“Sila’y Tiyak na Lalaban sa Iyo, Ngunit Sila’y Hindi Mananaig Laban sa Iyo”
ANG Soberanong Panginoong Jehova ay nagsabi sa kabataang si Jeremias na Kaniyang gagawin siya na “isang nakukutaang bayan at isang pinaka-haliging bakal at pinaka-kutang tanso” laban sa kaninuman na maghahangad na ipahamak siya. Sa modernong panahon, tayo bilang mga Saksi ni Jehova ay mayroon ding ganiyang kasiguruhan buhat sa ating Diyos. Oo, sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, ‘sila’y tiyak na lalaban sa atin,’ ngunit sila’y hindi mananaig. “Sapagkat ‘ako’y sumasa-iyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’”—Jeremias 1:18, 19.
Sa magkakaratig na mga nayon ng Solomon Islands, ang mga estranghero ay pumapasok samantalang nanganganib ang kanilang buhay, lalo na kung sila ay nagdadala ng isang bagong relihiyon. Iyan ang karanasan ng dalawang espesyal payunir na mga Saksi ni Jehova. Mababangis-ang-hitsurang mga taganayon ang nag-amba sa kanila ng nakakasang mga palaso at mga pana. Sila’y binigyan ng utos na tumira! Samantalang nagiging maigting ang situwasyon, isang matandang lalaki ang biglang namagitan, na ang sabi: “Ito’y aking mga bisita. Huwag ninyo silang saktan.” Sa ikinasira ng loob ng mga taganayon, kaniyang isinama sila sa kaniyang tahanan. Nabalitaan na pala ng lalaking ito ang tungkol sa mga Saksi; ngayon ay kumuha siya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, at sinimulan ang pag-aaral ng Bibliya. Kaagad na siya’y dumalo sa mga pulong. Sa ngayon ang mga kapatid ay nakapagpapatotoo nang malaya sa lugar na iyon, at napasasalamat sila dahilan sa patiunang pagliligtas sa kanila ni Jehova.
Kadalasan ang pagliligtas ay dumarating pagka ipinakilala ng isa na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Dahilan sa pangangaral sa bahay-bahay, nakikilala ng mga tao kung sino ang mga Saksi at kung ano ang kanilang paninindigan tungkol sa mga umiiral na isyu. Sa isang munting nayon sa Peru, inakusahan ng mga terorista ang mga taganayon ng pagkakanulo sa kanila. Kanilang hinuli ang mga lalaki sa bayang iyon at isa-isang pinahilera upang barilin. (Sa nahahawig na mga situwasyon buo-buong mga nayon ang napahamak.) Subalit sa puntong ito, nakilala ng isa sa mga terorista ang isang kapatid at sinabi sa mga berdugo: “Ang lalaking iyan ay hindi isa sa kanila, nakikilala ko na siya’y isang Saksi ni Jehova, at sila’y hindi nakikialam sa pulitika.” Ang kapatid na iyon ay pinalaya. Tunay na inililigtas ni Jehova ang kaniyang sariling mga lingkod!
Ang islang teritoryo ng Cyprus ay nag-uulat na ang Greek Orthodox Church ay totoong masigasig sa pagsisikap na sirain ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ang simbahan ay namamahagi ng mga papelito na umaakusa sa mga Saksi ng maraming bagay at sinisiraang-loob ang kaniyang mga miyembro upang huwag makipag-usap sa mga Saksi. May mga teologong nagsaayos ng kanilang mga grupo upang dumalaw sa mga tao na nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, at sinisikap na umatras sila. Halimbawa, nariyan ang nangyari sa Paphos, na kung saan noong minsan ay dinaig ni Pablo at ni Bernabe ang nahahawig na pananalansang. (Gawa 13:6-12) Isang paring-teologo ang nagsikap na kumbinsihin ang tatlong iba’t ibang tao na huminto ng pagsusuri ng Bibliya sa tulong ng mga Saksi ni Jehova. Sila naman ay kumilos, at hiwa-hiwalay, ay nagsaayos na isang kapatid ang sumama sa kanila sa pakikipag-usap sa teologong ito. Bilang resulta, lahat silang tatlo ay aktibong nakikisama na ngayon sa mga Saksi. Ang pari ay nagkomento, ‘Hindi na ako uli makikipagdiskusyon pa sa mga Saksi ni Jehova.’
May mga pari na lumabis hanggang sa gawan ng karahasan ang mga Saksi habang ang mga ito’y nagbabahay-bahay sa isa sa mga nayon. Nakapagtataka naman, mga ilang araw ang nakalipas, isang ipuipo ang sumapit sa nayong iyon, at iniwasak ang bubong ng maraming bahay. Ang sabi ng ilang mga taganayon: ‘Ito’y isang parusa buhat sa Diyos dahil sa ginawa ng mga pari sa mga Saksi ni Jehova.’ Sa nayong ito, ang tapat-pusong mga tao ay tumatanggap pa rin sa ating mga kapatid sa kanilang mga tahanan. Minsan, samantalang ang isang kapatid ay nag-aalok ng mga bagong magasin sa isang taong interesado, isa sa mga pari na sumuntok sa mga kapatid ang nagkataon na dumaraan at kaniyang sinabi sa kapatid na huwag na siyang makialam ‘sa kaniyang kawan.’ Ang taong interesado ay nagsabi sa pari, ‘Ako’y may sapat na edad na upang malaman ang aking ginagawa.’ Kaya ang klero ay hindi nakapananaig sa mga Saksi ni Jehova; tumatalbog sa kanila ang kanilang ginagawa, at lalo pang maraming mga tao ang naninindigan sa panig ni Jehova.
Sa isang pinagdidigmaang bansa sa Gitnang Aprika, isang tagapangasiwa ng sirkito ang pinahinto para sa isang rutinang pagsisiyasat sa kaniya ng mga sundalo. Kanilang tinutulan ang isang bagay sa isang liham na dala-dala niya at kanilang dinala siya sa himpilan ng pulisya, na kung saan siya’y ginulpe at pinahirapan ng tatlong sundalo. Bagama’t hindi siya pinaratangan ng anuman at hindi nilitis, siya’y ikinulong sa loob ng isang taon. May anim na buwan na siya’y ikinulong sa isang selda na doo’y nagsisiksikan ang 40 iba pang mga preso. Dahilan sa masikip na selda, kinailangan na sila’y maghali-halili ng pagtulog, tuwing tatlong oras. Sa loob ng natitirang panahon ay nakatayo sila. Samantalang naroroon ang ating kapatid, 137 preso ang nangamatay, at sa kaniya ibinigay ang trabaho na paglalagay sa mga sako ng kanilang mga bangkay para ilibing.
Ang tagapangasiwang ito ng sirkito ay nakapagpatuloy na malakas sa kaniyang espirituwalidad sa pamamagitan ng paggugol ng malaking panahon sa pagpapatotoo sa kaniyang mga kapuwa preso. Ang kaniyang ulat ay nagpapakita na siya’y nakagawa ng mahigit na 30 oras isang buwan sa pangangaral; siya’y nagdaraos ng apat na pag-aaral sa Bibliya samantalang nakakulong. Isa sa kaniyang inaaralan ang nagsimula na ng pagpapatotoo sa iba. Sa lahat ng pagsubok sa kaniya, si Jehova ang nangalaga sa kapatid na ito, na ang payo sa mga iba ay ganito: “Pagka kayo’y nakabilanggo, basta ipabahala ninyo kay Jehova ang lahat ng bagay. Hintayin ninyo siya. Magtiwala kayo sa kaniya. Huwag kayong gaanong mabalisa. Maging tapat.”
Sa isa namang lugar sa Zimbabwe, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay pinaalis sa paaralan dahilan sa hindi pakikibahagi sa mga gawaing pulitikal. Hindi pa nasisiyahan sa nangyaring ito, ang mga barkadahan sa lugar na iyon ay nanunog pa ng mga tahanan ng mga magulang at iniwasak nila ang mga tanim ng mga ito. Ang mga pamilya ng mga Saksi ay napilitan na tumakas upang iligtas ang kanilang buhay, kaya naiwanan ang mga bakahan at iba pang mga ari-arian. Gayunman, ang kasong iyon ay idinulog sa nakatataas na mga awtoridad ng pamahalaan na may kabaitang nagsaayos na ang mga pamilya ay bumalik sa kani-kanilang tahanan. Isinauli ang kanilang mga baka, at ang gobyerno ay gumawa ng hakbang na magpaluwal sa mga kapatid ng halagang nawala sa kanila. Ang mga Saksi ni Jehova ay napasasalamat pagka ang “nakatataas na mga awtoridad” ay nagpatunay na sila’y ‘mga ministro ng Diyos sa ikabubuti.’ (Roma 13:1-4) Sa kabila ng lahat ng ito, isang mahusay na patotoo ang naibigay, at ang lokal na mga mamamayan ay nagpapakita na ngayon ng malaking interes sa mensahe ng Kaharian. Gaya ng pagkasabi ng isa sa mga kapatid doon, ‘Batid namin na mapangyayari ni Jehova na ang gayong mga situwasyon ay magsilbing patotoo sa kaniyang pangalan.’
Ang nakaraang taon ng paglilingkod ay nakasaksi ng pagpapala ni Jehova sa gawain sa Malawi. Doon lamang sa mga lugar na kung saan ang lokal na mga taganayon ay nagkikimkim ng pagkapoot nakaranas ang mga Saksi ng panliligalig. Ang sumusunod na report ay nagpapatotoo rito: “Sa maraming panig ng larangan, ang situwasyon ay tahimik. Subalit sa isang kongregasyon, dalawang pamilya ng mga Saksi ang lubhang ginambala ng liga ng mga kabataan. Ang ulo ng isa sa mga pamilyang ito ay ginulpe nang husto hanggang sa siya’y mawalan ng malay sa loob ng apat na oras. Pagkatapos, siya’y dinala sa himpilan ng pulisya, na kung saan ang pulis na nasa tungkulin ay nagpatuloy din na gulpihin siya at ang mga iba pa na dinala roon na kasama niya. Subalit, nang maglaon, ay iba naman ang humalili sa pulis na iyon. Ang humaliling ito ay mabait. Kaniyang pinalaya ang mga kapatid at pinauwi sila, at kanilang pinasalamatan si Jehova dahilan sa hindi inaasahang pagliligtas na ito. Nang maglaon ay napag-alaman na ang sanhi ng ganitong insidente ay personal na pagkapoot ng malalapit na kamag-anak. Ang dumalo sa aming Memoryal sa taóng ito ay nakapagpapalakas-loob. May dumalo sa amin na 23,476. Ipinakikita nito na mayroon pa ring tulad-tupang mga tao na kailangang tulungan upang maging mga alagad ni Jesu-Kristo dito sa Malawi.”
Isang bansa sa Silangang Europa ang nagpadala ng mensaheng ito ng pasasalamat: “Kami’y nagpapasalamat dahilan sa matalik na pakikipagtalastasan namin sa Lupong Tagapamahala sa pamamagitan ng lahat ng alulod ng makalupang organisasyon ni Jehova. Sa pamamagitan nito ay pinapayagan kami na makita kung paano, sa pamamagitan ng kaniyang Anak at lahat ng mga anghel, tinitipon ng ating makalangit na Ama ang kaniyang mga tupa ngayon, at kung paano tayo magkakaroon ng munting bahagi rito. Anong laking pribilehiyo ito! Ang ating Ama ang nagpapala ng ating pagsisikap. Ang higit na panahong ginugol sa larangan, ang lalong maraming auxiliary payunir na masikap na nangangaral ng mabuting balita, at ang pinakamataas na bilang ng mga aklat na kailanma’y naipahiram o naipamahagi sa larangan ay resulta ng pagpapalang ito.”
Ang modernong-panahong pakakak ng Jubileo ay tumutunog nang malakas at malinaw. Ang tsart na nauna rito ang nagpapakita kung paano ang mga Saksi ni Jehova sa lahat ng panig ng mundo ay sumasagot sa panawagang iyan.