababagbag-damdamin. Subalit, ang ganito bang kaugalian ay nagmula sa Salita ng Diyos? Inaamin ng mga teologong Katoliko na ito’y walang batayan doon.—Tingnan ang New Catholic Encyclopedia, Tomo 2, pahina 69.
Basahin sa Bibliya ang aklat ng Mga Gawa, at dagling makikita mo na sa mga sinaunang Kristiyano, ang bautismo ay para doon sa mga ‘nakikinig at tumatanggap ng salita’ nang may unawa at ‘nagsisisi.’ (Gawa 2:14, 22, 38, 41, Douay Version) Mga bagay ito na hindi magagawa ng sanggol! Totoo, may binabanggit ang Bibliya na buong mga sambahayan, tulad baga ni Cornelio, na nabautismuhan.a Magkagayon man, ang bautismo ay para sa mga “nakikinig ng salita”—hindi para sa mga sanggol.—Gawa 10:44-47.
Isang Tradisyon ng Diyos o ng mga Tao?
Dahil sa walang maiturong batayan sa Bibliya, ganito ang sabi ng Vaticano, “Ang kaugalian na pagbabautismo sa mga sanggol ay itinuturing na isang alituntunin ng napakatanda nang tradisyon.” Subalit ang tradisyon bang ito ay si Jesu-Kristo ang nagtatag? Hindi, sapagkat ang bautismo sa sanggol ay hindi naging popular kundi sa loob ng mga ilang panahon pagkatapos ng kamatayan ng mga apostol. Sa katapusan ng ikalawang siglo, ang ama ng simbahan na si Tertullian ay nangatuwiran, “Hayaang [ang mga anak] ay maging mga Kristiyano pagka kanilang nakikilala na si Kristo.”
Gayunman, si apostol Pablo ay nagbabala na sa wakas darating ang panahon na “ang mga tao ay hindi sasang-ayon sa tunay na aral.” (2 Timoteo 4:3, The New American Bible) Nang mamatay na ang mga apostol at wala na sila upang ‘magsilbing panghadlang,’ mga kaugaliang labag sa kasulatan ang sumingit sa pagsambang Kristiyano. (2 Tesalonica 2:6) Kabilang na rito ang bautismo sa sanggol. Subalit ang bautismo sa sanggol ay hindi naging alituntunin kundi noong ikalimang siglo. Nang panahong iyon ay nagkaroon ng mahigpitang pagtatalo na bumago magpakailanman sa Sangkakristiyanuhan.
Iyon ay nagsimula nang isang mongheng Britano na nagngangalang Pelagius ang maglakbay at magtungo sa Roma. Palibhasa’y nagugulumihanan sa kalikuan na nakita niya roon sa gitna ng umano’y mga Kristiyano, hinikayat ng klerong ito ang mga tao na gumawa ng “higit pang pagsisikap sa moral.” Ang tao ay hindi makapagsasabi na ang kaniyang mga kahinaan ay dahil sa ‘orihinal na kasalanan,’ ang sabi ni Pelagius. “Lahat ng mabuti at lahat ng masama . . . ay ginagawa natin, hindi taglay natin nang ipanganak tayo.” Ang doktrina ni Pelagius ay dagling naging usap-usapan sa Sangkakristiyanuhan.
Ngunit hindi ito nagtagal. Ang mga pinuno ng simbahan ay nagkaroon ng paniwala na ang pagtatakwil na ito ng ‘orihinal na kasalanan’ ay erehiya. At walang kamalay-malay si Pelagius na siya pala’y nagsilbing kasangkapan nila dahil sa pag-ayon noon sa isang popular na kaugalian—ang bautismo sa sanggol. Isang obispo na nagngangalang Agustin ang may palagay na ito’y isang di-pagkakatugma. ‘Kung ang mga sanggol ay kailangang bautismuhan,’ ang pangangatuwiran ni Agustin, ‘kumusta naman yaong mga di-bautismado?’ Ang animo’y makatuwirang konklusyon ay na ang gayong mga sanggol ang parurusahan sa apoy ng impierno dahil sa sila’y di-bautismado. Yamang maliwanag na napatatag na nga ang puntong ito, si Agustin ang tumapos ng pag-utas: Yamang ang di-bautismadong mga sanggol nga ay dumaranas ng parusa, ano pa ang maaaring maging dahilan nito kundi ang ‘orihinal na kasalanan’?
Ang turo ni Pelagius ay bumagsak. Isang konsilyo ng simbahan sa Cartago ang pagkatapos ay nagpahayag na ang mga turo ni Pelagius ay erehiya. Ang ‘orihinal na kasalanan’ ay naging bahagi na ng Katolisismo gaya rin ng kompisyunaryo. At ang simbahan ay patungo na ngayon sa landasin na itaguyod ang lansakang kombersiyon—kadalasa’y puwersahan—upang iligtas ang mga tao buhat sa ‘apoy ng impierno.’ Ang bautismo sa sanggol ay hindi na isang popular na kaugalian lamang kundi isang opisyal na instrumento sa kaligtasan, na minana rin ng Protestantismo.
‘Sa Hangganan ng Impierno’
Ang turo ni Agustin ay nagbangon ng mga ilang mahihirap na tanong: Paano ngang ang isang Diyos ng pag-ibig ay magpapangyari na parusahan sa impierno ang walang-malay na mga sanggol? Ang di-bautismadong mga sanggol ba ay tatanggap ng kaparehong parusa gaya ng pusakal na mga makasalanan? Ang mga kasagutan dito ay hindi naging madali para sa mga teologo. Ang sabi ng paring Katoliko na si Vincent Wilkin: “Mayroong mga iba na naniniwalang ang di-bautismadong mga sanggol ay lubos na naghihirap sa lubos na kabagsikan ng mga apoy ng impierno, ang iba naman ay naniniwala na sila’y hindi nilalamon ng apoy kundi pinaiinitan lamang sa temperatura na doo’y nahihirapan sila; ang iba ay naniniwala na bahagyang-bahagya lamang ang ipinaghihirap sa impierno . . . Ang paniwala naman ng iba ay naroon sila sa isang paraiso sa lupa.”b
Datapuwat, ang pinakapopular na teoriya sa lahat ay na ang mga kaluluwa ng mga sanggol na di-bautismado ay naroon sa limbo. Ang literal na kahulugan ng salitang ito ay “hangganan” (tulad baga ng hangganan, o laylayan, ng isang kasuotan) at tumutukoy sa isang lugar na ipinagpapalagay na naroon sa hangganan ng impierno. Para sa mga teologo, ang limbo ay isang ideya na kombinyente. Binabago man din nito ang kakila-kilabot na anyo ng pinarurusahang mga sanggol.
Subalit tulad ng anumang gawang-taong teoriya, mayroon ding mga problema ang limbo. Bakit ito hindi binabanggit sa Kasulatan? Ang mga sanggol ba ay maaaring lumabas sa limbo? At bakit nga kailangang pumunta roon ang walang-malay na mga sanggol? Kaya naman, sinasabi ng simbahan na ang limbo “ay hindi opisyal na turong Katoliko.”c—New Catholic Encyclopedia.
Nagkainitan Uli ang Pagtatalo
Sa loob ng daan-daang mga taon ang mga Katoliko ay nanghawakan sa turo ni Agustin at ini-‘limboproofed’ ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng bautismo. Gayunman, sapol noong 1950’s nagkaroon ng panibagong sigla ang pagtatalo tungkol sa bautismo ng sanggol. Ang mga iskolar na Katoliko ay nagpahayag ng malubhang mga pag-aalinlangan sa batayan nito sa Bibliya. Ang mga iba ay nagsabi naman na hindi nila matatanggap ang turo ni Agustin tungkol sa impierno ni ang limbo man.
Sa simula, ang makamatandang-usong mga pinuno ng simbahan ay tumangging tuminag. Noong 1951 si Papa Pio XII ay nagtalumpati sa isang grupo ng mga kumadrona. Muli niyang idiniin ang paniwala na “ang pagtanggap ng grasya sa sandali ng kamatayan ay lubhang kinakailangan para sa kaligtasan,” at kaniya ring hinimok ang mga kumadrona na sila na ang gumanap ng pagbabautismo pagka sa malas ay mamamatay ang isang bagong-silang na sanggol. “Huwag kayong uurong, kung gayon, sa pagsasagawa ng mapagkawanggawang paglilingkurang ito,” ang payo niya. Gayundin naman, noong 1958 ang Vaticano ay nagbigay ng mahigpit na babala na “ang mga sanggol ay kailangang bautismuhan sa pinakamadaling panahon na maaari.”
Datapuwat, sumiklab na naman ang pagtatalo pagkatapos ng tanyag na konsilyo ng Vaticano II. Sa isang sorpresang pagkilos, ang simbahan ay nag-urong-sulong sa pagitan ng posisyong konserbatibo at liberal. ‘Ang bautismo ay lubos na kinakailangan para sa kaligtasan,’ ang sabi ng konsilyo. Gayunman, kataka-taka nga na ang kaligtasan ay posible din para sa mga taong “hindi nakakaalam sa ebanghelyo ni Kristo bagaman hindi nila kasalanan ito.”d
Ang ginawa naman ngayon ng simbahan ay gumawa ng ilang pagbabago sa seremonya ng pagbabautismo sa sanggol. Bilang isa rito, ang mga pari ngayon ay maaari nang tumangging gumanap ng pagbabautismo kung ang mga magulang ng sanggol ay ayaw mangako na palalakihin ang sanggol bilang Katoliko. Ngayon ba’y lumayo na nga ang simbahan sa turo ni Agustin? Ganiyan ang akala ng iba at nagsimulang mag-alinlangan sa pangangailangan na bautismuhan ang sanggol.
Nang magkagayo’y inilabas ng Vaticano ang kaniyang “Instruksiyon Tungkol sa Bautismo sa Sanggol,” na nagsasabi: “Ang Simbahan . . . ay walang nalalamang ibang paraan maliban sa bautismo para tiyakin ang pagpasok ng mga anak sa kaligayahang walang hanggan.” Sa mga obispo ay ipinagbilin na “ibalik sa tradisyunal na kaugalian yaong mga . . . humiwalay rito.” Subalit kumusta naman ang mga sanggol na namamatay na di nababautismuhan? “Sila’y maipagkakatiwala ng Simbahan sa kaawaan ng Diyos.”
Ang Bautismo ng Sanggol at ang Inyong Anak
Tiyak na maraming taimtim na mga Katoliko ang talagang naguguluhan sa lahat na ito. Gayunman, ang iba ay maaaring naniniwala na, sa kabila ng turong Katoliko, ang bautismo sa paanuman ay nagbibigay sa isang bata ng mabuting pasimula kung tungkol sa relihiyon. Subalit gayon nga kaya? Isang inang Katoliko ang nagsabi: “Mayroon akong dalawang batang-batang mga anak, kapuwa sila binautismuhan nang sila’y mga sanggol, at wala akong nakikitang anumang katiting na grasya sa kanila, manapa’y ang kabaligtaran.”
Ang pagbabautismo sa isang munting sanggol ay hindi tumutulong sa kaniya na lumaki nang may pananampalataya. Ang totoo, labag ito sa utos ni Jesus na: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad [o, “gumawa ng mga tuturuan”] . . . bautismuhan sila. (Mateo 28:19) Ang bautismo ay walang kahulugan maliban sa ang isang tao ay may sapat na gulang upang maging isang alagad. Totoo, mayroong isang “napakatanda nang tradisyon” para sa bautismo sa sanggol. Subalit hindi baga pinagwikaan ni Jesus yaong mga taong ‘nagwawalang-kabuluhan sa salita ng Diyos dahilan sa kanilang tradisyon’?—Mateo 15:6.
Kaya naman, ipinapayo ng Bibliya sa mga magulang na sanayin ang kanilang mga anak sa mga bagay na espirituwal “mula sa pagkasanggol.” (2 Timoteo 3:14-17) Dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova ang payo ng Bibliya na palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Malimit na ito’y ginagawa sa pamamagitan ng isang regular na kaayusan ng pamilya sa pag-aaral ng Bibliya. Ang mga anak ng gayong mga magulang ay tinuturuan nila na dumalo at makibahagi sa mga pulong Kristiyano. (Hebreo 10:24, 25) Kanilang hinihimok ang kanilang mga kabataang anak na gumawa ng “pangmadlang pagpapahayag” ng kanilang pananampalataya. (Roma 10:10) Pagsapit ng panahon, ang kanilang mga anak ay maaaring mapakilos na gumawa ng kanilang sariling pag-aalay kay Jehovang Diyos at sagisagan iyon ng bautismo sa tubig. Ito ay maka-Kasulatan at lalong higit na makabuluhan at kasiya-siya kaysa panonood ng pormalistikong ritwal na ginaganap sa isang walang-malay na sanggol.
Kung ang isang sanggol na Kristiyano ay mamatay bago mabautismuhan, huwag mangamba ang mga magulang na siya’y pinahihirapan sa apoy ng impierno o naroon sa limbo. Itinuturo ng Bibliya na ang mga patay ay walang malay. (Eclesiastes 9:5, 10) Kaya naman ang mga magulang ay maaaliw ng pangako ni Jesus na “ang oras ay dumarating na lahat ng mga nasa libingang alaala ay makakarinig ng kaniyang tinig at magsisilabas” taglay ang pag-asang magkamit ng buhay sa isang isinauling Paraiso. (Juan 5:28, 29; Lucas 23:43) Ang salig-Bibliyang pag-asang ito ay lalong higit na nakaaaliw kaysa pabagu-bago—at nakalilito—na mga tradisyon ng tao.
[Mga talababa]
a Kung minsan ang salitang “sambahayan” sa Bibliya ay maliwanag na nagpupuwera ng mga sanggol. Halimbawa, sa Tito 1:11 ay tinutukoy ang mga apostata na “nagsisipanggulo sa buong mga sambahayan.”—Tingnan din ang 1 Samuel 1:21, 22.
b Si Agustin na rin ang nagsabi na ang di-bautismadong mga sanggol ay “mapapasangkot sa pinakamaliit na sumpa sa lahat.”
c Nang isang kapulungan ng simbahan noong ika-18-siglo ang magpahayag na ang limbo ay “isang pabula ni Pelagius,” si Papa Pio VI ay naglabas ng isang bula na humahatol na ang kapulungang iyon ay erehes. Bagama’t hindi naman lubusang nagtataguyod ng limbo, ang bulang iyon ng papa ay patuloy na bumuhay sa teoriya.
d Sang-ayon sa Katolikong teologo na si Tad Guzie ang bagong katayuan ng simbahan ay “isang katawa-tawang sakramentong schizophrenia na kung saan ang bautismo sa tubig ay isang mahalagang unang yugto ng kaligtasan para sa mga sanggol, ngunit ang katapusang yugto ng isang lalong malawak na kaayusan para sa mga iba pa.”
[Chart sa pahina 7]
Mga Tampok sa Kasaysayan ng Bautismo sa Sanggol
Petsa (C.E.) Pangyayari
c. 193 ․ Ipinangatuwiran ni Tertullian ang
bautismo ng maygulang
253 ․ Ang Konsilyo ng Cartago ay
nagpahayag na ‘ang mga sanggol ay dapat
bautismuhan karakaraka’
412-417 ․ Pagtatalo ni Pelagius at ni Agustin
tungkol sa ‘orihinal na kasalanan’
417 ․ Ang Konsilyo ng Cartago ay nagbawal ng
erehiya ni Pelagius. Ang bautismo sa
sanggol ay naging permanenteng turo
ng Katolisismo
1201, 1208 ․ Si Papa Inocente III ay sumulat na may
pagsang-ayon sa bautismo sa sanggol
1545-1563 ․ Ang Konsilyo ng Trent ay nagpahayag na
“sinumpa” ang sinuman na nagtatakwil sa
bautismo ng sanggol
1794 ․ Sa bula ng papa na Auctorem Fidei ay
sinumpa ang Jansenist Synod na
nagtakdang isang erehiya ang limbo
1951 ․ Idiniin ni Papa Pio XII ang kahalagahan
ng bautismo sa sanggol sa pamamagitan
ng panghihimok sa mga kumadrona na
ganapin ang ritwal kung may
biglaang pangangailangan
1958 ․ Iniutos ng Vaticano na ‘ang mga sanggol
ay kailangang bautismuhan sa
pinakamadaling panahon’
1963-1965 ․ Ang Second Vatican Council ay nag-utos
na posible ang kaligtasan nang walang
bautismo. Iniutos na gumawa ng mga
pagbabago sa seremonya ng bautismo
sa sanggol
1980 ․ Muling pinagtibay ng Vaticano ang
kaugalian na pagbabautismo sa sanggol,
at sinabi na siya’y ‘walang alam na
ibang paraan para ang mga sanggol ay
makapasok sa kaligayahang walang
hanggan’