Ang Panlipunang Ministeryo—Paano Apektado Nito ang mga Tao
SA PAMAMAGITAN lamang ng limang tinapay at dalawang maliliit na isda, makahimalang pinakain ni Jesu-Kristo ang mahigit na 5,000 mga lalaki, babae, at mga bata noong malapit na ang panahon ng Paskua (Marso-Abril) noong 32 C.E. (Mateo 14:14-21; Juan 6:1-13) Palibhasa’y nakita nila ang napakalaking potensiyal na taglay ni Jesus, ibig ng mga tao na gawin siyang kanilang hari. Marahil inaakala nila na kaniyang tutubusin sila sa ilalim ng pamatok na Romano at iigi ang kanilang pamumuhay. Subalit ano ang tugon ni Jesus?
Imbis na padala sa kagustuhan ng marami, si Jesus ay “muli na namang umatras at naparoon sa bundok na mag-isa.” (Juan 6:15) Subalit ang karamihan ng mga tao ay hindi naman kaagad-agad umalis. Sila’y bumalik uli sa kaniya kinabukasan. Palibhasa’y nahalata niya ang kanilang di-mabuting motibo, sinabi sa kanila ni Jesus: “Ako’y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo’y nagsikain ng tinapay at nangabusog.” Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Magsigawa kayo, hindi dahil sa pagkain na napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan.”—Juan 6:25-27.
Ano ang maaari nating matutuhan sa ulat na ito? Bukod sa iba pang mga bagay, malinaw na ipinakikita nito na madaling makakaakit ng mga tao kung materyal na mga bagay ang ipang-aakit sa kanila. Datapuwat, ang pagtatayo ng tunay na pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay—na nagdudulot ng walang hanggang pakinabang—ay isang bagay na lubhang naiiba. Sa ngayon, ang hilig ng mga tao na tingnan ang mga bagay buhat sa isang pulos materyalistikong punto-de-vista ay lalong malaki.
Lubhang Nakaaakit ang Panlipunang Ministeryo
Sa paningin ng mga tao sa nagpapaunlad na mga bansa, sa maunlad na mga bansang Kanluranin ay makikita ang lahat ng pagkakataon at materyal na mga kapakinabangan na hahangarin ng isang tao—mga pagkakataon na wala sa kanilang sariling bansa. Ang kaunlaran ay kinaiinggitan, tinutularan ang istilo ng pamumuhay. Ang oportunidad para sa mataas na pinag-aralan ay iniaalok sa halos bawat mag-aarál bilang isang pasaporte sa pag-unlad at tagumpay. Sa ganiyang kapaligiran ay hindi mahirap na unawain kung bakit ang programang panlipunan ng mga relihiyong banyaga ay totoong nakakaakit sa mga bansang ito. Subalit ano ang mga resulta?
Sa Oriente, halimbawa, ang mga tao ay handa na gawin ang halos anuman na ipinagagawa ng mga relihiyon upang sila’y maging kuwalipikado sa mga regalo o mga tulong at ito’y nagbigay-daan sa hamak na katawagan na mga “Kristiyanong kanin.” Mangyari pa, ang pinakamalungkot ay na pagka ang gayong tulong o suporta ay inihinto, humihinto rin ang interes ng mga tao. Marami sa mga Kristiyanong kanin ay basta nawawala na lamang sa tanawin. Sa gayon, sa mga Cantonese, may kasabihan na ganito humigit-kumulang: “Iniibig ng Diyos ang sanlibutan, subalit ang sanlibutan ay umiibig sa gatas na pulbos.”
Bagama’t karamihan ng mga relihiyon ay hindi na nagpapalakad ng mga ahensiyang pangkawanggawa, maliban marahil kung panahon ng sakuna, ang nangyari noong nakaraan ay nag-iwan ng marka. Sa maraming taga-Oriente, ang mga relihiyon ay kasingkahulugan ng mga organisasyong pangkawanggawa, at ang tanging dahilan sa pagsisimba ay upang mayroon kang makuha, hindi upang magbigay ka. Hindi nila nakikita ang pangangailangan ng paggawa ng anumang personal na mga pagsasakripisyo para sa relihiyon. Ang ganitong saloobin ay makikita, halimbawa, sa kanilang pag-ayaw na mag-abuloy para sa mga babasahin tungkol sa Bibliya sapagkat, iniisip nila, na ang isang bagay na gawa ng isang relihiyon ay dapat na ipamigay nang libre.
Ang paggamit sa relihiyon bilang isang katuparan ng minimithi ay agad makikita sa larangan ng edukasyon. Sa maraming bansang nagpapaunlad, ang pagkakamit ng edukasyon na istilong-Kanluranin ay itinuturing na isang tiyak na paraan upang makamit ang katanyagan at tagumpay. Ayon sa isang nagsabi, noong panahon ng pagtatamo ng India ng kasarinlan buhat sa Britanya, 85 porsiyento ng mga miyembro ng parliamento ng bansang iyan ang nakapag-aral sa “mga paaralang Kristiyano.” At, sang-ayon sa mga mithiin ni Confucius, sa Dulong Silangan, ang pagkakaroon ng mataas na edukasyon ang isa sa pinakadakilang tunguhin sa buhay. Natural, marami diyan ang umaasa sa mga paaralan ng relihiyon, na karamihan na ay gumagamit ng mga paraan at mga pamantayan sa Kanluran, para sa pag-asenso. At, taglay ang pag-asang maipasok ang kanilang mga anak sa isa sa mga paaralang pinaandar ng relihiyon at marahil makapangibang-bayan pagkatapos, maraming mga magulang sa Oriente na pangkaraniwan ay mga tradisyonal na relihiyon ang sinusunod ay maligayang sumisimba at hinihimok na sumimba rin ang kanilang mga anak.
Ano ba ang Ibinunga?
Kung ihahambing sa mga relihiyon sa sariling bayan, ang mga simbahan ng misyon ay karaniwan nang marami ang sumisimba. Maraming tao ang sa ganoo’y nakakapakinig ng mga turo ng simbahan at nagkakaroon ng bahagyang ideya tungkol sa pagka-Kristiyano. Subalit ang ganito ba’y nakatulong sa kanila na maunawaan ang Bibliya at ang turo nito? Sila ba’y naging mga tunay na Kristiyano, samakatuwid nga, mga tagasunod ni Jesu-Kristo?
Kunin, halimbawa, si Kuo Tung, ang binata na binanggit na. Pagkatapos na tanungin kung siya ngayon ay naniniwala na sa Diyos pagkatapos na magsimba nang ilang panahon, siya’y tumugon: “Hindi. Ang patotoo kung ang Diyos nga baga ay umiiral ay hindi kailanman pinag-uusapan.” Sa katunayan, inamin niya na hindi niya natitiyak kung ang alinman sa kaniyang mga kaibigan ay naniniwala sa isang personal na Diyos, bagama’t sila’y nagsisimba nang kasama niya sa loob ng ilang panahon. Sila’y nagsisimba lamang para matuto ng Ingles, ang sabi niya.
Isa namang binata ang umuwi para magbakasyon buhat sa pag-aaral sa kolehiyo sa Estados Unidos. Nang isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa kaniya, itinanong niya kung ang mga Saksi ay Ingles ang ginagamit sa kanilang mga pulong. Bakit? “Upang magamit ko ang aking Ingles,” ang sabi niya. Nang sabihin sa kaniya ang mga pulong ay ginaganap sa lokal na wika upang lahat ay makinabang sa espirituwal, sinabi ng binata na doon siya pupunta sa mga pulong na Ingles na ginaganap makalawa isang linggo.
Kahit na yaong naging mga miyembro ng relihiyon at nangabautismuhan na ay walang gaanong ipinagbabago sa kanilang pangmalas. Marami sa kanila ang mahigpit na kumakapit pa rin sa kanilang mga dating paniwala o mga kaugalian, kadalasan taglay ang pagsang-ayon, kung hindi man ang pagpapala, ng kanilang relihiyon. Sa Tsina, halimbawa, ang mga Romano Katoliko ay pinapayagan na magpatuloy sa pagsamba sa kanilang mga ninuno, bagama’t sa mga ibang lugar ay ipinagbabawal ito. Mga plake na nananawagan at humihingi ng pagpapala sa diyos ng pinto ang malimit na makikita sa kapaligiran ng mga pintuan sa mga tahanang “Kristiyano.” At sa Okinawa, ang mga iginuhit na larawan ng mga diyos na nasa anyo ng hayop ang inilalagay sa mga sulok ng bubong upang mabigyan ng proteksiyon ang pamilya.
Kumusta naman yaong mga nakinabang sa mga kaayusan ng simbahan? Sa kanilang bagong katutuklas na seguridad sa pananalapi at sa materyal, hindi nakapagtatakang marinig na sinasabi nila na ang sagot sa mga problema sa ngayon ay ang tumiwala sa iyong sarili. Ang resulta ay na marami sa kanila ang lubusang humiwalay sa relihiyon o, dili kaya, nagpakalayu-layo sa relihiyon.
Ang mga misyonero ng mga relihiyon ay nagkaroon sana ng maraming magagandang pagkakataon upang turuan ang mga tao sa iniaaral ng Bibliya. Subalit imbis na turuan sila na sumunod sa payo ni Jesus na “patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo,” ang kanilang higit na idiniin ay ang “iba pang mga bagay.” (Mateo 6:33) Sa pamamagitan ng kanilang panlipunang mga programa, malaki ang nagawa nila sa pagtulong sa mga tao sa paraang pisikal, medikal, at edukasyonal, subalit ang mga napapakinabang dito ay unang-una para lamang sa kasalukuyan. Sapagkat hindi nagbibigay ng espirituwal na pakinabang, malimit na ang gayong mga kaayusan ay nagiging isang pangganyak lamang upang magsumikap para sa higit pang pakinabang na pangkasalukuyan o makasanlibutan.
Ang mga relihiyon ay nangangaral nga ng ebanghelyo. Subalit ang naging resulta, kadalasan na, ang pagtataguyod sa Kanluranin, materyalistikong pamumuhay. Oo, sila’y nakakumberte ng marami. Subalit gaya ng nakita na natin, marami sa mga ito ang lumabas na lalong makasanlibutan at materyalistiko ang hilig higit kaysa kailanman. Noong kaarawan ni Jesus, sinabi niya tungkol sa mga pinuno ng relihiyon: “Inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makukumberte, at pagka siya’y naging isa na sa inyo ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng Gehenna kaysa inyong sarili.” (Mateo 23:15) Sa ganitong diwa, ang pagsisikap ng Sangkakristiyanuhan na maipangaral ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga paraang panlipunan ay tumalbog. Ito’y malayung-malayo sa dakilang pag-uutos na ibinigay ni Jesu-Kristo: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.