Ang Paglanghap ng “Hangin” ng Sanlibutang Ito ay Nakamamatay!
“Kayo’y binuhay ng Diyos nang kayo’y mga patay dahil sa inyong mga pagsalansang at mga kasalanan, at siyang lakad ninyo noong minsan . . . ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng hangin.”—EFESO 2:1, 2.
1. Paanong ang polusyon ng hangin ay naging nakamamatay-tao?
ANG paglanghap ng sariwang hangin! Anong laking kaginhawahan iyan pagkatapos na ikaw ay manggaling sa isang kuwarto na maraming abubot! Subalit kahit na sa mga malalawak at bukás na mga lugar, isa pa ring pangunahing problema ang polusyon sa ngayon. Ang mga lason na ibinubuga sa hangin ay nakababahala sa maraming bansa. Ang nakalalasong mga usok, radioaktibong alikabok, mga mikrobyong nagdadala ng sakit, at ang sarisaring mga virus ay pawang dala ng hangin. Ang hanging sumusustini sa buhay, na saganang-saganang ipinagkakaloob ng ating maibiging Maylikha, ay higit at higit na nagdudulot ng kamatayan dahilan sa kasakiman at kapabayaan ng tao.
2. Anong maruming “hangin” ang lalong mapanganib kaysa masamang hangin na maaaring nalalanghap natin?
2 Gayunman, bagaman napakamapanganib ang polusyon ng hangin mayroong lalong mapanganib na anyo ng masamang “hangin.” Ito’y hindi maruming hangin na dahil sa nuklear na pagsabog sa Chernobyl (U.S.S.R.) o sa mausok na hangin ng Los Angeles, California (E.U.A.). Hindi, tayo’y nanganganib na makalanghap ng lalong higit na nakamamatay na “hangin.” Ito’y binanggit ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin sa mga kapuwa Kristiyano: “Kayo’y binuhay ng Diyos nang kayo’y patay dahil sa inyong mga pagsalansang at mga kasalanan, at siyang lakad ninyo noong minsan ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng hangin, ang espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.”—Efeso 2:1, 2.
3, 4. (a) Sino “ang pinuno ng kapangyarihan ng hangin”? (b) Bakit ang “hangin” ng Efeso 2:1, 2 ay hindi yaong tirahan ng mga demonyo?
3 Ano ba ang “hangin” na ito? Ipinakikita ni Pablo na ito’y may “kapangyarihan” o poder, at mayroon itong isang “pinuno” na naghahari rito. Walang alinlangan kung sino ang pinunong ito. Siya ay si Satanas na Diyablo, na tinawag ni Jesu-Kristo na “ang pinuno ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31) Sa pagkabatid nito, ang mga ibang iskolar ng Bibliya ay naniniwala na dito’y nanghiram si Pablo buhat sa Judio o paganong mga lathalain at tinukoy ang hangin bilang ang tirahan ng mga demonyo na doo’y ang Diyablo ang may kapangyarihan. Sa maraming mga salin ng Bibliya ay mababanaag ang ganitong pangmalas. Subalit ang “hangin” na ito ay hindi tumutukoy sa “mga dakong kalangitan” na tirahan ng “mga hukbo ng balakyot na mga espiritu.”—Efeso 6:11, 12.
4 Nang si Pablo’y sumulat sa mga Kristiyano sa Efeso, si Satanas at ang mga demonyo ay naroroon pa sa langit, bagama’t sila’y nasa labas ng pabor ng Diyos. Sila’y sa hinaharap pa ibubulusok sa kapaligiran ng lupa. (Apocalipsis 12:7-10) Isa pa, ang hangin ay may higit na kaugnayan sa mga tao kaysa mga espiritung nilikha. Kaya naman, madarama ng lipunan ng tao ang mga epekto pagka ang huling mangkok ng galit ng Diyos ay ibinuhos na sa “hangin.”—Apocalipsis 16:17-21.
5. Ano ang “hangin” na tinatalakay rito, at ano ang epekto nito sa mga tao?
5 Kung gayon, lumilitaw na ginagamit ni Pablo ang literal na hangin, o atmospera, upang ipaghalimbawa ang pangkalahatang espiritu, o dominanteng saloobin ng kaimbutan at pagsuway, na makikita sa mga taong hiwalay sa Diyos. Ito’y siya ring “espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway” at “ang espiritu ng sanlibutan.” (Efeso 2:2; 1 Corinto 2:12) Kung paanong ang literal na hangin ay nasa lahat ng dako, naroroon upang langhapin, gayundin na “ang espiritu ng sanlibutan” ay laging presente. Sapol sa pagkasanggol hanggang sa kamatayan, nilalaganapan, iniimpluwensiyahan, at hinuhubog nito ang paraan ng pag-iisip at pagkilos ng mga tao samantalang kanilang sinisikap na matupad ang kanilang mga hangarin, pag-asa, at ambisyon.
6. (a) Paanong ang lason ng “hangin” ng sanlibutang ito ay tumitindi, at paano ito gumagamit ng “kapangyarihan”? (b) Paanong ang paglanghap ng “hangin” na ito ay humihikayat sa isa na tularan ang paghihimagsik ng Diyablo?
6 Ang espiritung ito ng kasalanan at paghihimagsik ay nangingibabaw sa lipunan ng di-sakdal na mga tao. Sa paglanghap ng isang tao ng “hangin” na ito, ang nakamamatay na lason nito ay pinatitindi ng panggigipit na nanggagaling sa mga taong kauri at ng patuloy na sumisidhing paghahangad ng kalayawan. Sa gayon, may tiyak na “kapangyarihan” ito sa mga tao. (Ihambing ang Roma 6:12-14.) Mangyari pa, ang Diyablo ang pasimuno sa lahat ng kabalakyutan. (Juan 8:44) Kaya’t kaniyang iniimpluwensiyahan ang mga tao upang tumulad sa kaniyang sariling landasin ng paghihimagsik at sa gayo’y siya ang kumakasi, humuhubog, at sumusupil sa ganitong espiritu ng pamayanan, o “hangin.” Bilang ang “pinuno” na may hawak ng ganitong nakatatakot na lakas, o “kapangyarihan,” ginagamit ito ni Satanas upang masupil ang kaisipan ng mga tao. Ang mga elemento nito ay isinaayos upang panatilihin ang mga tao na totoong abala sa pagbibigay-kasiyahan sa mga pita ng laman at sa pagtataguyod ng makasanlibutang mga kapakanan na anupa’t sila’y walang panahon o hilig na makilala ang Diyos at pailalim sa kaniyang banal na espiritu, “ang espiritu na nagbibigay-buhay.” (Juan 6:63) Sa espirituwal na pananalita, sila ay mga patay.
7. (a) Paanong noong nakaraan ang mga Kristiyano ay “mga anak ng galit”? (b) Nang tayo’y maging mga Kristiyano, anong pagbabago ang ginawa natin?
7 Ang mga Kristiyano rin naman ay nasa ilalim ng “kapangyarihan,” o panunupil, ng maruming “hangin” na ito bago sila nakaalam ng katotohanan ng Salita ng Diyos at nagsimulang lumakad ayon sa matuwid na mga pamantayan niya. “Oo, sa gitna nila [ng makasanlibutang mga tao] tayo rin naman noong minsan ay namumuhay ayon sa mga pita ng ating laman, na ginagawa ang mga pita ng laman at ng kaisipan, at tayo noon ay katutubong mga anak ng galit gaya rin ng iba.” Subalit nang maging mga Kristiyano, tayo’y huminto na ng paglanghap ng nakamamatay na “hangin” ng sanlibutang ito. Ating ‘iniwan ang dating pagkatao na naaayon sa ating dating pag-uugali at tayo’y nagbihis ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na kabanalan at katapatan.’—Efeso 2:3; 4:22-24.
8. Paanong ang ating kalagayan ngayon ay nakakatulad niyaong sa bansang Israel nang ito’y nasa iláng?
8 Ang panganib ngayon ay pagkatapos makalabas sa maruming hangin ng sanlibutang ito baka tayo’y maakit na bumalik doon. Narito tayo, nasa dulo na ng “panahon ng kawakasan,” at nasa mismong pagpasok sa bagong sanlibutan. (Daniel 12:4) Tiyak iyan, ayaw natin na mabigo dahilan sa pagkahulog sa ganoon ding patibong na kinahulugan ng mga Israelita. Pagkatapos na sila’y makahimalang iligtas sa Ehipto at nang sila’y dumating na sa hangganan ng Lupang Pangako, libu-libo “ang nangabuwal sa iláng.” Bakit? Sapagkat ang iba ay naging mga mananamba sa diyus-diyosan, ang iba ay nakiapid, at ang iba naman ay inilagay si Jehova sa pagsubok dahil sa kanilang kabubulong at pagrireklamo. Idiniin ni Pablo ang isang punto sa pagsasabi: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at nasulat upang maging babala sa atin na dinatnan ng mga katapusan ng sistema ng mga bagay.”—1 Corinto 10:1-11.
9. (a) Paano ngang tayo’y maaaring nasa sanlibutan ngunit hindi bahagi nito? (b) Tayo’y kailangang maging ano upang huwag mahila at mapabalik sa nakamamatay na hangin ng sanlibutan?
9 Tungkol sa kaniyang mga alagad, si Jesus ay dumalangin: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.” (Juan 17:14, 15) Tayo’y iingatan ni Jehova, ngunit hindi siya maglalagay ng isang “bakod” sa palibot natin, ni maghihimala man upang ipagsanggalang tayo sa “hangin” ng sanlibutang ito. (Job 1:9, 10) Kaya’t ang hamon sa atin ay narito tayo sa sanlibutan ni Satanas, ngunit hindi tayo bahagi nito, tayo’y napalilibutan ng maruming “hangin” nito, ngunit hindi natin nilalanghap ito. Pagka tayo’y bumabasa ng mga publikasyon ng sanlibutan, nanonood ng telebisyon, o nagpupunta sa mga lugar na libangan, malamang na tayo’y mapahantad sa “hangin” ng sanlibutan. Bagaman hindi natin maiiwasan ang pakikisalamuha sa mga taong makasanlibutan—sa trabaho, sa paaralan, at sa mga iba pa—tayo’y kailangang maging mapagbantay upang huwag tayong mahila at mapabalik sa nakamamatay na hangin ng sanlibutang ito.—1 Corinto 15:33, 34.
10, 11. (a) Paanong ang ating pagiging naririto sa espirituwal na paraiso ni Jehova ay maihahambing sa kung tayo’y naroroon sa lugar na may karatulang “bawal manigarilyo”? (b) Anong mga hakbang ang dapat na gawin kung nakapansin tayo na may bahagyang “hangin” ng sanlibutan na napapadpad sa atin?
10 Ang ating kalagayan ay maihahambing natin sa kung tayo’y nasa isang restawran na may mga lugar na may karatulang “puwedeng manigarilyo” at “bawal manigarilyo.” Bilang mga Kristiyano na nasa espirituwal na paraiso ni Jehova, tumpak naman na tayo’y nasa lugar na kung saan “bawal manigarilyo,” malayo sa espiritu ng sanlibutang ito. Tiyak iyan, tayo’y hindi kusang mauupo sa lugar na may karatulang “puwedeng manigarilyo.” Iyan ay kamangmangan. Subalit ano ang madalas na nangyayari pagka tayo ay naroroon sa lugar ng isang restawran na kung saan may karatulang “bawal manigarilyo”? Aba, ang maruming hangin na punô ng usok ay ipinapadpad sa kinaroroonan natin, at tayo’y nakakalanghap nang bahagya ng hanging iyon! Ngayon, tayo ba’y nabibighani sa maruming hanging iyon? O tayo ba’y buong bilis na aalis upang makalayo?
11 Subalit ano ba ang ginagawa mo pagka dumating sa iyo ang baha-bahagyang “hangin” ng sanlibutang ito? Ikaw ba ay agad kikilos upang lumayo sa masamang impluwensiyang ito? Kung ikaw ay lalagi roon at lalanghapin mo iyon, matitiyak mo na ang iyong kaisipan ay maaapektuhan. Mientras nilalanghap mo ang “hangin” na ito, lalo kang masasanay na langhapin ito. Isa pa, sa kalaunan ang amoy ay hindi na nakasusuklam kundi nakaaakit, nakabibighani, kanais-nais sa laman. Baka patindihin pa nito ang isang lihim na pagnanasà na nilalabanan mo upang mapigil.
12. Ano ang kailangan upang huwag tayong maapektuhan ng mga sangkap na iyan ng “hangin” ng sanlibutang ito na hindi madaling mapansin?
12 Ang ibang nakamamatay na mga polutante ng “hangin” ng sanlibutang ito ay hindi madaling mapansin, kung paanong may mga nagpaparumi sa literal na hangin na gaya ng carbon monoxide na walang kulay at walang lasa. Kung gayon, ang panganib ay nasa bagay na baka hindi natin mapansin ang ‘nakamamatay na mga usok’ hangga’t hindi tayo nadadaig niyaon. Kung gayon, kailangan tayong maging alerto upang hindi tayo maakay tungo sa isang patibong ng kamatayan ng sanlibutang ito na maluwag sa disiplina o ng pagsuway nito sa mga pamantayan ng Diyos ng katuwiran. Hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na “laging magpaalalahanan sa isa’t isa araw-araw . . . sapagkat baka ang sinuman sa inyo’y papagmatigasin ng daya ng kasalanan.”—Hebreo 3:13; Roma 12:2.
Ano ang Sangkap na Bumubuo ng “Hangin” ng Sanlibutang Ito?
13. (a) Ano ang isang anyo ng “hangin” ng sanlibutang ito na dapat nating layuan? (b) Paanong makikita na ang “hangin” na ito ay nakaapekto na sa ibang mga lingkod ni Jehova?
13 Anong karaniwang mga saloobin ang maaaring taglay na pala natin, bago pa man natin matalos iyon, dahilan sa malakas na impluwensiya ng “hangin” ng sanlibutang ito? Ang isa ay ang hilig na paglaruan ang mga bagay na imoral. Ang mga ideya ng sanlibutang ito tungkol sa sekso at moralidad ay nasa buong palibot natin. Marami ang nagsasabi: ‘Wala namang masama sa pakikiapid, pag-aanak sa labas, at pagkahulog sa homoseksuwalidad. Ginagawa lang naman natin ang normal, natural.’ Ang ganito bang “hangin,” o makasanlibutang espiritu, ay nakaapekto na sa mga lingkod ni Jehova? Nakalulungkot sabihin, noong 1986 na taon ng paglilingkod, 37,426 ang natiwalag sa kongregasyong Kristiyano, ang lalong marami sa kanila ay dahilan sa pagkahulog sa seksuwal na imoralidad. At hindi pa nga kasali rito ang lalong marami na sinaway dahil sa imoralidad ngunit hindi natiwalag dahilan sa sila’y taimtim na nangagsisi.—Kawikaan 28:13.
14. Bakit ang ibang mga Kristiyano ay napapalihis sa kalinisang-asal, at itinatakwil ang anong payo ng Kasulatan?
14 Ano ang nangyayari kung tungkol sa mga nagbibigay-daan sa seksuwal na imoralidad? Pagka nahayag na ang mga katibayan, kadalasan ay natutuklasan na sila’y muling lumalanghap na naman ng nakamamatay na “hangin” ng sanlibutang ito. Kanilang pinahintulutan na ang makasanlibutang mga saloobin ay humila sa kanila na babaan ang kanilang mga pamantayan. Halimbawa, marahil sila ay nagsimula na namang manood ng mga palabas sa sine na kanilang iiwan kung sakaling sila’y nanunood nito noong mga ilang taóng lumipas. Lalong masama, sa kagamitang video sa tahanan marahil sila’y nanunood ng mga palabas na talagang hindi angkop para sa isang Kristiyano. Ang gayong gawang paglalaro sa mga bagay na imoral ay tuwirang salungat sa payo ng Kasulatan na: “Ang pakikiapid at anumang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro.”—Efeso 5:3, 4.
15. Paanong ang tukso na gawing laruan ang seksuwal na imoralidad ay nagsisimula nang di-sinasadya?
15 Totoo, baka agad na tatanggihan mo ang anumang tuwirang paghimok sa iyo na makiapid. Subalit paano ka ba kumikilos pagka ang isang kasama mo sa trabaho o isang kamag-aral ay nagtangka na umalembong sa iyo, humipo-hipo o humaplos-haplos sa iyo, o dili kaya’y mag-anyaya sa iyo na lumabas kayo at “mag-date”? Baha-bahagya nang “hangin” ng sanlibutang ito ang napadpad na pala sa iyong landas. Natutuwa ka ba na tanggapin ang atensiyon na ibinibigay sa iyo, lalo mo pa manding binibigyang daan upang patuloy na ibuhos sa iyo ang atensiyong iyon? Sang-ayon sa mga ulat na natanggap buhat sa mga hinirang na matatanda, ang pagkakasala ay malimit na nagsisimula sa gayong di-sinasadyang mga paraan. Ang isang makasanlibutang lalaki ay baka magsabi sa isang babaing Kristiyano: “Anong ganda mo ngayon!” Baka nakalulugod na pakinggan iyan, lalo na kung ang babae ay medyo nalulungkot. At lalong malubha, ang iba ay hindi kumilos nang may karunungan sa mga pagtatangka ng iba na sila’y hipu-hipuin o haplus-haplusin. Sila’y kunwari umaayaw subalit ang pag-ayaw nila ay parang wala sa loob na anupa’t ang taong makasanlibutan ay lumakas pa nga ang loob upang magpatuloy sa kaniyang ginagawa. Ano kaya kung ang gayong imoral na pagkilos sa pakikitungo sa isang babaing Kristiyano ay nagpatuloy, gaya ng malakas na bugá ng maruruming hangin na napapadpad sa kaniya? Kailangang magpakatatag na sabihin ng babaing ito sa lalaking iyon na hindi niya gusto iyon at hindi niya tatanggapin ang iniuukol nito na atensiyon sa kaniya. Kung ang babae ay patuloy na lalanghap ng “hangin” na ito, malamang na manghina ang kaniyang panlaban dito. Siya’y maaakay tungo sa imoralidad, kung hindi man sa isang di kanais-nais na pag-aasawa.—Ihambing ang Kawikaan 5:3-14; 1 Corinto 7:39.
16. Ano ang kailangan upang ikaw ay maging isang “mabangong samyo ni Kristo”?
16 Kung gayon, mabilis na itakwil ang imoral, at nakamamatay na “hangin” ng sanlibutang ito. Sa halip na padala sa nang-aakit na halimuyak nito at magdala ng upasala sa pangalan at organisasyon ni Jehova, ikaw ay maging isang mabangong samyo sa Diyos sa pamamagitan ng iyong maka-Diyos na saloobin at asal. Ganito ang pagkasabi ni Pablo: “Sapagkat sa Diyos tayo ay mabangong samyo ni Kristo sa mga naliligtas at sa mga napapahamak; sa huli ay samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan, sa una ay samyo mula sa buhay tungo sa buhay.” (2 Corinto 2:15, 16) Ano nga ba kung iniingusan ng marami ang pamumuhay Kristiyano? (1 Pedro 4:1-5) Hayaang lumakad ang sanlibutan ng kaniyang sariling lakad, at anihin ang masamang bunga na nasa anyo ng mga watak-watak na tahanan, mga anak sa labas, mga sakit na napapasalin sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik, na gaya baga ng AIDS, at iba pang di mabilang na emosyonal at pisikal na mga kaabahan. Ikaw ay hindi lamang makakaiwas sa maraming kadalamhatian kundi sasaiyo rin ang pabor ng Diyos. Isa pa, ang iba ay hahanga sa iyong mabuting asal at sa pabalita ng Kaharian na iyong ipinangangaral, at sa gayo’y naaakit sa “samyo mula sa buhay tungo sa buhay.”
Ang “Hangin” ng Makasanlibutang mga Istilo
17. Paanong ang mga istilo ng pananamit at pag-aayos ay naghahayag na ang isa’y naimpluwensiyahan na ng espiritu ng sanlibutang ito?
17 Ang isa pang sangkap ng “hangin” ng sanlibutang ito ay may kinalaman sa mga istilo ng pananamit at pag-aayos. Marami sa sanlibutan ang nagdadamit upang maging seksi at makaakit. Kahit na mga dalagita pa lamang ay ibig na magtinging sila’y mga dalaga na, at pinagtitingin na sila’y seksi. Ikaw ba ay apektado nitong malaganap na “hangin,” o saloobin? Ikaw ba ay nagdadamit upang makapagpakilig ng damdamin, upang makatukso, upang makapukaw ng interes ng mga lalaki? Kung gayon, ikaw ay naglalaro ng apoy. Ang paglanghap mo ng ganitong “hangin” ay sasakal sa iyo upang mawalan ka ng kahinhinan, ng iyong pagnanasà na maging isang babaing may kapurihan. (Mikas 6:8) Ang mga may makasanlibutang kaisipan ang maaakit sa iyo. Sa iyong mga ikinikilos, kanilang mahihinuha na handa kang sumama sa kanila sa imoralidad. Subalit bakit ka magsisimulang lumakad sa ganitong landasin sa pagpapahintulot sa gayong “hangin” na umakit sa iyo na gawin ang masama sa paningin ng Diyos?
18. Paanong ang laging pagsasaisip na tayo’y kumakatawan kay Jehova ang tutulong sa atin sa pagpili ng mga istilo ng pananamit at pag-aayos?
18 Upang tayo’y maging mahinhin, hindi natin kailangan ang mababang uri o pangit na pananamit o pag-aayos. Isaalang-alang ang paraan ng pagdadamit at pag-aayos ng lubhang karamihan ng mga Saksi ni Jehova. Kanilang iniiwasan ang sobrang mga istilo ng sanlibutang ito ngunit ang hitsura nila’y kaakit-akit, anupa’t isinasa-isip nila na sila’y mga ministro na kumakatawan sa Soberano ng sansinukob, si Jehova. Hayaang pintasan ng matandang sanlibutan ang kanilang mahihinhing pananamit. Sila’y hindi nangangahas na payagang ang mga saloobin ng sanlibutang ito ay humila sa kanila na babaan ang kanilang mga pamantayang Kristiyano. “Ito, samakatuwid, ay sinasabi at pinatotohanan ko alang-alang sa Panginoon,” ang isinulat ni apostol Pablo, “na kayo’y hindi na lumalakad na gaya ng mga bansa sa kawalang kawawaan ng kanilang mga isip . . . Yamang wala silang bahagya mang wagas na asal, sila’y napahikayat sa kalibugan upang gumawa ng lahat ng uri ng kahalayan.” (Efeso 4:17-19) Ang maygulang na Kristiyano ay mananamit nang may kahinhinan, at hindi lumalakad gaya ng paglakad ng mga bansa.—1 Timoteo 2:9, 10.
19. Pagkatapos na matalakay natin ang dalawang pangunahing sangkap ng “hangin” ng sanlibutang ito, ano ang nakikita na natin tungkol sa panganib na malanghap ito?
19 Hanggang dito, ating natalakay ang dalawa lamang sangkap ng “hangin” ng sanlibutang ito. Subalit nakita na natin na ang “hangin” na ito ay totoong nakapipinsala sa espirituwal na kalusugan. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang iba pang mga sangkap ng nakamamatay na “hangin” na ito na patuloy na ibinubuga sa mga Kristiyano ng Diyablo at ng kaniyang sistema, sa pag-asang ang mga ito’y padadala rito. Napakahalaga nga na ating iwasan ang gayong “hangin,” sapagkat ang pagpapadala sa espiritu ng sanlibutang ito ay nakakatulad ng paglanghap ng alimuom na nagdudulot ng kamatayan!
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang “hangin” ng sanlibutang ito, at sino ang may kapangyarihan dito?
◻ May anong “kapangyarihan” sa mga tao ang “hangin” ng sanlibutan?
◻ Bakit masasabing ang mga Kristiyano ay naroon sa isang lugar na may karatulang “bawal manigarilyo”?
◻ Kung tungkol sa pakikipaglaro sa mga bagay na imoral, paanong maaapektuhan ng “hangin” ng sanlibutang ito ang mga lingkod ni Jehova?
◻ Paano tayo matutulungan ng kahinhinan upang maiwasan natin ang impluwensiyahan ng “hangin” ng sanlibutang ito kung tungkol sa pananamit at pag-aayos?
[Larawan sa pahina 10]
Ikaw ba’y tumatangging lumanghap ng nakamamatay na “hangin” ng sanlibutang ito?
[Larawan sa pahina 13]
Ano ba ang ginagawa mo pagka ang bahagyang “hangin” ng sanlibutang ito ay mapadpad patungo sa iyo?