Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 12/15 p. 15-20
  • Anong Pagkadaki-dakila ang Pangalan ni Jehova!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anong Pagkadaki-dakila ang Pangalan ni Jehova!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Rahab at ang Kaniyang Sambahayan
  • Ang Jerico​—Noon at Ngayon
  • Isinagawa ang Inihatol
  • Nabigo ang Isang Apostata
  • Siya ay ‘Ipinahayag na Matuwid sa Pamamagitan ng mga Gawa’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Si Rahab—Inaring Matuwid sa Pamamagitan ng mga Gawa ng Pananampalataya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Itinago ni Rahab ang mga Espiya
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Naniwala si Rahab kay Jehova
    Turuan ang Iyong mga Anak
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 12/15 p. 15-20

Anong Pagkadaki-dakila ang Pangalan ni Jehova!

“Oh Jehova na aming Panginoon, anong pagkadaki-dakila ng iyong pangalan sa buong lupa!”​—AWIT 8:1, 9.

1. Bakit pinapangyari ni Jehova na ‘maisuka’ ng lupain ang mga Canaaneo?

SA WAKAS, noong 1473 B.C.E., ang Israel ay naroroon na sa lupain na ipinangako. Subalit mga ilang taon pa ng teokratikong pakikipagbaka ang kailangang harapin, sapagkat kailangang lipulin nila sa lupain ang sukdulan ng samáng mga nananahanan doon. Ang mga Canaaneo kayang iyon ay talagang gayong kasamâ? Oo sila’y gayon nga! Ang kanilang idolatriya at imoral na pamumuhay ay kasuklam-suklam sa paningin ni Jehova at isang panganib sa bayan ng Diyos. Sa gayon, pinangyari ng Diyos na ibalita ni Moises na Kaniyang gagamitin ang Kaniyang banal na bansa, ang Israel, bilang Kaniyang tagapuksa. Sa ganoon, pangyayarihin ni Jehova na ‘maisuka’ ng lupain ang mga karumaldumal na bansang iyon.​—Levitico 18:1-30; Deuteronomio 12:29-32.

2. Anong “mga bunga” ang isinibol ng mga sistema ng relihiyon ng sanlibutan?

2 Sa ngayon, maitatanong din natin ang ganito, Ang sanlibutan bang ito ay napakasamâ upang maging karapat-dapat sa pagpuksa? Bueno, ano ang masasabi tungkol sa mga sistema ng relihiyon ng sanlibutan? Nakalulungkot sabihin, ang mga ito ay hindi nagbibigay kapurihan sa Maylikha, ang Diyos na Jehova. Ang mga tao sa Sangkakristiyanuhan ay nagtakwil sa kaniya, “ang bukal ng tubig na buháy, upang magsigawa sa ganang kanila ng mga balon, na mga sirang balon, na hindi malalamnan ng tubig.” (Jeremias 2:13) Ang paniniwala ng kani-kanilang sekta ay walang “tubig” ng katotohanan. Kanilang pinatunayan na sila’y bahagi ng sanlibutan sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga digmaan at pulitika nito at pagsang-ayon sa mga pamantayang-asal nito. Gaya ng sinabi ni Jesus, sila’y makikilala “sa kanilang mga bunga.”​—Mateo 7:16, 17; ihambing ang Galacia 6:7, 8.

3. Ano ang naging resulta sa sanlibutan ng paglabag sa kautusan ng Diyos?

3 Ano ba ang moral ng daigdig? Noong nakalipas na mga taon, sa buong globo ay patuloy na dumarami ang mga aborsiyon, pagdadalangtao ng mga tin-edyer, at watak-watak na pamilya, lalo na sa umano’y mga bansang Kristiyano. Sa mga ibang bansa, singdami ng 50 porsiyento ng lahat ng pag-aasawa ay nagtatapos sa diborsiyo. Ang “sexual revolution” ng 1960’s ay mayroon pang mga ibang kapaha-pahamak na ibinunga. Isa na rito ay binanggit sa The New York Times ng Hunyo 13, 1986, sa ilalim ng paulong-balita sa unang pahina: “TENFOLD INCREASE IN AIDS DEATH TOLL IS EXPE ED BY ’91.” (Makasampung Ibayong Pagdami ng Namamatay sa AIDS ang Inaasahan Pagsapit ng 1991) Ipinakikita ng artikulo na pagsapit ng 1991, kahit sa Estados Unidos lamang ang bilang ng mga maysakit ng AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) ay magiging mahigit na 100,000, at sa taun-taon ang gastos sa pagpapagamot ng sakit na ito ay aabot sa 16 bilyong dolyar. Ang nakamamatay na sakit na ito ay naililipat unang-una sa pamamagitan ng homoseksuwal na pagtatalik, pag-aabuso sa droga, at pagsasalin ng dugo​—na pawang labag sa kautusan ng Diyos.​—1 Corinto 6:9, 10; Galacia 5:19-21; Gawa 15:19, 20.

4. (a) Paanong ang ating pakikipagbaka ay naiiba sa pakikipagbaka ng Israel noong kaarawan ni Josue? (b) Hanggang saan tayo dapat makisama sa mga taong makasanlibutan, at bakit?

4 Noong kaarawan ni Josue, sinugo ni Jehova ang Kaniyang bansang banal upang linisin ang Lupang Pangako sa pamamagitan ng literal na pagbabaka. Sa ngayon, ang ating pakikipagbaka ay espirituwal. (2 Corinto 10:3, 4) Tayong mga Saksi ay hindi gumagawa ng marahas na pagkilos upang alisin yaong mga hindi sumusunod sa Salita ng Diyos. Si Jehova ang mag-aalis sa kanila sa kaniyang takdang panahon at sariling paraan. (Deuteronomio 32:41, 43) Ang mga taong walang prinsipyo ay hindi natin tinatanggap sa ating matalik na pagsasamahan, bagama’t tayo’y makapagpapakita ng tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng pagdadala sa kanila ng mabuting balita ng Kaharian. (1 Corinto 15:33) Tayo’y maaaring makipag-aral sa kanila ng Salita ng Diyos at himukin sila na ‘magsisi, at magbalik-loob, upang ang kanilang mga kasalanan ay mapawi.’​—Gawa 3:19; Mateo 21:31, 32; Lucas 5:27-32.

Si Rahab at ang Kaniyang Sambahayan

5, 6. (a) Bakit ang mga espiya ay pumaroon sa Jerico at sa bahay ni Rahab? (b) Sa ngayon, paano malimit sinasagot ni Jehova ang mga paghingi ng tulong? (c) Paano ipinakita ni Rahab na siya’y “isang kaibigan ng kapayapaan”?

5 Kahit na bago tumawid sa Ilog Jordan ang Israel, si Jehova ay nagdirekta na ng pansin sa lunsod ng Jerico. Si Josue ay nagsugo ng dalawang espiya, na kumakatawan sa buong Israel, at sinabi sa kanila: “Pumaroon kayo, tingnan ninyo ang lupain at ang Jerico.” Bakit sila maniniktik sa Jerico? Bagaman ang lunsod na iyon ay maliit at hindi makakatumbas ng hukbo ng Israel, iyon ay madaraanan bago makapasok sa Canaan. Gaya ng kinalabasan, sa pagpunta roon ng mga espiya ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao sa Jerico na ipakilalang malinaw kung sila ay nasa panig ni Jehova o laban sa kaniya. “Kaya [ang mga espiya] ay naparoon at pumasok sa bahay ng isang babaing patutot na nagngangalang Rahab, at sila’y nakituloy doon.” (Josue 2:1-7) Tiyak na ang patnubay ng Diyos ang umakay sa mga espiyang ito sa bahay ni Rahab, kung paano rin naman dahil sa patnubay ng mga anghel ay kadalasan naaakay ang mga Saksi ni Jehova sa mga taong nananalangin na sila’y bigyan ng espirituwal na tulong. “Ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang pakinig ay dumidinig ng kanilang paghingi ng tulong.”​—Awit 34:15; tingnan din ang 2 Cronica 16:9.

6 Bakit papasok sa bahay ng isang patutot ang mga espiyang iyon? Hindi sa layuning imoral, kundi malamang na upang iligaw ang mga nagmamasid na Canaaneo. Ang mga sinabi ni Rahab sa mga espiya ay nagpapakita na wala siyang imoral na hangarin sa kanila. Sa pagkaalam na sila’y mga lingkod ni Jehova, kaniyang masasabi sa kanila ang kaniyang matinding pagnanasa na maging isang mananamba kay Jehova. Kaniya pa man ding isinapanganib ang kaniyang buhay nang kaniyang itago sila sa bubong ng kaniyang bahay. Siya’y katulad ng “mga tupa” sa talinghaga ni Jesus, na nagpakita ng kabaitan sa “mga kapatid” ng Panginoon. (Mateo 25:31-46) Samantalang kumikilos nang buong-ingat, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay hindi nag-aatubili na dalawin at aralan ng Bibliya ang gayong interesadong ‘mga kaibigan ng kapayapaan.’​—Lucas 10:5-7.

7. (a) Paano ipinahayag ni Rahab ang kaniyang pananampalataya kay Jehova? (b) Anong saloobin ang dapat ipakita ngayon ng mga baguhan, at paano sila dapat kumilos?

7 Napag-alaman ni Rahab ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova. Sa ikinubling mga espiya ay maipahahayag niya ang kaniyang pananampalataya na ang sabi: “Talastas ko na tiyak na ibibigay sa inyo ni Jehova ang lupain, at dinatnan kami ng pangingilabot sa inyo, at ang lahat na nananahan sa lupain ay nauupos sa harap ninyo.” Pagkatapos na banggitin ang report na kaniyang nabalitaan ang tungkol sa mga kababalaghan ni Jehova, si Rahab ay nagpatuloy na nagsabi: “Si Jehova ninyong Diyos ay siyang Diyos sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba. At ngayon, pakisuyo, sumumpa kayo sa akin sa pangalan ni Jehova na, dahilan sa ako’y nagmagandang-loob sa inyo, kayo rin naman ay magmamagandang-loob sa sambahayan ng aking ama, at bibigyan ninyo ako ng isang kapani-paniwalang tanda.” (Josue 2:9-13) Tulad ni Rahab, ang mga baguhan na natututo ngayon ng katotohanan ng Diyos ay hindi na kailangang matakot dahilan sa paghuhukom na gagawin sa “araw ni Jehova.” (Zefanias 1:14-18) Bagkus, kanilang sinisikap na tamuhin ang tulong ng mga Saksi ni Jehova upang kamtin ang kaligtasan.​—Awit 3:6-8; Kawikaan 18:10.

8. (a) Ano sa ngayon ang katumbas ng ginawa ni Rahab na pagtatali sa bintana ng isang “panaling sinulid na pula”? (b) Bakit inaring matuwid si Rahab, at ano ang resulta?

8 Ang tanda na ibinigay ng mga espiya kay Rahab ay isang “panaling sinulid na pula” na kaniyang itatali sa bintana na binabaan ng mga espiya sa pagtakas. (Josue 2:17-21) Dahilan sa itinali ni Rahab sa bintana ng kaniyang bahay ang tanda na ito, ang kaniyang bahay ay hindi gagalawin pagka pinuksa na ang Jerico. Gayundin naman sa ngayon, yaong mga sumasampalataya gaya ni Rahab ay kailangang makilala para maligtas bilang nag-alay, bautismadong mga mananamba kay Jehova. Sa Apocalipsis 7:9, 10, 14 ay inilalarawan sila bilang “isang malaking pulutong” na “naglaba ng kanilang kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” Sila’y nananampalataya sa inihain ni Jesus na dugo niya at ito’y nilalakipan nila ng mga gawang Kristiyano. (Roma 10:9, 10) Mababasa natin sa Santiago 2:24, 25: “Nakikita ninyo na ang isang tao ay inaaring matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Gayundin naman hindi ba pati si Rahab na patutot ay inaring matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, pagkatapos na kaniyang pagmagandahang-loob at tanggapin ang mga sugong mensahero at pinadaan sa ibang daan?”

9. (a) Ano ba ang kasali sa “mga gawa” ni Rahab? (b) Ano ang naging resulta ng walang takot na pagpapatotoo sa ngayon?

9 Sa “mga gawa” ni Rahab ay kasali ang pagbibigay ng proteksiyon sa dalawang espiya at mayroon pang mga iba na tinipon siya sa kaniyang bahay para maligtas. Sa ganiyan ding paraan, ang “malaking pulutong” sa modernong panahon ay abalang-abala sa tapat na pagsuporta sa pinahirang “tapat at maingat na alipin” samantalang ang grupong ito ay nagbibigay ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” at nangangasiwa sa pangglobong pangangaral ng Kaharian. (Mateo 24:45-47) Sa kaniyang sarili, si Rahab ay walang takot sa pagpapatotoo sa sambahayan ng kaniyang ama​—isang gawain na puno ng panganib, sapagkat maaari siyang ipagkanulo roon. (Ihambing ang Mateo 10:32-36.) Gayundin naman, sa maraming lupain na kung saan may pananalansang ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang walang takot sa pagpapatotoo. Ang resulta nito ay ang pagtitipon ng napakarami, at malimit na buong mga pamilya ang nagsilabas sa Babilonyang Dakila upang manindigan sa panig ng dalisay na pagsamba kay Jehova.​—Awit 73:28; 107:21, 22.

Ang Jerico​—Noon at Ngayon

10. Anong pantanging pansin ang kailangan noon na ibigay sa Jerico?

10 Malasin natin ang dramatikong mga pangyayaring ito buhat sa isang naiibang anggulo. “Ang Jerico nga ay lubos na nakukubkob dahilan sa mga anak ni Israel, walang nakalalabas at walang nakapapasok.” Ito ang unang-unang lunsod sa Canaan na sumailalim ng panglipol na tabak ni Jehova. Kaya naman, bilang mga unang bunga na nakatalaga sa Diyos, iyon ang kailangang tumanggap ng pantanging pansin. Ipinaliwanag ni Josue: “Ang lunsod ay kailangang italaga sa pagkapuksa; ito at lahat ng naririto ay kay Jehova.”​—Josue 6:1, 17; ihambing ang Exodo 22:29; Levitico 27:26.

11. (a) Anong kapuna-punang katulad ang mapapansin natin sa ngayon? (b) Bumanggit ng isang halimbawa ng “pangingilabot” ng Babilonyang Dakila.

11 Katulad na katulad nga ito ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon na umabot na sa tugatog ng kaniyang kasamaan sa tigmak-dugong ika-20 siglong ito! Sinikap nito na isara ang kaniyang mga pintuan upang huwag makapanghimasok ang mga Saksi ni Jehova. Sa pananalita ni Rahab, ang “pangingilabot” sa bayan ng Diyos ay dumating dito. Halimbawa, ang peryodikong Italyano na La Repubblica ng Nobyembre 12, 1985, ay mayroon ng ganitong paulong-balita: “SIGAW NG ALARMA BUHAT SA SIMBAHAN LABAN SA MGA SAKSI NI JEHOVA.” Ang artikulo ay nag-ulat na ang isang pulong, na doo’y nakibahagi ang isang kardinal ng Romano Katoliko, na ginanap sa Bologna upang salungatin ang “pinsalang” ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Ang papa ay nagpadala ng isang telegrama ng pampatibay-loob at pagsuporta. Ganito ang kanilang isinigaw: “Ngayon ay napuno na nila ang buong daigdig,” at ipinahayag na “ngayon ay kikilos na ang simbahan” upang salubungin ang “panganib” na ito. Subalit mananaig kaya ito?​—Jeremias 1:17-19.

12. (a) Paanong ang ideya ng Babilonyang Dakila tungkol sa “diyos” ay ibang-iba sa katotohanan? (b) Bakit ipakikipaglaban ni Jehova ang kaniyang mga Saksi?

12 Ang Babilonyang Dakila ay binubuo ng isang nakalilitong karamihan ng diyos, buhat sa mahiwagang trinidad ng Sangkakristiyanuhan hanggang sa milyun-milyong diyos ng mga relihiyong Silanganin. Bago niya sinugo si Josue, sinabi na ni Moises: “Pakinggan mo, Oh Israel: si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.” Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova rin naman ang dumadakila sa “isang Diyos at Ama” na ito. (Deuteronomio 6:4; Efeso 4:6) Tayo’y ipaglalaban ni Jehova gaya ng ginawa niya noong mga kaarawan ni Josue at ng iba pang mga tapat na pinuno sa Israel.​—2 Cronica 20:15, 17; 32:7, 8; Isaias 54:17.

Isinagawa ang Inihatol

13. (a) Anong mga pangyayari ang humantong sa pagkubkob sa Jerico? (b) Anong mga kahawig ang mapapansin natin ngayon?

13 Si Josue ay gumawa ng lubusang paghahanda para sa pagkubkob sa Jerico. Ang mga lalaki na nagsilaki sa ilang ay tinuli. Ito’y sumasagisag sa kanilang pagtatabi ng lahat ng bagay na maaaring makahadlang sa buong-pusong debosyon kay Jehova. (Deuteronomio 10:16; 30:5, 6) Muling ipinagpatuloy ang pagganap sa Paskua. Ang mga tao ay nagsikain ng ani ng lupain yamang huminto na ang pagtanggap nila ng kahima-himalang manna. At, ang “prinsipe ng hukbo ni Jehova,” walang alinlangan ang Logos bago naging tao, ay napakita kay Josue, at tiniyak sa kaniya ang mga bagay-bagay. At buong kapakumbabaan naman na kinilala ni Josue ang Isang iyon. Sa lahat ng ito, mapapansin na may mga kahawig ito sa karanasan ng modernong-panahong mga Saksi ni Jehova samantalang sila’y gumaganap ng gawain sa kasalukuyan. Ang ating espirituwal na pagkain ay naging lalong sari-sari at lalong sagana sa sustansiya ang nilalaman samantalang “ang tapat at maingat na alipin” ay kumikilos nang pasulong sa unahan sa ilalim ng pangunguna ng Panginoong Jesu-Kristo.​—Josue 5:1-15.

14. Anong pambihirang pamamaraan ang iniutos ni Jehova na gamitin sa pagkubkob sa Jerico?

14 Masdan ngayon ang tanawin ng labanan. Si Jehova ay nag-utos tungkol sa mga pambihirang pamamaraan nga! Minsan sa bawat araw sa loob ng anim na araw, ang mga saserdote ng Israel ay nagmamartsa sa palibot ng Jerico, dala ang Kaban, na kumakatawan sa presensia o pagkanaroroon ni Jehova. Nauuna sa kanila ang pitong mga saserdote na humihihip ng mga pakakak na mga sungay ng tupa, ang mga kawal ng Israel ay nagmamartsa sa unahan at sa hulihan nila. Subalit sa ikapitong araw sila ay bumangong ‘maaga, pagsisimula ng madaling araw,’ at nagmartsa sa palibot ng lunsod makapitong beses. Nang ito’y makita ng mga taga-Jerico, tiyak na sila’y kinilabutan.​—Josue 6:2-15.

15. Ano ang katumbas nito sa aktibidad ng mga Saksi ni Jehova ngayon?

15 Mayroon tayong isang kapuna-punang kahawig nito sa ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ngayon sa buong lupa. Kamakailan, kapuna-puna ang pagsulong ng ating gawaing pang-Kaharian. Sa loob ng limang taon magpahanggang 1985, ang bilang ng mga payunir ay sumulong ng 134 porsiyento. Ang hukbo ng mga payunir at iba pang tapat na mga mamamahayag ng Kaharian ay bumangon nang “maaga,” kadalasan sa literal na paraan pa nga, at sila’y masigasig na nangaral ng mga kahatulan ni Jehova. Sa mga lider ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ang mga Saksing ito ay wari bagang “isang bayan na binubuo ng marami at malakas.” Ang klero ay nasa “matinding paghihirap” samantalang nakikita nila kung paano ang pangangaral ng katotohanan ay umaakay sa maraming tapat-puso na umalis sa kanila at pagkatapos ay manindigan sa panig ni Jehova.​—Joel 2:1-3, 6.

16. (a) Anong mga himala ang kasabay ng pagbagsak ng Jerico? (b) Paanong ginantimpalaan ang pananampalataya ni Rahab?

16 Sa wakas iniutos ni Josue sa bayan: “Humiyaw kayo; sapagkat ang lunsod ay ibinigay na sa inyo ni Jehova.” Umalingawngaw ang isang malakas na sigaw sa digmaan. Ang lupa ay yumanig at​—himala ng mga himala​—ang mga pader ng Jerico ay bumagsak. Tinupad ng mga Israelita ang utos na pasukin ang lunsod upang lipulin ang bawat may buhay doon. Kanilang sinunog iyon. Subalit narito! Isang maliit na bahagi ng panlabas na pader ang nakatayo pa rin, at sa bintana niyaon ay may nakalawit na isang panaling pula. Si Rahab at ang pamilya ng kaniyang ama ay nagsilabas nang di-napipinsala. Nang sumapit ang panahon, ang pananampalataya ni Rahab ay ginantimpalaan pa rin sapagkat siya’y naging asawa ng Israelita na si Salmon at naging ninuno ni Jesu-Kristo.​—Josue 6:16-26; Mateo 1:5.

17. Ano ba ang inilalarawan ng mga himalang ito?

17 “Sa gayo’y si Jehova ay suma-kay Josue, at ang kaniyang kabantugan ay lumaganap sa buong lupa.” Gayundin naman, ang kamahal-mahalang pangalan ni Jehova ay ipagbabangong-puri pagka ang Babilonyang Dakila ay winasak na at hinubaran ng kaniyang kayamanan at kaluwalhatian sa pagsisimula ng “malaking kapighatian.”​—Josue 6:27; Apocalipsis 17:16; 18:9, 10, 15-17; Mateo 24:21, 22.

Nabigo ang Isang Apostata

18. (a) Bakit ‘ang puso ng bayan ay nanlumo’? (b) Paano kumilos si Josue sa gitna ng kagipitang iyon?

18 Di nagtagal pagkatapos ng malaking tagumpay sa Jerico, isang kamangha-manghang bagay ang nangyari. Ang hukbo na sinugo ni Josue upang sumalakay sa karatig lunsod ng Ai ay nagapi! “At ang puso ng mga tao ay nanlumo at naging parang tubig.” Ang nababalisang si Josue ay bumulalas sa panalangin: “Inakupo, Soberanong Panginoong Jehova, . . . ano ang gagawin mo sa iyong dakilang pangalan?”​—Josue 7:2-9.

19, 20. (a) Paano nilutas ni Jehova ang bagay na iyon, at anong kasiguruhan ang ibinigay niya kay Josue? (b) Anong modernong-panahong kahawig ang mapapansin natin?

19 Nang magkagayo’y isiniwalat ni Jehova kay Josue na may gumawa ng “isang kahiya-hiyang bagay” sa Israel. Si Achan na nasa tribo ng Juda ang nakilala na siyang nagkasala. Buhat sa mga samsam na bagay ng Jerico siya ay nagnakaw ng isang “kaakit-akit” na kasuotang Babiloniko, pati na rin ginto at pilak. Si Jehova ay ‘nagdala ng ostrasismo’ (pagkabagabag) kay Achan, at siya at ang kaniyang pamilya ay pinagbabato. Pagkatapos sila at ang kanilang mga ari-arian ay sinunog. Bilang isang walang hanggang patotoo sa pagsasagawang iyon ng inihatol ni Jehova, isang malaking bunton ng mga bato ang ibinunton sa ibabaw ni Achan mismo, at ang dakong iyon ay tinawag na “Mababang Kapatagan ng Achor,” na ang ibig sabihin ay “Ostrasismo; Pagkabagabag.” At, muling sinabi ni Jehova kay Josue: “Huwag kang matakot o mangilabot man.” Ang pangalan ni Jehova ay dinakila sapagkat hindi na uli nagapi si Josue sa digmaan.​—Josue 7:10–8:1.

20 Mayroon bang modernong-panahong kahawig ang kasalanan ni Achan? Oo, mayroon. Si apostol Pablo ay nagbabala tungkol sa “mga ganid na lobo” na hindi gagalang sa kaayusang teokratiko at ang kanilang mapag-imbot na mga lakad ang itataguyod. Sapol noong 1919 manaka-naka, sa gitna ng bayan ng Diyos ay may lumitaw na gayong mga masasakim. Bilang isang halimbawa kamakailan, noong kalagitnaan ng 1970’s may mga prominenteng hinirang na matatanda na naging reklamador. Hindi raw naaayon sa kanilang “karangalan” na magpatotoo sa bahay-bahay, dala ang mensahe ng Kaharian gaya ng ginawa ng mga apostol ni Jesus. (Gawa 5:42; 20:20, 21, 29, 30) Minabuti nila na bumalik sa mga aral na maka-Babilonya. May katusuhan na nagsikap sila na magbangon ng mga pag-aalinlangan tungkol sa “mga huling araw” at pabagalin ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. (2 Pedro 3:3, 4) Sa wakas, sila’y kinailangan na itiwalag.​—2 Juan 10, 11; ihambing ang Filipos 1:15-17; Hebreo 6:4-8.

21. (a) Ano ang sa malas ay naging isang dahilan ng pagbagal noong may dulo ng 1970’s? (b) Ano ang maaaring isang dahilan ng ‘pagbilis’ ng gawain sapol nang panahong iyan?

21 Sa The Watchtower ng Hulyo 15, 1979, ay tahasang ipinakita ang batayan sa Kasulatan ng ating ministeryo sa pagbabahay-bahay at ang kahalagahan nito. Ang tapat na mga Saksi ay sumulong nang mabilis noong mga taon ng 1980’s! Marahil dahil sa mayroon ngang mga ilang apostata ay may nagawa ito sa pagbagal ng gawain ni Jehova noong huling kakalahatian ng 1970’s​—nang ang katamtamang taunang pagsulong sa aktibidad ng mga Saksi ni Jehova ay umurong nang kulang sa 1 porsiyento. Gayunman, ang taunang pagsulong noong huling limang taon ay sa katamtaman mahigit na 6 porsiyento. Ang mga mamamahayag ng Kaharian ay umabot sa buong daigdig sa pinakamataas na bilang na 3,024,131 noong 1985, kung ihahambing sa 2,179,256 noong 1975. Patuloy na ‘pinabibilis’ ni Jehova ang kaniyang gawain!​—Isaias 54:2, 3; 60:22.

22. Samantalang tayo’y magpapatuloy pa ng pagtalakay sa aklat ni Josue, ano ang dapat nating maunawaan tungkol sa pangalan ni Jehova?

22 Tunay nga, ang pangalan ni Jehova ay naging pagkadaki-dakila sa buong lupa! Subalit siya’y ‘nagsasabi’ sa atin nang higit pa sa pamamagitan ng aklat ni Josue, gaya ng makikita natin ngayon.​—Isaias 42:8, 9.

Sa Aklat ng Josue​—

◻ Anong kalagayan ang makikita natin na katulad ng kalagayan ng daigdig ngayon?

◻ Ano ang matututuhan natin buhat sa ulat tungkol kay Rahab?

◻ Ano ang makikita natin na kahawig ng ating pinabilis na aktibidad?

◻ Ano ba ang inilalarawan ng pagbagsak ng Jerico?

◻ Ano ang ipinakikita ng pagpaparusa sa kasalanan ni Achan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share