Pagsasayá sa Gitna ng Bayan ng Diyos
KASALI sa mga salita ni Haring David, na nasusulat sa Awit 68, talatang 2-4, ang isang mainit na paanyaya sa lahat ng mangingibig sa tunay na kalayaan: “Kayo’y magsiawit sa Diyos, kayo’y magsiawit ng kapurihan sa kaniyang pangalan; maglakas kayo ng awit sa Isa na nangangabayo sa ilang na si Jah, na siyang kaniyang pangalan; at magsaya kayo sa harap niya.” Anong pribilehiyo ang hihigit pa kaysa ‘pagsasaya sa harap ng ating Diyos’? (Isaias 12:2, 3) Sa buong taon ng 1986, ang kaniyang mga saksi ay kamangha-manghang itinataguyod ni Jehova sa kanilang patuloy na paghahayag ng kalayaan sa mga bayan sa lupa.
Ang sumusunod na mga pahina ay isang sumaryo ng pandaigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa buong 1986. Anong laking dahilan na magsaya nga! Gaya ng ipinakikita ng mga ulat, ang bilang ng aktibong mga Saksi sa 208 mga bansa na nag-uulat ay tumaas hanggang sa 3,229,022, isang 6.8-porsiyentong pagsulong sa loob ng nasabing taon. Ang bilang ng nabautismuhan ay 225,868.
Pag-aalaala sa Kamatayan ni Jesus
Ang bilang ng dumalo sa pangunahing pagtitipon ng taon, ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus, ay sumulong sa di-kukulangin sa 8,160,597, bagama’t may mga ulat na hindi tinanggap dahilan sa lumulubhang mga kalagayan sa daigdig. Ang bilang na nakibahagi sa mga emblema ng Memoryal ay umurong hanggang sa 8,927 yamang ang nakatatandang mga pinahiran ay natapos na ng kanilang makalupang paglilingkod.—Apocalipsis 2:10.
Marami sa mga nakipagtipon bilang pagsunod sa utos ni Jesus ay nagpakita ng ulirang tibay ng loob. (1 Corinto 11:23-26; Juan 16:33) Sa isang bansa sa Aprika na kung saan bawal ang gawain ni Jehova, ang kongregasyon ay nagkatipon sa bahay ng isang sister upang ipagdiwang ang Memoryal. Walong minuto lamang pagkatapos simulan ang pahayag, ang lokal na mga awtoridad ay nagsidating upang arestuhin ang mga kapatid na lalaki. Sila’y nag-utos na ihinto ang pagtitipon. Ang mga kapatid ay may kabaitan ngunit may katatagan na nangatuwiran na kailangang igalang nila ang Memoryal na ito sa sakripisyong kamatayan ni Jesus. Pagkatapos na mangatuwiran at makiusap sa pulisya, sila’y pinayagan na magpatuloy samantalang naroon at nakikinig ang mga opisyal. Ang pulong ay tinapos nang mapayapa, at lahat ay saka inaresto. Pagkaraan na sila ay pagtatanungin, lima ang ikinulong. Sila’y lumagi sa bilangguan ng sandaling panahon ngunit pagkatapos ay pinalaya sila, at anong tuwa nila na kanilang naipagpatuloy ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon!—1 Juan 5:3, 4.
Ang Nigeria, na kung saan ang bilang ng mga Saksi ay sumulong hanggang 128,461, ay 394,370 ang dumalo sa Memoryal—ang pinakamataas hanggang noon. Isang miting sa Memoryal ang ginanap sa lugar na pagtatayuan ng bagong Bethel complex sa Igieduma, at mahigit na 700—halos ang buong nayon—ang naroon!
Buhat sa Mexico ay ganito ang ulat: “Saanman kami pumaroon sa bansang ito, ang mga mamamahayag ay masiglang-masigla, at ang buong bansa ay para bagang nag-aapoy sa katotohanan. Ang katotohanan ay nangingibabaw sa mga kapatid, at ang kanilang mga buhay ay nakasentro sa katotohanan. Buo-buong mga pamilya ang napapapunta sa katotohanan. Isang malaking persentahe ng mga tao na nag-aaral ang dumadalo na rin sa mga pulong. Kaya naman sila’y mabilis sumulong.” Ang Mexico ay nag-ulat ng 838,467 na nagsidalo sa Memoryal. Noong Agosto ang 198,003 mga mamamahayag ng Kaharian sa lupaing iyan ay nagdaraos ng 327,664 mga pag-aaral sa Bibliya sa mga tahanan ng mga tao. Anong laking potensiyal iyan para sa patuloy na pagsulong!
Patuloy na Pagpapalawak sa Buong Globo
Buhat sa pinakasentro ng Sangkakristiyanuhan ay nanggagaling ang katulad na mga ulat ng paglawak. Ang Italya ay umabot sa isang bagong sukdulang pagsulong na 139,570 mga mamamahayag noong Agosto, at 301,009 ang dumalo sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. Tunay na ang mga Saksi ni Jehova ay ‘nagpapasikat ng kanilang liwanag sa harap ng mga tao.’ (Mateo 5:16) Halimbawa: “Isang sister ang naglalagay ng pera sa isang makina para sa tiket sa isang bus nang isang kakilala ang magsabi sa kaniya na hindi na kailangan pang magbayad para sa isang tiket sapagkat ang kaniyang biyahe ay napakaikli. Ipinaliwanag ng sister na matuwid na magbayad ng tiket, kahit na para sa isa lamang bus stop. Pagkatapos niyan ay umibis na sa bus ang kaibigan ng sister na iyon. Nang magkagayon, ang tsuper ng bus ay bumaling sa sister at sinabi sa kaniya: ‘Kayo ba’y isa sa mga Saksi ni Jehova?’ ‘Opo,’ ang tugon ng sister, ‘ano po’t kayo’y nagtatanong?’ ‘Narinig ko ang inyong pag-uusap tungkol sa pagbabayad ng tiket sa bus, at batid ko na ang mga Saksi ni Jehova ay kabilang sa kakaunti-kaunting mga tao na gumagawa ng ganiyan at sila’y mapagtapat sa lahat ng bagay.’ Mga ilang buwan ang nakalipas, isang lalaki ang lumapit sa sister sa isang pulong at ang sabi: ‘Kilala ba ninyo ako? Ako ang tsuper ng bus na nakipag-usap sa inyo tungkol sa pagbabayad para sa tiket. Nang mapansin ko ang inyong iginawi, ipinasiya ko na makipag-aral na ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.’ ”
Ang Britaniya ay may sukdulang bilang na 107,767 mga mamamahayag ng Kaharian, kasali na ang bagong kababautismong kapatid na lalaking ito: “Si George ngayon ay 84 taon na ang edad. Pagkatapos ng 50 taon bilang isang legong predikador sa lokal na simbahan, siya’y nakaalam ng katotohanan. Sa simula, pagkatapos ng kaniyang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, siya’y dagling nagpupunta sa isa pang silid upang manigarilyo. Siya’y isang regular na maninigarilyo sa loob ng 70 taon. Subalit pagkatapos mag-aral ng kabanata 26 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, siya’y hindi na nanigarilyong muli. Si George ay bautismado na sa loob ng mahigit na isang taon at siya’y masigasig na masigasig sa paglilingkod sa larangan, at ibinabalita niya sa iba ang mga pagpapala na ipagkakaloob ni Jehova sa Kaniyang bagong sistema ng mga bagay.”
Ang Federal Republic of Germany ay nag-uulat ng sukdulang bilang na 118,645 mga mamamahayag. Mayroon ding maraming libu-libong tapat na mga Saksi na ‘nagpapasikat ng kanilang liwanag’ sa karatig na German Democratic Republic. Sa Alemanya, ang tapat na mga kapatid na may mga edad na ay hindi nagbababa ng kanilang “tabak ng espiritu.” (Efeso 6:16, 17) Isang kongregasyon ang nag-uulat: “Kami’y mayroon dito na isang sister na 103 taon na ang edad at namumuhay pa ring mag-isa. Ang hinirang na matatanda ay nagsaayos ng isang grupo ng pito hanggang walong mga kapatid na babae upang maghali-halili ng pag-aasikaso sa kaniya bawat linggo. Kanilang ginagawa ito ngayon sa loob ng lumipas na tatlo hanggang apat na taon. Ang mga social worker na binabayaran ng komunidad, ang nag-aasikaso ng pagpapaligo sa kaniya at pagpapalit ng mga kinakailangang palitan. Subalit pagka sila ay may karamdaman o nagbabakasyon, ang ating mga kapatid na babae ang humahalili at gumagawa ng trabaho. Ang ebidensiya nito ng Kristiyanong pag-ibig at sakripisyo ay nagsilbing isang mabuting patotoo sa mga tagalabas. Ang ating 103-taóng-gulang na sister ay alerto pa ang isip at itinuturing niya na ang mga social worker ang kaniyang ‘teritoryo.’ Siya’y nangangaral nang buong sigasig sa kanila habang kanilang pinaliliguan siya at nagbibigay siya sa kanila ng literatura.” Oo, “ang ulong may uban ay isang putong ng kagandahan kung ito’y masusumpungan sa daan ng katuwiran.”—Kawikaan 16:31.
Gayunman, ang imbitasyon na purihin si Jehova ay para sa lahat ng tao anuman ang edad—“kayong mga binata at gayundin kayong mga dalaga, kayong mga lalaking matatanda kasama ang mga batang lalaki.” Maraming mga kabataan ang ‘umaalala sa kaniyang Dakilang Manlilikha sa kaarawan ng kanilang kabataan.’ (Awit 148:12; Eclesiastes 12:1) Sa Brazil, kung saan mayroong isang napakahusay na sukdulang bilang na 196,948 mga mamamahayag, ang Samahang Watch Tower ay tumanggap ng isang liham buhat sa isang bayan sa liblib na lugar na kung saan dalawang kabataang magkapatid na lalaki ang nagpatotoo roon ng mga ilang buwan. Mababasa sa isang bahagi niyaon: “Ibig kong purihin kayo dahilan sa mga kabataan sa inyong relihiyon. Ako’y isang guro sa paaralan at nakikitungo sa mga kabataan, at batid ko na sila’y hindi gaya ng dati. Ang inyong mga kabataan ay tunay na mga uliran. Kanilang iginagalang ang kanilang matatanda, sila’y mga magagalang at mahinhin kung manamit. At alam na alam nila ang kanilang mga Bibliya! Tunay na iyan ang relihiyon! Nakalulungkot at sila’y aalis.” Ang pami-pamilya ng ating mga kapatid ay lumilipat ngayon para dumoon nang permanente sa mga nakabukod na lugar na ito upang mangalaga sa interes na naroroon.
Ano ba ang naisulong ng katotohanan sa mga lugar na di-Kristiyano? Ang The Wall Street Journal ng Hulyo 9, 1986, ay naglathala ng isang mahaba-habang artikulo sa ilalim ng paulong “Baog na Lupa—Ang mga Misyonerong Kristiyano ay Naghahasik ng Binhi sa Hapón Ngunit Kakaunti ang Tumutubo.” Isang misyonero ng United Church of Christ ang nagsabi raw, “Walang paraan na ang Kristiyanismo ay talagang mag-uugat kailanman sa Hapón,” at isang paring Franciscano ang nagsabi naman, “Ang kaarawan ng banyagang misyonero sa Hapón ay tapos na.” Kapuwa sila gumawa ng sa walang kabuluhan sa loob ng mahigit na 30 taon. Sinabi ng artikulo: “Wala pang 1% ng populasyon ang Kristiyano, at sa kabila ng lahat ng pagsisikap misyonero, ang persentahe ay umuurong.” Sapat na iyan para sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan! Subalit kumusta naman ang mga Saksi ni Jehova, na nagtuturo ng dalisay na pagka-Kristiyano sa lupaing iyan? Sa lumipas na 92 na mga sunud-sunod na buwan, kanilang napasulong ang kanilang bilang ng aktibong mga ministro, sa sukdulang 113,062 (kasali na ang katamtamang bilang na 46,390 mga payunir buwan-buwan). Sa Hapón ay nagdaraos ng 146,316 mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga baguhang interesado. Tunay na ito’y isang tagapagpahiwatig ng higit pang mga pagsulong sa hinaharap. Dito, ating nakikita ang buháy na katuparan ng Isaias 65:13, 14.
Ang Larangan ng Pagpapayunir
Kumusta naman ang pinaka-sentro ng lahat ng dinamikong gawaing ito—ang Estados Unidos ng Amerika? Dito, 744,919 mga mamamahayag ng Kaharian na naglilingkod sa larangan bilang sukdulang pagsulong. Subalit ang gayon kayang mga ‘pantahanang misyonero’ ay talagang kinakailangan? Sila’y talagang kailangan, habang ang krimen, droga, imoralidad, sakit, at kabulukan ay patuloy namang sumusulong sa lawak na grabe pa kaysa karamihan ng umano’y mga bansang pagano. Ang mga taong naghahangad ng lalong maiinam na bagay ay nangangailangan ng kaaliwan at pag-asa, at ang mga Saksi ni Jehova ang mayroon ng gayong mensahe. (Isaias 61:1, 2; Mateo 24:14) Sa Estados Unidos, noong 1986, ang mga ministrong ito ay gumugol ng 146,673,490 oras sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Katumbas iyan ng 12.6-porsiyentong pagsulong, o 16,449,229 higit pang mga oras kaysa nakaraang taon. Ang panahong iyan ay ginamit nang kapaki-pakinabang, sapagkat 6,138,938 mga aklat ang naipamahagi, na isang 23.2-porsiyentong pagsulong kaysa noong nakaraang taon. Noong Abril lamang, ang kabuuan ay mahigit na 1,000,000 mga aklat na nagpapaliwanag ng tunay na pag-asa para sa kapayapaan at katiwasayan.
Isa sa pinakakapana-panabik na bahagi ng report ng Estados Unidos ay ang paglawak ng paglilingkurang payunir. Noong Abril ay nagkaroon ng pagsulong na 45,786 regular payunir, na 23 porsiyentong kahigitan kaysa noong nakaraang taon. Kung ang bilang na iyan ay isasama sa aberids na 43,369 na auxiliary payunir at sa aberids na 279 espesyal payunir, nangangahulugan iyan na bawat buwan halos 90,000 ang naghahayag nang malawakan sa Kaharian sa gawaing payunir. Ang mga ito ay mga kabataan at mga may edad, rin, na matalinong ginagamit ang kanilang panahon sa pagpuri kay Jehova.
Pagbibigay ng Lubusang Patotoo
Sa pagtuturo sa madla at sa bahay-bahay, si apostol Pablo ay “lubusang nagpatotoo” tungkol sa mabuting balita. (Gawa 20:20, 21) Isinasagawa rin ang ganiyang pagpapatotoo sa maraming teritoryo sa ngayon. Halimbawa, ang ulat na ito ay nanggaling sa Guadeloupe: “Nang katapusan ng taon ng paglilingkod, kami’y mayroong isang mamamahayag para sa 72 katao. Hindi na kailangang sabihin pa namin na kami’y kilalang-kilala sa buong bansa! Sa katunayan, sa maraming lugar ay iyundin-at-iyunding teritoryo ang ginagawa namin sa linggu-linggo. Baka sabihin ng iba na nagsasawa na ang mga tao tuwing makikita kami, o na nakapanghihina ng loob na sa linggu-linggo ay naroon kami sa iyundin-at-iyunding teritoryo. Ngunit sa kabaligtaran, mientras kami’y gumagawa sa teritoryo, lalo namang nagkakaroon ng higit na interes ang mga tagaroon. At ang katunayan? Bueno, iyon ay ang sukdulang bilang noong nakaraang Abril na 7,136 mga pantahang pag-aaral sa Bibliya na idinaos ng aming 4,558 mamamahayag! Kamakailan isang magasin ang may paulong balita: ‘Mga Saksi ni Jehova—Mga Hari sa Bahay-Bahay’! Aming itinuturing iyan na isang karangalan. Sa buong taon ng paglilingkuran, 458 mga bagong kapatid ang nabautismuhan.” Ang pagiging matatag at pagkakaroon ng kagalakan sa paggawa ng aming teritoryo nang paulit-ulit, ang pagkakilala at pakikipagkaibigan sa mga tao, ang maibiging paghawi sa kanilang mga maling pagkakilala—ito’y maaaring humantong sa pagkasumpong ng maraming taong tulad-tupa.
Saganang pinagpapala ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa isang bansa sa Aprika na kung saan bawal ang gawain at may giyera sibil. Sa lupaing iyon marami sa ating mga kapatid ang nagdurusa sa mga bilangguan, at mayroong mga kabataang Saksi na pinatay. Gayunman, noong Abril ay nagkaroon ng isang namumukod-tanging report, at nagkaroon ng sampung sukdulang pagsulong. Ang bilang ng mga bagong mamamahayag ay sumulong ng 29 porsiyento kung ihahambing noong nakalipas na taon. Anong laking sigasig ang ipinamalas ng mahal na mga kapatid na ito! Ang aberids na oras noong Abril ay mahigit na 18 para sa bawat mamamahayag, at ang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay 2.6 bawat mamamahayag.
Isang maikling mensahe na tinanggap ng tanggapang sangay na nag-aasikaso ng teritoryong ito ang sapat na magbigay ng bahagyang ideya tungkol sa umiiral na mga kalagayan. Sinasabi niyaon: “Patuloy na hinahambalos kami ng init. Ang lakas na kailangan upang maglakad at pumunta sa kaninuman ay patotoo na kami ay dumaranas ng sukdulang init. Subalit batid namin na kami ay nilikha sa paraan na makababagay kami sa anumang temperatura at sa anumang kalagayan. Sa kabila ng lahat, kami ay nagtitiyaga at nagtitiwala na kami’y makapananaig.” Anong laking katapatan!
Ang nag-iingat-katapatang organisasyon ay binubuo ng indibiduwal na mga tagapag-ingat ng katapatan. Ganiyang-ganiyan ang pangglobong organisasyon ng 3,229,022 mga saksi ni Jehova! Kanilang inaasam-asam ang makaligtas sila sa dumarating na “malaking kapighatian” at makibahagi, sa ilalim ng Kaharian ni Kristo, sa dakilang gawain na isauli ang lupa sa pagkaparaiso. (Apocalipsis 7:14; 21:3, 4; Isaias 65:17, 21-23, 25) Kanilang ikinagagalak ang paraan ni Jehova ng pagpapala kahit na ngayon sa kanilang masigasig na paglilingkod, sila’y nangangaral man ng salita “sa kaaya-ayang panahon” o “sa maligalig na panahon.” (2 Timoteo 4:2) Ang sumusunod na mga pahina ay nagpapakita kung paano nila isinagawa ang tema ng kanilang 1986 taunang teksto: “Humayo . . . , ibalita nang malaganap ang kaharian ng Diyos.”—Lucas 9:60.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Mga Ilang Bahagi ng Pangglobong Report ng mga Saksi ni Jehova
Pagsulong:
Sukdulang dami ng mamamahayag: 3,229,022 6.8%
Buwanang aberids ng payunir: 391,294 21.2%
Kabuuang oras sa pangangaral: 680,837,042 15.3%
Aberids buwanang pantahanang
pag-aaral sa Bibliya: 2,726,252 14.6%
Kabuuang bilang ng
nabautismuhan noong 1986: 225,868 19%
[Chart sa pahina 10-13]
1986 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
PAGPAPATOTOO “SA MADLA AT SA BAHAY-BAHAY” “SA KADULU-DULUHANG BAHAGI NG LUPA”
Davao Pilipinas
Venice Italya
Castle Combe Inglatera
Gålå Norway
Kowloon Hong Kong
Taipei Taiwan
Queenstown New Zealand
Bolgatanga Ghana
Paris Pransiya
Quetzaltenango Guatemala
Kerala India
Banff Canada