Ang Iyong Kinabukasan—Isang Lalong Mainam na Paraan Upang Maalaman Ito
NOONG 1962 ang mga astrologo ng India ay humula ng isang pambuong-daigdig na sakuna “dahilan sa isang pambihirang pagkakatnig-katnig ng walong planeta sa senyas ng Capricorn.” Datapuwat, walang nangyari roon. Kamakailan, nang magtatapos ang 1980, karamihan ng mga astrologong Pranses ay may paniwala na ang noo’y pangulo ng Pransiya, si Giscard d’Estaing, ay muling mahahalal para sa ikalawang panunungkulan. Subalit ang kaniyang kalaban, si François Mitterrand, ang nanalo sa eleksiyon. Ang mga pagmimintis na gaya nito ay nagpapagunita sa atin na ang astrolohiya’y hindi nagbibigay ng isang tiyak na paraan upang malaman ang kinabukasan.
Kung gayon, mayroon ba namang ibang paraan? Halimbawa, ang mga pagsisikap ba ng mga siyentipiko na hulaan ang hinaharap ay tutulong sa iyo? Bueno, narito ang prediksiyon na ginawa ng McGraw Hill Institute (Estados Unidos) noong 1970 tungkol sa mangyayari sa 1980: “Mga gamot na gagapi sa kanser, mga taong magbibiyahe sa kalawakan patungo sa Mars at Venus, isang permanenteng base sa buwan, mga kotseng paaandarin ng koryente, pagkauso ng mga computer sa tahanan, ang posibilidad na piliin ang sekso ng iyong iaanak, at tatlong-dimensiyonal na telebisyon at cinema.”
Noong pang 1970 ang mga siyentipiko ng institutong ito ay nagsabi: “Ang paraang ito [ng panghuhula] ay may layunin na matamo ang isang mapanghahawakang panghuhula sa pamamagitan ng lubos na pagkakaisa ng isang grupo ng mga eksperto.” Subalit ang mga panghuhula ng mga ekspertong ito ay napatunayang mali sa larangang ito at sa maraming iba pa, tulad baga ng pulitika at ekonomiya.
Isang Tiyak na Mapagkukunan ng Impormasyon
Kung ang mga astrologo at mga siyentipiko ay hindi makahula nang may katiyakan kung ano ang mangyayari, ibig bang sabihin na imposible na makakuha ng mapanghahawakang impormasyon tungkol sa hinaharap? Bago tayo umurong, tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paksang iyan. Alalahanin, si Jehova, ang Awtor ng Bibliya, ay tinutukoy na “ang Isa na nagpapahayag ng magiging wakas magbuhat sa pasimula, at mula noong unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari.”—Isaias 46:10.
Ang Salita ng Diyos ay maraming mga hula. Paanong ang mga ito ay naiiba sa mga hula ng mga astrologo? Narito ang sagot ng isang lathala na pinamagatang The Great Ideas: “Subalit kung tungkol sa patiunang kaalaman ng mortal na mga tao, waring pambihira ang mga propetang Hebreo. Di-tulad ng mga manghuhulang pagano o mga humuhula ng kapalaran, . . . sila’y hindi na kailangang gumamit ng mga sining o mga kagamitan para matagos nila ang mga banal na lihim. . . . Sa kalakhang bahagi ang kanilang mga makahulang pahayag, di-tulad niyaong mga orakulo, ay waring maliwanag. Humigit-kumulang ang intensiyon ay waring upang magsiwalat, hindi upang magkubli, ng plano ng Diyos tungkol sa ibig Niya na hulaan ng mga tao ang itinakdang mangyayari.”
Bilang halimbawa nito, maraming impormasyon tungkol kay Jesus ang isinulat sa Bibliya maraming siglo bago siya ipanganak. Sa Bibliya ay inihula na siya’y isisilang sa bayan ng Bethlehem at sa angkan ni Jesse, na ama ni Haring David. (Mikas 5:2; Isaias 11:1, 10) Inihula rin ng Kasulatan na siya’y mamamatay sa isang tulos ngunit isa man sa kaniyang mga buto ay hindi mababali, gaya ng kinaugalian sa gayong mga pagkamatay. Ang mga detalyeng ito ay natupad, at ilan lamang ito sa mga halimbawa na tinataya ng isang iskolar ng Bibliya na mahigit 120 mga hula na natupad kay Jesus.—Awit 22:16, 17; 34:20.
Isang Hula na Natutupad Ngayon
Isa pa, ang Bibliya ay mayroong mga hula na nakatuon sa ating kaarawan. Isaalang-alang natin ang isa sa pinakamahalaga sa mga ito. Tinatalakay nito ang sunud-sunod na mga pangyayari na magiging palatandaan ng yugto ng panahon na agad-agad magaganap bago makialam nang husto ang Kaharian ng Diyos sa mga pamamalakad sa lupa. Kasali na sa mga pangyayaring ito ang mga digmaang pandaigdig, mga lindol, salot, taggutom, at lumalagong katampalasanan. Hindi baga ang paglubha ng mga bagay na ito ay kitang-kita sa mga balita sa daigdig sa panahon ng ating ika-20 siglo?—Mateo 24:3, 7-14; Lucas 21:7, 10, 11; 2 Timoteo 3:1-5.
Ipinaliwanag ni Jesus na ang katuparan ng mga hulang ito ay magbabalita ng pagdating ng kaniyang Kaharian kung paanong ang pananariwa ng mga dahon ng mga punungkahoy ay tiyak na nagbabalita ng pagdating ng tagsibol. Kaniya pa man ding espisipikong tinukoy na ang mga ito’y matutupad sa loob ng isang salinlahi. Lahat ng mga bahagi ng tanda, kasali na ang mga detalye na binanggit sa itaas, ay natutupad sa harap ng ating mga mata sapol noong 1914.a Samakatuwid ay maaari tayong lubusang magtiwala na ang Kaharian ay kikilos sa pinakamadaling panahon.—Lucas 21:29-33.
Ang isa pang bahagi ng tanda na inihula para sa panahong ito ay “panggigipuspos ng mga bansa, na hindi alam ang daang palabas.” (Lucas 21:25) Bueno, bakit napakarami ang naaakit ngayon sa astrolohiya at iba pang mga anyo ng okulto? Ang pahayagang Pranses na Le Monde Dimanche ang sumasagot: “Palibhasa’y nahaharap sa krisis, ang mga tao ay kakapit sa kahit patalim upang makasumpong ng kasiguruhan. Ang parapsychology ay nagbibigay ng malaking kaaliwan kapalit ng bahagyang pagpapagod, at sa panahong ito ng lubos na kakila-kilabot na mga naisakatuparan na sa larangan ng siyensiya tulad baga ng mga armas nuklear at gene splicing, ang mga tao ay natutukso na tumakas tungo sa mahiwaga at walang katuwiran, sa pagsisikap na muling matuklasan ang kahulugan ng buhay.” Kaya’t tayo’y di dapat magtaka sa malaganap na hilig sa mga gawaing okulto, tulad baga ng astrolohiya. Isa ito sa mga sintomas ng “panggigipuspos” na dinaranas ng mga tao ngayon bilang katuparan ng inihula ni Jesus.
‘Itaas ang Inyong Ulo’
Ano ang dapat gawin ng mga Kristiyano pagka nakita nila ang lahat ng mga bagay na ito? Magbigay-daan sa takot, tulad ng mga tao sa palibot nila? Ganito ang ibinigay na payo ni Jesus: “Ngunit pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”—Lucas 21:28.
Ibig ba ninyong malaman ang inyong kinabukasan nang lalong detalyado? Kung gayon ay magbigay ng panahon sa masinsinang pagsusuri sa Bibliya at “subukin ang kinasihang mga kapahayagan upang alamin kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Magagawa ninyo ito sa tulong ng magasing Ang Bantayan, na regular na tumatalakay sa mga hula ng Bibliya at ipinaliliwanag ang katuparan nito sa panahon natin. Sa gayon, samantalang nakukumbinsi ka na napakalapit na ang wakas ng kasalukuyang maligalig na daigdig ikaw man ay ‘makapagtataas ng iyong ulo.’ Malalaman mo rin kung ano ang kailangan mong gawin upang tamasahin ang mga pakinabang na idudulot ng Mesianikong Kaharian, na hindi na magtatagal at makikialam sa mga pamamalakad ng sanlibutan ukol sa kapakinabangan ng lahat ng taong nakahilig sa matuwid.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang detalye tungkol sa katuparan ng mga hulang ito sapol noong 1914, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Paano Mo Masusumpungan? lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 5]
“At ang Tanda . . . ay Natutupad”
‘Ano ba ang masama sa pagpunta sa isang manghuhula ng kapalaran o sa pagbabasa ng iyong horoskopyo sa isang pahayagan? Di baga ito isang aliwan na hindi naman nakapipinsala?’
Hindi iyan binibiru-biro ng Bibliya. Ang totoo, tayo’y pinagbabantay nito laban sa mga medium at mga manghuhula ng kapalaran. Sa aklat ng Deuteronomio, ganito ang ibinibigay na babala ni Jehova: “Kung isang propeta o isang mananaginip ng isang panaginip . . . ang magbigay sa iyo ng isang tanda o isang kababalaghan, at ang tanda ay nagkatotoo na siyang sinalita sa iyo, na nagsasabi, ‘Sumunod tayo sa ibang mga diyos,’ . . . huwag mong pakikinggan ang mga salita ng propetang iyon o ng mananaginip ng panaginip na iyon.”—Deuteronomio 13:1-3.
Pansinin na hindi naman kinukuwestiyon ng Kasulatan ang bagay na ang iba sa mga hula ng mga medium at mga astrologo ay maaaring magkatotoo. Kundi, ang Bibliya ay nagbababala sa atin na, kung ang mga hulang ito ay nakasalig sa mga tanda sa langit o iba pang mga paraan ng paghula, ito’y nanggagaling sa mga demonyo, mga pandaraya, at maaaring maghiwalay sa mga tao sa tunay na Diyos.—Tingnan ang Gawa 16:16-18.
Ang pagbibigay-pansin sa mga astrologo o sa mga iba pa na nag-aangkin na nakahuhula sa kinabukasan ay paglalagay ng sarili sa panganib na magkaroon ka ng malulubhang mga suliranin sa espirituwal at sa wakas ay maging isang alipin ng “mga hukbo ng masasamang espiritu sa mga dakong kalangitan.” (Efeso 6:12) Sa gayon, ang pagkunsulta sa gayong mga indibiduwal ay itinuturing ng Diyos na isang malubhang pagkakasala; yaong mga gumagawa ng ganiyang mga bagay ay kasuklam-suklam sa kaniyang mga mata at sila’y hindi magmamana ng kaniyang Kaharian.—Apocalipsis 22:15.
Samakatuwid ay sa ating sariling ikabubuti na tayo’y pinapag-iingat ng Bibliya laban sa astrolohiya at sa lahat ng iba pang mga anyo ng panghuhula.
[Kahon sa pahina 6]
PATIUNANG INIHULA NG BIBLIYA NA:
◆ Si Jesus ay isisilang sa Bethlehem.—Mikas 5:2
◆ Siya’y isisilang sa pamilya ni Jesse, na ama ni Haring David.—Isaias 11:1, 10
◆ Siya’y mamamatay sa isang tulos.—Awit 22:16, 17
◆ Walang isa man sa kaniyang mga buto ang mababali.—Awit 34:20