Pagpapakita ng Pagpapahalaga sa Dalawang Pinakadakilang Kapahayagan ng Pag-ibig
“Para sa atin, tayo’y umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”—1 JUAN 4:19.
1. Anong halimbawa ang ipinakita para sa atin ni Jesus?
PAANO natin maipakikita sa pinakamagaling na paraan ang ating pagpapahalaga sa dakilang pag-ibig na ipinahayag sa atin ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo? Ang isang pangunahing paraan ay sa pamamagitan ng pagtulad kay Jesus, na hindi nagsawa ng pagpapatotoo sa pangalan at Kaharian ng kaniyang Ama. (1 Pedro 2:21) Kaniyang ginawa ito sa mga tahanan, sa mga sinagoga, sa templo, sa mga gilid ng bundok, at sa tabing-dagat. Isaalang-alang natin ang siyam na iba’t ibang paraan na maaaring samantalahin din natin.
Ang Pagbabahay-bahay
2. Paano ka makapagtitiyaga sa gawaing pagbabahay-bahay?
2 Ang una, at marahil pinakanatatanging, paraan na magagamit natin upang ipakita ang ating pag-ibig at pagpapahalaga ay ang pagbabahay-bahay na taglay ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang paggawa ng gayon ay nangangailangan ng tunay na kalayaan ng pagsasalita sapagkat patuloy na nangangailangan ito ng tuwirang pakikipag-usap sa iba, na marami sa kanila ang mag-iisip na tayo’y nang-aabala lamang. Nangangailangan ng tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang patuloy na pagbabahay-bahay, bagaman tayo’y napapaharap sa pagwawalang-bahala, kayamutan, paghamak, o tuwirang pananalansang.—Ihambing ang Ezekiel 3:7-9.
3. Ano ang batayan mo sa Kasulatan ng pagbabahay-bahay?
3 Ang ulat ng Ebanghelyo ng mga tagubilin ni Jesus sa kaniyang 12 apostol, at sa dakong huli sa 70 ebanghelisador, ay malinaw na nagpapakita na sila’y kailangang magbahay-bahay sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 10:5-14; Lucas 10:1-7) Sa Gawa 20:20 ay sinasabi ni Pablo ang tungkol sa kaniyang pagbabahay-bahay. Ang mga salitang iyon ay ikinapit sa kaniyang mga pagdalaw bilang pastol, subalit ang Gawa 20 talatang 21 ay hindi nag-iiwan ng alinlangan tungkol sa tinutukoy na aktibidad, sapagkat isinusog pa ni Pablo: “Ako’y lubusang nagbigay patotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego”—hindi sa mga kapatid na Kristiyano—“tungkol sa pagsisisi sa harap ng Diyos at sa pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” Sa kaniyang mga pagdalaw bilang pastol, ang isang hinirang na matanda ay karaniwan nang hindi nanghihimok ng ‘pagsisisi sa harap ng Diyos at pananampalataya kay Jesus.’ Bagkus, siya’y nanghihimok sa mga kapuwa Kristiyano na magkaroon ng higit pang pagpapahalaga sa mga pulong o sa ministeryo, o kaniyang tinutulungan sila sa personal na mga problema.
4. Ano ang nagpapatibay-loob sa atin na makibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay?
4 Hindi lamang may matatag na batayan sa Kasulatan ang ating pagbabahay-bahay kundi ang mga bunga ng aktibidad na iyan ay nagpapakita na ito’y pinagpapala ni Jehova. Oo, “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng kaniyang mga gawa.” (Mateo 11:19) Malimit, yaong mga nagbabahay-bahay ay may katunayan ng patnubay ng anghel na umaakay sa kanila upang matagpuan yaong mga taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. Sinasabi ng maybahay na siya ay nananalangin upang humingi ng tulong at na ang pagdalaw ng Saksi ang kasagutan sa panalanging iyon.
5. Ano ang mainam na pantulong sa atin para sa ating ministeryo sa bahay-bahay, at sa anu-anong paraan makatutulong ito sa atin?
5 Anong laking tulong sa ating paglilingkod sa larangan ang aklat na Reasoning From the Scriptures! Ito’y mayroong maraming nakakaakit na mga introduksiyon para sa pagtalakay sa Bibliya at marami ding mapapakinabangang impormasyon tungkol sa maraming mga paksa sa Kasulatan o sa relihiyon. Kung gayon hindi lamang dalhin ito kundi patuloy na gamitin bilang reperensiya. Ang mga payunir, lalo na ang nagpahayag ng malaking pagpapahalaga sa aklat na ito na mahalagang tulong sa paglilingkod sa larangan. Iyo bang maipakikita ang iyong pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng higit at higit pang paggamit nang higit sa aklat na ito at higit pang pagiging epektibo?
6. Ano ang personal na mapapakinabang natin sa pagbabahay-bahay taglay ang mensahe ng Kaharian?
6 Huwag nating kaliligtaan na tayo’y personal na makikinabang ng malaki sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pagbabahay-bahay. Habang tayong mga Kristiyano ay kumikilos kasuwato ng ating pananampalataya, ito’y lalong nagiging matatag; habang tayo’y nagsasalita nang may kombiksiyon, ito ay napalalakas. Hindi natin masasabi sa iba ang ating pag-asa na hindi rin naman nagiging lalong maaliwalas ang ating sariling pag-asa. Walang katulad ang pakikibahaging palagian sa ministeryo ng pagbabahay-bahay para mapaunlad ang mga bunga ng espiritu na binanggit sa Galacia 5:22, 23. Wala nang ibang paraan kundi iyan, sapagkat tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang taong bukas-palad ay mananagana; siyang nagpapaginhawa sa iba ay pagiginhawahin din.”—Kawikaan 11:25, New International Version.
Mga Pagdalaw Muli
7, 8. Sa anong makatuwiran at praktikal na mga dahilan dapat tayong gumawa ng mga pagdalaw muli?
7 Ang pangalawang paraan upang tayo’y makatugon sa pag-ibig na ipinakita sa atin ng Diyos at ni Kristo ay sa pamamagitan ng mga pagdalaw muli sa mga tao na nagpakita ng interes sa mensahe ng Kaharian. Si Pablo at si Bernabe ay naging palaisip tungkol sa mga taong kanilang napangaralan. (Gawa 15:36) Sa katunayan, kailangan na tayo’y gumawa ng mga pagdalaw muli upang makatugma ng ating sinasabi. Sa pagpapatotoo sa bahay-bahay, sa impormal na paraan, o sa mga lansangan, tayo’y naghahanap ng mga taong “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Maliwanag nga, ang pagbibigay sa kanila, wika nga, ng isang baso ng espirituwal na tubig o isang piraso ng espirituwal na tinapay ay hindi sapat. Upang sila’y makalakad sa daan ng buhay, kailangan nila ng higit pang tulong.
8 Ang mga unang pagsisikap natin ay maihahalintulad sa pagtatanim ng mga binhi ng katotohanan. Ngunit gaya ng ipinakita ni apostol Pablo sa 1 Corinto 3:6, 7, higit pa ang kinakailangan. Hindi sapat noon na siya ay magtanim. Ang binhi ay nangangailangan din ng tubig, gaya ng inilaan ni Apolos. At kung magkagayon ay maaasahan na palalaguin iyon ng Diyos. Ang bahaging ito ng gawain ay napababayaan ng iba, ngunit marami ang may paniwala na ito talaga ang pinakamadaling bahagi ng ministeryong Kristiyano. Bakit? Sapagkat ang mga tao na ating dinadalaw ay nagpakita na ng kaunting interes.
Pagdaraos ng Pantahanang mga Pag-aaral sa Bibliya
9. Bakit ang pagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang dapat na maging tunguhin mo?
9 Pagka regular na dinadalaw ang mga taong nagpakita ng interes sa pabalita ng Kaharian, malimit na ang resulta ay isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya—ang pangatlong paraan na magagamit natin upang ipakita ang ating pagpapahalaga. Tunay na ito’y maaaring maging ang pinakakawili-wili at pinakakasiya-siyang bahagi ng ating ministeryo. Bakit? Bueno, anong laking kagalakan na makitang ang mga tao’y lumalaki ang kaalaman at pagpapahalaga sa mga katotohanan ng Bibliya, ang makita sila na gumagawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay, at matulungan sila hanggang sa sila’y mag-alay ng kanilang sarili na gawin ang kalooban ng Diyos at mabautismuhan! Ang gayong mga tao ay tunay na maituturing natin na ating espirituwal na mga anak at tayo naman ay kanilang espirituwal na mga magulang.—Ihambing ang 1 Corinto 4:14, 15; 1 Pedro 5:13.
10. Anong karaniwang halimbawa ang nagpapakita ng kahalagahan ng pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya?
10 Isaalang-alang ang isang karaniwang halimbawa. Isang misyonero na nagbabahay-bahay sa isang isla sa Caribeano ang nakatagpo ng isang mag-asawang hippie na ang tahanan ay malayo sa pagiging malinis at maayos. Gayunman ay nagpahayag sila ng interes. Naipasakamay ang isang babasahin na tulong sa pag-aaral ng Bibliya, at isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan sa mag-asawang iyon, na hindi naman kasal bagama’t sila’y maraming anak. Habang sumusulong ang pag-aaral, ang tahanan naman ay nagiging lalong presentable at pati na rin ang mag-asawa at ang kanilang mga anak. Hindi nagtagal at hiniling ng mag-asawa sa misyonero na ikasal sila, at ito ang nagbukas ng daan upang sila’y mabautismuhan. Isang araw ang bagong kapatid na ito ay masayang naglabas ng kaniyang lisensiya bilang driver ng sasakyan, ang unang-una na kaniyang nakuha. Oo, bago siya naging isa sa mga Saksi ni Jehova, ay hindi niya nakita ang pangangailangan na kumuha ng alinman sa isang lisensiya sa pag-aasawa o isang lisensiya sa pagmamaneho, subalit ngayon ay sumusunod siya sa kapuwa mga batas ng Diyos at niyaong kay cesar.
Pagpapatotoo sa Lansangan
11, 12. (a) Ano ang pampatibay-loob sa atin ng Kasulatan upang makibahagi tayo sa pagpapatotoo sa lansangan? (b) Ano ang mga dahilan upang gawin natin ito?
11 Ang ikaapat na paraan na magagamit natin upang maipakita ang ating pagpapahalaga sa ginawa para sa atin ng Diyos at ni Kristo ay ang pagpapatotoo sa lansangan. Pagka tayo’y nakikibahagi rito, tayo’y tumutulong ng pagtupad sa Kawikaan 1:20, 21 sa isang medyo literal na paraan: “Ang tunay na karunungan mismo ay patuloy na humihiyaw nang malakas sa mismong lansangan. Sa mga liwasang bayan ay patuloy na nagpaparinig siya ng kaniyang tinig. Sa may pasukan ng maiingay na lansangan ay humihiyaw siya.”
12 Napakaraming mabubuting dahilan para tayo ay makibahaging palagian sa pitak na ito ng pangangaral ng Kaharian. Sa maraming lugar, patuloy na nagiging mahirap na masumpungan ang mga tao sa tahanan. Sila’y alinman sa naglilibang, namimili, o naghahanapbuhay. Gayundin, maraming mga tao ang naninirahan sa eksklusibong mga apartment o mga condominium, huwag nang banggitin yaong mga naninirahan sa mga otel. Subalit karaniwan na may mga taong makikita sa mga lansangan.
13. Ang pagpapatotoo sa lansangan ay maaaring magbunga ng ano? Magbigay ng halimbawa.
13 Isang elder sa Estados Unidos ang kasalukuyang nagdaraos ng apat na mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga taong unang nakilala niya sa pagpapatotoo sa lansangan. Mangyari, hindi siya basta nakatayo na walang kibo, (bagama’t sa mga ilang bansa ay iyan lamang ang ipinahihintulot ng batas). Bagkus, taglay ang palakaibigang ngiti at masayang tinig, siya’y lumalapit sa mga taong nangakatayo, at naghihintay ng bus, o naglalakad ng parang nagliliwaliw lamang. Ang kaniyang ‘pananalita’y magiliw, timplado ng asin,’ anupa’t nagiging maunawain siya sa kung paano lalapit sa bawat isa. (Colosas 4:5, 6; 1 Pedro 3:15) Siya’y hindi lamang nakapagtatag ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng gayong pagpapatotoo sa lansangan kundi siya’y napakamatagumpay rin sa pagpapasakamay ng literatura sa marami. Oo, sa pamamagitan ng maayos na pananamit at taglay ang isang palakaibigang ngiti lakip ang kalayaang magsalita, ikaw ay maaaring maging lubhang epektibo sa pagpapatotoo sa lansangan. Sa katunayan, limang Saksi ang kamakailan nakapagpasakamay ng mahigit na 30 kopya ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? sa mga lugar na pamilihan. Marami sa aklat ang naipasakamay sa maraming taong nangakaupo sa loob ng kanilang mga kotse.
Impormal na Pagpapatotoo
14. Paanong mapatutunayan ang kahalagahan ng impormal na pagpapatotoo?
14 Ang ikalimang paraan natin ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa dakilang pag-ibig na ipinahayag sa atin ng Diyos at ni Kristo ay sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo. Tunay na ito’y malimit na epektibo, kapuwa sa pagkasumpong ng mga taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran at sa pagpapasakamay nila ng literatura! Tiyak na ito’y isang paraan na sa pamamagitan nito’y maikakapit natin ang payong nasa Efeso 5:15, 16, ‘na samantalahin ang karapat-dapat na panahon para sa ating sarili.’ Isang misyonero ang nakakita ng pagkakataon na makipag-usap sa isang kapuwa pasahero sa isang taksi. Ang taong iyon ay nagpakita ng interes. Siya’y dinalaw muli at pinagdausan ng pag-aaral sa Bibliya. Sa ngayon ang taong iyon ay isang elder na Kristiyano. Sa isang lugar naman isang elder ang nagsimula ng pakikipag-usap sa isang babae na nagkataon noon, ay magbabago ng kaniyang relihiyon upang magpakasal sa isang Judio. Ibig niyang malaman kung sino ang nauna, si Moises, si Noe, si David, at iba pa. Sinabi ng elder sa kaniya na ang kaniyang kailangan ay ang aklat na Mga Kuwento sa Bibliya, na tumatalakay ng mga pangyayari sa Bibliya ayon sa petsa ng pagkakasunud-sunod o kronolohiya. Bagaman ang elder ay hindi niya nakikilala, agad niyang ibinigay rito ang kaniyang pangalan at direksiyon ng tirahan at ang kaukulang kontribusyon upang ang aklat ay maipadala sa kaniya ng elder sa pamamagitan ng koreo.
15. Ano ang tutulong sa atin na maging alerto sa mga pagkakataon para sa impormal na pagpapatotoo?
15 Kung minsan, dahil sa pangambang tayo’y mapahiya, baka atubili tayo na magsimula ng isang pakikipag-usap sa isang kapuwa nating pasahero. Subalit, anong dalas na tayo’y saganang pinagpapala kung nagtitipon tayo ng sapat na lakas na gawin iyon! Ang pagpapahalaga sa kabutihan ng Diyos at sa pangangailangan ng mga tao ang tutulong sa atin na magkaroon ng kinakailangang tibay ng loob. Oo, tandaan na “hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkamahiyain, kundi ng espiritu ng lakas, ng pag-ibig at ng disiplina sa sarili.”—2 Timoteo 1:7, NIV.
Pagtanggap sa mga Estranghero
16. Bakit tayo dapat maging alerto na mapansin ang mga estrangherong dumadalaw sa ating Kingdom Hall?
16 Ang ikaanim na paraan sa pagpapakita ng ating utang na loob sa Diyos at kay Kristo ay sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga estranghero na dumadalo sa mga pulong sa ating Kingdom Hall. Dahil sa pag-ibig sa kapuwa ay dapat tayong maging alerto ng pagkapansin sa kaninumang estranghero na dumadalaw sa ating dako ng pagsamba. Sikapin natin na siya’y makadama ng kaginhawahan, na madamang siya’y kasama ng mga kaibigan na taimtim na interesado sa kaniyang espirituwal na kapakanan. Malamang, hindi lamang dahil sa pag-uusyoso kaya siya narooon. Tunay na baka siya’y nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. Dahil sa ating tunay na pagmamalasakit sa kaniya ay baka ang maging resulta niyao’y ang pagsisimula natin sa kaniya ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, na tutulong upang lumakad siya sa daan ng buhay. (Mateo 5:3, 6; 7:13, 14) Sa katunayan, malimit na ganito ang nangyayari. Isang misyonero sa unang klase ng Watchtower Bible School of Gilead ang bumanggit na ang kaniyang dalawang pinakamahuhusay na mga estudyante sa Bibliya ay yaong unang nakilala niya sa Kingdom Hall.
Pagpapatotoo sa Pamamagitan ng Pagsulat ng Liham
17. Ang pagpapatotoo sa pamamagitan ng pagsulat ng liham ay maaaring magbunga ng ano?
17 Ang ikapitong paraan ng pagpapatotoo natin, bilang tugon sa pag-ibig na ipinakita sa atin ng Diyos at ni Kristo, ay sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham. Kalimitan yaong mga gumagamit ng ganitong anyo ng pagpapatotoo ay tumatanggap ng ilang mga liham na lubhang nagpapasalamat. Ito ay isang paraan na ginagamit ng ilang buong-panahong mga ministro na maaaring pansamantala ay hindi maaaring makapagbahay-bahay dahilan sa kapansanan ng katawan. Halimbawa: Mayroong isang pamilya noon na may 12 mga anak. Isang araw ang ama ay umuwi sa tahanan at dinatnan niya ang lima sa kanila na binaril at pinatay ng isa sa mga manliligaw sa kaniyang anak na babae. Humanap siya ng kaaliwan mula sa mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan ngunit sa walang kabuluhan. Nang magkagayon isang araw ay tumanggap siya ng isang liham buhat sa isang taong di niya kilala, isang Saksi na nakabasa sa peryodiko ng tungkol sa kaniyang kasawian at ibig nito na aliwin siya, at naglakip pa ng isang aklat na Katotohanan. Itong talaga ang hinahanap ng taong iyon. Sa ngayon, siya ay isa na ring masigasig na Saksi.a
Pagtawag sa Telepono
18, 19. Ano pa ang ibang paraan ng pangangaral ng mabuting balita ang nasumpungang epektibo, at bakit?
18 Bilang ikawalong paraan ng pagpapatotoo, nariyan ang pagkakataon na gamitin ang telepono sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Ito’y patuloy na napatutunayang isang kaaya-aya at epektibong paraan ng pagpapatotoo. Parami nang paraming mga Saksi ang nagiging bihasa sa paraang ito sa ministeryo, na maipagkakapuri rin. Sa pamamagitan nito ay naaabot na natin ang mga ibang tao na hindi natin matagpuan sa pagbabahay-bahay. Pagka isinagawa nang maingat ang pagpapatotoo sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, at taglay ang kabaitan, taktika, at kasanayan, ang mga iba ay nakasumpong ng lalong mainam na pagtugon kaysa kung dadalawin ang gayong mga tao sa kanilang mga tahanan.
19 Isang kongregasyon ng mga Hapones sa isang bansang Ingles ang wika, ang gumagamit ng direktoryo sa telepono bilang bahagi ng kanilang teritoryo. Ang mga mamamahayag ay tumitelepono sa mga taong may pangalang Hapones at nagsasaayos na gumawa ng personal na pagdalaw pagka sila’y nakasumpong ng taong interesado. Sila’y nakapagpasimula ng literal na dose-dosenang mga pag-aaral sa pamamagitan ng ganitong kaparaanan.
Pagpapatotoo sa Pamamagitan ng Mabuting Asal
20, 21. Ang ating asal ay maaaring magkaroon ng anong mabubuting epekto? Magbigay ng halimbawa.
20 Ang ikasiyam na paraan ng pagdadala ng kapurihan sa Diyos ay sa pamamagitan ng ating mabuting asal. Isang peryodistang Ruso ang minsa’y nagsabi na ang ating magandang asal ang ating pinakamagaling na sermon. Sa katunayan, paulit-ulit na ang mga pahayagan ay nagkukomento tungkol sa mataas na moralidad ng mga Saksi ni Jehova. Ang isa’y nag-ulat: “Ang mga Saksi ni Jehova ang nakikilala bilang pinakamapagtapat na mga tao sa Federal Republic of Germany.” Nang nagsisimula ang panahon ng kaniyang pagpasok sa paaralan, isang batang babaing Saksi ang nagdala ng School brochure sa kaniyang guro. Tuwirang tinanggihan iyon ng gurong lalaki, at ang sabi hindi niya ibig ang anuman sa mga Saksi. Datapuwat, dumating ang panahon na dahil sa magandang asal ng mag-aarál na Saksi ay pinakapuri niya ito at siya’y nagkaroon ng lubos na nabagong saloobin tungkol sa mga Saksi. Ganiyan din ang diwa ng liham na tinanggap ng mga magulang na Saksi buhat sa guro sa paaralan ng kanilang mga anak: “Ang di-maikakailang sukat ng tagumpay ng inyong mga paniwala ay ang inyong mga anak.”
21 Yaong mga nasa sanlibutan ay walang masasabing mabuti tungkol sa mga Saksi ni Jehova nang hindi nagdadala ng karangalan sa Diyos at kay Kristo. Ganiyan nga ang dapat na mangyari. Hindi baga sinabi ni Jesus na dapat nating pasikatin ang ating liwanag upang makita ng mga tao ang ating mabubuting gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa ating makalangit na Ama? (Mateo 5:16) Tunay, sa pamamagitan ng magandang asal, ay mapagaganda natin ang katotohanan. (Tito 2:10) Tiyak, ang bagay na nagdadala ng kapurihan sa Diyos at kay Kristo ang ating magandang asal at tumutulong sa iba upang lumakad sa daan ng buhay ay tunay na mahalagang dahilan upang tayo’y maging lubhang palaisip na ang ating asal sa lahat ng panahon ay huwag mapintasan.
22. Alin sa mga paraan ng pagpapakita ng pagpapahalaga ang sisikapin mong masunod, at bakit?
22 Gaya ng nakita na natin, mayroong maraming paraan ng pagpapakita ng ating pagpapahalaga sa lahat ng ginawa para sa atin ni Jehova at ni Jesu-Kristo, lalung-lalo na sa kanilang dakilang mga kapahayagan ng pag-ibig. Sa ganitong bagay, mapatutunayan natin ang ating pag-ibig sa kapuwa.—Marcos 12:30, 31.
23. Sa anong pangwakas na paraan makapagpapakita ka ng pagpapahalaga sa Diyos at kay Jesus?
23 Sa wakas, pansinin natin na makapagpapakita tayo ng ating pagpapahalaga sa dalawang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig sa pamamagitan ng pakikibahagi sa selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon. Sa kaniyang huling gabi sa lupa bilang isang tao, si Jesus ay nagtatag ng isang taunang hapunan ng pag-aalaala na ginagamitan ng tinapay at alak, na kumakatawan sa kaniyang laman at sa kaniyang dugo. Kaniyang iniutos na ang selebrasyong ito’y gawin bilang pag-aalaala sa kaniya. (1 Corinto 11:23-26) Sa taong ito ang Hapunan ng Panginoon ay pumapatak ng Linggo, Abril 12, pagkalubog ng araw. Sa buong mundo, ang mga Saksi ni Jehova ay magkakatipon bilang pagsunod sa utos ni Jesus. Huwag ninyong kaliligtaan ito!
[Mga talababa]
a Para sa mga detalye, tingnan ang Awake!, Oktubre 22, 1986, pahina 12-16.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Paano at saan nagpatotoo si Jesus?
◻ Sa anu-anong paraan matutularan si Jesus sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa dakilang pag-ibig ng Diyos?