Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Umuunlad ang Chile Kaalinsabay ng Lumalaking Kaliwanagan
GAYA ng maningning na liwanag ng araw na sumisikat sa ibabaw ng kabundukang Andes sa pagbubukang-liwayway, ang liwanag ng katotohanan ng Bibliya ay unang dumating sa Chile noong 1930. Nang taon na iyan, isa sa nag-alay na mga lingkod ni Jehova ang dumating doon galing sa Argentina at may dalang mabuting balita. Sa ngayon, ang liwanag ng Salita ng Diyos ay sumikat at nakarating hanggang sa malayong panig ng lupain.
Bagaman ang unang tanggapang sangay sa Chile ay itinayo noong 1945, isang bago, lalong malaking gusaling sangay ang itinayo noong 1970, nang ang bilang ng mga tagapagbalita ng Kaharian ay umabot sa 7,000. Sa sumunod na sampung taon, ang lumalaking kaliwanagan buhat sa Salita ng Diyos ay tumagos sa maraming puso ng nagsitugon. Nang mga unang taon ng 1980’s higit pang pagpapalawak ng tanggapang sangay ang kinailangang apurahang gawin. Kaya naman, noong Setyembre 1982 isang 17.5-acre (7 ha) na lupain sa kanugnog-pook ng Santiago ang binili. At pagkatapos ng maraming patiunang gawain doon, nagsimula ang paghuhukay noong Hunyo 1984.
Nakagagalak na makita kung paanong ang mga kapatid sa Chile, mga kabataan at mga matatanda, ay sumuporta sa proyekto sa pamamagitan ng kanilang bukas-palad na mga abuloy. Libu-libong mga iba naman ang nagbigay ng kanilang panahon at talento. Ang iba na mga sinanay na teknisyan ay tumulong sa bahagi ng inhenyeria. Ang mga iba’y nagtrabaho bilang mga karpintero, manghihinang, manggagawa ng kurtina, at tagapagpaganda ng looban, o kaya’y naghandog ng kanilang paglilingkod sa pamamagitan ng mga simpleng trabaho na pagbubunot ng damo, pagtutulak ng kartilya, at paghuhukay ng mga kanal. Oo, ang progresibong liwanag buhat sa Salita ng Diyos ang pumukaw sa mga puso ng kaniyang mga lingkod at nagtulak sa kanila na kusang-loob na ihandog ang kanilang sarili.—Awit 110:3.
Ang pagkakaisa at pagkukusa ay hindi nakaligtaang pansinin ng mga tagalabas. Maraming ahente at maging mga estudyante sa unibersidad at mga propesor doon ang nagpunta sa lugar ng konstruksiyon upang magmasid at matuto. Ibig ng isang tagapagtayo na arkilahin ang buong pangkat ng mga kantero upang tumulong sa pagtatayo ng isang supermarket na kaniyang itinatayo. Isang ahente ang nagkomento tungkol sa kaibahan ng mga nasa pangkat na iyon ng mga manggagawa—walang pagmumurahan, walang paglalakuwatsa. Nang sabihin sa kaniya na lahat doon ay mga Saksi ni Jehova at sila’y naroon bilang mga boluntaryo, siya’y tumugon: “Hindi mo makikita ito sa anumang ibang lugar. Kayong mga tao ay tagaibang daigdig.”
Sa wakas, noong Agosto 1986 ang mga manggagawa sa sangay sa Chile ay lumipat na sa bagong gusali sa Puente Alto. At noong Oktubre 25, samantalang naroo’t kapiling nila si A. D. Schroeder ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, isang masiglang pulutong na binubuo ng 933 ang nagpahayag ng kanilang buong-pusong pagsuporta sa pag-aalay ng bagong gusali sa paglilingkuran kay Jehova. Kinabukasan, isang natatanging programa ang ginanap sa isang karatig na istadyum at 18,012 ang sumagot ng oo sa resolusyon.
Ang pagpapalawak bang ito ay talagang kailangan? Ang katibayan na ang sasagot. Nang bilhin ang pag-aaring iyan noong 1982, mayroon lamang 17,500 mga mamamahayag ng Kaharian sa Chile. Ngayon ay mayroong mahigit na 29,000! At ngayong halos 40,000 mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos, ang katapusan ay hindi mo man lamang matanaw. Kaya’t hayaang ang liwanag buhat sa Salita ng Diyos ay sumikat nang lalong maliwanag sa mabungang teritoryong ito sa paanan ng kabundukang Andes, sa ikapupuri ni Jehova at sa ikapagpapala ng kaniyang bayan.—Daniel 12:3.