Pagtatamasa ng Kaluguran sa Salita ni Jehova
Maligaya ang tao . . . [na ang] kaluguran ay nasa kautusan ni Jehova.”—AWIT 1:1, 2.
1. Sino ang mga inatasan na magturo sa iba ng “mga bagay na isiniwalat” ni Jehova?
YAMANG “ang mga bagay na isiniwalat” ay lubhang mahalaga para sa ating kaligtasan, kadalasan na inaatasan ni Jehova ang responsableng mga tao upang maging mga tagapagturo ng isiniwalat na katotohanan. (Deuteronomio 29:29) Sa Israel, ang mga saserdote at mga Levita ang gumawa nito. (Levitico 10:8-11; 2 Cronica 35:3) Pati na rin ang mga magulang na Israelita ay nagturo sa kanilang mga anak. (Deuteronomio 11:19; Kawikaan 6:20) Noong unang siglo C.E., inatasang karampatang mga matatanda ang nagsilbing mga guro sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, at ang mga magulang na Kristiyano ay pinayuhan na turuan ang kanilang mga anak. (Efeso 6:4; 1 Timoteo 3:2; 2 Timoteo 2:2) Isa pa, bawat Kristiyano ay may pananagutan na ihayag sa mga taong nasa labas ng kongregasyong Kristiyano ang isiniwalat ni Jehova na mga bagay.—Gawa 1:8.
2. Sapat na ba ang umasa lamang sa iba na magturo sa atin ng Salita ni Jehova? Ipaliwanag.
2 Subalit sapat na ba na umasa lamang sa iba upang magturo sa atin ng Salita ng Diyos? Hindi. Bawat isa sa atin ay may sariling pananagutan na mag-aral ng “mga bagay na isiniwalat” ni Jehova. Kaya naman, ang salmista ay sumulat sa mga kapuwa Israelita: “Maligaya ang tao . . . [na ang] kaluguran ay nasa kautusan ni Jehova, at ang kaniyang kautusan ay kaniyang binabasa at binubulay-bulay araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Pati si apostol Pedro ay nagpatibay-loob sa mga kapuwa mananamba, nang sumulat: “Magnasa kayo ng gatas na walang daya na ukol sa salita, upang sa pamamagitan nito’y magsilago kayo sa ikaliligtas.”—1 Pedro 2:2.
3. Dahil sa natural na hilig ng marami ano ang kailangan upang makapag-aral?
3 Kumusta ang iyong pangmalas sa pag-aaral ng Bibliya? Kung palagian kang dumadalo sa mga pulong Kristiyano, tiyak na nakaririnig ka ng maraming maiinam na pagtalakay salig sa Bibliya. At kung ikaw naman ay ‘lumaki sa katotohanan,’ gaya nga ng sabi ng iba, tiyak na tinuruan ka ng iyong mga magulang ng marami sa “mga bagay na isiniwalat” ni Jehova. Subalit bukod diyan, iyo bang sarilinan o personal na pinag-aaralan ang Bibliya? Maliwanag na nagustuhan ng salmista ang ganiyang uri ng pag-aaral, ngunit marahil ikaw ay hindi nadadalian sa ganiyang uri ng pag-aaral. Kung gayon, hindi ka nag-iisa. Ang bagay na kinasihan si Pedro na himukin ang mga kapananampalataya na “magnasa ng . . . salita” ay nagpapahiwatig na hindi magiging natural para sa marami ang personal na pag-aaral. Subalit maaari nating pag-aralan na gustuhin iyon. Paano?
4. Anong paghahalimbawa ang nagpapakita na ang sarilinan o personal na pag-aaral ay maaaring gawing lalong nakahihikayat?
4 Bueno, ano kaya kung sasabihin sa iyo na humukay ka nang malalim sa lupa? Maliban kung ikaw ay natural na mahilig sa mabigat na pagtatrabaho, hindi mo aasam-asamin ang trabahong iyon. Subalit ipagpalagay natin an sinabi sa iyo na may nakabaóng kayamanan sa lupang iyon? Ngayon, ang paghuhukay ay hindi magiging totoong mabigat sa pakiwari mo! Baka pa nga maging kapana-panabik iyon. habang inaasam-asam mo na mahuhukay mo ang nakabaóng kayamanan. Gayundin naman, kahit wala kang natural na hilig sa pag-aaral, ang pag-aaral ay maaaring maging kawili-wili at maging totoong nakatutuwa pa nga kung mayroon ka ng tamang saloobin. At mayroong mga paraan upang mapasulong ang saloobing ito.
Pagyamanin ang Tamang Saloobin
5, 6. Banggitin ang ilan sa walang katulad na mga pagpapala na natatamo natin sa pamamagitan ng isiniwalat sa Salita ni Jehova.
5 Una, palaging bulay-bulayin natin ang malaking kayamanan na nasa Bibliya. Si apostol Pablo ay bumulalas: “Oh anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!” (Roma 11:33) Ang mga layunin ni Jehova, baytang-baytang na isiniwalat sa loob ng libu-libong mga taon ay kasindak-sindak, na nagbubukas sa atin ng pag-asa na kagila-gilalas at sigurado. Ang payo sa pamumuhay na ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ay laging magdudulot ng tagumpay kung ikakapit. (2 Timoteo 3:16) Kaya naman ang salmista ay umawit: “Ang mismong isinisiwalat ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag, nagpapaunawa sa mga walang karanasan”!—Awit 119:130.
6 Isa pa, nasa Bibliya ang mga kaisipan ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kaisipang ito, tayo’y lalong napapalapit sa kaniya. (Santiago 4:8) At, tayo’y sinugo na magturo sa iba upang sila’y maging mga alagad ni Jesus. (Mateo 28:19, 20) Yamang ang Bibliya ang ating pangunahing kasangkapan sa gawaing ito, kailangang pag-aralan natin ito, upang magamit ito nang buong husay. (Efeso 6:17; 2 Timoteo 2:15) Sa wakas, kung puno ang ating isip ng mga kaisipan na salig sa Bibliya ito ay isang proteksiyon sa atin, natutulungan tayo na lumakad sa ating katapatan at iwasan ang mga alinlangan na nagpapahina ng pananampalataya at ang mga maling kuru-kuro.—Kawikaan 4:5, 6; 20:7; Filipos 4:8.
7, 8. Tungkol sa “mga bagay na isiniwalat,” bakit tayo higit na pinagpala ngayon kaysa mga lingkod ng Diyos noong lumipas na mga panahon?
7 Pag-isipan din na sa ngayon nagagawa natin na “lubusang matalastas kasama ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at ang lalim” ng katotohanan na noong nakalipas ay hindi nagagawa ng mga lingkod ng Diyos. (Efeso 3:14-18) Subalit alalahanin, nilisan ni Abraham ang kaniyang sariling lunsod at ang kaniyang nalalabing buhay ay ginugol sa mga tolda bagaman noon ay hindi niya masasaksihan sa tanang buhay niya ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. (Hebreo 11:8-10) At isinamo ni Daniel na ipaunawa sa kaniya ang mga pangitain na kaniyang nasaksihan subalit sa kaniya’y sinabi: “Ang mga salita ay inilihim at nasarhan hanggang sa panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:8, 9) Sa ngayon, ang Binhi na hinintay noon ni Abraham ay malaon nang lumitaw. Ngayon, tayo’y nabubuhay sa “panahon ng kawakasan” na ang kahulugan ng malaking bahagi ng pangitain na nakita ni Daniel ay napadagdag sa ating unawa sa “mga bagay na isiniwalat.”
8 Si apostol Pedro ay sumulat: “Tungkol sa pagliligtas na ito ay masikap na nagsiyasat at maingat na nagsaliksik ang mga propeta na nagsihula tungkol sa di-sana nararapat na awa na para sa inyo. Ito’y inihayag sa kanila na, hindi sa ganang kanilang sarili, kundi sa ganang inyo, pinangangasiwaan nila ang mga bagay na ito na ngayo’y ibinalita sa inyo . . . na ang mga bagay na ito ay ninanasang mamasdan ng mga anghel.” (1 Pedro 1:10, 12) Yamang ngayo’y binigyang-liwanag na ni Jehova ang napakaraming bagay na ninasang malaman ng mga sinaunang propetang iyon, ating pahalagahan ang mga katotohanang ito at huwag ipagwalang-bahala.
9, 10. Anong mga halimbawa ang dapat umakay sa atin na pahalagahan ang kalayaan na taglay ng karamihan sa atin sa personal na pag-aaral ng Bibliya?
9 Upang magkaroon ng tamang saloobin, pahalagahan natin ang puspusang pakikipagbaka na dinanas ng iba para makapag-aral ng Bibliya. Noong kaarawan ni William Tyndale, isang krimen para sa kaninumang mamamayang Ingles na magbili, bumili, o magbasa ng isang salin ng Kasulatang Griego sa kaniyang sariling wika. Si John Foxe, ang predikador na Puritan noong ika-16 siglo, ay nag-ulat na isang bagong kakukumberte ang nagpuslit ng mga ilang Bibliya sa Espanya. Siya’y ipinagkanulo at sinunog sa tulos, at 800 ng mga nagsibili ng Bibliya ay inaresto. Dalawampu ang mistulang nilitson sa mga tuhugan. Ang mga iba ay ibinilanggo habang buhay, ginulpe sa harap ng madla, o binitay. Ang ilan ay pinawawalang-sala.
10 Sa modernong panahon din ang mga Saksi ni Jehova kung minsan ay kailangang mag-aral ng Bibliya sa gitna ng malaking panganib. Sa mga concentration camp o mga bilangguan, kanilang isinapanganib ang kanilang buhay sa parusa o kamatayan upang makahawak lamang ng isang Bibliya. Isang misyonero, na ikinulong nang nagsosolo dahilan sa kaniyang pananampalataya ang nagtala ng lahat ng mga kasulatan na kaniyang natatandaan at kaniyang hinalughog din ang mga “pangrelihiyon” na mga tudling sa mga pahayagan para makakita ng baka-sakaling napalathala doon na mga bersikulo sa Bibliya. Sa loob ng mga ilang taon, iyan ang tanging paraan ng kaniyang pagbabasa ng Bibliya. Oo, pagka ibinawal ang Bibliya, ang mga Kristiyano ay dumaraan sa malaking pagsubok upang mabasa iyon. Sila ba’y higit na masikap kaysa atin gayong, kadalasan, wala tayong dapat gawing kundi kunin iyon sa taguang aparador?
11. Dahil ba sa bagay na may mga impormasyon na paulit-ulit na tinatalakay ay hindi na tayo gaanong mababahala tungkol sa pag-aaral ng Bibliya?
11 May mga nagsasabi na sila’y di-gaanong nahihirapan sa pagsagot sa mga tanong sa magasing Bantayan sapagkat ang mga ibang materyal ay inuulit. Kaya, hindi na nila nakikita na kailangan ang personal o sarilinan na pag-aaral. Ang gayong mga tao ay di-gaanong nagpapahalaga sa pag-ulit-ulit. Mahal ng salmista ang mga paalaala ni Jehova, kaya dapat din na ganoon tayo. (Awit 119:119) Tandaan, patuloy na pinababaha sa atin ng sanlibutan ang imoral, materyalistikong propaganda. Kaya kailangang patibayin natin ang ating mga isip laban dito sa tulong ng paulit-ulit na mga paalaala ng Bibliya.
Magsikap na Daigin ang mga Problema
12. Magbigay ng mga ilang praktikal na mungkahi para madaig ang problema ng paghanap para makasumpong ng panahon para sa pag-aaral ng Bibliya.
12 Ang isang tao na may tamang saloobin sa pag-aaral sa Bibliya ay kadalasan makakasumpong ng paraan ng pag-aaral, subalit baka ito hindi madali. Baka may mga problema na dapat madaig. Halimbawa, saan sa magawaing buhay ngayon makakasumpong tayo ng panahon para sa sarilinang pag-aaral? Ang unang hakbang sa paglutas sa problemang ito ay kilalanin na kailangan ang pag-aaral sa Bibliya, tulad din ng ministeryo sa larangan at ng pagdalo sa mga pulong. (1 Timoteo 4:15) Pagkatapos ay maaari nating suriin ang ating pang-araw-araw na gawain para makasumpong ng dako para dito. Mayroong iba na nakapag-aaral samantalang nagbibiyahe sakay ng sasakyang pampubliko. Ang iba naman ay nakikinig sa inirekord na mga babasahín sa Bibliya habang nagmamaneho o pagka nagtatrabaho sa bahay. Ang iba ay nag-aaral pagkatapos makapananghalian samantalang “lunch-break” sa kanilang trabaho. Mayroong iba na maaga-agang gumisising kung umaga at nag-aaral sandali bago magsimula ang rutina ng trabaho o kaya’y gumugol sila ng panahon sa pag-aaral sa gabi pagka natutulog na ang mga bata. Kadalasan kailangang bawiin natin ang panahon buhat sa mga ibang aktibidades—marahil kahit sa mga paglilibang natin—para sa pag-aaral. (Colosas 4:5) Subalit nakikita ng iba na hindi nagtatagal at nababatid nila na hindi nila gaanong kailangan ang mga iba pang uri ng paglilibang sapagkat ang pag-aaral mismo ay isang paglilibang na para sa kanila.
13. Paano tayo matutulungan upang magpako ng isip sa ating pinag-aaralan?
13 Para sa mga iba naman ang pagpapako ng isip o concentration ay isang problema. Sila’y nahihirapan na alisin ang kanilang pag-iisip sa kanilang araw-araw na mga problema at ipako iyon sa pag-aaral sa Bibliya. Ang panalangin ang makakatulong upang madaig ito. Bago magsimula ng pag-aaral, bakit hindi pasalamatan si Jehova sa mga bagay na kaniyang isiniwalat at hilingin ang kaniyang tulong para ang isip ay maipako dito at makilala ang kahalagahan nito? (Filipos 4:6; 2 Timoteo 2:7) Ang gayong panalangin ay lubusang kasuwato ng kalooban ni Jehova para sa atin. (1 Juan 5:14) Ang disiplina sa sarili ay hindi dapat kaligtaan, lalo na sa pasimula. (1 Corinto 9:25) Ang mga taga-Beroea ay nagsisiyasat noon araw-araw sa salita ng Diyos. (Gawa 17:10, 11) Ito’y isang mabuting halimbawa. Ang regular na pag-aaral ay hindi magtatagal at magiging kawili-wili, at malamang na aasam-asamin mo ito, at hindi pipilitin ang sarili mo sa gawin ito.
14. Bakit ang tahimik na kapaligiran ay kanais-nais pagka tayo’y gumagawa ng personal na pag-aaral?
14 Isang tulong din upang makapagpako ng isip ay ang angkop na kapaligiran. Si Isaac ay nagpupunta sa bukid pagka ibig niyang magbulay-bulay—malayo sa ingay ng pagmamadalian at pag-aapurahan sa mga tolda. (Genesis 24:63) Totoo, hindi lahat tayo ay makakasumpong ng isang lugar na doo’y walang mga pang-aabala tulad sa isang bukid na kung saan doo’y makapag-aaral tayo, subalit kadalasan ay maaari nating bawasan ang mga nakakaabala sa atin. Ang pag-aaral sa harap ng isang nakabukas na telebisyon o samantalang umaandar ang isang maingay na stereo ay hindi gaanong pakikinabangan—o kawili-wili—kaysa kung nag-aaral ka sa isang lugar na tahimik. Hindi natin laging maiiwasan ang mga nakakaabala, subalit karamihan sa atin ay tiyak na makakasumpong ng isang lugar na hindi gaanong maingay para doon tayo mag-aral.
15. Ano ang ilan sa impormal na paraan upang matamo ang kaalaman sa Bibliya?
15 Narito ang isa pang problema: Baka mayroong iba na hindi alam kung paano mag-aaral. Sa mga araw na ito lalo na, hindi maaaring kaligtaan na ang mga bata’y natututong mag-aral sa paaralan, at yaong mga huminto na ng pag-aaral noong panahong lumipas ay maaaring nawalan na rin ng ugali na mag-aral. Subalit ang totoo, hindi naman ganiyang kahirap ang mag-aral. Ito’y maaaring kasingsimple ng pagbabasa ng kawili-wiling artikulo sa aklat na Aid to Bible Understanding o pagbabasa ng New World Translation Reference Bible. Ang pakikinig sa mga recording ng Bibliya sa mga cassette tape o pagsasagawa ng personal na mga pananaliksik ang iba pang mga paraan sa pag-aaral. Iyo bang sinubukan na magbasa-basa ng mga nakalipas na labas ng mga magasing Bantayan o Gumising! at basahin ang mga artikulong nakatawag-pansin sa iyo? Totoo, ito’y hindi pag-aaral na pinagpapakuan ng isip, subalit ito’y tutulong upang ikaw ay magkaroon ng higit na kaluguran sa Salita ni Jehova.
16. Ano ang dapat na maging layunin natin sa pag-aaral para sa lingguhang Pag-aaral sa Bantayan?
16 Ngunit kumusta naman ang higit na pormalang pag-aaral, halimbawa, pagka ikaw ay naghahanda para sa lingguhang Pag-aaral ng Bantayan? Para sa gayong pag-aaral, ang estudyante ay kailangang may layunin sa kaniyang isip. Anong uri ng layunin? Sa paghahanda para sa Pag-aaral sa Bantayan, ibig niyang makuha ang pinakamalaking pakinabang sa “pagkain sa tumpak na panahon” na inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin” at dapat din niyang hangarin na matulungan ang iba sa pamamagitan ng kaniyang mga komento sa pulong. (Mateo 24:45) Paano niya magagwa ito? Wala namang mga alituntunin, ngunit narito ang isang mungkahi:
17, 18. (a) Magbigay ng mga ilang mungkahi sa kung paano ang isang nag-aaral ay makapaghahanda para sa lingguhang Pag-aaral sa Bantayan. (b) Magbigay ng iba pang mungkahi na nasumpungan mong pantulong sa personal na pag-aaral. (Tingnan ang talababa.)
17 Una, basahin nang tuluy-tuluyan ang buong artikulo, kung maaari huwag nang palampasin ang matagal na panahon pagkatapos na tanggapin mo ang iyong sipi ng Ang Bantayan. Ang ganiyang paunang pagbabasa ay maaaring gumugol lamang ng 20 minuto, ngunit magbibigay sa iyo ng pangkalahatang ideya ng mga pangunahing punto at ng buod ng artikulo. Pagka panahon na upang puspusang pag-aralan ang artikulo, umupo ka na taglay ang Bibliya at ang isang pansulat o anomang uri ng pantanda. Pagkatapos, basahing maingat ang unang parapo, pansinin ang mga argumento at ang paraan ng pagtalakay sa mga kaisipang naroon. Basahin ang anomang teksto na binanggit ngunit hindi sinipi sa parapo at tingnan mo kung makikilala mo kung bakit ang mga iyon ay nakatala roon. Pagkatapos, basahin ang tanong para sa parapo at tingnan kung masasagot mo. Pagkatapos na masgot mo, salangguhitan ang mga ilang salita sa parapo na magpapaalaala sa iyo ng sagot pagdalo mo sa Pag-aaral ng Bantayan. Sa gilid, baka ibig mo ring sumulat ng mga maiikling nota tungkol sa teksto na iyong binasa, mga punto na ibig mong gawan ng higit pang pagsaliksik, at iba pa.
18 Pagka natapos mo na ang pag-aaral ng artikulo sa ganitong paraan, tingnan ang mga tanong sa nagtuturong kahon sa dulo ng artikulo at tingnan kung naunawaan mo ang mga pangunahing punto. Kung mayroong mga tanong na hindi mo masagot, tunghayan uli ang artikulo upang masumpungan mo ang sagot. Kung ginagawa mo ito mga ilang araw bago idaos ang lingguhang Pag-aaral sa Bantayan, sa araw ng pag-aaral ay makabubuting mabilisang tunghayan mo ang artikulo upang sariwain iyon sa iyong isip.a
Kailangang Magbulay-bulay
19. Paanong ang pagbubulay-bulay ay tutulong upang lalong mapatibay ang pag-ibig sa isinisiwalat na Salita ni Jehova?
19 Tandaan na sa pag-aaral ay kasali ang pagbubulay-bulay. Ang pag-aaral na walang pagbubulay-bulay ay parang kumakain ka na hindi natutunawan. Kaya, pag-isipan ang iyong pinag-aralan. Sikapin na iugnay iyon sa mga iba pang bagay na alam mo na. Paano ito may epekto sa iyong buhay? Paano mo magagamit ito upang tulungan ang iba? (Kawikaan 15:28) Matutong bigyang-pansin ang mga detalye. Makipag-usap sa iba tungkol sa iyong natutuhan. Ibahagi sa iba ang iyong mga bagong natuklasan. (Kawikaan 27:17) Ito man ay makadaragdag sa iyong kaluguran na nasusumpungan mo sa Bibliya.
20. Ipakita ang matinding pagpapahalaga na taglay ni Haring David sa isiniwalat na Salita ni Jehova.
20 Si Haring David ay nagkaroon ng matinding pagpapahalaga sa Salita ni Jehova. Siya’y sumulat: “Ang batas ni Jehova ay sakdal, isinasauli ang kaluluwa. Ang paalaala ni Jehova’y mapagkakatiwalaan, pinadudunong ang walang karanasan. Ang mga utos ni Jehova’y matuwid, pinasasaya ang puso; ang kautusan ni Jehova’y malinis, pinakikinang ang mga mata. Ang takot kay Jehova’y dalisay, at tatayo magpakailanman. Ang mga hatol ni Jehova ay totoo; napatunayan na matutuwid ngang talaga. Higit itong mga kanais-nais kaysa ginto, oo, kaysa maraming dinalisay na ginto; at matamis pa kaysa pulut-pukyutan at sa tumutulong pulot ng bahay-pukyutan.”—Awit 19:7-10.
21. Anong mga pagpapala ang tatamasahin natin kung ating pauunlarin ang tunay na pag-ibig sa “mga bagay na isiniwalat” ni Jehova?
21 Sa pagsunod sa payo ng unang awit, at pag-aaral ng Bibliya nang regular, ikaw man ay makapagpapaunlad ng ganitong uri ng pagpapahalaga sa mga “bagay na isiniwalat” ni Jehova. At ito naman ay aakay sa iyo upang tamasahin ang pagpapala na ipinangako sa awit na iyan para sa isang tao na ang kaluguran ay nasa Salita ni Jehova: “Siya’y magiging parang punong-kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan at ang kaniyang dahon ay hindi malalanta, at lahat niyang gawin ay magtatagumpay. . . . Nalalaman ni Jehova ang lakad ng mga matuwid.”—Awit 1:3, 6.
[Talababa]
a Para sa mga mungkahi tungkol sa mga iba pang pitak ng pag-aaral at kung paano makapaghahanda ng mga pahayag, tingnan ang publikasyon ng Watch Tower na Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro.
Paano Mo Ipaliliwanag?
◻ Bakit hindi sapat ang basta makinig lamang sa iba pagka sila’y nagtuturo sa atin ng Salita ng Diyos?
◻ Anong mga pagpapala ang tatanggapin natin sa pag-aaral ng Bibliya?
◻ Paano makakasumpong ng panahon upang pag-aralan ang Bibliya?
◻ Ano ang ilan sa mga tulong para maipako ang isip pagka tayo’y nag-aaral?
◻ Ano ang dapat na maging layunin natin pagka naghahanda para sa Pag-aaral ng Bantayan?
[Larawan sa pahina 17]
May mga taong nangamatay dahilan sa pagbabasa ng Bibliya
[Mga larawan sa pahina 18]
Humanap tayo ng panahon upang isaalang-alang ang Salita ng Diyos kahit tayo magawain