Natagpuan Mo ba ang Susi?
BAKIT nga napakahalaga para sa mga Kristiyano ang pag-ibig? Dahilan sa uri ng Diyos na kanilang sinasamba. Ganito siya tinukoy ni apostol Juan: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Kung paano maraming magulang ang umaasang sa kanilang mga yapak susunod ang kanilang mga anak, ganoon din na ibig ng Diyos na Jehova na ang mga Kristiyano ay magsikap na tumulad sa kaniya. Kaya naman, ipinayo ni apostol Pablo: “Maging tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy na lumakad sa pag-ibig.”—Efeso 5:1, 2.
Tinitimbangan din ng pag-ibig ang mga iba pang katangiang Kristiyano. Noong kaarawan ni Jesus, ang mga Judio—lalo na ang kanilang mga pinuno—ay mga masisikap na estudyante ng Bibliya. Subalit isaalang-alang ang sinabi ni Jesus sa kanila: “Inyong sinasaliksik ang Kasulatan, sapagkat inaakala ninyo na sa pamamagitan ng mga iyan ay magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan, . . . ngunit alam na alam ko na wala sa inyo ang pag-ibig sa Diyos.” (Juan 5:39, 42; Lucas 11:42) Kung sila’y may pag-ibig at kaalaman, disin sana’y kinilala nila si Jesus bilang ang Mesiyas. Gaya ng nasaksihan, karamihan sa kanila ay hindi nagsamantala sa pagkakataon na maging mga unang miyembro ng kongregasyong Kristiyano.
Tandaan din ang mga konkistadores na Romano Katoliko na nagdala ng kanilang relihiyon sa Bagong Sanlibutan. Tiyak na mayroon silang matibay na pananampalataya at ng malaking sigasig na magtagumpay. Ngunit walang kalakip iyon na pag-ibig. Kung hindi ganoon, disin sana’y hindi nila pinagnakawan, pinaranas ng sarisaring pahirap, ginahasa, at pinagpapatay ang mga katutubong naninirahan sa mga kontinente ng Amerika.
Samakatuwid, ang pag-ibig ang pangunahing katangiang Kristiyano. Sino ang dapat pagpakitaan ng pag-ibig na ito? Sinasabi sa atin ni Jesus: “‘Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong isip.’ Ito ang pinakadakila at unang-unang utos. Ang ikalawa, na katulad nito, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.’”—Mateo 22:37-39.
Ang totoo, ang pag-ibig ng isang Kristiyano ay higit pa sa riyan. Sinabi rin ni Jesus: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga nagsisiusig sa inyo; upang inyong mapatunayan na kayo’y mga anak ng inyong Ama na nasa langit, yamang kaniyang pinasisikat ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at mabubuti at pinauulanan ang mga taong matuwid at mga di-matuwid.” (Mateo 5:44, 45) Sa ibang salita, saklaw ng pag-ibig Kristiyano ang halos lahat! Subalit ano ang ibig sabihin nito kung sa gawa?
Kung Talagang Iniibig Natin ang Diyos
Unang-una, kung talagang ibig nating maibig ang Diyos, kakailanganin natin na makilala siya nang lalong higit. Ang Diyos mismo ang nagpaging posible niyan sa pamamagitan ng paglalaan ng Bibliya, na, sa katunayan, isang liham sa atin na galing sa kaniya. Pagka tayo’y tumanggap ng isang liham buhat sa isang minamahal, karamihan sa atin ay agad-agad na babasahin iyon bagaman napakarami tayong ginagawa. Dapat bang mapaiba ang pagbabasa natin ng Bibliya? Tunay na hindi. Totoo naman, para sa marami, ang buhay ngayon ay punô ng mga pinagkakaabalahan, at mas gusto pa ng marami ang manood ng telebisyon sa halip na magbasa ng mahalagang babasahín. Subalit hindi tinutulutan ng mga tunay na Kristiyano na sila’y mahadlangan sa pagbabasa ng Salita ng Diyos. Sila ay kagaya ng salmista na sumulat: “Iningatan ng aking kaluluwa ang iyong mga paalaala [na sa ngayon ay masusumpungan sa Bibliya], at labis kong iniibig ang mga iyan.”—Awit 119:167.
Sa Bibliya, sinasabi ng Diyos sa atin kung paano ibig niya tayong kumilos. Gaya ng mga magulang na may mga pamantayan ng asal para sa kanilang mga anak, si Jehova ay nagtakda rin ng mga pamantayan na inaasahan niyang ating susundin—mga pamantayan na hindi nagbabago. Halimbawa, sinasabi sa atin ng Bibliya: “Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang masasakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga mapagmura, ni ang mangingikil ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Anong haba ng listahang iyan! Subalit sinuman na talagang umiibig sa Diyos ay magagalak na bigyan-pansin iyan. Bakit? Sapagkat, gaya ng binanggit pa ni apostol Juan: “Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na sundin natin ang kaniyang mga utos.”—1 Juan 5:3.
Masaklap sabihin, marami sa mga gawain na minámasamâ ng Bibliya ay tinatanggap naman ngayon, kahit na ng mga taong “Kristiyano.” Isang report na inilabas sa Canada ng isang denominasyong Protestante ang nagrekomenda na tanggapin ang mga homoseksuwal bilang ordinadong mga ministro, at sinabi na ang seksuwal na pagtatalik ng mga di mag-asawa ay maaaring payagan sa ilalim ng mga ilang kalagayan, at sinabi na sa tapat na pagsasama ng mag-asawa ay hindi ipinupuwera ang pangangalunya. Tiyak na ibig ng mga awtor ng report na iyan na sila’y magtinging may malawak na kaisipan at pagmamalasakit. Ngunit sila ba’y umiibig, sa Diyos o dili kaya’y sa mga taong pinalalakas-loob pa nila sa gayong pangangalunya? Hindi, sapagkat sinabi ni Pablo na ang gumagawa ng ganiyang mga bagay ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. Pagpapakita ng higit na pag-ibig ang walang-takot na sumunod sa mga pamantayan ng Diyos, at tulungan ang mga mahihina na sumunod, sa halip na himukin sila na sumunod sa isang lalong madaling hakbangin na sa bandang huli ay magpapahamak sa kanila!
Pinakikilos na Bahaginan ang Iba
Pagka binasa natin ang Bibliya, atin ding nalalaman ang kahanga-hangang mga bagay na nilayon ng Diyos para sa sangkatauhan. Napapag-alaman natin na “ganiyan na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kung kaya’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Atin ding napapag-alaman ang layunin ng Diyos na linisin sa lupa ang kabalakyutan at itatag dito ang isang mapayapa, malaparaisong sistema ng mga bagay sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa ilalim din ni Jesus. (Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4) Gaya ng ipinapangako ng Bibliya: “Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
Sa katunayan, ang mensahe ng Bibliya ang talagang kailangan ng sangkatauhan. Kaya naman nakalulungkot na mabasa ang tungkol sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan na dahil sa nakikita nilang karalitaan at kaapihan sa mga bansang maralita ay sumasangkot sa pulitika at maging sa rebolusyon. Hindi malulunasan ng rebolusyon ang mga suliranin ng mga bansang iyon. Ang mga misyonero bang iyon ay talagang umiibig sa Diyos? Kung sila’y umiibig sa Diyos, hindi baga sila magpapakita ng pananampalataya sa kaniyang mga pangako at ang kanilang mga kawan ay doon nila aakayin sa pagkakilala sa kaniyang Kaharian? Ang mga pastol na talagang umiibig sa kanilang mga kawan ay magpapakita sa kanila na ang pagsunod sa kautusan ng Diyos ay makatutulong kahit na ngayon, imbis na akayin sila sa pagtataguyod ng pulitikal na mga pakana na sa kabiguan lamang humahantong.
Ang totoo ay, napakaganda ang pabalita ng Bibliya na anupa’t hindi ito maaaring sarilihin na lamang ng isang maibiging tao. Kaya naman ang pag-ibig ang nagpapakilos sa tunay na mga Kristiyano na ibahagi sa iba ang kanilang kaalaman. Sa Sangkakristiyanuhan ang gawain na pagsasalita sa iba tungkol sa Bibliya ay karaniwan nang ang gumagawa ay isang maliit na grupong binabayaran ukol doon—ang klero. Ito’y nagkaroon ng masasamang resulta. Gaya ng inamin ng isang pastor Lutherano sa magasing Christianity Today. “Ang Iglesya ay mahina ngayon dahilan sa hindi sinanay ng espirituwal na mga lider ang isang lupon ng mga mananampalataya na gawin din ang gawain na kanilang ginagawa. O dahilan sa ang mga mananampalataya ay hindi kumikilala at tumatanggap sa gayong ministeryo.”
Ang mga tunay na Kristiyano ay “kumikilala at tumatanggap sa gayong ministeryo.” Kanilang dinidibdib ang mga salita ni apostol Pablo: “Manghawakan tayong mahigpit sa madlang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat tapat siya na nangako.” (Hebreo 10:23) Ang kanilang motibo? Ang motibo na nag-udyok sa isang grupo ng mga Kristiyano noong unang siglo na binigyan ng mainit na komendasyon ni apostol Pablo: “Ang huling binanggit ay namamahayag ng Kristo dahil sa pag-ibig.”—Filipos 1:16.
Pag-ibig sa mga Kapuwa Kristiyano
Oo, ang pag-ibig ang susi sa tunay na pagka-Kristiyano sa bagay na apektado nito ang lahat ng pitak ng pamumuhay ng mga tunay na Kristiyano. Sa ganito’y ibang-iba sila sa mga taong nasa paligid nila. Bakit? Ganito ang sabi ni apostol Juan tungkol sa sanlibutang ito: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang balakyot ay si Satanas na Diyablo, at makikita sa sanlibutan ang kaniyang mga pamantayan sa karamihan ng mga gawain nito. Ang impluwensiya ni Satanas ay nasasaksihan sa palasak na pandaraya, imoralidad, pang-aapi, alitan ng lahi, at di-pantay-pantay na kabuhayan na umiiral sa ngayon. Ang isang Kristiyano, na sumasamba sa isang maibiging Diyos at tumutulad sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa pag-ibig, ay kailangang mapaiba!
Bueno, ito ay hindi madaling gawin mag-isa. Kaya, hinihimok din tayo ng Bibliya na makisama sa mga taong may ganoon ding pagpapahalaga sa pag-ibig. Sa gayon, ang mga Kristiyano’y makapagtutulungan sa isa’t isa. Kaya naman isinulat ni apostol Pablo ang ganitong pampatibay-loob: “Sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawat isa sa pag-ibig at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, . . . palakasin ang loob ng isa’t isa.”—Hebreo 10:23-25.
Kung ibig mong tumugon sa ganiyang pampatibay-loob, malulugod ang mga Saksi ni Jehova na ipakilala ka sa isang grupo ng mga tao na nagsisikap na mabuti na pairalin sa kanilang buhay ang maka-Diyos na pag-ibig. Marahil ay may isang grupo ng ganiyang mga tao sa inyong lugar, at sumasa-kanila ang espiritu ng Diyos sapagkat, sa madali’t-sabi iyan ang pinagmumulan ng tunay, na pag-ibig Kristiyano. “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig.” (Galacia 5:22) Kung makikisama ka sa kanila ay matutulungan ka na dinggin ang sinabi ni apostol Pedro: “Ibigin ang buong pagsasamahan ng mga kapatid.”—1 Pedro 2:17.
Anong lungkot nga kung, pagkatapos na puspusang magsikap na maglingkod sa Diyos, marinig ng isang tao ang mga salita ni Jesus: “Kailanma’y hindi ko kayo nakikilala! Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:23) Kung pinagyayaman natin ang pag-ibig, ang susi sa tunay na pagka-Kristiyano, hindi mangyayari iyan sa atin. Ang pag-ibig ang gaganyak sa atin na magbasa ng Bibliya, mamuhay ayon sa mga pamantayan nito, makisama sa mga ibang Kristiyano, at magsalita sa iba tungkol sa mabubuting bagay na naroon sa Bibliya. Oo, ang pag-ibig ang magpapakilos sa atin na gawin ang ibig ng Diyos na gawin natin. At, gaya ng sinabi ni Jesus, yaong “isa na gumagawa ng kalooban ng [kaniyang] Ama na nasa langit” ang magmamana ng mga ipinangako ng Diyos. Isinusog pa ni apostol Juan: “Ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ang mananatili magpakailanman.”—Mateo 7:21; 1 Juan 2:17.
Oo, pagyamanin ang pag-ibig. Hayaang ito ang gumanyak sa iyo na gawin ang kalooban ng Diyos. Kung gayon, patutunayan mong ikaw ay isang tunay na Kristiyano, yamang sinabi ni Jesus: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) At tatamasahin mo ang walang hanggang gantimpala na ipinangako ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.
[Larawan sa pahina 7]
Pagyamanin ang Pag-ibig