Kalayaan—Totoong Kanais-nais!
“BIGYAN ako ng kalayaan o bigyan ako ng kamatayan!” ang bulalas ng bayaning Amerikano na si Patrick Henry mahigit na 200 taon na ngayon. Para sa kaniya, ang kalayaan ay higit na mahalaga kaysa mismong buhay. Sa lumipas na mga siglo, angaw-angaw na mga tao ang may ganiyan ding damdamin.
Subalit, noong lumipas na kalahating siglo nagkaroon ng bagong sigla ang hangarin sa kalayaan. Ang mga bansang may kolonya ay nawalan ng angaw-angaw na mga sakop nang ang mga ito’y nagsikap magkaroon at nagkaroon nga ng kasarinlang pulitikal. Nangatatag ang panlipunan, pangkabuhayan, at maging panrelihiyong mga kilusan upang humanap ng kalayaan buhat sa paniniil at pang-aapi, tunay man iyon o guniguni. Ngayon lamang nagkaroon ng napakaraming lalaking naghahangad ng kalayaan buhat sa awtoridad ng mga amo at mga pamahalaan, ng napakaraming mga babae na ibig makalaya sa awtoridad ng kani-kanilang asawa at mga ama, at ng napakaraming mga anak na ibig makalaya sa awtoridad ng mga magulang at mga guro. Totoo pa rin, ang mga kilusan sa kalayaan ay hindi bago. Ang totoo, ito’y halos kasintanda ng tao. Ang pinakamatandang aklat ng kasaysayan ng daigdig, ang Banal na Bibliya, ay naglalahad sa atin ng higit pa. Ganito ang pinakabuod ng istorya, na nasa Genesis 3:1-7:
Di-nagtagal nang malalang na ang lalaki at babae, ang babae ay nilapitan ng isang anghel na nilalang. Nakita sa kaniyang mga ikinilos na ibig niyang makaalpas sa awtoridad ng kaniyang Maylikha. Kaya’t hindi kataka-taka na sinabi niyang ang kalayaan ang kailangan ng babae at ng kaniyang asawa. Hindi baga totoo, ang pangangatuwiran niya, na sila’y nilagyan ng Diyos ng mga pagbabawal? Ngunit bakit, ang tanong niya, sila di-dapat kumain ng “bunga ng punungkahoy . . . na nasa gitna ng halamanan”? Hindi ba “ang punungkahoy ay kanais-nais na malasin”?
Umalpas kayo, ang himok niya, at “ang inyong mga mata ay madidilat at kayo ay matutulad sa Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Anong kanais-nais nga! Oo, ang kalayaan buhat sa “mapang-aping” pamamahala ng Diyos ay pinagtingin na kasinghalaga ng buhay.
“Bigyan ako ng kalayaan o bigyan ako ng kamatayan!” Nakamtan ni Adan at ni Eva ang dalawang iyan—na humantong sa kadalamhatian nila at natin! Paano nga nagkagayon?