Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Makatuwiran ba na ang isang taong nag-aalay ng kaniyang buhay kay Jehovang Diyos na tukuyin iyon na isang panata?
Ang mga taong umiibig sa tunay na Diyos at nagpasiyang maglingkod sa kaniya nang lubusan ay dapat mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at pagkatapos ay pabautismo. Bagama’t hindi ginagamit ng Bibliya ang salitang “panata” tungkol sa pag-aalay Kristiyano, ang paggawa ng gayon ay waring tama naman.
Ayon sa paliwanag ng Aid to Bible Understanding sa Kasulatan ang isang panata ay “isang taimtim na pangako na gumawa ng isang bagay, maghandog ng kaloob o regalo, o pumasok sa isang paglilingkuran o kondisyon; isang pangako, positibo man o negatibo.” May mga panata na iniulat ang Bibliya tungkol sa isang pangako na tumahak sa isang takdang landas kung ang Diyos ay gagawa muna ng isang bagay. Halimbawa, sinasabi ng Bilang 21:2: “Kaya nga ang Israel ay gumawa ng isang panata kay Jehova at nagsabi: ‘Kung tiyak na ang bayang ito’y ibibigay mo sa aking kamay, tunay nga na itatalaga ko sa pagkapuksa ang kanilang mga lunsod.’ ” (Genesis 28:20-22; Hukom 11:30-39) Ang pag-aalay ng Kristiyano ng kaniyang buhay sa Diyos ay hindi ganiyan na isang panatang may kondisyon. Hindi niya sinasabi, gaya nga nito: ‘Kung ako, Jehova, ay paliligayahin mo at pasasaganain mo ngayon at tiyak na bibigyan mo ako ng buhay na walang hanggan sa bagong sistema ng mga bagay, ako’y nangangako na maglilingkod sa iyo lahat ng araw ng aking buhay.’
Ang Bibliya ay naglalahad na mayroong mga panata na di hinihiling at di hinihingi. Ang Wilson’s Old Testament Word Studies ay nagsasabi tungkol sa salitang Hebreo na tinutukoy: “[na·daŕ ] magpanata, s.b. mangako na kusang magbibigay o gagawa ng isang bagay; ang pangunahing ideya ay yaong pagbubukod.” Kaya’t ang isang tao’y kusang nagpapanata sa Diyos. Sa gayo’y maikakatuwiran baga na pagka ang isang tao’y naging isang nag-alay, bautismadong alagad ni Jesus ay hindi iyan isang panata sapagkat kahilingan ngayon ng Diyos ang pag-aalay ng lahat na nagnanais kamtin ang Kaniyang pagsang-ayon?a
Gayunman, hindi komo may mga ilang kahilingan si Jehova upang maging kaibigan niya ang isang indibiduwal ay nangangahulugan iyan na ang isa’y hindi makagagawa ng personal na pamimili. Sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay upang ikaw mabuhay, ikaw at ang iyong binhi.” (Deuteronomio 30:19, 20; Awit 15:1-5; ihambing ang Josue 24:15; 1 Hari 18:21.) Alalahanin ang mga salita ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:28, 29) Iyan ba ay isang di-makatuwirang kahilingan, isang utos na walang pagkabali? O iyan ba ay isang paanyaya na humihingi ng kusang-loob na pagtugon?
Si Jesus ay isinilang sa isang bansang nag-alay sa Diyos; maraming pitak ng kaniyang buhay at kamatayan ay inihula na patiuna; at ang Diyos ay naghanda ng isang katawan para ihandog ni Jesus bilang hain. Gayunpaman, ang kusang pagpapasiya ni Kristo na ihandog ang kaniyang sarili para sa isang pantanging paglilingkod ay mababanaag sa kaniyang mga salita: “Nang magkagayo’y sinabi ko, ‘Narito! Ako’y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin) na gawin ang iyong kalooban, O Diyos.’” (Hebreo 10:5-10) Sa isang nahahawig na paraan, ang bawat indibiduwal ang kailangang gumawa ng personal na pagpapasiya na maging isang nag-aalay, na bautismadong Kristiyano.
Isa pa, natatalos ng mga Kristiyano ngayon na ang paggamit ng isang salita na gaya ng “panata” ay hindi limitado lamang sa kung paano ginamit iyon sa Bibliya. Matagal nang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang “mga panata sa pag-aasawa” sa mga kasalan na ginaganap sa kanilang mga Kingdom Hall.b Ito’y kasuwato ng pangkalahatang kahulugan ng “panata,” tulad baga sa depinisyon: “isang taimtim na pangako o paggawa, lalo na sa porma ng isang pangako sa Diyos.”—Oxford American Dictionary, 1980, pahina 778.
Kaya naman, waring hindi na kinakailangan na gamitin sa limitadong paraan ang salitang “panata.” Ang isang taong nagpapasiyang maglingkod sa Diyos ay baka naniniwala na, para sa kaniya, ang kaniyang walang pasubaling pag-aalay ay katumbas ng isang personal na panata—isang panata ng pag-aalay. Siya’y ‘taimtim na nangangako o gumagawa ng isang bagay,’ na siyang panata. Sa kasong ito,ang paggamit ng kaniyang buhay sa paglilingkod kay Jehova, na ginagawa ang Kaniyang kalooban nang may katapatan. Ang gayong indibiduwal ay dapat maging seryoso tungkol dito. Kailangan na iyon ay maging gaya ng saloobin ng salmista, na, sa pagtukoy sa mga bagay na kaniyang ipinanata, ay nagsabi: “Ano ang aking ibabayad kay Jehova dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin? Aking kukunin ang saro ng dakilang kaligtasan, at tatawag ako sa pangalan ni Jehova. Aking tutupdin ang mga panata ko kay Jehova.”—Awit 116:12-14; tingnan din ang Awit 50:14.
[Mga talababa]
a Ito ang paliwanag na nasa The Watchtower ng Oktubre 1, 1973, pahina 607.
b Sa oras ng kasal, ang nobya at nobyo ay namamanata sa isa’t isa, ngunit sila’y gumagawa rin ng gayon sa harap ng mga saksi at sa harap ng Diyos.