Isang Panaginip ang Nagsisiwalat ng Atrasado Nang Panahon Ngayon
“SI Jehova . . . ang Diyos na buháy at ang Haring walang hanggan.” (Jeremias 10:10) Kailanman ay hindi niya ipinaubaya sa iba ang lubos na kapangyarihan sa kaniyang sansinukob, at ang katotohanang iyan ay hindi kinilala ni Haring Nabukodonosor ng sinaunang Babilonya. Upang ipakilala sa paganong haring iyan na “ang Kataas-taasan ay Hari sa Kaharian ng sangkatauhan,” siya’y pinapanaginip ng Diyos at pinapangyaring ipaliwanag iyon ng Kaniyang lingkod na si Daniel.—Daniel 4:17, 18.
Ang panaginip ay tungkol sa isang malaking punungkahoy. “Ang taas ay umabot sa langit, at yao’y natatanaw hanggang sa kadulu-duluhan ng buong lupa.” Sa utos ng Diyos, ang punungkahoy ay pinutol, ngunit ang tuod niyaon ay binigkisan ng bakal at tanso. Ang mga ito ay mananatiling gayon hanggang sa makalampas sa tuod na iyon ang “pitong panahon,” at pagkatapos ang punungkahoy ay uusbong uli.—Daniel 4:10-17.
“Ang punungkahoy na nakita mo,” ang paliwanag ni Daniel, “ay ikaw, Oh hari . . . at ang iyong pagkahari.” Si Nabukodonosor ay puputulin. Aalisin sa kaniya ang kaniyang kaharian, oo maging ang kaniyang katinuan man, at siya’y gagala-gala sa parang na gaya ng isang mabangis na hayop sa loob ng “pitong panahon.” Pagkalipas lamang ng itinakdang yugto ng panahon aalisin ang makasagisag na bigkis, at ang hari ay muling magsasauli sa kaniyang katinuan at sa kaniyang paghahari.—Daniel 4:20-27.
Gaya ng inihula, “lahat ng ito ay nangyari kay Nabukodonosor na hari.” (Daniel 4:28) Ang Lexicon Linguae Aramaicae Veteris Testamenti ay nagsasabi na ang “pitong panahon” ng panaginip ni Nabukodonosor ay pitong literal na mga taon. Yamang si Nabukodonosor ay naghari ng may 43 mga taon (624-581 B.C.E.), ito ay isang makatuwirang konklusyon.
Ano ba ang Kahulugan Nito sa Atin?
Sa tuwina’y hawak ni Jehova ang kaniyang pansansinukob na soberanya ayon sa mabutihin niya. Sa loob ng isang panahon ay ginawa niya ito sa lupa sa pamamagitan ng bansang Israel, na ang makalupang mga hari ay tumpak na sinasabing “nakaluklok sa trono ni Jehova.” (1 Cronica 29:23) Nang ang Israel ay naging apostata, pinayagan ni Jehova na maibagsak ang dinastiya nito ng mga hari sa mga inapo ni Haring David.
Kung gayon, anong pagkaangkup-angkop nga na pagkatapos ay magbigay ang Diyos ng palatandaan kay Haring Nabukodonosor—na siyang pinahintulutang magbagsak sa Kaniyang tipikong kaharian—na ito’y hindi nangangahulugan na ang matuwid na soberanya ng Diyos ay nagwakas nga. Anong pagkahala-halaga na ituro sa kaniya at sa lahat ng mga bansang Gentil na yuyurak sa kumakatawan sa Diyos na kaharian na ang ganitong kalakaran ng mga bagay ay pansamantala lamang!
Samakatuwid, ang punto ng panahon nang ibigay ang panaginip, ang persona na pinagbigyan nito, at ang tema ng makalangit na soberanya na idiniriin, ay nagpapakilala na may mas malawak na katuparan ito kaysa nangyari kay Nabukodonosor. Kanilang sinasabi na tulad ng isang pinutol na punungkahoy na binigkisan, ang makalangit na pamamahala na nasaksihan sa Jerusalem, na ngayo’y pinuksa na, ay hindi ibabalik kundi pagkatapos ng “pitong panahon” na ang mga bigkis na ito na nakapipigil ay alisin na. Sa panahong iyan, ang kumakatawan sa Diyos na Hari, “ang pinakamababa sa sangkatauhan,” ang ipinangakong Mesiyas ang tinutukoy, ay iluluklok sa kaniyang Kaharian. Kung kailan gagawin ito ng Diyos, iyon nga ang hiniling ng mga alagad ni Jesus na sabihin sa kanila bilang palatandaan.—Daniel 4:17; Mateo 24:3.
Mayroon ding mga iba pang patotoo na tama ang malawakang aplikasyong ito ng panaginip ni Nabukodonosor. Ang hula na nasusulat sa Daniel 9:24-27 ang tumutukoy sa eksaktong taon ng pagdating ng Mesiyas mahigit na 500 taon pagkatapos.a Ngayon kung ang panahon ng pagparito ng Mesiyas bilang tao ay inihula nang tiyak na tiyak, hindi baga makatuwirang manghinuha na ang panahon ng kaniyang lalong mahalagang di-nakitang pagbabalik na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian ay ihuhula nang may katulad na katiyakan din? Sino ang lalong angkop na gumawa nito kundi si Daniel? Alalahanin din na pagkatapos isulat ang kaniyang mga pangitain at mga panaginip na hula, kasali na yaong panaginip ni Nabukodonosor tungkol sa punungkahoy, kay Daniel ay sinabi: “Isara mo ang mga salita at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan.” Bakit hanggang sa panahong iyon? Sapagkat sa panahong iyon “lalago ang tunay na kaalaman.” Kung ang isinulat ni Daniel ay sasarhan, hindi mauunawaan, hanggang sa “panahon ng kawakasan,” hindi baga nagpapakita iyan na ang kaniyang mga isinulat ay magkakaroon ng makahulang kahalagahan sa panahong iyan?—Daniel 12:4.
Ang “Pitong Panahon”—Mula Kailan Hanggang Kailan?
Sa pagbibigay ng tandang ito, binanggit ni Jesus ang “pitong panahon,” at tinawag ito na “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa.” Sinabi niya: “Ang Jerusalem ay [patuloy na] yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa ang itinakdang mga panahon sa mga bansa ay matupad.” (Lucas 21:24) Ang isang talababa sa Oxford NIV Scofield Study Bible (1984) ay nagsasabi sa atin na “ang ‘mga panahon ng mga Gentil’ [King James Version na salin ng “itinakdang mga panahon sa mga bansa”] ay nagsimula nang bihagin ang Juda sa ilalim ni Nabukodonosor. . . . Sapol nang panahong iyon ang Jerusalem, gaya ng sinabi ni Kristo, ‘ay niyurakan ng mga Gentil.’”
Gaano bang kahaba ang “pitong panahon,” o “itinakdang mga panahon sa mga bansa”? Maliwanag, ang mga ito ay mas matagal kaysa 7 literal na mga taon na may 360 araw bawat isa (ayon sa kalkulasyon ng mga taon sa Bibliya), na katumbas ng 2,520 mga araw. Batay sa Kasulatan ang isang taon ay dapat nating itumbas sa isang araw. (Tingnan ang Bilang 14:34; Ezekiel 4:6; ihambing ang Apocalipsis 12:6, 14.) Ang ganiyang kalkulasyon ay mangangahulugan na ang “pitong panahon” ay may habang 2,520 taon. Kung ang mga ito’y nagsimula sa pagkapuksa ng Jerusalem noong 607 B.C.E., matatapos ang mga ito sa taóng 1914 C.E.
Sa loob ng mahigit na tatlumpung taon bago sumapit ang 1914, ang mga Saksi ni Jehova ay tumatawag na ng pansin sa kahulugan ng petsang ito. Subalit, kapuna-puna, ang aklat na International Crisis, ni Eugenia Nomikos at Robert C. North (1976), ay nagsasabi na nagkaroon ng “kaunti o walang ebidensiya ng patuloy na pagdami o ‘paglago’ ng mga alitan at mga tensiyon na hahantong na tuwiran sa pagsisiklab ng digmaan.” Bagkus, “nang magtatapos na ang 1913 at sa pagpasok ng 1914 . . . ang mga relasyon ng malalaking bansa ay sa tingin higit na panatag kaysa noong maraming taon na lumipas.” Subalit ngayon, pitumpong taon na ang nakalipas, ang mga historiyador ay nagsasabi na ang 1914 ay isang panahon ng napakalaking pagbabago sa kasaysayan ng tao. Ang Alemang reperensiyang Meyers Enzyklopädisches Lexikon, halimbawa, ay nagsasabi na “ang mga epekto ng Digmaang Pandaidig I ay literalmente rebolusyonaryo at malalim ang pagkakaugat sa buhay ng halos lahat ng bayan, sa kabuhayan at ganoon din sa lipunan at sa pulitika.”
Ang pulitikal na mga pagbabagong dala ng mga pangyayari noong 1914 ay kilalang-kilala. Ang mga pagbabago sa lipunan na likha nito ay binabanggit sa aklat ni Virginia Cowles na 1913: An End and a Beginning. “Ang taóng 1913 ang wakas ng isang kapanahunan,” ang isinulat niya. Tungkol sa mga epekto sa kabuhayan, si Ashby Bladen, isang senior na bise-presidente ng The Guardian Life Insurance Company of America, ay sumulat: “Bago nang 1914 ang mga sistema ng pera at ng pananalapi ay magkakasuwato. . . . Kung kukunin mo ang Agosto 1914 bilang tagapaghati ng panahon, kapuna-puna ang mga pagkakaiba sa pagitan ng ikalabinsiyam at ng ikadalawampung siglo. Sa maraming pitak ng pamumuhay ng tao ay nagkaroon ng ganap na kabaligtaran ng mga pangyayari. . . . Ang isang pangunahing dahilan ay ang pagkaputol ng ugnayan sa pagitan ng sistema ng pananalapi at ng salapi na may katutubong halaga na nagsimula noong 1914. . . . Ang pagkasira ng kaugnayang iyan ay isang mahalagang pangyayari. . . . Ang 1914 ang pasimula ng isang biglaang malaking pagbabago ng sistemang iyan, na naging kapaha-pahamak sa wakas.”
Gaano Nang Kaatrasado ang Oras?
Ang ebidensiya na natutupad na ngayon ang tanda na ibinigay ni Jesus ay madaling mapatutunayan sa mga balita ng pahayagan o ng telebisyon. At ito’y nagbibigay ng lubos na patotoo na ang kronolohiyang katibayan na umaalalay sa 1914 ayon sa isiniwalat ng panaginip ni Nabukodonosor ay tama. Kaya ngayon, sa 1986, ito’y nangangahulugan na tayo’y 72 taon nang nasa “panahon ng kawakasan.” Ipinangako ni Jesus na may mga kabilang sa salinlahi ng mga tao na may sapat na edad upang masaksihan ang pasimula nito na buháy pa rin pagka dumating ang malaking kapighatian na magdadala ng wakas dito.—Mateo 24:34.
Anong laking pampasigla ito upang tayo’y manatiling laging gising, na ang ating mga mata’y nakapako sa makalangit na pagpapahayag ng kung gaanong kaatrasado na ngayon! Anong pagkaha-halaga nga na iwasan natin ang pagkainip, na sinusubok na pabilisin ang orasan ng Diyos, upang mabigo lamang! Sa kabilang panig, anong pagkahala-halaga naman na tayo’y huwag maging kampante, na sinusubok na pabagalin ito, at maiwanan! Tandaan, higit pa ang nakataya kaysa panganib na maiwanan ng isang bus, tren, o eruplano. Ang panganib ay nasa bagay na maiwanan ka at huwag magtamo ng buhay na walang hanggan sa bagong sistema ng Diyos ng mga bagay. At iyan ay isang bagay na pagkabuti-buti at hindi mo ibig na maiwala!
[Talababa]
a Para sa paliwanag nito, tingnan ang aklat na “Let Your Kingdom Come,” pahina 56-63, lathala noong 1981 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 6]
Kailan nga Natapos ang “Pitong Panahon”?
May mga taong nangangatuwiran na kung ang “pitong panahon” ay makahula at kahit na ang mga ito’y may habang 2,520 taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakamali pa rin tungkol sa kahulugan ng 1914 sapagkat ang ginagamit nila ay maling puntong pinagsisimulan. Ayon sa kanilang sabi, ang Jerusalem ay pinuksa noong 587/6 B.C.E., hindi 607 B.C.E. Kung totoo ito, iaabante nito ang pasimula ng “panahon ng kawakasan” ng mga 20 taon. Subalit, noong 1981 ang mga Saksi ni Jehova ay naglathala ng kapani-paniwalang ebidensiya na umaalalay sa taóng 607 B.C.E. (“Let Your Kingdom Come,” pahina 127-40, 186-9) Isa pa, yaon bang mga sumusubok na tabigin ang 1914 bilang mahalagang taon sa Bibliya ay makapagpapatunay na ang 1934—o anumang ibang taon—ay nagkaroon ng lalong mahalaga, lalong dramatiko, at lalong kamangha-manghang epekto sa kasaysayan ng daigdig higit kaysa nagawa ng 1914?
[Chart sa pahina 6]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Pitong “itinakdang mga panahon Panahon ng kawakasan
sa mga bansa” (2,520 taon)
607 B.C.E. 33 C.E. 1914 C.E. 1986 C.E.
Winasak “Jerusalem” “Panahon ng 72 taon na tayo
ang makalupang nang “niyu- kawakasan” sa “panahon ng
Jerusalem yurakan pa” ay nagsimula kawakasan”
(Lucas 21:24) (Daniel 12:4) (Mateo 24:3,
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang panaginip ni Nabukodonosor ay may malawakang katuparan na nakakaapekto sa iyo!