Ano Talaga ang Mahalaga?
“Marami sa kanila ang baog ang pamumuhay, hindi sila makapanatili sa trabaho, walang namamalaging mga relasyon at gumagalaw nang walang pakay palipat-lipat sa kung saan-saan sa kanilang pag-iisa—at walang sinoman na tumitingin sa kanila. Ang dahilan: Sila’y labis na mayayaman.”—The New York Times, Mayo 15, 1984.
ALAM na alam mo na kailangan ang salapi upang makabili ng pagkain, damit, tirahan, transportasyon, gamot, at iba pang mga kailangan sa buhay. Oo, marahil ay natatalos mo na sa modernong lipunan mahirap na mamuhay nang walang salapi, sapagkat, gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang salapi ang sumasagot sa lahat ng bagay.”—Eclesiastes 10:19.
Gayunman, ang artikulo sa pahayagan na sinipi sa itaas ay tumalakay ng tungkol sa emosyonal na mga suliranin ng mayayaman. Maliwanag, may panganib nga na isentro ang iyong buhay sa pagkakamal ng salapi at ari-arian. Gayunman, maraming tao ang gumagawa nito. Kung minsan, ang sakim na ambisyon ay nagdadala ng kamatayan. Nababalitaan natin ang mga taong walang patumangga sa pamumuhay na sa edad na mahigit sa 30 at 40 anyos ay namamatay sa atake sa puso. Ang iba sa mga ito ay nagsasapanganib ng kanilang kalusugan, maging ng kanilang buhay man, upang matupad ang kanilang mga ambisyon tungkol sa salapi. Hindi na kailangang tayo’y maging lubhang relihiyoso upang sumang-ayon na mas mabuti pa kung kanilang isinapuso ang mga salita ni Jesu-Kristo: “Ano ang mapapakinabang ng isang tao kung kaniyang makamit ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman ang kaniyang buhay, o ano ang ibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang buhay?”—Mateo 16:26.
Ano ang Talagang Mahalaga?
Tiyak na alam mo na walang katapusan ang mga bagay na marahil ay matutukso tayo na hanapin. Ang isang video tape recorder, ang sariling tahanan, magastos na mga gamit sa sports—sa mga ibang bansa ito ay mga bagay na pinagpupunyagian. Sa ibang dako naman baka mas limitado ang halaga ng tunguhin. Isang kabataang babae sa isang bansa ang nagpatutot upang kumita ng salapi para maibili ng magagaling na kasuotan.
Samantalang natatalos natin na may mga panganib ang isang pulos materyalistikong hangarin sa buhay, paano natin maiingatan ang ating sarili? Dapat ba tayong tumalikod sa lipunan, maging isang mongha o ermitanyo, gaya ng ginawa ng iba? At, sa pagsasaalang-alang kung ano talaga ang mahalaga, dapat nating itanong, Ano kaya ang magdudulot sa akin ng tunay na kaligayahan at kasiyahan sa bandang huli?
Upang matulungan tayo, pag-usapan natin ang halimbawa ng isang tao na mga daan-daang taon nang iginagalang at hinahangaan bilang isang modelo sa kaniyang lipunan noon. Siya ay isang rabinikong abogado at naging miyembro ng isang sektang Judiyo noong unang siglo na kilala sa pagiging “mga maibigin sa salapi.” (Lucas 16:14) Ang kaniyang pangalan ay Pablo, at taglay na niya ang pinag-aralan at ang kinakailangang kakayahan upang magkamal ng kayamanan at magtamo ng lalong higit na kadakilaan sa komunidad.
Subalit, sa pamamagitan ng isang nakagigitlang karanasan, napag-unawa niya na may isang bagay na totoong naiiba at iyon ang talagang may pinakamalaking halaga sa buhay. Ikaw man ay kasing-kaisipan niya o hindi sa kasalukuyan, sulit din para sa iyo na magbulay-bulay sa ipinasiya ni Pablo.
Kaniyang natiyak na ang pangunahing bagay na mahalaga sa buhay ay isang aprobadong katayuan sa harap ng Diyos bilang isang alagad ni Jesu-Kristo. Ito ay napakahalaga kung kaya’t si Pablo, bilang apostol ni Jesus, ay nakapagtiis ng mga kahirapan at pag-uusig. Siya’y nakakatulad ng isang sinaunang tao na napatanyag, si Moises, na “ang kadustaan ng Kristo ay itinuring na kayamanang higit na dakila kaysa kayamanan ng Egipto.”—Hebreo 11:26; 2 Corinto 11:23-27.
Dapat mo ring malaman na hindi kailanman pinagsisihan ni Pablo na ang pagiging isang apostol na Kristiyano ay humantong sa pagkawala ng katanyagan sa lipunang Judiyo. Pagkatapos na malasap ang ligaya ng pagiging isang tapat na Kristiyano sa loob ng 25 taon, siya’y sumulat: “Ang mga bagay na sana’y pakikinabangan ko ay inari kong kalugihan alang-alang sa Kristo. Kaya naman, lahat ng bagay ay itinuring kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Kristo Jesus na Panginoon ko. Dahil sa kaniya’y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng bagay at itinuturing kong isang tambak na sukal, upang tamuhin ko si Kristo at masumpungang kaisa niya.” (Filipos 3:7-9) Sasang-ayon ka na si Pablo ay kombinsido na kaniyang natamo ang isang bagay na talagang mahalaga.
Ang gayong ginawa ni Pablo ay hindi nangangahulugan na siya ay wala nang isa mang materyal na bagay. Bulay-bulayin, halimbawa, ang kaniyang sinabi: “Sa bawat bagay at sa lahat ng katayuan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano magiging nasa kabusugan at kung paano nasa kagutuman, kapuwa kung paano kung nasa kasaganaan at kung paano kung nasa paghihikahos.”—Filipos 4:12.
Anoman ang iyong katayuan kung tungkol sa pagka-Kristiyano, marahil ay makikita mo kung paano kahanga-hanga ang naging resulta para kay Pablo. Pinili niya ang mahalagang bagay na nagdala sa kaniya ng pagkakontento na hindi natatamo ng pinakamayayamang mga lalake at mga babae ng daigdig. Inamin ni Jean Paul Getty, ang milyonaryong mangangalakal ng langis: “Ang salapi ay hindi laging may koneksiyon sa kaligayahan. Marahil pa nga’y sa kalungkutan.”
Subalit, baka ang isang tao ay nag-aangking isang Kristiyano ngunit hindi pa rin niya nakikilala kung ano ang pinakamahalaga. Totoo iyan noong unang siglo, sapagkat sinabi ni Pablo tungkol sa isang kasama niya: “Iniwan ako ni Demas sapagkat iniibig niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay.” (2 Timoteo 4:10) Sa panahon na dapat sana niyang tinulungan ang nakabilanggong apostol, si Demas ay umurong, sapagkat mas gusto niya ang inialok sa kaniya ng kasalukuyang sistema.
Para ipakita ang malaking panganib na maaaring mapaharap sa isang materyalistikong Kristiyano, sinabi ni Pablo: “Silang mga disididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang walang kabuluhan at nakasasama, na nagbubulusok sa mga tao sa kapamahakan at pagkapariwara. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay . . . tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.”—1 Timoteo 6:9, 10.
Kung gayon, marahil ay itatanong mo, Anong papel ang dapat gampanan sa aking buhay ng salapi o ari-arian? Suriin natin nang higit pa ang bagay na iyan upang alamin kung paano makapag-aari ka ng kung anong talaga ang mahalaga.