Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Angkop ba na tukuyin ang isang darating na “bagong sanlibutan”?
Ang tanong na ito ay tumpak naman na itanong, yamang ang salitang Griego na kadalasa’y isinasaling “sanlibutan,” koʹsmos, ay may saligang kahulugan na sangkatauhan, at ang Diyos ay hindi gagawa ng isang bagong lahi ng sangkatauhan. Isa pa, sa Bibliya hindi natin matatagpuan ang ekspresyong kai·nosʹ koʹsmos (sa literal, “bagong sanlibutan”).
Subalit ang paggamit ng Bibliya ng koʹsmos ay nagpapahintulot upang tukuyin ng isang Kristiyano ang isang “bagong sanlibutan” pagka tinutukoy niya ang darating na Paraiso na ibinalik sa lupa. Ganito ang paliwanag ng The New International Dictionary of New Testament Theology: ‘Ang pangngalang kosmos ay noong unang-una tumutukoy sa gusali, subalit ang lalong higit na tinutukoy nito ay kaayusan.’ Isinususog pa ng diksiyunaryong ito na ang salita ay may espisipikong mga kahulugan, tulad baga ng “palamuti at gayak,” “ang pamamalakad ng buhay sa lipunan ng tao,” at “ang mga naninirahan sa lupa, ang sangkatauhan.”
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang koʹsmos ay malimit na ginagamit sa diwa na may kinalaman sa buong pamilya ng tao. Kaya naman mababasa natin na “lahat ay nagkasala [samakatuwid nga, lahat ng di-sakdal na mga inapo ni Adan] at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:19, 23) Sa kabilang panig naman, “Ganiyan na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [koʹsmos] kung kaya ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay . . . magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Oo, ang hain na inihandog ni Kristo ay para sa bawat isa sa pamilya ng sangkatauhan na nagsasagawa ng pananampalataya.
Kung iyan ang tanging paggamit ng Bibliya ng koʹsmos, mali na tukuyin ang isang dumarating na “bagong sanlibutan.” Bakit? Sapagkat ang iba sa sangkatauhan ay makakaligtas sa dumarating na malaking kapighatian. Ang mga ito ay magkakaroon kung magkagayon ng pagkakataon na mabuhay sa isinauling Paraiso. Kaya ang Diyos ay hindi lalalang ng isang bagong lahi ng mga tao, isang bagong sangkatauhan, isang bagong sanlibutan ng mga tao. Gayunman, hindi ginagamit ng Bibliya ang koʹsmos upang tumukoy lamang sa buong sangkatauhan.
Halimbawa, kung minsan ang salitang Griego ay tumutukoy sa lahat ng tao na hiwalay sa Diyos. Ang Hebreo 11:7 ay nagsasabi na “sa pananampalataya . . . ay hinatulan ni Noe ang sanlibutan [koʹsmos].” Maliwanag dito na hindi naman niya hinatulan ang bawat tao, ang buong sangkatauhan; si Noe at pito ng kaniyang sambahayan ay nakaligtas sa Baha. Gayundin naman, si Jesus ay nanalangin: “Idinadalangin ko sila, hindi ang sanlibutan [koʹsmos], kundi yaong mga ibinigay mo sa akin . . . Kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:9, 14; ihambing ang 2 Pedro 2:5; 3:6.
Gayunman, ituon natin ang ating pansin sa isa pang kahulugan ng koʹsmos ayon sa Bibliya. Ito’y tumutukoy sa balangkas, kaayusan, o kapaligiran ng buhay ng tao.a Ang gayong gamit ay makikita sa sinabi ni Jesus: “Ano ang kapakinabangan sa isang tao kung makakamtan niya ang buong sanlibutan [koʹsmos] ngunit maiwawala naman ang kaniyang kaluluwa?” (Mateo 16:26) Malinaw, hindi ang tinutukoy ni Kristo’y ang ‘pagtatamo [ng isang tao] ng buong sanlibutan ng sangkatauhan,’ ni yaon mang ‘buong sanlibutan ng mga taong hiwalay sa Diyos.’ Hindi ang sangkatauhan ang maaaring makamtan ng isang materyalistikong tao, kundi yaong mayroon ang mga tao, yaong ginagawa nila, o isinasaayos. Ito’y may katotohanan din naman tungkol sa mga obserbasyon ni apostol Pablo ng isang taong may asawa na ‘nababalisa ukol sa mga bagay ng sanlibutan.’ Gayundin, hindi dapat sa isang Kristiyano na ‘gamitin ang sanlibutan sa kalubusan.’—1 Corinto 7:31-33.
Sa diwang ito, ang koʹsmos ay may kahulugan na nahahawig sa kahulugan ng salitang Griego na ai·onʹ, na maaaring isaling “sistema ng mga bagay” o “age” (panahon). (Tingnan ang Aid to Bible Understanding, pahina 1671-4.) Sa mga ilang kaso makikita natin na ang dalawang salitang iyan ay halos mapagpapalit-palit. Isaalang-alang ang dalawang halimbawa ng pagkakahawig ng koʹsmos at ai·onʹ: (1) Isinulat ni Pablo na siya’y iniwanan ni Demas, na “umiibig sa kasalukuyang sistema ng mga bagay [ai·onʹ ].” Subalit si apostol Juan ay nagpayo laban sa ‘pag-ibig sa sanlibutan [koʹsmos],’ na diyan nanggagaling ang “pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan.” (2 Timoteo 4:10; 1 Juan 2:15-17) (2) Sa Juan 12:31 ay tinutukoy “ang tagapamahala ng sanlibutan [koʹsmos] na ito,” na ipinakikilala sa 2 Corinto 4:4 bilang “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay [ai·onʹ].”
Kung gayon, ang koʹsmos, o “sanlibutan,” ay maaaring gamitin may kinalaman sa buong sangkatauhan gayundin pati sa balangkas ng kapaligiran ng buhay ng tao. Sa dahilang ito, angkop at tama rin na tukuyin natin ang pagdating ng isang “bagong sistema ng mga bagay” o isang “bagong sanlibutan.” Ito’y magiging isang bagong balangkas, kaayusan ng sanlibutan, o kapaligiran ng buhay ng tao. Ang karamihan sa tatahan sa isinauling makalupang Paraiso ay nakapamuhay sa matandang sistema ng mga bagay. Subalit sila’y nakaligtas buhat dito o sila kaya ay binuhay-muli. Kaya’t sila ang dati ring sangkatauhan. Gayunman, dahil sa mawawala ang sanlibutan ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos, at yamang may bagong kaayusan, o order, salig sa isiniwalat na kalooban ng Diyos na umiiral, ang isinauling Paraisong iyon ay magiging isang bagong sanlibutan.
[Talababa]
a Ang diksiyunaryong sinipi sa itaas ay bumabanggit na kahit na sa sinaunang Griego na hindi ginagamit ng Bibliya ang “kosmos ang saligang termino para sa pandaigdig-na-kaayusan, ang pandaigdig-na-sistema.”
[Larawan sa pahina 31]
Ang matuwid na sangkatauhan ang magsasauli ng Paraiso sa bagong sanlibutan