Ang Jubileong Kristiyano ay Aabot sa Sukdulan sa Milenyo
1. Sa ano hindi sinikap ng mga Judio sa Republika ng Israel na manumbalik sa pagdiriwang, at bakit?
KAHIT na sa Republika ng Israel (natatag noong 1948), ang maraming Judio na nagtuturing sa kanilang sarili na nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko ay hindi nanunumbalik sa pagdiriwang ng taon ng Jubileo. At maraming komplikasyon kung gagawin nila iyan. Maraming mga problema sa kabuhayan ang magiging resulta, sapagkat kasangkot doon ang mga karapatan sa pag-aari. Ang Republika ng Israel ay hindi umuukopa sa buong lupain na tinahanan ng sinaunang 12 tribo. Wala rin namang templo na may mataas na saserdote ng tribo ni Levi, yamang ang pagkakakilanlan sa mga mamamayan ayon sa kani-kanilang tribo ay wala na.
2. Papaanong ang mga ibang Kristiyano ay nagsimula na ng pagdiriwang ng isang Jubileo na inilarawan niyaong sa sinaunang Israel?
2 Saan ngayon natin maliliwanagan ang tungkol sa mga pagpapala ng pagdiriwang ng isang Jubileo? Naaalaala natin na ang sinaunang Jubileo ay isang kapistahang taon ng kalayaan—ang mga Israelita na nagbili ng kanilang sarili sa pagkaalipin ay pinalalaya at ang minanang mga lupain ay isinasauli. (Levitico 25:8-54) Sa nauuna ritong artikulo ay nakita natin na ang kaayusang ito ay nagtapos sa tipang Kautusang Mosaiko noong 33 C.E. (Roma 7:4, 6; 10:4) Pagkatapos ay isang bagong tipan ang pinairal na sa pamamagitan niyaon ay maaaring patawarin ng Diyos ang mga pagkakasala ng mga sumasampalataya, sila’y pahiran ng banal na espiritu, at ampunin sila bilang mga anak upang dalhin sa langit. (Hebreo 10:15-18) Gayunman, yaong mga nakikinabang ng ganoon sa kaayusang ito ng bagong tipan ay isang “munting kawan” ng 144,000 “na binili sa lupa.” Kaya’t paanong ang angaw-angaw na iba pang tapat na mga Kristiyano ay makapagtatamo ng kalayaan na inilarawan ng Jubileo?—Lucas 12:32; Apocalipsis 14:1-4.
Isang Hain Para sa Lahat!
3. Gaanong kaepektibo at katagal ang handog na hain ni Jesus?
3 Bago nang panahong Kristiyano, ang mga benepisyo na dulot ng taunang Araw ng Katubusan ay tumagal ng isang taon lamang. Ang mga benepisyo o pakinabang sa haing pantubos na inihandog ng Panginoong Jesu-Kristo ay patuloy, walang hanggan. Sa gayon ang antitipikong Mataas na Saserdote, si Jesus, ay hindi na kailangang muling maging isang tao, isakripisyo ang kaniyang sarili, at pagkatapos ay bumalik sa langit, upang ihandog ang halaga ng haing iyon taun-taon sa Kabanal-banalang dako ni Jehovang Diyos. Gaya ng sinasabi ng Kasulatan: “Si Kristo, ngayon na siya’y ibinangon na buhat sa mga patay, ay hindi na namamatay; ang kamatayan ay wala nang kapangyarihan sa kaniya.”—Roma 6:9; Hebreo 9:28.
4, 5. (a) Ano ang resulta ng pagkakapit ng handog na hain ni Jesus mula noong Pentecostes 33 C.E.? (b) Ano ang nagpapakita na ang haing ito ay ikakapit ng lalong malawakan?
4 Samakatuwid, noong mga taon sapol ng Pentecostes 33 C.E., samantalang ang mga mananampalataya ay nagiging inianak-sa-espiritung mga alagad ng niluwalhating Panginoong Jesus, sila ay nagsimula na ng pagdiriwang ng Jubileong Kristiyano. Minsan na sila’y ‘napalaya buhat sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan,’ sila’y nagtatamasa na ng nagbibigay-lakas na kalayaan. (Roma 8:1, 2) Kanila ring inihayag ang mensaheng Kristiyano upang ang mga iba ay patawarin din naman sa kanilang mga kasalanan, pahiran, at maging espirituwal na mga anak ng Diyos. Subalit, ang ibig bang sabihin nito ay na kung ang isang tao’y hindi kasali sa grupong iyan na limitado sa 144,000, hindi siya makakaranas ng maligayang kalayaan ngayon?
5 May kahalagahan tungkol dito ang mga salita ni apostol Pablo sa Roma 8:19-21: “Ang pinananabikang inaasahan ng sangnilalang ay ang hinihintay na paghahayag sa mga anak ng Diyos. Sapagkat ang sangnilalang ay ipinasasakop sa kabiguan [yamang makasalanan at hindi makaalis sa pagkakasala].” Pagkatapos ay idiniin ni Pablo na may “pag-asa na balang araw palalayain din ang sangnilalang mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Ang gayong kalayaan, samakatuwid, ay hindi para lamang sa nagiging “mga anak ng Diyos” sa langit. Ang kilalang mga salita sa Juan 3:16 ang nagpapatunay niyan. At, gaya ng binanggit, sinabi ng pinahirang apostol na si Juan na si Kristo ay namatay “alang-alang sa ating mga kasalanan, ngunit hindi para sa atin lamang kundi para rin sa buong sanlibutan.”—1 Juan 2:2.
1919—Isang Patiunang Pagpapalaya
6, 7. Sapol noong 1919, anong uri ng kalayaan ang inihahayag, at bakit lalo na sapol noon?
6 Sa modernong panahon ang mga pinahiran na nagdiriwang ng Jubileong Kristiyano ay naghahayag ng nagpapalayang mabuting balita, lalo na sapol noong 1919. ‘Bakit sapol ng panahong iyan?’ marahil ay itatanong mo kung ikaw ay naging tao kamakailan lamang. Tingnan natin, sa pagsasaisip na ang iyong pagtatamasa ng kalayaan ay kasangkot.
7 Sa loob ng mga dekada bago ng petsang iyan, ang mga pinahiran ni Jehova ay naglathala ng mga katotohanan sa Bibliya, tulad halimbawa ng tanyag na serye ng mga Studies in the Scriptures (1886-1917). Sila ay namahagi rin ng maraming impormatibong mga pulyeto at tract. Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I ay bumangon ang pananalansang, pagsubok at pagbistay, at ang pagbagal ng kanilang mga gawain. Subalit noong 1919 ang pinahirang nalabi ay humayo na taglay ang panibagong sigasig na ipangaral ang mga katotohanan ng Bibliya. Kung paano noong 30 C.E. ay nasabi ni Jesus na siya’y pinahiran upang mangaral ng “kalayaan sa mga bihag at ng pagsasauli ng paningin sa mga bulag,” magagawa rin naman iyan ng mga pinahiran sa modernong panahong ito. Pagkatapos ng isang kapana-panabik na kombensiyon noong Setyembre 1-7, 1919,a sila’y masiglang nagpatuloy ng pangangaral ng mga katotohanan na nagpalaya sa di-mabilang na mga tao.—Lucas 4:18.
8, 9. Sa anong diwa marami na ang napalaya, at anong mga tulong ang ginamit na sa paghahayag ng gayong kalayaan?
8 Halimbawa, isaalang-alang ang aklat-aralan sa Bibliya na The Harp of God (1921), na tumalakay ng mahahalagang katotohanan na para bagang ang mga ito ay sampung kuwerdas sa isang alpa. Sinabi ng aklat na “marami ang tinakot na huwag mag-aral ng Bibliya” dahil sa doktrina na “ang parusa sa balakyot . . . ay walang hanggang pagpapahirap o pagpaparusa sa isang nag-aapoy na impierno ng walang hanggang apoy at asupre.” Ang mga mambabasa ng halos 6,000,000 ng aklat na ito ay nakaalam na ang doktrinang ito ay “hindi katotohanan bunga ng di-kukulangin sa apat na bukud-bukod at naiibang mga dahilan: (1) dahilan sa ito’y di-makatuwiran; (2) dahilan sa ito’y labag sa katarungan; (3) dahilan sa ito’y labag sa simulain ng pag-ibig; at (4) dahilan sa ito’y lubusang di-maka-Kasulatan.” Maguguniguni mo kung anong laking kalayaan ang nagawa niyan para sa mga tao na ang kinalakhan ay pagkatakot sa walang hanggang pagpapahirap sa mga nasa impierno o sa pagdurusa sa purgatoryo!
9 Oo, ang masigasig na pangangaral ng katotohanan ng Bibliya ng mga pinahirang ito ang nagpalaya sa mga tao sa buong globo na naging alipin ng mga bulaang turo, pamahiin, at labag sa kasulatan na mga gawain (tulad halimbawa ng pagsamba sa mga ninuno, pagkatakot sa mga multo o masasamang espiritu, at pinansiyal na pinagsasamantalahan ng klero). Ang mismong mga titulo ng ilang aklat-aralan sa Bibliya ay kasasalaminan ng nagpapalayang impluwensiya na taglay nito para sa angaw-angaw.b Samakatuwid ay napatunayang totoo ang mga salita ni Jesus, nang kaniyang sabihin na ang kaniyang mga alagad ay ‘gagawa ng lalong dakilang mga gawa’ kaysa kaniyang ginawa. (Juan 14:12) Kung ihahambing sa patiunang espirituwal na gawaing pagpapalaya na ginawa ni Jesus sa pangangaral ng “kalayaan sa mga bihag,” ang modernong-panahong mga lingkod ng Diyos ay nakagawa ng lalong malaki—kanilang narating ang maraming angaw-angaw sa buong globo.
10. Bakit natin maaasahan na mararanasan ang isang karagdagan at lalong dakilang kalayaan?
10 Datapuwat, alalahanin na noong unang siglo isa pang pagpapalaya ang nagsimula noong Pentecostes 33 C.E. Doon ang Kristiyanong Jubileo ay nagsimula para sa“munting kawan” na ang mga kasalanan ay patatawarin, at aakay ito sa kanilang pagiging “mga anak ng Diyos” sa langit. Kumusta naman sa panahon natin? Ang angaw-angaw kayang iba pang mga debotadong Kristiyano ay mapalalaya buhat sa pagkaalipin sa kasalanan at sa gayo’y magdiwang ng isang lalong dakilang Jubileo? Oo, at ito ay tinukoy ni apostol Pedro nang kaniyang banggitin “ang mga panahon ng pagsasauli ng lahat ng bagay na sinalita ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong sinaunang panahon.”—Gawa 3:21.
Isang Jubileo Para sa Milyun-milyon
11. Paanong sa Levitico kabanata 25 ay ipinahihiwatig na tayo’y maaaring umasang may darating na kalayaan na kakamtin ng isa pang grupo bukod sa espirituwal na Israel?
11 Kapuna-puna na makalawang beses sa Levitico kabanata 25 ipinaalaala sa mga Israelita na sa paningin ni Jehova sila ay kaniyang “mga alipin” na kaniyang pinalaya buhat sa Ehipto. (Lev 25 Talatang 42 at 55) Ang kabanatang ito tungkol sa Jubileo ay bumabanggit din sa “mga mananahan” at sa ‘mga tagaibang bayan na kasama nila.’ Ang gayong mga tao ay kahalintulad ngayon ng “malaking pulutong” na kasama ng espirituwal na mga Israelita sa paghahayag ng Kristiyanong mabuting balita.
12. Sapol noong 1935, anong maligayang pangyayari ang nagaganap?
12 Sapol noong 1935 dinadala ng “mabuting pastol” na si Jesu-Kristo upang aktibong makasama ng pinahirang nalabi yaong kaniyang tinutukoy na “mga ibang tupa.” Ang mga ito ay kinailangan na “dalhin” niya, at sila’y bubuo ng “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol.” (Juan 10:16) Ang “mga ibang tupa” ay umaabot na ngayon sa bilang na angaw-angaw. Kung kabilang ka sa maligayang pulutong na iyan, ikaw ay ibinibilang nang matuwid bilang isang kaibigan ng Diyos, at bilang bahagi ng sangnilalang ng mga tao, ikaw ay umaasang “lalaya buhat sa pagkaalipin sa kabulukan” sa dumarating na “mga panahon ng pagsasauli ng lahat ng bagay” sa lupa. Ito ay hindi isang maling pag-asa.—Roma 8:19-21; Gawa 3:20, 21.
13. Anong pagpapala lalung-lalo na ang mapapansin natin bilang nagaganap pagkatapos ng “malaking kapighatian”?
13 Pagkatapos na makita ni apostol Juan ang 144,000 na nagtatamasa ng ligaya sa Jubileong Kristiyano at may makalangit na pagkatawag, kaniya namang inilarawan ang isang “malaking pulutong,” na nagsasabi: “Ang mga ito ang lumalabas buhat sa malaking kapighatian, at sila’y naglaba ng kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero. Kaya’t sila’y nasa harapan ng trono ng Diyos; at naglilingkod sa kaniya nang may kabanalan araw at gabi sa kaniyang templo.”—Apocalipsis 7:14, 15.
14, 15. Bakit ang mga nasa “malaking pulutong” ay may natatanging dahilan na magalak ngayon?
14 Kahit na ngayon pa, bago sumapit ang malaking kapighatian, ang mga ito ay nagsasagawa na ng pananampalataya sa itinigis na dugo ni Kristo at sa gayo’y nakikinabang sa kaniyang sakripisyong kamatayan. Sila ay nagagalak din naman sa pagkapalaya sa kanila buhat sa Babilonyang Dakila, at sila’y may mabuting budhi sa harap ni Jehovang Diyos, at sa kanilang pribilehiyo na pakikibahagi sa katuparan ng Mateo 24:14 sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian bago dumating ang wakas.
15 Datapuwat, kumusta naman ang pag-asa ng malaking pulutong na sila’y mapalaya buhat sa likas na kasalanan at di-kasakdalan? Malapit na ba ang panahong iyan? Mayroon tayong mabuting dahilan na maniwala na mayroon pa tayong kasa-kasama na mga ilan sa lahi ng sangkatauhan na inihula ni Jesu-Kristo na hindi lilipas hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na inihula. (Mateo 24:34) Kung gayon, ang dakilang wakas ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay tunay nga na napakalapit na.—Mateo 24:3.
Ang Tugatog ng Jubileong Kristiyano
16. Saan tayo nakatayo sa katuparan ng layunin ng Diyos, at ano ang mangyayari sa hinaharap?
16 “Ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” ay mabilis na dumaratal, at ang nalabi ng “munting kawan,” pati na rin ang “malaking pulutong” ng kanilang may pananampalatayang tapat na mga kasama ay mananatili sa kanilang integridad kay Jehovang Diyos at umaasang sila’y bibigyan ng Diyos ng proteksiyon. Kanilang buong pananabik na inaasam-asam ang lubusang pananagumpay ni Jehova sa lahat ng puwersa ng kaaway, sa ikapagbabangong-puri niya bilang Pansansinukob na Soberano. Anong dakilang tugatog ito ng kanilang pagtatamasa ng kalayaang Kristiyano!—Apocalipsis 16:14; 19:19-21; Habacuc 2:3.
17. Papaanong angaw-angaw pa ang palalayain sa isang dakilang Jubileo?
17 Ang paghahari ng mapanagumpay na Haring Jesu-Kristo sa nilinis na lupa ang kasunod nito, at minsan pang pinagtitibay nito ang pansansinukob na soberanya ni Jehova, at si Jesu-Kristo ang may lubos na kapangyarihan sa lupa bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. At kung magkagayon ay tuwirang ikakapit niya ang bisa ng kaniyang hain sa angaw-angaw na mga tao, kasali na ang binuhay-muling mga nangamatay, na nananampalataya at malugod na tinatanggap ang kapatawaran ng mga kasalanan na inilaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Ito’y patutunayan ng pagpahid ng Diyos ng “bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man.” (Apocalipsis 21:3, 4) Kung iyan ay hindi tunay na kalayaan, ay ano ang kalayaan?
18. Kahawig ng isang bahagi ng sinaunang Jubileo, ano ang magaganap sa lupa sa bagong sistema?
18 Higit sa riyan, ang lupa ay hindi na kontrolado, hindi na pinarurumi ng polusyon, at hindi na ipinahahamak ng masasakim na tao, mga korporasyon, at mga gobyerno ng tao. (Apocalipsis 11:18) Sa halip, ito ay ibabalik sa mga tunay na mananamba. Sila ang bibigyan ng kalugud-lugod na gawain na pakikibahagi sa literal na katuparan ng inihula ni Isaias: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng mga bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain . . . Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan; sapagkat sila ang lahi ng mga pinagpala ni Jehova.” (Isaias 65:21-25) Sa katapusan ng Milenyong Paghahari, lahat ng mga bakas ng minanang kasalanan at di-kasakdalan ay wala na at ang mga tapat na lingkod ng Diyos sa lupa ay magdiriwang ng lubos na katuparan ng Jubileo na katapusan nito. Kaya ang kalayaan na inilarawan ng Jubileo ay natupad na sa panahong iyon.—Efeso 1:10.
Pagkatapos ng Milenyong Sukdulan ng Jubileo
19, 20. Papaanong si Satanas at ang mga demonyo ay magsisikap na hadlangan ang mga pagpapala na resulta ng Milenyong Jubileo, subalit may anong kahihinatnan?
19 Sa Apocalipsis 20:1-3 ay makahulang sinasabi na si Satanas na Diyablo, na hari ng mga hukbo ng demonyo, ay mawawala sa loob ng sanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa sangkatauhan. Sa katapusan ng Milenyo, pagka ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay sandaling papayagan na magsilabas, ang balakyot na mga espiritung ito ay makasasaksi sa lupa, hindi sa kalagayan nang kanilang lisanin ito, kundi sa kalagayan na di-mailarawan ang kagandahan, ang paraiso sa buong lupa. Kanilang makikita na ang lupa ay okupado ng tapat na “malaking pulutong” at ng bilyun-bilyong mga taong binuhay-muli buhat sa mga patay na alang-alang sa kanila namatay si Jesu-Kristo bilang isang haing pantubos. Sa katapusan ng Milenyo ang Jubileong Kristiyano ay nakatupad na ng layunin nito na lubusang palayain ang sangkatauhan sa mga epekto ng kasalanan. (Roma 8:21) Anong laking kadiyabluhan na ang sinuman ay magsikap na sirain ang gayong kagandang kalagayan! Subalit sa pahintulot ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ang Diyablo ay gagawa ng huling pagtatangka na gawin ito, at sa kaniyang sukdulang pagngingitngit ay kikilos siya. Tungkol dito ay nasusulat sa Apocalipsis 20:7-10, 14.
20 “Ngayon kapagdakang naganap na ang sanlibong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan, at siya’y lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka. Ang bilang ng mga ito ay gaya ng buhangin sa dagat. At nagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa at kinubkob ang kampamento ng mga banal at ang sinisintang lunsod. Ngunit bumaba ang apoy mula sa langit at sila’y nasupok. At ang Diyablo na dumaraya sa kanila ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy at asupre.”
21. Pagkatapos na ang Jubileong Kristiyano ay magtapos sa Milenyo, anong pagtugon ng makalangit na mga anak ng Diyos ang magpapaalaala sa atin ng Job 38:7?
21 Ang tunay na kalayaan, na dulot ng kaayusan ng Jubileo, ay patuloy na tatamasahin sa lahat ng dako; lahat ng nilalang ay magiging malaya at magpaparangal sa Isa na tanging may pangalang Jehova. (Awit 83:18) Iyan ay magiging totoo samantalang patuloy na isinasagawa ni Jehova ang kaniyang mga layunin sa buong sansinukob. Sa paglalang sa lupa, bago ang sangkatauhan ay malagay dito, “ang mga tala sa umaga ay may kagalakang nag-awitang magkakasama, at lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsimulang maghiyawan sa kagalakan” sa magandang tanawin. (Job 38:7) Di lalo pa nga nilang gagawin iyan pagka nakita nilang ang lupa ay nakakalatan ng mga lalaki at mga babaing nagpakita at nagpatunay ng kanilang lubusang pag-aalay at katapatan sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat.
22. Ano ang dapat na maging saloobin natin, kasuwato ng panawagan na masusumpungan sa Awit 150:1-6?
22 Pagkatapos na maisaalang-alang ang lahat ng bagay sa liwanag ng nakasisilaw na kaningningan na nagbubuhat sa Kasulatan, wala tayong ibang magagawa kaysa kusang makipagsaya sa kalangitan at umawit, Hallelujah! Ito ang panawagan sa atin na siyang pantapos ng aklat ng Mga Awit: “Hallelujah. Purihin ang Diyos sa Kaniyang santuwaryo; purihin Siya sa kalangitan, ang Kaniyang matibay na moog. Purihin Siya sa Kaniyang makapangyarihang mga gawa; purihin Siya dahil sa Kaniyang lubhang kadakilaan. Purihin Siya ng tunog ng pakakak; purihin Siya ng alpa at ng salteryo. Purihin Siya ng pandereta at sayaw; purihin Siya ng panugtog na kawad at ng plawta. Purihin Siya ng matutunog na simbalo; purihin Siya ng pinakamatutunog na mga simbalo. Lahat ng humihinga ay magpuri sa PANGINOON. Hallelujah.”—Awit 150:1-6, Tanakh Bible (1985), Jewish Publication Society of America.
[Mga talababa]
a Isang bagong magasin ang inilabas doon na magiging “gaya ng isang tinig sa ilang ng kaguluhan, yamang ang misyon nito [ay] ibalita ang pagdating ng Ginintuang Panahon.” Sa ngayon ang magasing ito ay tinatawag na Gumising!
b Millions Now Living Will Never Die (1920); Deliverance (1926); Freedom for the Peoples (1927); Liberty (1932); “The Truth Shall Make You Free” (1943); What Do the Scriptures Say About “Survival After Death”? (1955); Life Everlasting—In Freedom of the Sons of God (1966); The Truth That Leads to Eternal Life (1968); The Path of Divine Truth Leading to Liberation (1980).
Paano Mo Sasagutin?
◻ Buhat sa ano pinalaya noong Pentecostes 33 C.E. ang mga alagad ni Jesus, na siyang pasimula ng ano para sa kanila?
◻ Bakit may dahilan na asahan ang isang lalong dakilang paglaya kaysa sa naganap noong unang siglo?
◻ Anong uri ng pagpapalaya ang nagaganap sapol noong 1919?
◻ Paano at kailan makikinabang ang “mga ibang tupa” sa isang dakilang Jubileo?
◻ Pagkatapos na umabot sa sukdulan ang Jubileo, ang lupa ay magiging katulad ng ano?
[Larawan sa pahina 25]
Ang kalayaan ay inihayag sa Cedar Point, 1919
[Larawan sa pahina 26]
Ang “mga ibang tupa” ay nakikibahagi sa Jubileo ng Milenyo