Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 10/1 p. 26-30
  • Landas na Walang Katapusan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Landas na Walang Katapusan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pasimula ng Pagtahak sa Landas
  • Magkapareha Kami sa Landas
  • Ang Landas at ang Treyler
  • Mga Karanasan sa Landas
  • Nagbunga ng Habambuhay na mga Pagpapala ang Tamang mga Pasiya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Natulungan Ako Upang Mapagtagumpayan ang Aking Pagkamahiyain
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Pinananatiling Simple ang Buhay Upang Makapaglingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Ang Tapat na Halimbawa ng Aking Ama
    Gumising!—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 10/1 p. 26-30

Landas na Walang Katapusan

Inilahad ni Eva Carol Abbott

AKO’Y isinilang noong 1908, buwan ng Disyembre, ika-21 araw, anak ni Grace Pearl at William Reuben Vaughan. Ang lugar ay isang bukirin malapit sa Emporia, Kansas, E.U.A. Mula sa Emporia kami ay lumipat sa parang ng Colorado, na kung saan mahirap at malungkot ang buhay. Kami’y may kamalig, isang windmill, at bahay na ayon sa aking ina ay kahawig ng isang kotse ng tren. Ito’y mayroong napakalaking kusina at isa pang malaking kuwarto na pinaka-salas at tulugan.

Ang iba sa iilan-ilang mga kapitbahay ay nakatira sa mga dugouts. Kalahati ng mga tirahang ito ay nasa ibabaw ng lupa at kalahati’y nasa ilalim. Pagka matagal ang taglamig, ang kanilang mga tirahang ito ay lubusang nababalot ng niyebe. Kaya ang aking mga magulang ay tinatawagan sa telepono ng gayong mga kalapitbahay (bagaman maralita, sila’y may mga telepono) at itinatanong ng mga ito ang oras, at pagkatapos na sabihin sa kanila ang oras, ang susunod na tanong ay ‘Gabi ba o araw?’

Malimit isang taon ang mga homesteaders, gaya ng tawag sa amin, ay pumupunta sa gubat sa loob ng mga ilang araw upang pumutol ng mga kahoy. Ang mga kahoy ay isinasalansan sa mga kariton na hila-hila ng kung ilang kabayo at dinadala sa bayan upang ipagpalit ng pagkain, mga gamit kung taglamig, at binhing pantag-araw para sa pagtatanim ng mga tanimin. Sa mga panahong ito kami lamang ni Inay ang magkasama, at kung mahahabang mga gabi ay basa siya nang basa ng kaniyang Bibliya. Matindi ang kaniyang paniwala na ang Diyos ay may isang bayan, at siya’y naghahanap ng landas na patungo roon.

Nang ako’y tres anyos, ang aking mga magulang ay lumipat sa isang bukid sa Kansas malapit sa munting bayan ng Kiowa. Kami’y nagbiyahe sa isang kariton, na binubungan ni itay ng lona. Ako’y nagkasakit ng tinatawag na grippe, at naaalaala ko pang nahiga ako sa isang pallet sa sahig ng kariton, komportable, at pinagmamasdan ko ang lampara na uuguy-ugoy buhat sa pagkasabit sa lona sa itaas. Ako’y kinukuskos ng nanay ko ng pinaghalu-halong mantika, turpentina, at langis ng karbón. Ang ginhawa nga ng aking pakiramdam at mababanaag ang pag-ibig na nag-udyok niyaon.

Ang Pasimula ng Pagtahak sa Landas

Kasali sa alaala ng aking pagkabata ay ang paglipat namin sa Alva, Oklahoma. Si Inay noon ay naghahanap pa rin ng landas na patungo sa “bayan ng Diyos.” Isang araw, si Inay ay nakatagpo ng mga ilang tract sa Bibliya sa aming balkonahe. Pagkatapos ay nilapitan ang aking ama sa isang tindahan na kaniyang pinagtatrabahuan ng isang colporteur (buong-panahong ministro), na nagpakita sa kaniya ng isa sa mga tomo ng Studies in the Scriptures ni C. T. Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Society. Bagaman binili ni Itay ang aklat na iyon, si Inay ang bumasa niyaon at nakilala niya na ang mensahe ay galing sa pinagmulan din ng mga tract na iniwan sa aming balkon.

Si Itay ay inanyayahan ng colporteur sa isang pulong ng pag-aaral sa Bibliya nang gabing iyon. Hindi siya naparoon, ngunit si Inay ay naparoon, at ako’y isinama. Halos hindi ko matandaan na ako’y dumalo sa pulong na ito, ngunit ang mga detalye ay narinig ko kung mga ilang beses sa aking nanay. Mayroong dumalo na mga 10 o 12, at ang tanong na ibinangon ay, “Paano tayo namamatay?” Isang sister na dumalo ang sumagot, “Gaya ng ganid na hayop.” Nabigla si Inay. Siya’y sumabat: “Mawalang galang na po, pero ang pagkaintindi ko ba’y naniniwala kayo na tayo’y namamatay na gaya ng ganid na hayop?” Ang kapatid na nangangasiwa sa miting ay sumagot: “Ibig ba ninyong buklatin ang Eclesiastes 3:19-21 at kayo na ang bumasa?”

“Kanilang pinayagan akong magsalita sa buong miting na iyon sa aking katatanong, at ang buong gabi ay iniukol nila sa pagsagot dito,” ang natutuwang kuwento sa akin ni Inay. Natatandaan ko pang sabik na sabik na makauwi si Inay. Tunay na kaniyang nasumpungan ang bayan ng Diyos at ang landasin ng buhay na ibig niyang sundin. Narito na ang pasimula ng pagtahak sa landas na iyon!

Ito’y noong 1913. Hindi nagluwat at ipinalabas ang pelikula at slide show ng Watch Tower Society, ang “Photo-Drama of Creation.” Si Inay ay tuwang-tuwa na dumalo nang ito’y ipalabas sa teatro ng bayan. Ang mga taóng iyon sa Alva ay totoong kasiya-siya kay Inay. Sinasabi ko sa kaniya, “Mama, ikaw ay ngumingiti na ngayon, dati’y hindi ka naman gaanong ngumingiti.”

Matibay na noon si Inay sa paninindigan sa katotohanan. Ito’y noong panahon na ang mga ilang Bible Students ay naniniwala na sila’y dadalhin sa langit “anumang araw ngayon,” at isang buhay na maginhawa ang inaasam-asam nila noon na kakamtin nila. Subalit hindi gayon ang inaasahan ni Inay. Hindi siya gaanong mapusok na agad-agad makaakyat sa langit. Si Inay ay ‘totoong abala,’ gaya ng sabi niya, ‘ng pagkatuto, ng pag-aaral, ng pagdalo sa mga pulong, at pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.’

Hindi nagtagal at nasa kainitan na ang Digmaang Pandaigdig I, at ito’y naghatid ng pag-uusig buhat sa mga taong-bayan. Natatandaan ko pa na sumama ako kay Inay sa pagbabahay-bahay upang kumuha ng mga pirma ng mga tao, para hilingin sa gobyerno ng E.U. na palayain si Brother Rutherford at ang kaniyang pitong kasamahan buhat sa piitan sa Atlanta, Georgia, na doon sila ipiniit nang walang katarungan. Subalit may nangyari na pumuwersa sa amin na lumipat.

Ang digmaan ay natapos, at lumaganap ang salot ng trangkaso. Dahil sa trangkaso ang aking ina ay inabot ng panghihina ng katawan. Pinayuhan si Itay ng doktor na ilipat siya sa timugang California na kung saan mas angkop ang klima. Kami’y dumating sa Los Angeles at doon nanirahan sa Alhambra, isa sa karatig pook ng lunsod. Doon ay napaharap ako sa pinakamalaking desisyon sa aking buhay.

Noong 1924 ang aking kaibigan at ako ay sumakay sa tren patungo sa Los Angeles upang dumalo sa libing ng isang sister na Kristiyano na aming hinahangaan. Sa biyahe namin pabalik, pinag-usapan namin ang tungkol sa pagtatalaga (ngayo’y kilala bilang pag-aalay). Matamang pinag-isipan ko ang aking sariling buhay at ipinakipag-usap ko ito kay Inay. Ang resulta nito ay ang pagsasaliksik ko sa paksang iyan na ginagamit ang mga reprinta ng Watchtower, at binasa ko ang lahat-lahat na tungkol sa pagtatalaga noong taóng 1908. Hindi nagtagal at inialay ko ang aking buhay kay Jehova, at noong Oktubre 1925 ako ay nabautismuhan.

Magkapareha Kami sa Landas

Isang araw noong 1927, sinabihan ako na mayroong isang kapatid na lalaking nagngangalang Herbert Abbott na ibig makipagkilala sa akin. Nagulat ako, palibhasa’y hindi ko man lamang siya nakikilala. Subalit hindi nagtagal at nakilala ko. Ang pagkaalam na ako’y 18 at nakatalaga na may dalawang taon na ay nakalugod sa kaniya. Kami’y ipinakilala sa isa’t isa, nagligawan ng tatlong buwan, at napakasal noong Hulyo 1927.

Kami ni Herbert ay bumili ng isang bahay sa magandang kaburulan ng Pasadena. Isang araw noong tagsibol ng 1928, tumanggap ako ng sulat, at kasali roon ang impormasyon tungkol sa pagpapayunir. Kinagabihan nang umuwi si Herbert galing sa trabaho, iminungkahi ko na ipagbili namin ang aming tahanan at pumasok sa pagpapayunir. Sinabi niya na kung handa akong iwanan ang aming kasalukuyang paraan ng pamumuhay, hindi siya makapagpapahindi.

Kami’y tumanggap ng teritoryo sa Charles City, Iowa, upang gawin pagkatapos na makadalo kami sa kombensiyon sa Detroit, Michigan. Nang sumapit ang tag-araw ay tapos na ang aming mga plano sa pagpapayunir, subalit sa ikinamangha namin ay ako pala’y nagdadalang-tao. Ano kaya ang gagawin namin? Kung babaguhin namin ang aming mga plano ngayon para na rin naming sinabi: “Jehova, alam namin na pangangalagaan mo kaming dalawa ngunit hindi kaming tatlo.”

Pagkatapos ng kombensiyon, kami ni Herbert ay naparoon sa destino namin sa Charles City. Subalit noong mga ikawalong buwan ng aking pagdadalang-tao ay waring ang mabuti’y bumalik kami sa Los Angeles. Nang may pasimula ng Enero ng 1929, isinilang ang aming magandang si Perousia Carol. Mayroon lamang siyam na buwan na naligayahan kami ng pag-aaruga sa kaniya; noong Oktubre siya ay namatay.

Ang pangako ni Jehova na pagkabuhay-muli ang pangunahin na nangibabaw sa aming isip. Gayunman, ang kamatayan ay isang kaaway, at totoong mahirap na tanggapin na ang munting si nene namin ay patay na! Ang malupit na alaala ng aming si nene na nakahimlay sa malamig na lupa ay pinagaang lamang ng aming kaalaman sa Salita ng Diyos. Siya’y natutulog lamang; siya’y naroroon sa alaala ni Jehova. (Juan 11:11-14, 23-25) Oo, mahabang panahon ang kaniyang itutulog, ngunit isang araw sa hinaharap siya ay gigising at patutunayang totoo ang Salita ng Diyos. Ang hangarin ko’y patuloy sana na siya’y magdala ng walang-hanggang kapurihan sa dakilang pangalan ni Jehova.

Ang Landas at ang Treyler

Muli na namang nagplano kami para sa pagpapayunir. Nang sumunod na Marso kami ay bumili ng isang treyler na may bubong na tiklupin at ang aming pitong-pasaherong Studebaker ay ipinagpalit namin ng isang Model A Ford na hihila sa treyler. At dito nagsimula ang aming 25 mga taon ng paglakad sa landas at pagbibiyahe sa treyler.

Ang munting treyler na maligayang ginagamit namin sa pagbibiyahe ay tumagal lamang ng mahigit na walong taon. Ang laki ng sahig ay 4 x 5 piye (1.2 x 1.5 m), at ang espasyong lutuan ay isang tabla na 11 x 12 pulgada (28 x 30 cm). Mayroon doon na dalawang mahuhusay na kama, isang kusinilyang de gasolina, isang timba ng tubig, isang ilawang de gasolina, isang langis-karbóng heater, isang batya, isang tablang hugasan, isang plantsang de gasolina, at isang plantsahan. Mayroon din doon na isang bitbiting lalagyan sa itaas ng kusinilya, na may munting paminggalan na pinaglagyan ko ng aming magandang Haviland china, na regalo sa amin nang kami’y ikasal. Isang gabi ang pansuhay sa paminggalan ay nasira at biglang bumagsak ang paminggalan. Bumagsak din ang ilawang de gasolina at tumaob, ngunit hindi naman nakasakit ngunit nakabasag naman sa aming magagandang mga plato!

Kung mga ilang beses na hinalinhan namin ang bubong na lona ng treyler. Kami’y bumili ng makakapal na lona na ginagamit ng mga magtatanim ng prutas upang itakip sa mga puno ng dalanghita para pausukan. Aming tinatabas ang mga lona at tinatahi hanggang sa magsilbing bubong ng treyler.

Lunes kami ay naglalaba ng damit. Kami’y magpapainit ng tubig sa labas at babanlawan namin ang mga damit sa tubig na kinuha sa isang sapa, isang ilog, o sa balon sa bayan. Mayroon din kaming isang munting hurnong de tiklop, na pinaglulutuan ko ng cake para sa hinaharap na mga linggo. Ngayon ay handa na kami na humarap sa hamon ng aming teritoryo.

Noong 1930’s maraming mga naglipatan sa mga siyudad galing sa mga kabukiran. Kung minsan ay maglalakbay kami sa isang daan na ang landas ay patungo sa isang bahay sa layong milya-milya sa kabundukan at sa mga bangin ngunit sa wakas ay darating kami sa bahay na abandonado. Para lutasin ang problemang ito, kami’y gumamit ng largabista para matiyak kung mayroong mga nakasampay na damit o usok na nanggagaling sa tsimenea o mga baka sa malapit. Kaya’t kami’y nakatipid ng panahon at gasolina. Mangyari pa, hindi laging nakikita namin kung mayroong bahay sa daan, kaya’t nagtatanong kami sa mga kapitbahay kung ang daan ay patungo sa isang bahay.

Minsan ay hindi namin alam kung ano ang gagawin. Mayroong isang rantso 15 milya (24 km) sa kabila ng kabundukan, subalit hindi alam ng mga kapitbahay kung mayroong tao sa tahanan. Ang gasolina para sa pagbibiyahe kinabukasan ay kinakailangang isaalang-alang. Kami’y malapit na sa isang sapa sa bundok na mga 4 o 5 piye (1.2-1.5 m) ang luwang, at si Herb ay nauuhaw. Siya’y tumingkayad upang uminom, ngunit may namataan siyang isang bagay na kumikislap. Kaniyang inabot iyon at kinuha at iyon pala’y mga barya na umabot sa kung ilang mga dolyar. Kaya, mangyari pa, mayroon na kaming magagasta kaya’t nagpatuloy kami. Iyon ay mahaba at mahirap na biyahe, at ang rantsero ay hindi naman interesado, ngunit alam namin na ang teritoryo ay nagawa, at nabigyan ng patotoo ang rantsero.

Mga Karanasan sa Landas

Sa lumipas na mga taon,kami’y nagkaroon ng maraming maliligayang karanasan, at mga katawa-tawa pa. Halimbawa, kami’y napaharap sa pang-uumog sa Corning, California. Ako at apat pang mga sister ang tumulong kay Aleck Bangle (ngayo’y isang misyonero sa Jamaica), nang siya’y ginugulpe sa kalye. Mayroong mahigit na isang daan katao sa kalye na nagsisipanood, na pawang mga tagahanga ng mang-uusig. Nakakatawa nga ngayon na gunitain ang ginawa ko na hinubad ang aking mataas-ang-takong na sapatos at inihampas sa ulo ng mang-uusig nang siya’y yumuko na upang gulpihin ang ating kapatid na si Aleck!

Noong Mayo 29, 1940, na labas ng Consolation (ngayo’y Gumising!) ay nakalarawan sa takip ang ikatlong pangulong Amerikano, si Thomas Jefferson, at ang banderang Amerikano. Palibhasa’y mga araw iyon ng kaguluhan at pag-uusig, palaging may dala akong marami ng gayong isyu sa aking magasin bag, para gamitin kung kailangan. At talaga naman, isang Sabado samantalang nagpapatotoo sa lansangan sa pamamagitan ng magasin, lumapit ako sa dalawang lalaki sa kanto. Ang isa sa kanila, na isang lalaking mabagsik ang mukha, ay nagsabi na parang handang makipag-away: “Ale, kung ang dala mo’y mayroong nakalarawang banderang Amerikano, kukunin ko iyon, pero ikaw ay Jehovah’s Wit​—” Bago siya nakabigkas ng isa pang salita, ako’y sumagot ng: “Opo, Ginoo, mayroon akong dala niyang ibig ninyo,” at inilabas ko ang magasing iyon buhat sa aking magasin bag. Siya’y huminto ng kakakalansing ng pera sa kaniyang bulsa, namula, nautal, at iniabot sa akin ang kontribusyon​—at ibinigay ko sa kaniya ang magasin!

Mayroon pa akong isang nakatutuwang karanasan nang kami’y namamahagi ng isang pantanging pulyeto sa lahat ng miyembro ng klero​—The Kingdom, the Hope of the World. Sa isang bahay, isang klerigo ang sumagot. Siya’y walang bahagya mang interes na kunin iyon, subalit ang bilin sa amin ay iwanan iyon sa pintuan kung maaari, kaya’t natutuwang sinabi ko: “Ito po ang inyong sipi, Ginoo, at basta ilalagay ko rito para sa inyo.” Pumihit na ako upang umalis, at samantalang palayo ako, ang pulyeto ay inihagis sa akin at nahulog sa lupa malapit sa isang lusak. Dinampot ko iyon, sapagkat ayaw ko na iwanan iyon doon, subalit nang sandaling iyon isang malaking aso ang sálalabas na umuungol sa akin, dinaklot ang pulyeto sa aking kamay at nagtatakbong bumalik sa kaniyang panginoon, ang predikator. Kaya’t ang hindi ko naibigay ay ang aso niya ang nagbigay sa kaniya!

Noong 1953, si Inay, si Herbert, at ako ay doon tumira sa Sacramento. Yamang nagiging masasakitin si Herbert, kapuwa kami nagbago ng pamamalakad ng aming buhay. Kadalasa’y nagpapasalamat ako kay Jehova dahilan sa mayroon akong tapat na ina at tapat na asawa. Kapuwa sila yumaon na ngayon, at tumanggap na ng kanilang makalangit na gantimpala. Si Inay ay namatay noong 1975; si Herbert naman ay natapos sa kaniyang makalupang buhay noong Setyembre 1980, sa edad na 82 anyos. Ganiyan pa rin ang aking kalungkutan, subalit pagka ginuguniguni ko ang mga taon ng aming paglilingkod na magkakasama, ako’y naaaliw. At batid ko na hindi magkakaroon ng katapusan ang aking landas, sapagkat si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo, ang siyang aking Giya sa landas na ito na walang hanggan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share