Meteora—Ang Napakalalaking Batong-Bundok na Iyon
ANG pagkalalaking mga batong-bundok ng Meteora, sa Thessaly ng sentral Greece, ay tunay na kamangha-mangha! At ang malawak na kapatagan ng Thessaly mismo ay isang museo ng mga obra maestra ng kalikasan. Ang kagandahan nito at ang matabang lupa nito ay napabantog. Habang ang isa’y lumalapit sa kapatagan galing sa may silangan, kaniyang nararaanan ang kabigha-bighaning matarik na bangin ng Tempe, na nalililiman ng dambuhalang Mount Olympus, na ayon sa alamat ay tirahan ng 12 mga diyos ng Gresya. Sa may paanan nito ay umaagos ang Ilog Piniós, at sa kadulu-duluhan ng kapatagan sa gawing kanluran ay naroon ang Meteora.
Ang dambuhalang, grupong ito ng mga batong-bundok ay pumupukaw ng panggigilalas, paghanga, takot, kagalakan, at pagkahilo. Ang iba sa mga batuhang ito ay may taas na 600 metro (1,970 piye). Ang mga ito’y bumubuka na gaya ng mga obelisks. At tiyak na ang mga ito’y mga dambuhalang bunton ng patotoo sa makapangyarihang Maylikha.
Sang-ayon sa mga ibang teologo, ang Meteora ay umiiral na sapol noong pinakamaagang mga yugto ng panahong heolohiko, nang ang buong Thessalian Plain ay isang gaya ng ilalim ng dagat na pinikpik sa mga tabi upang bumuo ng ibabaw na hindi pantay at iregular. Sang-ayon sa mga ibang mananaliksik ang marahil panahon ng pormasyon ng Meteora ay mga ilang milenyo lamang ang aga at ayon sa kanila’y likha ito ng mga lindol at pagkaagnas na ginawa ng tubig. Subalit, inaamin nilang lahat na ang lumikha ng mga dambuhalang batuhang ito ay ang tubig na may napakalaking puwersa. Sabihin pa, ang ipagtataka ng isa ay kung saan nanggaling ang lahat ng tubig na iyon.
Ang Baha sa Alamat
Ang lugar na ito ay tinutukoy sa sinaunang alamat ng mga taga-Gresya. Sang-ayon sa mga tula ni Pindar at sa mga sinulat ni Apollodorus, nang ang makaalamat na si Deucalion ay hari ng Phthia sa Thessaly, si Zeuz, na hari ng mga diyos ng Olympus ay nagpasiya na lipulin ang lapastangan at pilyong sangkatauhan sa pamamagitan ng isang delubyo. Upang makaiwas sa poot ng mga diyos, si Deucalion ay nagpagawa ng isang arka. Nilagyan niya iyon ng mga kinakailangang panustos. Pagkapasok na pagkapasok niya sa arka kasama ang kaniyang asawang si Pyrrha, naganap ang isang malakas na delubyo, binahaan ang malaking bahagi ng Gresya, at nilunod ang “halos lahat ng tao.” Noong panahon ng delubyo ipinagpapalagay na naporma ang mga bundok ng Thessaly. Sa loob ng siyam na araw at gabi, ang arka ni Deucalion ay sinikwat-sikwat ng mga alon hanggang sa iyon ay sumadsad sa taluktok ng Bundok Parnassus, ha Thessaly.
Pagkatapos na lumunsad sa arka, si Deucalion ay naghandog ng sakripisyo kay Fixius Zeus. Ang diyos na si Zeus ay nag-utos kay Deucalion at Pyrrha na maghagis ng mga bato sa likod nila. Yaong mga inihagis ni Deucalion ay naging mga lalaki, samantalang yaong mga inihagis ni Pyrrha ay naging mga babae. Isang pinilipit na bersiyon nga ng inilalahad ng Bibliya na katotohanan tungkol sa Delubyo noong kaarawan ni Noe!—Genesis 6:1–8:22.
Ang mga Monasteryo ng Meteora
Ang dakilang Meteora ay may taas na 613 metro (2,011 piye) sa itaas ng lunas ng ilog Pineós. Naroon sa patag na taluktok ng bundok ang monasteryo ng Metamorphosis, ang pinakamalaki sa anim na umaandar ngayon. Hindi madali ang umakyat diyan sa pamamagitan ng aspaltadong kalye at hagdanang bato.
Sa mga monasteryo ng Meteora ay mayroon na ngayong mga aklatan na doo’y mayroong maraming mga manuskrito. Marami rito ang natuklasan na nakatago sa mga lugar na gaya ng mga pader at mga bubong o sa ilalim ng higaang-kutson ng isang monghe.
Ang nilalaman ng mga manuskrito ay karamihan tungkol sa relihiyon at sa mga bagay na relihiyoso. Subalit mayroon din namang mga manuskrito na naglalaman ng mga bagay na makasaysayan, ng panitik, ng pilosopya, at ng siyensiya. Ang mga pilyego nito ay pergamimo o papel, at ang petsa’y mula noong ika-9 hanggang ika-19 na siglo. Kabilang sa mga iyan ang pergamimong Codex 591 na may petsang 861-62 C.E. Ito ang pinamatandang manuskrito sa Gresya, mayroon itong 423 pilyego, at binubuo ng mga diskurso tungkol sa Ebanghelyo ni Mateo.
Mayroon din namang mga kaban na kinalalagyan ng mga dokumento na tulad baga ng embusadong gintong mga pahina ng Byzantinong mga imperador at mga patriarka. Ang kabuuang bilang ay mga 3,000. Subalit ang mga manuskrito ng Bibliya ay kakaunti, sapagkat ang mga tagakopya ng Meteora ay hindi gaanong nag-abala sa ganitong uri ng gawain.
Ang mga monasteryo ay puno ng mga relihiyosong imahen (icons) na kumakatawan sa kapuwa makaalamat at tunay na mga persona, pati na rin mga pangyayaring nagpapatotoo sa mga relihiyosong paniwala ng mga monghe. Halimbawa, sa isang paglalarawan ng Ikalawang Pagparito ay makikita ang mga makasalanan na inihahagis sa bunganga ng kakila-kilabot na mga dambuhala. Sa isang lugar naman, sa templo ni Juan Bautista, mayroong isang larawan ng isang mangangabayo at sa kaniya ay nakatayo si Venus.
Diyan nagtatapos ang ating pagdalaw sa Meteora. Anoman ang isipin natin tungkol sa gawang-taong mga bagay na naroroon ngayon, tayo’y humahanga sa kagandahan ng dambuhalang mga batong-bundok na ito na naroroon sa Thessaly.
[Picture Credit Line sa pahina 30]
Embassy of Greece photo