Nakabantay Laban sa “Kapayapaan at Katiwasayan” na Binalangkas ng mga Bansa
“Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ ”—1 TESALONICA 5:3.
1, 2. (a) Bakit ang kapayapaan ay naging lalong mainam na bahagi ng karunungan? (b) Kaya, ano ang pagkakasunduan ng magkakasalungat na sistema pulitikal?
HIGIT kailanman ay ngayon walang katiwasayan ang buong sanlibutan ng sangkatauhan. Nakadarama ng takot sa isang ikatlong digmaang pandaigdig na kasasangkutan ng lubhang militarisadong mga bansa na mayroon na ngayong sa malas ay pinakamapamuksa sa mga armas—ang bomba nuklear. Ang abilidad ng mga bansa na tuklasin ang mismong nukleo ng mga atomo para sa pagtataguyod sa digmaan ang nagdala sa kanila sa pinakamalayong mararating nila sa lansakang pagpuksa sa buhay ng tao. Sa gayon, ang kapayapaan ay naging lalong mainam na bahagi ng karunungan.
2 Oo, tunay nga, para sa ating kapanahunan ang isang ikatlong digmaang pandaigdig na ginagamitan ng gayong mga armas ay masasabing pagpapatiwakal ng daigdig, anupa’t ang mga tao’y pasasabugin hanggang sa halos mapauwi sa wala o tuluyang malipol dahil sa epekto pagkatapos ng isang digmaang nuklear. Ganiyan ang nadarama ng matalas-ang-pananaw na mga pulitiko at mga pinuno ng hukbo. Ayaw nilang sila’y managot para sa gayong pangglobong kapahamakan. Kaya, masusumpungan na maginhawa ng lubusang magkakasalungat na mga sistema pulitikal na magkasundo, oo, sundin ang makasanlibutang-pantas na pilosopya na “mabuhay at hayaang mabuhay ang iba.”
3. Sa anong dahilan magpapahayag ang mga bansa ng “Kapayapaan at katiwasayan”?
3 Gayunman, ang mga bansa ay hindi lubusang nagtitiwala sa isa’t isa. Bilang isang pag-iingat, ang kanilang mga hukbong militar ay kanilang pinananatiling nasa sukdulang lakas. Kung gayon, iyon kaya’y dahilan sa isang taimtim, tunay na pag-ibig sa isa’t isa bilang mga miyembro ng iisang pamilya ng sangkatauhan na magkakaisa-isa ang mga tagapamahalang pinuno sa pagpapahayag ng “Kapayapaan at katiwasayan” para sa buong sanlibutan ng sangkatauhan? Hindi, kundi iyon ay upang sugpuin ang may katuwirang pagkatakot ng mga tao.—1 Tesalonica 5:3.
Ang Reaksiyon ng Klero at ng Publiko sa Darating na Pahayag
4, 5. (a) Anong reaksiyon ng publiko sa darating na pahayag ang maaasahan natin? (b) Sa kabila ng pagtataguyod ng klero ng darating na pagpapahayag, anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa kung tatangkilikin ba iyon ng Diyos?
4 Pagka sa wakas ay ginawa ang proklamasyong ito, bilang reaksiyon ng publiko ito’y sasang-ayunan sa buong lupa. Walang alinlangan na ang mga lider ng relihiyon ng sanlibutan, kasali na ang mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan, Katoliko at Protestante, ay magpapahayag ng kanilang papuri sa ganitong internasyonal na kilusan. Sa alinmang direksiyon umihip ang hangin, doon pupunta ang klero upang manatiling popular sa madla at tumatanggap ng pulitikal na tulong at konsiderasyon.
5 Gayunman, ang pagtataguyod ng klero ng maingay na ipinangangalandakang kaayusang pulitikal ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ng uniberso, kasali na pati ating lupa, ay tatangkilik doon. Sa kanilang mga gusaling relihiyoso, marahil ang klero ay maghahandog ng mahahaba at maiingay na panalangin sa pandinig ng kanilang relihiyosong mga tagatangkilik at kanilang hihilingin na pagpalain ng Diyos ang mga kaayusang ginagawa ng mga pulitiko para sa pagkakaroon ng internasyonal na kapayapaan at katiwasayan. Subalit ang lahat ba ng gayong mga panalanging may anyo ng kabanalan, at nilalakipan ng isang malakas na “Amen” ng nakikinig na mga kongregasyon, ay nakalulugod sa Diyos ng unibersong ito? Siya kaya ay nakikipagpayapaan sa isang daigdig na may baha-bahaging relihiyon, na ang mga panalangin ukol sa kapayapaan at katiwasayan ay sumusunod sa huwaran na ayon sa nagkakasalu-salungatang mga sekta at denominasyon ng relihiyon?
6, 7. (a) Gaya ng mga Judio noong sinaunang panahon, anong paraan ng pagkilos ang sinusunod ng Sangkakristiyanuhan? (b) Ano ang magiging resulta ng pagsuporta ng klero sa pagpapahayag ng “Kapayapaan at katiwasayan”?
6 Sa mga bansa ng Sangkakristiyanuhan pinakamalakas ang pamamarali na sila’y tinatangkilik ng Diyos. Subalit ang Diyos ng sansinukob ay hindi Siyang naghahari sa Sangkakristiyanuhan. Siya’y kumilos sa paraan na gaya ng sa sinaunang mga Israelita. Nang sila’y hindi na maging kontento sa kaayusan ni Jehova sa kanilang pamahalaan at isipin nila na ang pulitikal na kaayusan ng paganong mga bansa sa palibot nila ang lalong gusto nila, sila’y nagpunta sa propeta ni Jehova na si Samuel at hiniling sa kaniya na maglagay ng isang hari sa kanila. Ito’y hindi kinalugdan ni Samuel at ikinalungkot pa nga niya. Ganoon din kung tungkol sa Diyos na nagsugo sa kaniya bilang propeta.
7 Matuwid naman na magdamdam si Jehova sa ganitong hinihiling na paglihis sa kaniyang teokratikong kaayusan sa Israel. Gaya ng sinabi niya sa kaniyang propetang si Samuel: “Hindi ikaw ang kanilang tinanggihan, kundi ako ang kanilang tinanggihan upang huwag maghari sa kanila.” (1 Samuel 8:4-9) Ito’y lumarawan sa paraan ng pagkilos ng Sangkakristiyanuhan sa ika-20 siglong ito. Kaya’t ang sa hinaharap ay pagpuri ng klero sa pagpapahayag ng “Kapayapaan at katiwasayan” ay hindi magbubunga ng mabuti, hindi iyon pagpapalain ng Diyos.
Mahuhuling Hindi Nakabantay ang Sangkatauhan
8. Anong bahagi ang malamang na gagampanan ng Nagkakaisang mga Bansa sa nalalapit na pagpapahayag, at bakit dahil sa organisasyong ito ay mahuhuling hindi nakabantay ang sangkatauhan?
8 Ang United Nations o Nagkakaisang mga Bansa ay marahil nangangalandakan na siya’y may 159 na mga miyembro ngayon, na sumasakop sa halos lahat ng mga bansa. Walang alinlangan na sa takdang panahon ang Nagkakaisang mga Bansa ay mangunguna kung tungkol sa darating na proklamasyon ng “Kapayapaan at katiwasayan!” Nakalulungkot sabihin, na dahil sa pandaigdig na organisasyong iyan ay bilyun-bilyong mga tao ang mahuhuling hindi nakabantay. Bakit nga? Sapagkat ang gayong kapayapaan, bagama’t itinataguyod ng lahat ng organisasyon ng relihiyon ng sanlibutang ito, kasali na yaong sa Sangkakristiyanuhan, ay hindi nangangahulugan ng pakikipagpayapaan sa Maylikha ng sansinukob, na may kapangyarihang magbigay ng buhay at bumawi ng buhay ayon sa kaniyang pagpapasiya sa mahahalagang bagay sa langit at sa lupa.
9, 10. Ano ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa “Kapayapaan at katiwasayan” na binalangkas ng mga bansa, at bakit nga gayon?
9 Sa hula ni Isaias, ang Maylikha ay malinaw na nagsasabi: “Ang langit ay aking trono, at ang lupa ay aking tuntungan ng paa.” (Isaias 66:1) Ang mga bansa na narito sa kaniyang tuntungan ng paa ay hindi nagpapaganda rito sa pamamagitan ng kanilang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa. Sila’y nagsisikap sa paraang pulitikal na mapanatili ang pangglobong kapayapaan at katiwasayan at sa gayo’y panatilihing umiiral ang Nagkakaisang mga Bansa. Ang nag-alay na mga Saksi ni Jehova sa lupa ay hindi maaaring makiisa sa sanlibutan sa pagdepende sa gawang-taong mga kaayusan na ginagawa para sa kapayapaan at katiwasayan ng makasanlibutang mga bansa. Kanilang isinasa-puso ang mga salita ng Santiago 4:4: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya’t sinumang nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.”
10 Bagama’t hindi sila aktibong sumasalansang sa kapayapaan at katiwasayan na binalangkas ng mga bansa, ito’y hindi mairirekomenda ng mga Saksi ni Jehova sa milyun-milyong mga tao na naghahanap ng dako ng kaligtasan pagka sumiklab na ang pinakamalaking kapighatian ng daigdig at wakasan nito ang sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:21) Ito nga’y dahil sa ang bagong sistema ng mga bagay ng Diyos ang magdadala ng pandaigdig na katiwasayan sa ilalim ng “Prinsipe ng kapayapaan,” si Jesu-Kristo.—Isaias 9:6, 7.
11. Paano ang naging pangmalas ng klero tungkol sa mungkahi na itayo ang Liga ng mga Bansa pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I?
11 Ang kasaysayan ay nagpapatotoo sa pagkabigo ng gawang-taong mga panukala sa kapayapaan. Magugunita natin na nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I noong 1918, ang Liga ng mga Bansa ay iminungkahi bilang isang panghadlang sa digmaang pandaigdig. Ang mungkahi’y pinapurihan ng Federal Council of the Churches of Christ in America at nagsabi: “Ang gayong Liga ay hindi lamang isang pulitikal na kaparaanan; bagkus iyon ang pulitikal na kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa.” Subalit ang gayon kayang umano’y pulitikal na kapahayagan ng makalupang kaharian ng Diyos ay nagdala ng walang-hanggang kapayapaan at katiwasayan ukol sa lupa?
12. (a) Paano natupad ang Apocalipsis 17:8? (b) Sino ang patuloy sa kaniyang pagsakay sa likod ng “matingkad-pulang mabangis na hayop,” at hanggang kailan?
12 Tulad ng simbolikong “matingkad-pulang mabangis na hayop” ng Apocalipsis kabanata 17, na sinasakyan ng matandang patutot, ang “Babilonyang Dakila,” ang Liga ng mga Bansa ay nagtungo sa “kalaliman” nang magsiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939. Ito ang dahilan at ang nakasakay na patutot ay lumundag buhat doon. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II noong 1945, ang Nagkakaisang mga Bansa ay itinayo bilang kahalili ng kulang-palad na Liga ng mga Bansa. Ito’y may lalong maraming mga miyembro kaysa Liga, kaya dapat na ito’y isang lalong matibay na organisasyon at karapat-dapat sa higit na pagtitiwala ng daigdig ng sangkatauhan. Kaya naman noong 1945 ang simbolikong “matingkad-pulang mabangis na hayop” ay umahon “sa kalaliman,” at ang simbolikong patutot, ang “Babilonyang Dakila,” ay minsan pang sumakay sa likod niyaon, na kung saan siya’y walang kahiya-hiya na nakasakay hanggang sa araw na ito. (Apocalipsis 17:3, 5, 8) Subalit hindi na ito magtatagal ngayon, sang-ayon sa inihula ng Apocalipsis 17:16–18:24. Bakit hindi?
13. (a) Ano ba ang Nagkakaisang mga Bansa? (b) Paano ito inilarawan noong sinaunang panahon?
13 Ang Nagkakaisang mga Bansa sa totoo ay isang makasanlibutang sabwatan laban sa Diyos na Jehova at sa kaniyang nag-alay na mga Saksi sa lupa. Ito’y tunay na isang sabwatan, at ang makasanlibutang mga bansa ay nangagkakasundo at nagpapakana ng kanilang maaaring magawa laban sa nakikitang organisasyon ng Diyos na Jehova sa lupa. Sa panahon na ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” ito’y inilarawan ng sabwatan na tinutukoy sa Isaias 8:12.—Mateo 24:3.
Kay Jehova Umasa ng Kapayapaan at Katiwasayan
14. Bakit ang sampung-tribong kaharian ng Israel ay nakipagkasunduan sa Siria, at anong tanong ang napaharap sa kaharian ng Juda?
14 Bago nang panahon ni Isaias ang bansa ng 12 tribo ng Israel ay nahati tungkol sa isyu ng pagkahari. Ito’y pagkatapos ng maningning na paghahari ni Haring Solomon. Ang humiwalay na sampung tribo sa gawing hilaga ay nagtatag ng nakilala sa tawag na kaharian ng Israel, na ang kabisera ay sa Samaria. Ang dalawang natitirang tribo, ang mga tribo ni Juda at ni Benjamin, ay nanatiling tapat sa makaharing dinastiya ni Haring David sa kabiserang lunsod ng Jerusalem. Ang sampung-tribong kaharian ng Israel ay nagsiklab ang galit laban sa dalawang-tribong kaharian ng Juda. Nang sumapit ang panahon, ang kaharian ng Israel ay nakipagkasunduan sa kaharian ng Siria, na may kabisera sa Damasco. Ang layunin ay upang ibagsak ang kaharian ng Juda at masakop iyon. Kung gayon, ang kaharian ba ng Juda ay dapat pumasok sa isang pakikipagsabwatan sa isa pang malakas na bansa upang makatindig laban sa pananalakay ng bansang Israel na kasama ang paganong bansa ng Siria?—Isaias 7:3-6.
15. (a) Sa ano sang-ayon ang ilang mga tao sa kaharian ng Juda, at ano ang ipinamalas ng saloobing ito? (b) Paano nagsalita ang propetang si Isaias laban sa gayong saloobin?
15 Mayroong mga tao sa munting kaharian ng Juda na nawalan ng pananampalataya sa pambansang Diyos na si Jehova. Ang mga ito’y sang-ayon sa isang pakikipagkasunduan, o pakikipagsabwatan, sa isang makapangyarihang paganong kaharian ng sanlibutang ito. Sa pagtataguyod ng gayong taksil na pakikipamatok ng kaharian ni Jehova ng Juda sa isang kaharian ng balakyot na sanlibutan, ang sinasabi ng iba ay, “Isang pakikipagsabwatan!” sa mga taong hindi makapagpasiya sa kaharian ng Juda. Sa ganoo’y kanilang ipinamalas ang kanilang kakulangan ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos na may templo sa Jerusalem. Ang propetang si Isaias ay kinasihan na magsalita laban sa gayong sabwatan, na nagsasabi sa Isa kabanata 8, talatang 12: “Kayong mga tao’y huwag magsasabi, ‘Isang sabwatan!’ tungkol sa lahat na patuloy na sinasabi ng bayang ito na, ‘Isang sabwatan!’ at ang kanilang kinatatakutan ay huwag ninyong katatakutan, o mangingilabot man doon.”
16, 17. Ano ang nagdulot ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa sinaunang bayan ni Jehova, at paano ito pinatunayan nang pagbantaan ng Asiriong si Haring Sennacherib ang Jerusalem?
16 Si Jehova ay sumasa-kaniyang nakipagtipang bayan at ito’y nagdulot sa kanila ng kapayapaan at katiwasayan. Ito’y pinatunayan nang ang hari ng Asiria na si Sennacherib ay magsugo ng isang komite ng tatlong matataas na mga pinuno upang pumaroon kay Haring Ezechias at sa mga tao sa Jerusalem upang hilingin na sila’y sumuko na kay Sennacherib. Ang pinunong Asirio at tagapagsalita, si Rabshakeh, ay tumayo sa harap ng mga pader ng Jerusalem at nagbungangáng hinamak-hamak ang Diyos na Jehova upang pahinain o sirain ang pagtitiwala ng mga Judio sa Kaniya. Ganiyan na lamang ang paghihinagpis ni Haring Ezechias sa paglapastangang ito sa kaisa-isang buháy at tunay na Diyos na si Jehova at makatuwirang nadama niya ang panganib na kinasusuungan ng Jerusalem sa napakalaking hukbong ito ng mga Asirio, kaya siya’y naparoon sa templo at iniharap ang bagay na iyon sa Diyos na Jehova. Palibhasa’y ikinagalak niya ang kapahayagang ito ng malaking pananampalataya sa kaniya at sa ganitong pananalangin sa kaniya para itanghal niya ang kaniyang pansansinukob na soberanya, si Jehova ay tumugon nang may pagsang-ayon. Ang kaniyang propetang si Isaias ay nakiisa rin at nagpatunay roon. Hindi tinugon gaputok man ang nananakot na Asiriong si Rabshakeh, gaya ng iniutos ni Haring Ezechias.—2 Hari 18:17-36; 19:14-34.
17 Marahil dahil sa malaking panggigilalas dito, si Rabshakeh ay bumalik sa kampamento ni Sennacherib, na noon ay nakikipagbaka laban sa Libnah. (2 Hari 19:8) Pagkatapos na marinig ang pag-uulat ni Rabshakeh, si Sennacherib ay nagpadala ng mga liham na nagbabanta kay Ezechias at nagbababala: “Huwag mong hayaang dayain ka ng iyong Diyos na iyong pinagtitiwalaan, na nagsasabi: ‘Ang Jerusalem ay hindi mabibigay sa kamay ng hari ng Asiria.’” (2 Hari 19:9, 10) Pagkatapos na gumabi na, ang Diyos na Jehova naman ang tumugon sa kinatawan ng mga Asirio, si Rabshakeh, at Siya mismo ang sumagot sa nagbabantang mga liham ni Sennacherib upang patunayan na Siya ay mas makapangyarihan sa imperyal na diyos ng mga Asirio. Ang katapusan ng ulat ng episodyong ito, ay nasa 2 Hari 19:35, na nagsasabi: “At nangyari na nang gabing iyon ang anghel ni Jehova ay lumabas at namuksa ng isang daan at walumpu’t-limang libo sa kampamento ng mga Asirio. Nang ang mga tao’y magsibangong maaga sa kinaumagahan, naku, silang lahat ay mga bangkay na.” Nang mag-uumaga na ang nakaligtas na mga Asirio, kasali na si Haring Sennacherib at marahil si Rabshakeh, ay bumangon, kanilang nasaksihan ang kakila-kilabot na tanawin ng mga nasawi sa pakikipagbaka sa Diyos na Jehova.
18. (a) Ano ang resulta ng ginawa ng ambisyosong si Sennacherib? (b) Anong halimbawa ang dapat ibigay sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon ng ulat na ito sa kasaysayan?
18 Palibhasa’y talunan sa kaniyang ambisyosong hangarin laban sa organisasyon ni Jehova at sa malaking kahihiyan, si Sennacherib ay nagmamadaling bumalik “na nahihiya ang pagmumukha” sa kaniyang pambansang kabisera, ang Nineve, upang paslangin lamang ng dalawa sa kaniyang mga anak. (2 Cronica 32:21; 2 Hari 19:36, 37) Kailanman ay hindi na muling pinagbantaan ng imperyo ng Asiria ang nakikitang organisasyon ni Jehova. Narito, wika nga, ang isang napakahalagang pagbabangong-puri sa pansansinukob na soberanya ng Kataas-taasang Diyos. Gayundin, ang pagliligtas sa Jerusalem ay isang napakainam na halimbawa na nagpapakita ng kung kanino dapat lubusang magtiwala ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon para sa pagtatamo ng patuluyan, walang pagkatigatig na kapayapaan at katiwasayan—hindi sa isang pulitikal na sabwatan kundi sa Diyos na Jehova.
Pananatiling Nagbabantay
19. Ano ang patuloy na gagawin ng Samahang Watch Tower?
19 Upang matulungan ka na manatiling nagbabantay, ang Samahang Watch Tower ay patuloy na maglalathala sa kaniyang mga publikasyon ng napapanahong mga babala sa mga nagbabasang publiko, upang huwag kang mahuli na hindi nakabantay tungkol sa darating na mapagpanggap na pagpapahayag ng “Kapayapaan at katiwasayan,” na binalangkas ng mga bansa ng matandang sistemang ito ng mga bagay.
20. Bakit ang mga Saksi ni Jehova sa anumang paraan ay hindi makapaglalagak ng tiwala sa nalalapit na “Kapayapaan at katiwasayan,” kaya ngayon na ang panahon para sa ano?
20 Ang nag-alay na mga Saksi ni Jehova ay sa anumang paraan hindi makapaglalagak ng tiwala sa “Kapayapaan at katiwasayan” na ipinahahayag na may pagtitiwala ng makasanlibutang mga bansa; hindi rin nila maaaring papurihan ang mga tagabalangkas ng gayong internasyonal na “Kapayapaan at katiwasayan” at, kasabay nito, suma-kanila ang Diyos na Jehova. Sila’y nag-iingat laban sa pakikipagkasunduan sa mga bansa ng matandang sistemang ito ng mga bagay. Walang pagkabisalang ipinagugunita nila sa kanilang sarili na isang bagong “bansa,” na hiwalay at nakabukod sa Liga ng mga Bansa, ang isinilang noong taon ng 1919 pagkatapos ng digmaan. Ang bagong “bansa” na ito ay patuloy na lumalago at lumalawak sa buong lupa, gaya ng inihula sa Isaias 60:22: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.” Oo, ngayon na ang panahon para lahat ay magbantay laban sa nalalapit na “Kapayapaan at katiwasayan” ayon sa binalangkas ng mga bansa.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang malamang na magiging reaksiyon ng publiko sa pagpapahayag ng “Kapayapaan at katiwasayan”?
◻ Ano ang inilarawan ng “sabwatan” ng Isaias 8:12?
◻ Paanong dahil sa UN ay mahuhuling hindi nakabantay ang sangkatauhan?
◻ Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi mahuhuli na hindi nakabantay?
[Larawan sa pahina 18]
Tiyak na ang UN ay mapapasa-unahan ng nalalapit na pagpapahayag ng “Kapayapaan at katiwasayan!”
[Larawan sa pahina 21]
Hinamak ng pinunong Asiriong si Rabshakeh ang Diyos ng Israel, subalit ang kinalabasan ay nagpakita na ang tunay na kapayapaan at katiwasayan ay nanggagaling lamang sa Diyos na Jehova