“Ibig Namin na Lahat sa Lupa ay Makabasa Nito!”
GANIYAN ang isinulat ng isang tao sa kaniyang pagpapahayag ng pagpapahalaga sa aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Sa kaniyang liham ay mababanaag ang damdamin ng angaw-angaw na mga tao na nakinabang sa 256-pahinang aklat na ito sa mga kasagutan nito tungkol sa pinagmulan at layunin ng buhay sa lupa.
Pagkatapos na mailabas noong nakaraang taon sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang bansa, angaw-angaw na mga kopya ng aklat ang naipamahagi na sa maraming wika. Tumulong ito sa mga tao upang makita buhat sa siyentipiko at Biblikal na ebidensiya na talagang may Manlilikha na gumawa sa atin at siya’y may kamangha-manghang layunin para sa sangkatauhan.
“Simpleng Unawain”
Ang aklat ay isinulat sa paraan na madaling unawain. Gaya ng sabi ng isang liham: “Ako’y hangang-hanga sa inyong publikasyon. Sino, na may kaisipang makatuwiran, ang makatatanggi sa inyong walang kamaliang lohika? Nagawa ninyo na ang napakamasalimuot at malawak na paksang ito ay gumanda at maging simpleng unawain—isang pambihirang tagumpay kung isasaalang-alang ang napakahusay na pananaliksik na ginawa para sa aklat na ito.”
At, isang dating ebolusyunista na may karanasan sa siyensiya ang nagsabi: “Ako’y nagigitla sa linaw at puwersa ng bagong aklat na ito. Sa palagay ko ay ito ang pinakamagaling na aklat sa siyensiya na nabasa ko para sa pagpapahalaga sa buhay. Ito’y totoong sopistikado kung tungkol sa siyensiya, ngunit mauunawaan naman ng sinuman.”
Isa pa ang nagsabi: “Ang buong aklat ay obra-maestra. Ang arte at limbag na salita ay pinagsama na anupa’t kahit na yaong mga lumalayo sa ganitong uri ng materyal ay hahanga sa simple at tuwirang istilo nito. Ang marangal at di-umiinsultong paraan ng paghaharap ng katotohanan ay nagbibigay ng sapat na ebidensiya upang masagot nang walang alinlangan ang tanong sa titulo ng aklat.”
Ang mga Larawan ay Tumutulong Upang Marating ang Puso
Tungkol sa magagandang larawan, isang tao ang sumulat: “Paano nga namin kayo mapasasalamatan para sa pinakamagandang aklat na ito? Ang mga larawan ay magagandang regalo ng arte.”
Ngunit ang daan-daang mga larawan, kasali na ang mga kuha ng kamera, ay hindi lamang magandang arte. Ito’y nagtuturo, higit pang nagpapatibay sa mga punto sa teksto. Isang pamilya ang sumulat: “Ang mga larawan at ang pagkasimple ng aklat ay malaking tulong sa amin na nahihirapang umunawa sa larangan ng siyensiya.” Isa pang liham ang nagsabi: “Ang mga ilustrasyon at mga sinipi sa gilid ay totoong mabisa sa paghaharap ng punto at sa pagtatanda.”
Ang mga emosyon lalo na ang apektado ng kabanata 19, “An Earthly Paradise Soon to Come” (Isang Makalupang Paraiso ang Malapit Nang Dumating). Tungkol sa mga ilustrasyon sa kabanatang iyan, isang pamilyang Australiano ang sumulat: “Ito’y may matinding epekto sa mga tao. Aming ginuniguni na kami’y naroon sa Paraiso bilang isang pamilya. Tunay na ang Paraiso at ang paglilingkod kay Jehova nang walang hanggan ay sulit sa anumang pagpapagal. Ang mga larawan ay nagpaluha sa amin.”
Isa pa ang sumulat: “Ito ang pinakamagandang aklat na aking nakitang inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Nang makarating ako sa pahina 243 at makita ko ang larawan ng batang babae at ng mga tigre, ako ay napaluha.” Isa pa ang nagsabi: “Napaiyak ako nang aking mabuklat na ito. Ako’y napaiyak sa katuwaan.” At isa pa, taga-Canada, ang nagbida: “Ang puso ko’y napukaw higit kailanman at ang mga mata ko’y napunô ng luha ng kagalakan.”
Tiyak na may nakikilala kang mga tao na makikinabang kung magkakaroon sila ng isang kopya ng aklat na Creation. Bakit hindi sila padalhan ng isang regalong kopya? Tingnan ang impormasyon sa susunod na pahina para sa mga detalye.