Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit may mga nag-aangking naniniwala pa rin sa Diyos, sa Bibliya, at kay Jesu-Kristo na itiniwalag (excommunicated) ng mga Saksi ni Jehova dahil sa apostasya?
Ang gayong mga tumututol ay nagsasabi na maraming mga organisasyon ng relihiyon na nag-aangking Kristiyano ang pumapayag na umiral sa kanila ang naiibang mga kuru-kuro. Kahit na ang mga ibang klerigo ay di sang-ayon sa saligang mga turo ng kanilang iglesya, sila’y nananatiling nasa mabuting katayuan doon. Sa halos lahat ng mga denominasyon ng Sangkakristiyanuhan ay mayroong mga modernista at mga pundamentalista na talagang hindi magkasundo kung tungkol sa pagkakinasihan ng Kasulatan.
Subalit, ang ganiyang mga halimbawa ay hindi dahilan para kami ay gumawa rin ng ganiyan. Bakit hindi? Marami sa gayong mga denominasyon ang nagpapahintulot sa lubhang nagkakaiba-ibang mga paniwala ng klero at ng lego sapagkat kanilang inaakala na hindi nila matiyak kung ano nga ang katotohanan ng Bibliya. Sila’y kagaya ng mga escriba at mga Fariseo noong kaarawan ni Jesus na hindi makapagsalita bilang mga taong may awtoridad, di-gaya ng pagtuturo ni Jesus. (Mateo 7:29) Isa pa, yamang ang mga relihiyonista ay naniniwala sa interfaith (o pagkakaisa ng mga relihiyon), sila’y obligado na huwag gaanong pansinin ang nagkakaiba-ibang mga paniwala.
Subalit ang pagkakaroon ng ganiyang pangmalas ay walang batayan sa Kasulatan. Si Jesus ay hindi nakiisa sa alinman sa mga sekta ng Judaismo. Ang mga Judio sa mga sektang iyon ay nag-aangkin na naniniwala sa Diyos na lumalang at sa Kasulatang Hebreo, lalo na sa Kautusan ni Moises. Gayunman, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na “mag-ingat . . . sa turo ng mga Fariseo at mga Saduceo.” (Mateo 16: 11, 12; 23:15) Pansinin din ang pagdiriin ni apostol Pablo sa mga bagay-bagay: “Kahit na kami o isang anghel na mula sa langit ang mangaral sa inyo ng mabuting balita na iba kaysa mabuting balita na ipinangaral namin sa inyo, siya’y itakwil ninyo.” Pagkatapos ay inulit ni Pablo ang pangungusap na iyan bilang pagdiriin.—Galacia 1:8, 9.
Ang pagtuturo ng napapaiba o kakaibang mga paniwala ay hindi kasuwato ng tunay na pagka-Kristiyano, gaya ng nililiwanag ni Pablo sa 1 Corinto 1:10: “Ako’y nakikiusap sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na lahat kayo ay magkaisa-isa upang huwag magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo at na kayo’y lubusang magkaisa sa isip at kaisipan.” (New International Version) Sa Efeso 4:3-6 ay sinabi pa niya na dapat “lubusang pinagsusumikapan [ng mga Kristiyano] na ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa tagapagkaisang buklod ng kapayapaan. May isang katawan, at isang espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pag-asa na pagkatawag sa inyo; isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo; isang Diyos at Ama ng lahat.”
Ang pagkakaisa bang ito ay makakamit at mapananatili kung bawat isa’y magsasaliksik ng kaniyang sarili lamang sa Kasulatan, gagawa ng kaniyang sariling mga konklusyon, at pagkatapos ay ituturo ang mga ito? Hinding-hindi! Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang Diyos na Jehova ay naglaan ng “ilan bilang mga apostol, . . . ng ilan bilang mga ebanghelisador, ng ilan bilang mga pastol at guro . . . hanggang sa tamuhin nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, hanggang sa ganap na pagkalalaki.” Oo, sa tulong ng gayong mga ministro, ang pagkakaisa ng kongregasyon—pagiging isa sa turo at gawain—ay maaaring mangyari.—Efeso 4:11-13.
Maliwanag, ang aprobadong pakikisama sa mga Saksi ni Jehova ay hindi maaaring nakasalig lamang sa paniniwala sa Diyos, sa Bibliya, kay Jesu-Kristo, at iba pa. Ang papa ng mga Romano Katoliko, gayundin ang Anglicanong Arsobispo ng Canterbury, ay nag-aangkin na mayroong gayong mga paniwala, subalit sila’y hindi mga miyembro ng iisang relihiyon. Gayundin naman, hindi como ang isa’y mayroong gayong mga paniwala ay may karapatan na siyang makilala bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.
Upang ang isa’y maging aprobadong kasamahan ng mga Saksi ni Jehova kailangang tanggapin niya ang lahat ng katotohanang turo ng Bibliya, kasali na yaong mga turo ng Kasulatan na mga Saksi lamang ni Jehova ang nagtuturo. Ano ba ang mga turong iyan?
Na ang dakilang isyu sa harap ng sangkatauhan ay ang pagkamatuwid ng soberanya ni Jehova, na siyang dahilan kung bakit pinayagan niya ang kabalakyutan sa loob ng napakahabang panahon. (Ezekiel 25:17) Na si Jesu-Kristo ay umiiral na bago pa maging tao at mababa kaysa kaniyang makalangit na Ama. (Juan 14:28) Na mayroong isang “tapat at maingat na alipin” sa lupa ngayon na ‘pinagkatiwalaan ng lahat ng makalupang mga intereses ni Jesus,’ at ang aliping ito ay kaugnay ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. (Mateo 24:45-47) Na ang 1914 ang katapusan ng mga Panahong Gentil at nang taon na ito natatag ang Kaharian ng Diyos sa langit, at noon din nagsimula ang panahon para sa inihulang pagkanaririto ni Kristo. (Lucas 21:7-24; Apocalipsis 11:15–12:10) Na tanging 144,000 mga Kristiyano ang tatanggap ng makalangit na gantimpala. (Apocalipsis 14:1, 3) Na ang Armagedon, tumutukoy sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ay malapit na. (Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21) Na ito’y susundan ng Milenyong Paghahari ni Kristo, na magsasauli ng paraiso sa buong lupa. Na ang unang mamumuhay rito ay ang kasalukuyang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ni Jesus.—Juan 10:16; Apocalipsis 7:9-17; 21:3, 4.
Tayo ba’y may batayan sa Kasulatan para sa ganiyang mahigpit na paninindigan natin? Mayroon! Si Pablo ay sumulat tungkol sa mga iba noong kaniyang kaarawan: “Ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng gangrena. Kabilang sa mga ito sina Himeneo at Fileto. Ang mga taong ito’y humiwalay na sa katotohanan, na sinasabing ang pagkabuhay-muli ay nangyari na; at kanilang inililigaw ang pananampalataya ng iba.” (2 Timoteo 2:17, 18; tingnan din ang Mateo 18:6.) Walang anumang nagpapakita na ang mga taong ito ay hindi naniniwala sa Diyos, sa Bibliya, sa hain ni Jesus. Datapuwat, batay sa nag-iisang saligang puntong ito, yaong kanilang itinuturo tungkol sa panahon ng pagkabuhay-muli, si Pablo ay may katuwiran na uriin sila na mga apostata, na sa kanila’y hindi dapat makisama ang tapat na mga Kristiyano.
Gayundin naman, tinawag ni apostol Juan na mga anti-Kristo yaong hindi naniniwala na si Jesus ay naparito bilang tao. Marahil sila’y naniniwala sa Diyos, sa Kasulatang Hebreo, kay Jesus bilang Anak ng Diyos, at sa mga iba pa. Subalit sa puntong ito, na si Jesus ay talagang naparito bilang tao, sila’y di sumasang-ayon at sa gayo’y tinawag sila na “mga anti-Kristo.” At sinabi pa ni Juan tungkol sa taong mayroon ng gayong naiibang mga paniwala: “Kung sa inyo’y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin siya sa inyong mga tahanan o batiin man. Sapagkat ang bumabati sa kaniya ay nakakaramay sa kaniyang mga gawang balakyot.”—2 Juan 7, 10, 11.
Sa pagsunod sa ganiyang mga halimbawa sa Kasulatan, kung isang Kristiyano (na nag-aangking naniniwala sa Diyos, sa Bibliya at kay Jesus) ang walang pagsisising nagtataguyod ng mga turong di-katotohanan, baka kailangan na siya’y itiwalag sa kongregasyon. (Tingnan ang Tito 3:10, 11.) Kung sa bagay, kung ang isang tao’y may mga pag-aalinlangan lamang o walang kaalaman sa isang punto, kuwalipikadong mga ministro ang maaaring maibiging tumulong sa kaniya. Ito’y naaayon sa payo: “Patuloy na pakitaan ninyo ng awa ang mga iba na nag-aalinlangan; iligtas ninyo sila sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila sa apoy.” (Judas 22, 23) Kung gayon, ang tunay na kongregasyong Kristiyano ay hindi matuwid na mapaparatangan na dogmatiko o totoong marahas kumilos, kundi ito’y lubhang nagpapahalaga at gumagawa tungo sa pagkakaisa na ipinapayo ng Salita ng Diyos.