Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ May pagkakaiba ba ang “creation” (paglalang) at ang “creationism” (creationismo)?
Oo, mayroon. Ang salitang “creation” (paglalang), na lumilitaw ng mga 18 beses sa New World Translation of the Holy Scriptures, ay wastong tumutukoy sa katangian ni Jehova na lumalang. (Tingnan, halimbawa, ang Roma 1:20; 8:21; 2 Corinto 5:17) Ang terminong “creationism” (creationismo) ay hindi matatagpuan sa Bibliya.
Sa Webster’s Third New International Dictionary (1971) ang katuturan ng “creation” (paglalang) ay “ang akto ng paglalang,” at ang “creationism” (creationismo) ay “isang doktrina o teoriya ng paglalang.” Sa diksiyunaryo ring iyan ang katuturan ng “ism” (ismo) ay “isang pagkakakilanlang doktrina, layunin, sistema, o teoriya—kadalasa’y ginagamit nang may paghamak.”
Sa 1980’s, ang “creationism” ay naging isang tunay na “ism” (ismo) dahil sa inangkin ito ng mga pulitikal na grupong manggigipit, tulad baga ng Moral Majority. Ito’y hindi na isang termino na walang kinikilingan, kundi kumakatawan sa labis na pundamentalistang mga kuru-kuro tungkol sa Bibliya, tulad baga ng kuru-kuro na ang lupa at ang lahat ng naririto ay nilalang ng Diyos sa loob ng anim na araw na 24 na oras bawat isa. Ngayon ay mayroon nang mahigit na 350 mga aklat na nasa sirkulasyon na kababasahan ng gayong aral ng “creationismo.” Tinatanggihan ng mga Saksi ni Jehova ang walang katuwirang mga teoriya ng “creationismo” at ang kanilang pinaniniwalaan ay ang talagang itinuturo ng Bibliya tungkol sa “paglalang.”
Para sa lalong kompletong sagot sa tanong sa itaas, pakisuyong tingnan ang artikulong pinamagatang “Evolution, Creation, or Creationism—Which Do You Believe?” sa mga pahina 12-15 ng aming kasamahang magasin na Awake! petsang Marso 22, 1983.