‘Paghawak sa Araro at Hindi Paglingon’
HABANG pasakay ako sa eroplano patungo sa aking bagong tahanan sa Bolivia, ang mga salita na isinulat sa akin ng aking ina sa kaniyang huling liham ay patuloy na naglaro sa aking isip. “Walang tao, pagkatapos humawak sa araro, at lumingon, ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:62, King James Version) Disidido akong ikapit ang mga salitang ito.
Bagaman magiging isang bagong karanasan noon ang pagmimisyonero, mga limang taon din na nakatikim ako ng buong-panahong paglilingkod. Ang katotohanan ay itinuro sa akin ng aking mga magulang, na noong 1923 ay nagsimulang makipag-aral sa mga Bible Students, na iyon ang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman ako’y apat na taon lamang noon, ibig kong maunawaan ang mga lathalain ng Watch Tower Society. Gayunman, sa loob ng maraming taon ang pamilya ko ay walang gaanong nagawa tungkol sa katotohanan. Manakanaka ang iba sa aming mga kapitbahay na mga Bible Students ay dumadalaw sa amin. Natatandaan ko pa rin na si Itay ay nangangapitbahay upang makinig sa mga pahayag ni Judge Rutherford sa radyo.
Noong 1938 lamang nagsimulang magbunga ang mga binhi ng katotohanan. Si Inay—ngayo’y diborsiyada na at muling nag-asawa—ay nagsimulang tumanggap at masugid na nagbasa ng mga lathalain buhat sa mga Saksi ni Jehova. Ganiyan na lang ang aking kagalakan nang mapag-alaman ko na “isang malaking pulutong” ang makakaligtas sa pagkawasak ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay at mabubuhay magpakailanman sa lupa. (Apocalipsis 7:9-14) Kailangan palang ibalita sa iba ang impormasyong ito!
Kaya’t pagkatapos mabautismuhan ako noong Hunyo 1939, pinag-isipan ko na ang maging isang buong-panahong ministro, o payunir. Nang ako’y lumipat sa Colorado, nakilala ko si Helen Nichols at ang kaniyang ina—dalawang pinahirang mga sister na mga regular payunir. Dahilan sa magagandang karanasan na sa tuwina’y binibida nila lalo akong nahimok na magpayunir. Kaya, noong Mayo 1940 ay inatasan ako na maging payunir sa Salida, Colorado.
Pag-aaral sa Gilead at Pagkadestino sa Ibang Bansa
Pagkaraan ng mga ilang taon na pagpapayunir sa iba’t ibang panig ng Colorado at Indiana, ako’y inanyayahan na mapabilang sa ikatlong klase ng Gilead. Ito’y isang paaralan na organisado ng Watchtower Society para sa pagsasanay sa mga misyonero. Limang kahanga-hangang mga buwan na tinamasa ko ang mga pagpapala ng Gilead School, subalit pagkatapos ng graduwasyon ay hindi naman kaagad ako idinestino sa ibang bansa. Noon ay kasalukuyang nagaganap ang Digmaang Pandaigdig II! Kaya’t pansamantala ako ay inatasang gumawa kasama ng pito pang sister sa West Haven, Connecticut. Noong 1945 ay inatasan ako na gumawa sa Washington, D.C. Gayumpaman, hindi nagtagal at handa na ako upang tumungo sa pagmimisyonero sa ibang bansa: La Paz, Bolivia.
Bago ako idinestino roon, hindi ko man lamang naririnig ang anuman tungkol sa Bolivia! Hindi kataka-takang mabahala ako samantalang pasakay kami sa eroplano at mag-isip ng ganito: Ano kaya ang magagawa ko bilang isang misyonero? Makapanatili kaya ako dito? Natatandaan ko pa ang payo ni Inay na ‘humawak sa araro at huwag lilingon’ at ito ang nagpalakas-loob sa akin na maging disididong magtagumpay bilang misyonero. At, hindi naman ako mag-iisa sa bagong atas na ito. Kasama ko rin ang aking kapatid na babae at ang kaniyang asawa na kabilang sa nagtapos sa ikaapat na klase ng Gilead. Noong Hunyo 9, 1946, ang aming eroplano ay lumapag sa La Paz.
Kasalukuyang Nagaganap Noon ang Rebolusyon
Nang mismong araw na dumating ako, mayroong nagsimula ng isang rebolusyon nang kaniyang bagsakan ng bomba ang Government Palace. Nagmintis ang bomba, pati ang rebolusyon. Subalit wala pang dalawang buwan ang nakalipas, isa pang rebolusyon ang sumiklab, at marami ang nasawi at nasugatan. Ang pangulo ng bansa, kasama ang ilan sa kaniyang mga ministro, ay ibinitin sa isang poste ng ilaw sa plasa ng bayan. Ganiyan ang unang karanasan ko sa Bolivia.
Gayunman, pagkaraan ng kakila-kilabot na pagbububong iyon ng dugo, nagawa namin na ‘aliwin yaong mga namimighati,’ at marami sa mapagpakumbabang mga taga-Bolivia ang handang makipag-aral sa amin ng Bibliya. (Isaias 61:1, 2) Noong mga araw na iyon, malimit na gumagamit kami ng isinaplakang mga sermon sa pagpapatotoo sa mga tao. Kaya kami’y may dala-dalang ponograpo at bag ng mga aklat sa pamamanhik-manaog sa matatarik na mga burol ng La Paz sa nakalululang taas na 12,000 piye (3,660 m). Dahilan sa limitado ang alam kong Kastila, ang akala ng iba ay ibinebenta ko ang ponograpo at mga plaka!
Nagkaroon ako ng maraming karanasan bilang isang bagong misyonero. Isang araw, sa aking pagbabahay-bahay sa isa sa mga nakaririwasang lugar ng La Paz, isang utusang babae ang nagbukas ng pinto at inanyayahan akong tumuloy. Ang maybahay na babae ay nakinig sa aking presentasyon at sumuskribe sa The Watchtower. Bakit maganda kaagad ang kaniyang pagtugon? Kaya pala ay kauopera lamang niya, at nang siya’y naroroon sa klinik nabasa na niya ang Bibliya. Natuklasan niya na ang mga aral ng Bibliya ay may malaking kaibahan sa itinuturo ng kaniyang relihiyon, kaya’t sabik na sabik siyang basahin ang literatura na iniwan ko sa kaniya. Subalit, bago ko nagawang dumalaw muli, ako ay kaniyang pinaghanap na, at sa wakas ay nasumpungan niya ako na nasa isang panulukang daan at nag-aalok ng mga magasing Watchtower at Awake! sa mga nagdaraan. ‘Pakisuyong pumunta ka sa amin!’ ang ipinagpumilitan niya. Siya’y mabilis na sumulong sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya at hindi nagtagal ay nabautismuhan. Ngayon, 30 taon ang nakalipas, siya ay isa pa ring tapat na lingkod ni Jehova.
Isang Maruming Manika
Pagkatapos na gumawang 11 taon sa La Paz, kami’y inatasang gumawa sa timugang panig ng Bolivia. Kaya, ang aking kapatid na babae at ang kaniyang asawa, ang aking partner na si Esther Erickson, at ako ay nagtungo sa isang munting bayang tinatawag na Tupiza. Ito’y noong Pebrero 1957. Ang Tupiza ay malapit sa riles ng tren sa pagitan ng Bolivia at Argentina. Ang mga tao roon ay palakaibigan, at madaling makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Sa katunayan, kami’y nakapagtatag agad ng regular na mga pulong, na dinaluhan ng marami na taga-Tupiza.
Isang araw, may nakuha kaming isang maruming manika sa aming harapan. Ano kaya ang ibig sabihin nito? Marahil ang pari ay nagbabala sa mga tao laban sa mga Saksi ni Jehova, kaya mayroon doon na ibig na kami’y makaranas ng hechizo, o kulam! Datapuwat, walang nagawa sa amin ang kanilang hechizo.
Dahilan sa isang napakaliit na bayan naman ang Tupiza, si Esther at ako ay muling idinestino sa Villazón, isa pang maliit na bayan sa hangganan ng Bolivia at Argentina. Ang lugar na ito ay tigang, mahangin, at maginaw! Subalit hindi kami nasiraan ng loob, sapagkat kami’y nagtitiwala na pagpapalain kami ni Jehova.
Nang kami ni Esther ay magsimulang gumawa sa bayan, napansin namin na ang mga tao ay may mga karatula sa kanilang mga bintana na nagsasabi: “Hindi Tinatanggap Dito ang mga Saksi ni Jehova at mga Evangelist.” Gayunman ang mga tao sa Villazón ay walang anumang ideya kung sino nga ba ang mga Saksi ni Jehova! Tulad sa Tupiza, isang pari ang nanghimasok, ipinamahagi niya sa simbahan ang gayong mga karatula para ilagay ng mga tao sa kanilang mga bintana. Sa kabila ng mga karatulang iyon, kami’y tinanggap ng mga tao, at nakapamahagi kami ng maraming literatura at nakapagpasimula ng maraming mga pag-aaral sa Bibliya. Unti-unting nawawala sa mga bintana ang mga karatula.
Subalit, saan kaya kami makapagpupulong? Ang isang kuwarto ng aming munting apartment ay ginawa naming Kingdom Hall. Para magsilbing upuan kami’y nagpatong ng mga tabla sa mga karton ng aklat. Wala roong mga kapatid na lalaking bautismado, kaya’t kami ni Esther ay naglagay sa ulo ng talukbong at kami na rin ang nanguna sa mga pulong. Tuwang-tuwa kami, sapagkat sa unang Memoryal ng kamatayan ni Kristo na ginanap namin doon, mahigit na isang daan ang dumalo! Totoo, ang iba’y dumalo para mag-usyoso at makita kung paano nangunguna sa kanilang mga pulong ang mga gringas (mga babaing banyaga). Subalit ang iba sa mga nagsidalo noon ng dahil sa pag-uusyoso lamang ay mga Saksi na ngayon.
Kami ay gumawa rin sa maliit na bayan ng La Quiaca, Argentina, at doon ay nakapagsimula kami sa mga interesado ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Dahilan sa madalas kaming tumawid sa hangganan, kami’y nakatawag-pansin sa pulis sa hangganan. Isang araw, nang kami’y pauwi na galing sa La Quiaca, sinabihan kami ng patrolya na huwag naming gawing totoong lantaran ang aming gawain, sapagkat ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal sa Argentina. Sinabi ko sa kaniya: “Alam kong garantisado ng inyong gobyerno ang kalayaan ng pagsamba.” Ayon sa sagot niya ang mga pari ang nag-udyok sa mga ministro sa pamahalaan, at ang resulta’y ang pagbabawal. Anupa’t pagkaraan niyaon siya’y tumatalikod na lamang tuwing kami’y tatawid sa hangganan tungo sa Argentina!
Apat na taon na kami’y gumawa sa Villazón. Ang kasama ko’y nakipag-aral sa isang lalaki na ang asawa’y nagpapalakad ng isang chichería, na kung saan may mabibiling mga inumin na gawa sa pinakasim na mais. Ang lalaking ito’y nakaalam ng katotohanan at nang magtagal ay nabautismuhan, at siya’y naglingkod bilang isang elder hanggang sa kaniyang kamatayan. Ano ang nangyari sa chichería? Ngayon ay isa na itong Kingdom Hall! Nang umalis kami sa Villazón, may kongregasyon doon na 20 ang mamamahayag. Ngayon ay mayroon doong mga 60 Saksi, at mga 110 ang dumadalo sa mga pulong kung dulo ng sanlinggo.
Kailanma’y Hindi Ako ‘Lumingon’
Mula sa Villazón kami ay nadestino sa Santa Cruz, isang lunsod sa silangang panig ng Bolivia. Anong laking kagalakan na masaksihan ang paglago ng gawain buhat sa isang munting kongregasyon na may 20 mamamahayag hanggang sa maging siyam na mauunlad na kongregasyon. Pagkatapos, noong 1965, bumalik ako sa La Paz upang doon manirahan sa isa sa mga tahanang misyonero, at naroon ako hanggang ngayon.
Noong Pebrero 1978 ako’y nabagsakan ng isang pader na bato nang ako’y bumababa sa isang city bus. Napakalubha ang pagkabali ng aking kanang binti na anupa’t kinailangan na mag-aral uli ako ng paglalakad. Subalit ngayon ay nakabalik na uli ako sa paglilingkod at sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
Hindi, ang buong-panahong paglilingkod ay hindi naging madali sa tuwina. Ito’y mayroong kagalakan at kalungkutan, dalamhati at pagkabigo. Subalit ang kasayahan sa pagkatagpo mo ng mga taong tulad-tupa at pagtulong mo sa kanila na maglingkod kay Jehova ay nakahihigit kaysa anumang mga kabiguan. Ngayon, pagkatapos ng halos 44 na mga taon sa buong-panahong paglilingkod, ako’y disidido higit kailanman na manatiling ‘nakahawak sa araro’ at makibahagi sa gawain na natitira pa upang tapusin.—Ayon sa paglalahad ni Betty Jackson.
[Larawan sa pahina 28]
Si Betty Jackson na nangangaral ng mabuting balita sa Bolivia