Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Mga Kombensiyon ng mga “Tagapag-ingat ng Katapatan” sa Pilipinas
ANG 1985 serye ng 23 Kombensiyon ng mga “Tagapag-ingat ng Katapatan” na ginanap sa Pilipinas ay isang malaking tagumpay. Ang kabuuang bilang ng mga dumalo na 213,734, isang 27-porsiyentong pagsulong sa bilang kung ihahambing sa nakaraang taon, ay mahigit na dalawa at kalahating beses ang dami sa kabuuang bilang ng mga mamamahayag sa bansa. Ipinakikita nito na maraming taong interesado na dumadalo sa mga kombensiyon. At, 2,223 ang nabautismuhan, 14.5 porsiyento ang kahigitan kaysa noong nakaraang taon.
Sa Tuguegarao, Cagayan, inaasahan noon na 12,000 ang dadalo sa kombensiyon, ngunit 24,327 ang dumalo! Isang istasyon ng radyo ang nagsahimpapawid ng 30-minutong pakikipanayam sa mga kapatid, at ito marahil ang nakatulong para sa malaking bilang ng mga dumalo. Sa panayam ay itinanong kung paano tayo nakapagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ating mga kombensiyon. Ipinaliwanag na lahat ng miyembro ng ating organisasyon ay nagsisikap na pagyamanin ang mga simulain ng Bibliya na pag-ibig at kapayapaan. Kaya kailanma’t mayroon tayong mga kombensiyon na gaya nito, doo’y walang awayan. Nanggilalas ang tagapanayam at ang sabi: “Kahanga-hanga ang inyong organisasyon! Ito’y hindi magawa ng mga ibang organisasyon. Pagka sila’y may ganitong kalaking pagtitipon, palaging may mga nangyayaring di-mabuti.”
Sa kombensiyon ding ito, isang instruktor sa Cagayan State University ang nagsabi: “Napakarami ang dumalo; ang mga delegado ay disiplinado; sila’y nagtutulungan; nakitaan sila ng lubos na dedikasyon sa ministeryo. Bagama’t napakarami ang delegado, ang lugar na iyon ay malinis at maayos; umiiral ang kaayusan at walang nangyaring mga masasamang insidente, at ito’y nagpapatunay lamang na istriktong ikinakapit ng mga Saksi ang kanilang natutuhan buhat sa Kasulatan.”
Ang konsesyoner sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila ay nagkomento noong kombensiyon: “Hinahangaan ko ang kaayusan ng inyong asamblea. Ang inyong Samahan ay organisado, at ngayon lamang ako nakakita ng ganitong uri ng kaayusan ng mga Saksi sapagkat ngayon lamang ako nakakita ng isang asamblea na gaya nito.”
Sa kombensiyon sa Calbayog City, 7 mamamahayag ang dumalo galing sa isang nakabukod na grupo, at sila’y may kasamang 14 na mga taong interesado. Sa laki ng pagpapahalaga na makadalo sa espirituwal na kapistahang ito, isang pamilya sa Palawan ang gumugol ng mga 20 porsiyento ng kanilang taunang kinikita upang makadalo sa Puerto Princesa City.
Maraming mga delegadong tagaibang bansa ang naglakbay upang makadalo sa kombensiyon sa Maynila, at mga 80 porsiyento ng mga ito ang buong-panahong mga ministro. Nakagagalak na masaksihan na ang mga kapatid ay napatibay-loob ng drama na Ang Iyong Kinabukasan—Isang Hamon, na may kinalaman sa buong-panahong paglilingkod. Sa Iloilo City, tatlong maybahagi sa dramang ito ang napukaw nang husto noong panahon ng mga pag-eensayo kung kaya’t sila’y nagpadala ng sinulatang mga aplikasyon sa pagka-regular payunir kahit na bago pa magkombensiyon. Sa Ormoc City, inilahad ng chairman ng kombensiyon na pagkatapos mismo ng drama, anim na mamamahayag ang humingi ng aplikasyon para sa pagka-regular payunir.
Tunay na ang espiritu ni Jehova ang nagpapakilos sa kaniyang bayan na “maghandog na kusa ng kanilang sarili” sa mga huling araw na ito. (Awit 110:3) Ang Kombensiyon ng mga “Tagapag-ingat ng Katapatan” sa Pilipinas ay malaki ang nagawa upang patibayin-loob ang mga kapatid at mga taong interesado na tagaroon.