Paghula sa Kapalaran—Uso Pa Rin
“MAGUGUNIGUNI ng sinuman, sa kaarawang ito ng malaganap na kaliwanagan at edukasyon, na hindi na kakailanganin na ibilad ang walang katotohanang mga paniniwala na nakasalig sa magic at pamahiin.” Ito’y bahagi ng isang pangungusap na nilagdaan ng 186 na kilalang mga siyentipiko, kasali na ang 18 mga nanalo ng gantimpalang Nobel. Ano ba ang kanilang tinutukoy? Ang astrolohiya, isang karaniwang anyo ng panghuhula na mga bituin ang ginagamit at, ayon sa kanila, “laganap na sa modernong lipunan.” Ikaw ba’y personal na naniniwala sa anumang anyo ng paghula sa kapalaran? O ikaw ba’y baka di-makapaniwala, o matinding mananalungat pa nga, tulad nitong prominenteng mga siyentipikong ito? Ang iyong pagkakilala sa bagay na ito ay mahalaga. Tingnan natin kung bakit.
Ang ganitong kaugalian ay lubhang malaganap na. Ayon sa kinatawan ng isang kongreso ng mga manghuhula ng kapalaran sa Paris, “4 na milyong mga Pranses [mga tao] ang nagpupunta sa mga manghuhula tuwing anim na buwan.” Sa Estados Unidos tinataya na mayroong 175,000 mga astrologong part-time at 10,000 full-time. Sila’y napakarami rin sa Gran Britaniya, na kung saan mayroon sila ng kanilang sariling mga paaralan. At ang magasing Pranses na Ça m’intéresse (Interesante Iyan) ay nagkukomento: “Saanman, kasali na ang pinakamaunlad na mga lipunan, ganiyan ding mga estadistika ang napapaharap sa amin. Ang mga manghuhula ay dumarami sa pagtatapos ng ating siglo.”
Sino ang Kumukunsulta sa Kanila—At Bakit?
Ang iba ay marahil naniniwala na iyon lamang mga taong may mabababang edukasyon, na nasa mababang uri ang interesado sa mga “siyensiya” ng okulto, na kung saan ang astrolohiya ay marahil ang pinakamalaganap. Subalit si Madame Soleil, isang tanyag na astrologong Pranses, ay nagsisiwalat: “Silang lahat ay pumaparito sa akin, maging rightist o leftist, mga pulitiko na nakahilig sa lahat ng punto-de-vista, at mga pinuno ng mga ibang bansa. Mayroon pa ngang mga pari at mga komunista.” Kasuwato nito, nang ang magician na si Frédéric Dieudonné ay mamatay, isang artikulo na napalathala sa Le Figaro, isang seryosong pang-araw-araw na pahayagang Pranses, ang nagpagunita pa na siya’y nakaakit ng “napakaraming kliyente ng mga personalidad na taga-Paris, mga ministro, matataas na opisyales, mga manunulat at mga artista.”
Ang mga manunugal ay kumukunsulta sa mga astrologo upang matutuhan nila kung paano sila tataya. Ang mga negosyante ay nagpupunta sa kanila upang alamin kung paano mamumuhunan ng kanilang salapi. Ang mga astrologo ay handa pa ring sabihin sa iyo kung kailan ka dapat magbiyahe o kung ano ang lulutuin. At ang panghuhula ng kapalaran ay lumusob na rin sa mga ibang larangan. Ang pulisya sa iba’t ibang bansa ay gumagamit ng mga mangkukulam upang hanapin ang mga kriminal o ang mga taong nawawala. At sang-ayon sa lingguhang lathalaing Pranses na Le Figaro Magazine, “ang Pentagon ay nagsusuweldo ng 34 katao na may pambihirang abilidad na manghula upang magbigay ng impormasyon tungkol sa mga bagay na nagaganap sa lihim na mga base militar sa U.S.S.R.” Ang magasin ding iyan ay nag-uulat na ang kongresistang si Charles Rose ng E.U. ay nagsasabi na gumagamit din ang mga Ruso ng mga panghuhula.
Bakit nga ba uso pa rin ang astrolohiya? Ito ba ay isang di-nakapipinsalang dibersiyon o libangan? Ito ba ang pinakamagaling na paraan upang alamin kung ano ang inilalaan ng hinaharap—o mayroon bang isang lalong magaling na paraan? Tingnan natin kung tayo ay makasusumpong ng mga sagot sa mahalagang mga katanungang ito.